UMABOT pa naman ako sa dalawa pang subjects pagkatapos kong lumabas sa infirmary. Alam kong kung anu-ano na ang pinagsasasabi ng mga kaklase ko tungkol sa akin, pero wala na akong pakialam dun. Masakit, oo, pero syempre titiisin ko na lang iyon. Kahit pa ayokong pumasok, hindi rin pwede dahil ayokong mamiss ang mga lessons namin. Tsaka mas lalo lang nila akong pagtsitsismisan kapag wala ako.
Paulit-ulit lang naman kasi eh. Kesyo nag-iinarte daw ako, papansin, nagdadrama, at kung anu-ano pa. .Pero tiniis ko na lang iyon habang nasa klase ako eh.
Nasasaktan ako at naiinsulto, pero hindi ko naman magagawang ipagtanggol ang sarili ko dahil wala namang maniniwala. Isa pa, kahit naman ipaliwanag ko ang kondisyon ko, mahihirapan pa rin silang intindihin iyon. Karamihan naman kasi sa kanila, makitid ang utak o kaya naman ay mahina umintindi.
At tsaka wala namang makikinig sa akin. Sino ba naman ako para pakinggan nila? Buti sana kung maimpluwensiya din ako kagaya nitong si Raeken.
Napatingin ako kay Raeken na nasa tabi ko. Papalit-palit ang tingin niya - minsan sa papel, minsan sa professor namin. Aba. Kahit pala maangas ang mokong na ito, nag-aaral naman pala. Andami na sigurong nasulat na notes ng -
Ay, hindi na man pala.
Mukha lang siyang nakikinig, pero imbes na magsulat ng notes ay abala si Raeken sa pagguhit sa notebook niya. Sinasabayan niya pa ng pagtango-tango, para kunwari may naiintindihan siya sa tinuturo ng professor namin. Pero ang totoo ay wala naman talaga siyang natututunan at panay drawing lang ang ginagawa niya. Para lang siyang nagsusulat kaya hindi siya nasisita.
Pero mula sa pwesto ko ay halatang-halata na gumuguhit lang siya ng isang caricature ng professor naming na walang kaalam-alam na pinagtitripan na pala ang itsura niya.
Hindi ko na napigilan pang mapatitig sa ginagawa ni Raeken. In fairness kay mokong. Marunong siyang mag-drawing. Akala ko puro mukha lang ang meron siya. May talent naman pala.
"Galing mo ah."
Agad niyang sinara ang notebook na ginuguhitan niya, tapos ay tinitigan niya ako nang masama. "Huwag mo ngang tingnan ang ginagawa ko."
I rolled my eyes at him. "Paanong hindi ko yan makikita eh nasa tabi kita? Anong akala mo sa akin, bulag?"
Para siyang bata na inaagawan ng laruan sa ekspresyon ng mukha niya ngayon. "Kahit na. Huwag kang titingin. Baka mamaya mahalata pang pareho tayong hindi nakikinig."
"Hala siya. Ikaw lang yun, ano. Hindi ako," sabi ko, bago muling ibinaling ang atensyon ko sa professor namin na patuloy pa rin sa pagtuturo.
Habang nakikinig ako ay patuloy pa rin ang palihim kong pagsulyap sa ginuguhit ni Raeken. Hindi ko lang talaga kasi mapigilang mabilib, lalo na't wala naman akong talent sa pagguhit.
Mukha ring hilig niya talaga iyon. Pero kung sa pagguhit siya magaling at iyon ang gusto niyang gawin, bakit ito pa ang naging course niya? Pwede namang mag-concentrate na lang siya sa pagdrawing.
Napakibit-balikat na lamang ako. Baka naman hobby niya lang talaga ang gumuhit. At tsaka bakit ba sobrang pakialamera ko na naman?
Umiiling-iling na lamang ako, bago tuluyang itinuon ang atensyon ko sa harap ng klase. Kung anu-ano na naman ang iniisip ko.
VACANT period namin ngayon, pero himalang hindi nakadikit si Raeken sa akin noong mga oras na iyon. Siguro napagtanto na ni mokong na hindi siya mag-eenjoy na dumikit-dikit lagi sa akin.
Napailing na lamang ako habang nakangisi. Mabuti na rin ito, para naman kahit papaano ay may oras ako sa sarili ko na hindi ko kailangang sayangin sa pag-intindi at pagsunod sa mga demands ng Raeken na iyon. Lintik kasi ang ungas na yun eh. Hindi naman sana ako maiirita sa kanya nang ganito, kaya lang tinatrato niya akong parang yaya niya. Akala niya ata sinasahuran niya ako para maging alalay niya dito sa school. Mukhang iba ang pagkakaintindi niya ng term na 'school buddy'.
O kaya, baka sinasamantala lang niya ang pagiging school buddy ko para lang mapagtripan niya ako. Pero bakit? Hindi ko naman natatandaang may ginawa ako sa kanya. Sira ulo talaga ang lalaking iyon.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Parang gusto kong matulog. Isang oras pa naman bago ang sunod naming subject kaya wala namang problema iyon.
