CHAPTER THREE

PAGDATING ko sa klase ay agad akong naglagay ng bag sa upuan sa tabi ko para wala nang ibang maupo doon. Maaga talaga akong pumasok para makakuha agad ng mapupwestuhan dahil medyo kinukutuban kasi ako na doon mauupo si Raeken pagpasok niya mamaya. Kapag nakita niyang may bag doon, baka sakaling maupo siya sa ibang pwesto. Kapag nakaupo na siya, saka ko pauupuin doon ang kung sino mang kaklase namin.

Basta ayoko lang talaga siyang makatabi sa upuan. School buddy man niya ako, hindi naman ibig sabihin noon dapat rin kaming maging seatmates.

Hindi nagtagal ay nagsimula nang okupahin ng iba kong kaklase ang mga upuan. Iilan na lamang ang bakanteng upuan, pero wala pa rin si Raeken.

Napailing na lamang ako. Paimportante lang? Porke sikat kelangan grand entrance siya? Parang ewan.

Napahikab na lamang ako habang nakapangalumbaba, tapos ay napatingin na lamang ako sa bintana at tumanaw sa malayo. Nakaramdam ako ng antok sa kinauupuan ko, dahil na rin siguro sa maaga kong paggising kanina.

Dahil doon, hindi ko na namalayan nakatulog na pala ako. Ilang minuto rin akong ganoon, hanggang sa naramdaman ko na lamang ang isang kamay na nakapatong sa ulo ko.

Unti-unti kong iminulat ang mga mata ko, at umayos nang pagkakaupo. Parang may kung anong bumara sa lalamunan nang makita kong professor pala namin ang gumising sa akin.

Pucha! Nakakahiya!

"Ms. Martirez, napasarap ata ang tulog natin ah."

Ni hindi ako makatingin sa kanya. "S-sorry po."

"May nakaupo ba diyan sa tabi mo? Baka kasi pwedeng dyan na lang maupo itong isa pa nating estudyante dito. Occupied na kasi lahat eh. Hindi naman siguro nakakahiya diyan sa bag mo, ano?"

Nagtawanan ang iba kong mga kaklase kaya medyo napahiya ako doon. Pinilit ko na lamang ngumiti habang nililipat ang bag ko sa ilalim ng desk ko.

"S-sorry po, Sir..." nahihiya kong tugon sa professor ko habang nagkakamot ng batok.

Nginitian ako ng professor kong iyon bago niya pinapasok ang huling estudyante. "Mr. Arevalo, you may take the seat beside Ms. Martirez."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. A-ano daw? Mr. Arevalo? It can't be...

Halos mapamura ako nang makita ko ang huling estudyanteng pumasok sa room namin. Matangkad, naka-brush up ang itim na buhok, matalim tumitig ang mga mata, maninipis na labi...

It's that brat.

Nalintikan na. Ginawa ko naman ang lahat, pero sa huli, makakatabi ko pa rin pala sa upuan si Raeken.

Tahimik siyang naupo siya sa tabi ko, at parang pinipigilan niya ang paglitaw ng ngisi sa mukha niya. Wala na akong pakialam kung permanente nang nakatingin sa kaliwang parte ng room ang ulo ko kung iyon lang ang paraan para makaiwas akong tumingin sa direksyon niya.

Pero teka, bakit ba ako umiiwas? Wala naman akong ginawang atraso sa kanya ah.

Huminga muna ako nang malalim bago ko siya hinarap. Saktong paglingon ko sa kanya ay nakatingin naman siya sa harap ng klase dahil nakikinig siya sa professor namin.

And once again, I managed to stare at his handsome face even more closely.

In fairness. Gwapo talaga siya.

Ibang klase rin talaga ang tangos ng ilong niya. Gusto ko kapag nagkaanak ako ganyan rin ang ilong. Pati yung kutis niya nakakaloka rin eh. May pores pa ba siya? Bakit parang wala akong makita? Kung wala siyang pores, saan lumalabas ang pawis niya? Makapal rin ang buhok niya, parang ang sarap hawakan. Siguro –

"May matututunan ka ba kapag sa akin ka nakatingin? Sa harap ka tumingin para hindi ka sitahin ng professor," biglang untag niya sa akin.

"Feeling mo naman sayo ako nakatingin," bulong ko sa kanya.

"So saan ba?"

