CHAPTER FIVE

"ANONG ginagawa mo dito?" tanong ko kay Raeken paglapit ko. Habang naglalakad ako papunta sa kanya ay natetempt talaga akong bigwasan siya.

"Eh 'di sinusundo ka," he replied like it was the most obvious thing in the world.

"Paano mo nalaman na dito ako nakatira?"

"Eh 'di nagtanong-tanong lang ako. Do you really think it's impossible for me to know where you live?"

Kalmado lang ang mukha ko, pero sa loob-loob ko ay isang buong diksyunaryo na ng mura ang nasabi ko. "Oo na, oo na. Pero bakit kailangan mo pa akong sunduin?"

"Naninigurado lang naman ako. Baka kasi mamaya hindi ka pumunta doon sa meeting place sa school, kaya pumunta na lang ako dito. At least alam kong hindi ka makakatanggi kapag andito ako."

Kinikilabutan ako kapag iniisip ko kung paano niya nahulaan na iyon ang balak ko. May sa engkanto ba ang lalaking 'to? Kaya niya bang basahin ang isip ko?

Hindi ako agad nakasagot. Ngumisi siya sa akin.

"Bakit hindi ka nagsasalita?" tanong niya sa akin. "Siguro tama ako, 'no? May balak kang hindi pumunta sa meeting place? Hindi ka aattend ng outreach program?"

"H-hindi ko naman kasi sinabing isama mo ako sa ganoon."

Tinawanan niya na lamang ako, tapos ay pinitik ang noo ko. "Hindi ka makakatakas sa akin. Sa ayaw at sa gusto mo, sasama ka."

"Kung hindi lang –"

"Anak, sino yan?"

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ni mama mula sa likuran. Napalingon ako agad, just to see my parents watching us from the door way.

"Good morning po, Ma'am, Sir. Kaklase po pala ako ni Wendy. Ako po si Raeken Arevalo," magalang niyang pagpapakilala sa mga magulang ko.

"Arevalo?" tanong ni Papa sa kanya. "Arevalo, as in..."

"Opo," magalang niyang tugon. "Si Senator Arevalo po ang tatay ko."

Nanlaki ang mga mata ni Papa, at halatang manghang-mangha siya sa presensiya ni Raeken.

"Ahh, ganun ba?" nakangiting tugon ni Papa. "Kasama ka siguro ni Wendy sa outreach program mamaya. Pumasok ka muna dito sa loob ng bahay namin. Mag-almusal ka muna."

"Wendy," ani mama sa akin, "Papasukin mo naman ang kaklase mo."

Nakakastress ha. Kakakilala lang nila kay Raeken pero ganyan na sila porke anak siya ng pulitiko. Itong mga magulang ko kung makaasta akala mo naman binisita ng isang artista dito sa bahay.

Pero hindi ko rin mapigilang mag-panic sa mga sinabi nila. Baka kapag pinapasok ko si Raeken sa bahay ay bigla niya akong isumbong. Hindi pwede iyon, 'no!

"Naku huwag na po. Aalis na rin naman po kami. Baka kasi ma-late kami doon sa meeting place," sabi ko habang marahang tinutulak papasok ng bahay ang mga magulang ko. Tapos ay agad kong kinuha ang bag ko. "Sige po, 'Ma, 'Pa. Aalis na po kami. Uuwi rin po ako kaagad pagkatapos ng outreach program namin."

Nagtatakbo ako palabas ng bahay para hindi na magtanong pa ang mga magulang ko. Agad akong lumabas ng gate at dumiretso kay Raeken na nakangisi pa habang pinapanood ako.

"Sira ulo ka rin, ano? Bakit ba kasi pumunta ka pa dito sa bahay namin? Wala tuloy akong choice kundi ang sumama sa bwisit na outreach program na 'yan," naiinis kong untag sa kanya.