Sinandal ko ang likod ko sa upuan, at nagsimulang humikab. Pero sa kalagitnaan ng hikab ko ay nakita ko si Raeken na nakatayo sa pintuan at pinagmamasdan ako.
Naputol ang paghikab ko, at agad kong tinakpan ng kamay ko ang nakabuka kong bibig. Punyemas. Nakakahiya.
Nakangisi siya habang papalapit sa akin. Naglalakad pa lang siya ay ramdam ko na ang isang masamang balita na sisira sa araw ko.
Iniabot niya sa akin ang isang piraso ng papel. "Take this."
Ni hindi ko na ito binasa, at agad kong pinaningkitan si Raeken. "Ano 'to?"
"Parental consent."
Tiningnan ko ang mga nakasulat sa papel, at nakumpirma kong hindi naman nagsisinungaling si Raeken. Pero nakakapagtaka lang kung bakit niya iyon ibinigay sa akin.
"Para saan?"
"Para sa outreach program sa Sabado."
Medyo naiintindihan ko na ang sa tingin ko ay balak ni Raeken, pero gusto ko pa ring makasigurado. "Anong outreach program sa Sabado?"
"Ah, nakalimutan ko palang sabihin sayo. Niyaya kasi ako ng student council na sumali sa outreach program nila sa weekend. Mamimigay lang naman tayo ng mga laruan at magpapakain sa mga bata doon sa ampunan na napili nila."
Tama talaga yung masamang pangitain na nararamdaman ko habang papalapit siya.
"Tapos?"
"Pumayag ako."
"So may parental consent ako dahil -"
"Kasi kasama ka rin sa outreach program," naiinis niyang tugon. "Hindi pa ba obvious? Take a hint, darn it."
Na-gets ko naman yun. Gusto ko lang marinig mismo na sabihin niya kasi baka mamaya mali pala yung hinala ko. Baka mamaya ako lang pala ang pinapapirma niya sa parental consent. Naging nanay niya na rin naman ako dito sa school kasi ultimo pagkain niya sa akin niya pa pinapaasikaso.
Ibinalik ko sa kanya ang parental consent. "Ayoko. Hindi ako sumasama sa mga ganyan."
"Wala ka nang magagawa. Nalista ko na ang pangalan mo. At tsaka school buddy kita, hindi ba? Dapat sumama ka."
"Wala namang kinalaman ang pagiging school buddy ko sayo sa mga extra-curricular activities na sinasalihan ko. School buddy mo lang ako kapag weekdays kasi weekdays lang naman tayo may klase. At tsaka school buddy mo ako, hindi yaya."
Tinaasan niya ako ng kilay. "Ayaw mong sumama?"
"Ayoko." Mariin ang naging tugon kong iyon.
"So ayaw mo rin ng scholarship?"
Nang marinig ko iyon ay isang matalim na titig ang agad kong ibinigay sa kanya. "O, bakit naman nasali ang scholarship ko dito?"
Naupo siya sa harap ko habang binibigyan ako ng isang nagyayabang na titig. "Ayaw mo kasing sumama. So ano, ayaw mo na rin ba ng scholarship mo? Madali iyong naibigay sayo, pero madali ring mawawala kung gugustuhin ko."
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi dahil sa inis, tapos ay inagaw ang parental consent mula sa kanya.
"Kung hindi lang para sa scholarship ko, hindi ako magtatiyaga sayo."
Isang ngisi lamang ang itinugon niya sa akin, bago siya tuluyang naglakad palabas ng room.
Nagkuyom ang mga kamao ko, at talagang tempted na akong batuhin na siya ng bag. Pero siyempre, hindi ko pwedeng gawin iyon dahil baka hindi lang ang scholarship ang mawala sa akin. Maimpluwensiya siya at ang pamilya niya, kaya hindi lang iyon ang pwede nilang tanggalin sa akin.
Napapikit na lamang ako sa inis habang hinihilot ang sentido ko. Pagtiisan mo na lang, Wendy. Para sa pangarap mo, okay?
PAGKAUWI ko sa bahay ay wala akong inabutang tao. Bumalik na kasi si lolo sa Bicol, habang sina mama at papa naman ay nasa trabaho pa. Naupo ako sa sofa at napatingin sa hawak kong parental consent. Noong mga sandaling iyon ay nagdedebate ang utak ko kung sasama ba ako o hindi sa outreach program ng student council sa weekend.
Gusto ko naman sana, lalo na't ampunan naman ang pupuntahan namin at mahilig naman ako sa mga bata. At tsaka gusto ko ring maramdaman yung fulfilment na nakukuha lang kapag may natutulungan kang tao. Gusto kong maranasan at maramdaman iyon.
Kaya lang, hindi naman ako kagaya ng ibang normal na estudyante na magagawa ang gusto nila nang basta-basta.
Inaalala ko rin kasi ang kondisyon ko. Paniguradong kung anu-ano na naman ang mararamdaman ko sa katawan ko kapag pumunta ako sa outreach program namin. Malilito na naman ako sa lahat ng sakit na nararamdaman ko, at hindi malayong mag-pass out na naman ako. Paniguradong pagchichismisan na naman ako ng mga kaklase ko.