Hindi ako nakasagot. Siya lang naman ang katabi ko, kaya magmumukha lang akong ewan kapag nagpalusot pa ako.

Nang hindi na siya sumagot, nakarinig ako ng marahang tawa mula sa kanya.

"Hindi mo na ako kailangang titigan. School buddy naman kita kaya makikita mo ako halos araw-araw. Magsawa ka kakatitig sa akin, okay?" tugon niya pabalik sabay ngisi sa akin. "Hinay-hinay lang. Baka ma-in love ka."

Pinaningkitan ko na lamang siya, bago ko ibinaling ang tingin ko sa harap ng klase. Mukhang kailangan kong pagtiisan ang presensiya ni Raeken, lalo na ang pag-uugali niya.

Para sa scholarship na lang, Wendy. Para sa scholarship.

HINDI pa man nangangalahati ang araw, pakiramdam ko ay pagod na ako habang iniisip kong magkasama kami ni Raeken buong araw. Maliban kasi sa school buddy niya ako, nadiskubre ko kanina lang na magkaklase rin kami sa halos lahat ng subjects dahil nga pareho kaming irregular students.

Habang papalapit ako sa room namin ay parang gusto ko nang tumakbo papunta sa dean at bawiin ang pagpayag ko, pero kung hindi lang talaga dahil sa scholarship na makukuha ko ay hindi ko gagawin ito.

Kung tutuusin ay pwede naman akong mag-part time job para sustentuhan ang pag-aaral ko, pero hindi naman ako sobrang talino at magaling sa time management. Baka mabagsak lang ako kapag nagkataon. Pwede rin naman akong mag-enroll sa ibang school, pero wala namang pag-asa na makapasok ako sa mga school na iyon dahil nga ayaw ni mama na tumuloy ako sa pag-aaral ng medisina.

Itong scholarship na lang ang pag-asa ko para talagang maipagpatuloy ko ang pagtupad sa pangarap kong maging doktor. Kung kailangan kong pagtiisan ang presensya ni Raeken, gagawin ko para lang dito.

Napatingin ako sa pagkain sa harap ko. Parang ayoko nang ubusin. Habang naiisip ko na makakasama ko pa si Raeken hanggang bago mag-uwian ay nawawalan lang ako nang ganang kumain. Paano naman kasi –

"Move your plate."

Nagulantang ako nang marinig ko ang tinig na iyon. Kilala ko kung kanino galing ang boses na iyon, kaya nga para akong may stiff neck habang tumitingala sa pinanggalingan ng mga salitang narinig ko.

Sabi na eh. Hanggang lunch break ba naman didikit pa rin sa akin ang spoiled brat na 'to?

Binagsak ko ang mga kubyertos sa plato ko at napabuntong-hininga na lamang. "Ano na naman ang kailangan mo, Raeken?"

"Kakain ako ng lunch. Bawal ba?" sabi niya bago niya pasimpleng inusog ang plato ko gamit ang tray na dala niya. "Tsaka school buddy kita, hindi ba?"

"Hanggang lunch ba dapat magkasama pa rin tayo?" naiinis kong tugon.

"Pwede rin namang hindi. Then you can say goodbye to the scholarship you badly want," tugon niya habang nakapangalumbaba at nakangisi sa akin.

Napapikit na lamang ako sa sobrang pagkairita, bago kinuha ang baso ng tubig sa tabi ng plato ko. Maingay ang paglunok ko ng likidong dumadaan sa lalamunan ko. Pakiramdam ko doon ko na lang maidadaan ang pagdadabog ko.

Nang medyo kumalma ako ay itinuloy ko na ang pagtapos ng pagkain sa plato ko. Pero bago pa man ako makasubong muli ay biglang inilagay ni Raeken ang baso niyang walang laman sa harap ko.

Tinaasan ko siya ng kilay. "Ano yan?"

"Lagyan mo ng tubig. Naubos ko na eh."

"School buddy mo ako, hindi katulong. Kaya kung pwede lang, huwag mo akong uutusan nang ganyan," mariin kong tugon sa kanya.

Abuso na rin ang lalaking 'to ah. Sa halip na sumagot ay nanatili siyang nakatingin sa akin, na para bang sinasabi ng mga mata niya na, 'Wala kang choice. Gagawin mo sa ayaw at sa gusto mo dahil hawak ko ang scholarship mo.'