"Iyon nga ang gusto ko eh. Yung wala ka nang choice kundi ang sumama na lang." Tapos ay binuksan niya ang pinto ng kotse niya at pumasok na siya sa loob. "Dito na lang tayo sumakay sa kotse papunta doon sa ampunan. May mga kung anu-ano pa kasing dadaanan yung bus na gagamitin bilang service vehicle. Mas mabilis kung sa akin ka sasabay."

Napailing na lamang ako at tumuloy sa may passenger's seat, pero mukhang locked ito. Kinatok ko agad ang bintana sa pwesto niya, kaya binaba niya ito agad.

"Naka-lock yung pinto dito."

"O tapos?"

"Paano ako makakapasok kung sarado?"

Tinaasan niya ako ng kilay. "Eh sino bang nagsabing diyan ka mauupo?" Binuksan niya ang pinto ng upuan sa tabi ng driver's seat. "Ano ka, prinsesa? Hindi mo ako driver. Dito ka sa tabi ko," masungit niyang untag sa akin.

I just rolled my eyes and sat beside him. Tapos ay padabog kong sinara ang pinto ng sasakyan.

Magsisimula pa lang ang buong araw ng pagtitiis, Wendy.

MARAMING mata ang nakatingin sa akin nang magpakita ako sa ampunan na venue ng outreach program naming noong araw na iyon. Halata namang hindi sila natutuwa na makita ako roon.

Pero ang mas hindi nila gusto ay ang katotohanang kasama ko si Raeken pagpunta ko doon at nakasakay pa ako sa kotse niya.

Andami kasing babae sa school naming ang halos sambahin na siya dahil nga gwapo siya at mayaman. At halos lahat naman sa mga babaeng iyon ay inis na inis sa akin, hindi lang dahil may pagkaweirdo ako, pero dahil na rin ako ang school buddy ni Raeken.

Ngayon, mas dumami pa ang mga naiinis sa akin. All because of Raeken.

Pero dahil may mga professor kaming kasama, wala naman silang pwedeng gawin sa akin. Hanggang titig lang sila ngayon.

"Hindi naman kasi ako dapat sasama dito. Ayan tuloy, pinagtitinginan nila ako," bulong ko kay Raeken habang nakapwesto kami sa pinakalikod at nakikinig sa mga professor na nagbibigay sa amin ng instructions.

"Eh ano naman? Hindi ka naman nila papatayin ah. At tsaka kung wala ka dito, hindi naman ako sasama sa outreach program na 'to. Pinipwersa lang talaga ako ng tatay ko."

Pinandilatan ko siya. "Ikaw lang naman pala ang obligadong pumunta dito eh. Bakit kailangang bitbit mo pa ako? Hindi naman siguro ito kasali sa pagiging school buddy ko."

"Hindi nga. Pero kaysa naman ma-bore ako dito, isasama na lang kita."

"Bakit ako pa?"

"You're my favorite person dito sa school, kaya gusto ko ikaw ang kasama ko."

Kahit nabibwisit ako kay Raeken, hindi ko naman mapigilan ang pamumula ng mukha ko dahil sa sinabi niya. Sasagot na sana ako, pero pinalapit na sa amin ang mga bata sa ampunan. Natigilan na ako sa pagsasalita nang yumakap sa paa ko ang isang maliit na batang lalaki na may matatabang pisngi.

Blue. Kapag may nakayakap sa akin, ang kulay na iyon ang nakikita ko. At kapag naiisip ko ang kulay na iyon, pakiramdam ko nasa dagat ako, palutang-lutang sa kalmadong tubig. Walang patutunguhan, pero payapa ang pakiramdam.

Napangiti ako, at agad ko siyang kinarga. May kabigatan man, hindi ko na iyon inisip dahil naaaliw ako sa bata.

"Anong pangalan mo?"

Ngumiti siya. "Jomar po. Pwede po ba, ikaw na lang muna ang mama ko?"

Natawa na lamang ako nang sinabi niya iyon, tapos ay pinisil ko ang mataba niyang pisngi. "Pwede naman."

Habang karga ko ang bata ay ramdam kong may nakatitig sa akin. Si Raeken.

"O bakit?" tanong ko sa kanya.