Sasabihin na naman nila na umaacting ako, na pag-iinarte at pagpapapansin ko lang iyon. Ayoko nang maulit iyon. Parang binibiyak ang puso ko sa dalawa kapag ganoon. Pagod na akong makinig sa mga pang-iinsulto nila. Palagi na lang ako, palibhasa andami nilang pwedeng sabihing masama tungkol sa akin.
Gusto kong punitin ang parental consent na iyon. Lintik lang kasi eh. Dahil kay Raeken, namomroblema ako nang ganito. Siya ang nagdadala ng malas sa buhay ko. Nakakainis!
May araw rin talaga sa akin ang ungas na iyon. Makuha ko lang talaga ang scholarship ay okay na ako. Kakarmahin di siya.
Inilapag ko ang papel sa ibabaw ng mesa na nakapwesto sa harap ng sofa sa sala namin at sinandal ko na lamang ang katawan ko sa sofa. Malapit na sana akong makatulog habang ganoon ang pwesto ko, nang biglang dumating sina mama at papa.
"O Wendy..." ani papa sa akin habang hinuhubad ang sapatos niya, "Kanina ka pa ba?"
Tumayo ako para magmano kay mama at sa kanya. "Hindi pa naman po, Papa."
Habang dumiretso na si mama sa kusina, si papa naman ay naupo muna sa tabi ko. Agad niyang napansin ang parental consent sa mesa.
"Para saan iyon, anak?" tanong niya sa akin bago muling nilapag ang parental consent sa mesa.
"May outreach program kasi ang school namin sa weekend. Niyaya akong sumama nung isa kong kaklase."
"Gusto mo bang sumama dyan?" tanong sa akin ni papa.
Napahinga ako nang malalim. Gusto kong sabihin kay papa ang tungkol sa kondisyon ko, pero baka kung ano pa ang sabihin ni mama kapag narinig niyang iyon ang sinasabi ko, kaya iba na lang ang isinagot ko.
"Gusto ko naman sana, Papa. Kaya lang medyo nag-aalangan kasi ako. Hindi kasi ako komportableng kasama yung ibang pupunta doon. Wala rin naman akong ka-close kaya parang ang awkward kung -"
"O ayan. Sumama ka bukas. Tama 'yan para sayo. Para naman hindi ka laging nagkukulong dito sa bahay natin," biglang singit ni mama sabay abot sa akin ng pirmadong parental consent na iyon.
Habang nag-uusap kami ni papa ay kinuha niya pala ang parental consent sa ibabaw ng mesa sa sala namin.
"Pero 'Ma, ayoko namang sumama," tugon ko sa kanya. "Hindi naman ako komportable doon eh."
"Kaya nga mas maganda kung sasama ka. Para naman matuto kang makisalamuha sa iba. Baka mamaya niyan hindi ka na makapag-asawa, sige ka." Pagkatapos noon ay tumuloy na si mama sa kusina para tapusin ang kung anumang ginagawa niya.
Hinawakan ni papa ang kamay ko, tapos ay nginitian niya ako. "Sumama ka na lang, anak. Sayang naman, hindi ba?"
Isang matipid na ngiti na lamang ang itinugon ko. Paano ba naman ako makakatanggi, eh pumayag na pareho ang mga magulang ko. Naiintindihan ko naman na gusto lang ni mama na makisalamuha ako sa iba.
Pero iba naman kasi ang problema ko. Inaalala ko yung mirror-touch synaesthesia ko. Siguradong matitrigger na naman ako doon lalo na't madami rin ang tao.
Gusto kong sabihin iyon kay papa, pero siguradong hindi niya ako maiintindihan. Lalo na't sasabihan lang ulit ako ni mama na nag-iinarte or nag-iimbento ng kung anu-ano. Ayoko nang pasamain ang loob ko dahil siguradong magdamag na naman akong iiyak kapag nagkataon.
Kahit kailan talaga salot itong si Raeken. Kung hindi lang talaga dahil sa scholarship na hinahangad ko ay hindi ko naman siya pagtitiisan nang ganito.
Teka. Pwede naman akong hindi sumama eh.
Si Raeken lang naman ang nag-oobliga sa akin na pumunta doon. Siya lang naman ang nagpipilit, pero yung mga faculty at ibang estudyanteng sasama ay wala namang pakialam sa existence ko.
Si Raeken lang talaga ang dapat kong problemahin. Kung makakalusot ako sa kanya, wala na akong problema.
Pwede naman akong hindi pumunta sa meeting place bukas. Tapos pupunta na lang ako sa mall para hindi na mag-isip si mama kung bakit nasa bahay ako. Magpapalusot na lang ako na maysakit o kaya may family emergency. Iintindihin naman siguro iyon ni Raeken. Sira ulo lang ang spoiled brat na iyon pero hindi naman siya masamang tao.
Tama... Ang galing mo talaga, Wendy!