I rolled my eyes. Kinuha ko na ang baso kaysa naman hintayin ko pang ipam-blackmail niya sa akin ang scholarship ko.

Habang naglalakad ako palapit sa water dispenser ay biglang nagkaroon ng komosyon sa mesa na malapit sa kinatatayuan ko. Pagtingin ko ay nagkakagulo ang ilang mga babae dahil sa kasamahan nilang parang nahihirapang huminga. Maya-maya ay lumapit na ang ilan pang mga estudyante, at pinagtulungan nilang kargahin ang kasama nila para dalhin sa infirmary.

Gusto ko sanang ilayo pa ang tingin ko mula sa kanila dahil paniguradong matitrigger ang MTS ko, pero hindi ko na nagawa. Unti-unti ay naramdaman ko ang paninikip ng dibdib ko, at para bang may kung anong nakabara sa lalamunan ko.

Noong mga oras na iyon ay nagkakagulo na ang lahat dahil sa nangyari, habang ako naman ay pilit na naglalakad pabalik sa mesa naming ni Raeken kahit pa nahihirapan ako.

"O, bakit andito ka na? Yung tubig ko?" tanong niya sa akin.

Hindi ako sumagot. Napahawak ako leeg ko, at pilit kong hinihila ang kwelyo ng suot ko, umaasang makakatulong iyon para umayos ang paghinga ko. Pero wala talaga. Nahihirapan pa rin akong huminga.

Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Raeken nang makita ang kalagayan ko, kaya agad siyang tumayo mula sa kinauupuan niya.

"Okay ka lang ba? Anong nangyayari sayo?"

"N-nahihirapan akong huminga..."

Hindi na nagdalawang-isip pa si Raeken. Agad niya akong kinarga mula sa kinauupuan ko. Medyo nahihirapan siyang dumaan dahil sa mga estudyanteng nakatayo at nakaharang kaya pakiramdam ko ay sobrang bagal ng paggalaw namin.

Habang pinapangko ako ni Raeken at dinadala sa infirmary ay ramdam ko ang mga titig ng mga schoolmates ko sa akin.

"Nagdadrama na naman yan."

"Sira ulo ba yan? Gaya-gaya lang eh."

"Yung kanina inatake ng allergy kaya nahirapan huminga. Ano naman kaya ang dahilan ng isang 'to?"

"Lagi namang ganyan ang babaeng yan. Noong may nahimatay nga noong school assembly, nakisabay din yang nahimatay. Pero wala naman daw siyang sakit kaya nagtaka rin yung nurse sa infirmary."

"Ano naman kaya ang makukuha niya sa paggaya doon sa nag-pass out na estudyante? Parang timang."

"Ang weird talaga ng babaeng yan. Akala mo kung sinong artista. Pa-importante masyado."

Hindi ko mapigilan ang pamumuo ng luha mula sa mga mata ko. Habang naririnig ko ang mga sinasabing iyon ng mga tao ay lalo akong pinanghihinaan ng loob. Lalong bumababa ang tingin ko sa sarili ko. Pakiramdam ko rin tuloy, kaartehan na lang rin itong mga nararamdaman ko.

Pakiramdam ko may nagawa akong kasalanan sa first life ko kaya may kondisyon akong ganito.

Habang ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko, tuluyan nang umagos ang luha mula sa mga mata ko. Pagkatapos noon, unti-unting dumilim ang paligid ko.

Until everything went black.

NANG magising ko ay hindi ko kaagad iminulat ang mga mata ko. Sa halip ay pinakinggan ko muna ang mga tunog sa paligid ko. Pero ang tanging naririnig ko lang ay pagmumura at mga reklamo ng isang lalaki na sa tingin ko ay nakaupo lang malapit sa kinahihigaan ko.

"Bad trip. Kung hindi ba naman kasi tanga ang mga team mate ko. Napagtutulungan tuloy ako."

Si Raeken na naman? Sa sobrang distinct ng boses niya ay imposibleng hindi ko siya makilala. Pakiramdam ko tuloy binabangungot ako kasi siya na naman pala ang kasama ko. Kainis.