Napangisi siya habang may karga rin bata sa mga braso niya."It isn't so bad, right?"

Oo nga ano? Parang noong nakaraan lang ay nagrereklamo ako at nag-iisip ng paraan kung paano makakalusot sa outreach program na ito.

Somehow, I am glad that I went here.

It isn't that bad after all.

ILANG oras din naming nakalaro ang mga bata bago namin sila sabay-sabay na pinakain. Sinama ko si Jomar sa isang pwesto kung saan wala masyadong tao pero hindi naman ganoon kalayuan sa kinalalagyan ng iba naming kasama.

Habang pinapakain ko ang bata ay lumapit naman sa akin si Raeken kasama ang isang bata na mukhang mas matanda kay Jomar. Naupo sila sa tabi namin.

"Tulungan mo nga ako dito," ani Raeken sa akin.

"Bakit? May bata rin akong pinapakain oh," tugon ko habang sinusubuan si Jomar ng spaghetti.

"Ayaw niyang kumain eh," sabay himas sa buhok ng batang kasama niya na nakayuko at parang nahihiya.

"Baka kasi tinatakot mo kaya nagkaganyan."

"Hindi ah. Talagang ayaw niyang kumain. Hindi niya ginagalaw yung spaghetti. Kahit sinusubuan ko, ayaw pa rin."

"Eh bakit hindi mo tanungin?" tugon ko.

"Hindi naman nakakapagsalita si Kuya Elton..." biglang sambit ni Jomar na nakatingin nang direkta kay Raeken.

Napansin kong parang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Raeken. Siguro ay doon niya lang napagtanto kung bakit hindi siya sinasagot ng bata.

"Anong gagawin ko?" bulong sa akin ni Raeken. Mukhang nag-aalala rin siya para sa bata, lalo na't ayaw nitong kumain.

Hindi ako nakasagot agad. Nang titigan ko nang mabuti si Elton, nakaramdam ako ng matinding kirot sa ngipin ko. Sa sobrang sakit, parang gusto ko na lang tanggalin ang ngipin na iyon para hindi na ako mahirapan.

Kaya siguro ayaw niyang kumain. Hindi niya rin kasi magagawang ngumuya dahil sa sakit.

"Masakit ba ang ngipin mo?" tanong ko sa bata na pinapakain ni Raeken noong mga oras na iyon.

Napatingin sa akin ang bata, at napansin kong mukhang nagulat siya sa sinabi ko. Tapos ay tumango siya bilang tugon. Siguro ay hindi niya akalain na malalaman ko ang nararamdaman niya noong mga sandaling iyon.

Eh ano bang magagawa ko? Mararamdaman ko pa rin naman kahit ayaw ko.

Kahit papaano ay naging malaking tulong ang kondisyon ko para malaman kung ano ba talaga ang masakit sa batang iyon, lalo na't hindi siya nakakapagsalita.

"Paano mo nahulaan na masakit ang ngipin niya?"

"E-ewan. Basta napansin kong nahihirapan siyang kumain eh. Nahihiya lang siguro siyang ipakita sayo na may masakit sa kanya kaya umaayaw na lang siya sa pagkain," sagot ko.

Tumayo si Raeken mula sa kinauupuan niya. "Bantayan mo muna si Elton. Kukuha lang ako ng sopas para sa kanya. Tsaka gamot na rin para humupa yung sakit." Tapos ay tinapunan niya ako ng tingin. "May sa manghuhula ka rin ah..."

I hissed as I watched him leave. "Nagsalita ang lalaking nahulaan na wala akong balak umattend sa outreach program ngayon..."

Nang maiwan sa akin si Elton ay nginitian ko ito. "Huwag kang matatakot sa kanya ha? Hindi naman yun nangangain ng bata."

Natawa si Jomar sa sinabi ko, habang isang ngiti ang lumitaw sa maamong mukha ni Elton.

Gumaan ang pakiramdam ko noong mga oras na iyon. And somehow, I felt thankful that I had this rare condition.

It is not totally a curse, after all.

PAGKATAPOS kumain ng mga bata ay nagkaroon na ng program, kaya nagkaroon ako ng pagkakataon na kumain at magpahinga. Medyo maganda ang mood ko noong mga sandaling iyon dahil kahit papaano ay nagamit ko sa mabuting bagay ang kondisyon ko.

I guess I shouldn't hate this condition that much. Sana lang ay magawan ko ng paraan na makontrol ito. Mabuti na lang at sakit ng ngipin iyong kanina. Paano na lang kung atake sa puso o hika na? Baka mamaya mahimatay na naman ako.

Habang nagsasaya ang lahat sa program para sa mga bata ay umalis muna ako roon at dumiresto sa garden ng ampunan. Mukhang wala naman kasing tao roon. Doon muna ako magpapahinga.

Pero pagpasok ko ay napansin kong may isang matangkad na lalaki na nakaupo sa ilalim ng punong mangga. May hawak itong pusa.

Si Raeken yun ah.

Tahimik akong naglakad papalapit sa kanya, para naman hindi ko siya maabala sa ginagawa niya. Tapos ay nagtago ako sa likod ng puno.

"Ang bigat mo naman... Girl ka ba o boy?" Tapos ay tiningnan niya ang ilalim nito, at natawa siya nang bahagya. "Ah, girl ka pala. Akala ko pa naman lalaki ka kasi malaki ang katawan mo. May pangalan ka ba?"

Hindi ko napigilan ang sarili ko na mapangiti habang pinapanood ko si Raeken. Para kasi siyang bata na nakikipaglaro sa pusang nahanap niya. Kinakausap niya at parang hinihintay niya pang sumagot ang pusang tangan niya.

"Wala ka bang pangalan?" Naging mas malambing pa ang tono ng boses niya. "Nahihiya ka ba sa akin kaya hindi ka sumasagot? Hm?"

"Baka magsalita yan at talagang sagutin ang tanong mo, sige ka," biglang untag ko, dahilan para mapatayo siya mula sa pagkakaupo at mabitawan ang pusa na nanatili pa rin sa paanan niya.

Namumula ang mukha ni Raeken, at hindi siya makatingin sa akin. Parang akala mo ay nahuli ko siyang may ginagawang masama. Habang pinagmamasdan ko siya ay bigla ko na lamang naramdaman ang panlalamig ng mga kamay at ang malakas na pagtibok ng puso ko. Ganoon siguro ang nararamdaman niya ngayon.

Gusto kong matawa. Ganoon ba siya katakot na nahuli ko siyang may nilalarong pusa?

Kinuha ko ang pusa mula sa paanan niya at kinarga ito. "Mahilig ka pala sa mga pusa. Mukhang wala namang may-ari dito sa pusang 'to. Bakit hindi mo na lang iuwi?"

Panay ang iwas niya sa mga mata ko, pero pasimple niyang tinatapunan ng tingin ang pusang kanina lang ay nilalaro niya. Tapos ay inilagay niya ang mga kamay sa loob ng bulsa niya, at tumingin siya sa malayo.

"Hindi pwede. Ayaw ni Randall sa mga pusa. Magagalit rin si mommy kapag dinala ko 'to sa bahay namin."

"Malaki naman ang bahay ninyo. Hindi naman siguro yan makikita ng nanay mo."

"Kahit na. Basta hindi pwede." Hinarap niya ako na magkasalubong ang mga kilay. "Bakit ba mas magaling ka pa sa akin? Kung gusto mo 'yang pusa, eh 'di sayo na." Pagkatapos ay iniwan niya na lang ako bigla.

Gusto ko sanang mainis sa mga sinabi sa akin ni Raeken, pero mas namayani ang pagtataka ko dahil sa inasal niya sa akin dahil lang sa isang pusa. Sobrang defensive niya, na para bang meron siyang tinatagong malaking sikreto.

Hinihimas-himas ko na lamang ang ulo ng pusa habang sinusundan ko ng tingin ang papalayong si Raeken.

"Ano naman kaya ang problema ng ungas na yun?"