Iminulat ko ang mga mata ko, at napatitig ako sa kisame. Kulay asul. Pakiramdam ko tuloy nakalutang ako sa dagat habang rumerehistro sa utak ko ang kulay na iyon. I have always associated the color blue with the sea, kaya kapag napapatitig ako sa kahit anong bagay na ganoon ang kulay, pakiramdam ko ay lumulutang ako sa tubig. Dahil sa kondisyon ko, mas literal kong nararamdaman ang lamig at kalmadong alon ng dagat.

Ito rin ang dahilan kung bakit gustong-gusto ko dito sa infirmary ng school namin. Mas komportable pa ako dito kaysa sa sarili naming bahay. Dito na lang kaya ako tumira?

"Gising ka na pala," biglang untag ni Raeken. Napansin niya atang gising na ako. "Napano ka ba? Kanina lang hindi ka makahinga, tapos nag-pass out ka habang bitbit kita. Pero sabi ng doktor wala ka naman daw sakit. Pero baka stressed ka lang."

Isang malamig na titig lamang ang ibinigay ko sa kanya sabay sabing, "Wala ka nang pakialam dun."

"Imbes na ikaw ang maging bantay ko, ako pa tuloy ang nagbabantay sayo. Hindi mo ba alam na nag-alala ako sayo?" ani Raeken habang hawak niya ang phone niya. Sa tingin ko ay naglalaro siya ng isang mobile game dahil ni hindi niya magawang maialis ang mga mata sa screen nito, at panay rin ang mabilis na paggalaw ng mga daliri niya.

Dahan-dahan akong bumangon mula sa pagkakahiga at pinagmasdan ang paligid. Doon ko lamang napagtanto na nasa infirmary na pala ako.

Napabuntong-hininga na lamang ako habang inaalala ko ang mga nangyari kanina. Bakit ba kasi ganito pa ang naging kondisyon ko? Istorbo na nga sa pag-aaral ko, nagiging dahilan pa ng pangungutya sa akin ng mga kaklase ko.

"Ano ba kasi ang nangyari sayo kanina? Akala ko natural ka lang na maputla. Hindi ko akalain na sakitin ka pala."

Hindi ko na lamang siyang pinansin, at tumayo ako mula sa higaan. "Wala ka nang pakialam doon."

Nang makita niyang tumayo ako ay agad niyang ibinaba ang phone niya at lumapit siya sa akin. "Saan ka naman pupunta ngayon?"

"Babalik sa classroom."

"Mamaya na," tapos ay pilit niya akong pinaupo muli sa kama. "Magpahinga ka muna dyan."

Isang mapagdudang titig ang ibinigay ko sa kanya. Ano naman kaya ang balak nito?

"O, ano namang tingin yan?" He hissed and smirked. "Wala akong balak sayo. Feeling mo naman. Gusto ko lang na magpahinga ka muna dito dahil mamaya baka kung ano na naman ang mangyari sayo. At tsaka ayoko pang bumalik sa klase ano. Exempted ako ngayon dahil nga nag-volunteer akong bantayan ka dito, kaya mamaya ka na bumalik. Naglalaro pa ako dito." Tapos ay kinuha niya ang phone niya at muli na siyang naglaro.

Hindi na ako sumagot pa, at sa halip ay ipinagpatuloy na lamang ang pagtitig sa kanya. Biglang sumagi sa isip ko ang mga katanungang matagal ko nang gustong itanong sa kanya.

"Ikaw yung lalaking nabangga ko noong enrolment, hindi ba?" diretso kong tanong sa kanya.

Mula sa screen ng phone ay nalipat sa akin ang mainit niyang titig. "Bakit? Gusto mo ba yung lalaking yun?"

Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa naging tugon niya. "Sagutin mo na lang kasi ang tanong ko."

"Si Randall yun. He's my older twin brother. Siya yung nabangga mo," malamig niyang tugon bago muling tinutok ang mga mata niya sa phone na hawak niya.

Napaisip akong muli. Somehow, it made sense. Kamukhang-kamukha niya ang lalaking nakabangga ko noong enrolment, pero iba ang ayos at asta. Identical twins na magkaiba ang mga trip sa buhay, parang ganoon.

Pero hindi ko alam kung bakit nahihirapan akong maniwala sa sagot ni Raeken sa akin. Hindi ko naman sinasabing nagsisinungaling siya, pero hindi ko lang talaga kaya na basta na lang balewalain ang kutob ko.

There's something else about him. Sigurado ako doon.