CHAPTER SIX

PAGKATAPOS ng activity namin sa ampunan ay nagtulong-tulong na ang lahat sa pagliligpit ng mga gamit at pagdadala nito sa mga sasakyan. Ang mga bata naman ay dinala na ng mga madre sa mga kwarto nila para magpahinga.

Habang abala ang lahat ay kasama ni Raeken ang iba naming mga lalaking schoolmate at nagtatawanan sila. Narinig ko ring may pinag-uusapan silang celebration, pero wala na akong pakialam doon. Hindi naman ako kasali eh.

Ayan. Sa kanila ka dapat dumidikit kasi pare-pareho naman kayong mukhang mga maaangas, ani ko sa sarili habang pinagmamasdan ko si Raeken kasama nila.

Napailing na lamang ako habang tumutulong ako sa iba sa paglilinis at pag-aayos ng mga upuan. Maya-maya ay lumapit sa akin si Raeken.

"May celebration mamaya. Sumama ka," sabi niya sa akin.

"Ayoko," tugon ko habang pinupulot ang mga plastic cups sa damuhan. "Kung gusto mong sumama, eh 'di sumama ka. Huwag mo akong dinadamay."

"Dapat sumama ka. Dapat lahat tayo nandoon," ani Raeken sa akin.

"Alam mo, napaka-diktador mo. Sinabi nang ayokong sumama eh. Tsaka alam ba ng mga professor natin na merong ganyan? Parang hindi naman yan kasali doon sa parental consent ah. Baka mamaya mapahamak pa ako," sagot ko.

"Inuutusan kitang sumama." Authoritative ang tono niya, pero hindi naman ako madadala nang ganoon.

"Hindi pa rin ako sasama. At huwag mo nga akong utusan. Kapag pinilit mo pa ako dahil lang school buddy mo ako, isusumbong ko kayo sa dean," matapang kong tugon.

Sa halip na sumagot ay basta niya na lamang akong tinalikuran at bumalik sa mga lalaki naming schoolmate. Ang iba naman ay isa-isa nang pumasok sa bus para makauwi na.

Nag-alinlangan akong sumakay doon dahil una, si Raeken ang kasabay ko kanina; pangalawa, paniguradong wala akong mauupuan sa mga bus na yan; pangatlo, hindi ako gustong makasama ng ibang mga schoolmate ko; at ang panghuli at pinaka-importante, siguradong matitrigger na naman ang kondisyon ko kapag sumakay ako sa school service.

Napahinga na lamang ako nang malalim. Mukhang magtataxi na lang ako ah.

Tahimik akong lumabas ng ampunan para hindi na nila ako mapansin at sitahin pa. Medyo matatagalan ako kung magcocommute ako, pero wala naman akong choice.

Hindi pa man ako nakakalayo ay nakarinig ako ng malakas na iyak mula sa likuran. Paglingon ko, nakasunod na pala sa akin ang pusang hawak ni Raeken kanina. Nagulat ako dahil hindi ko inakalang susunod at masusundan niya ako hanggang dito sa labas ng ampunan.

Agad ko siyang kinuha at hinihimas-himas. "Bakit ka sumunod?"

Gusto ko man siyang ibalik sa loob ng ampunan ay hindi ko na magagawa dahil baka makita lang ako ng iba ko pang mga kasama. Baka mamaya makita pa ako ni Raeken, pagdiskitahan na naman ako.

Napabuntong-hininga ako at tinitigan nang direkta sa mga mata ang maliit na pusa. Tapos ay napangiti ako. "Kung ayaw sayo ni Raeken, eh 'di akin ka na lang."

Medyo natagalan bago ako nakauwi dahil kinailangan ko pang maghanap ng masasakyan, at medyo may kalayuan rin ang tinitirhan ko mula sa venue ng naging outreach program namin. Pagdating ko sa bahay ay nagtaka ang mga magulang ko dahil may dala akong pusa.

"Andito na po ako. Medyo nahirapan akong mag-commute kaya ngayon lang ako," sabi ko habang nilalapag sa sahig ang bitbit kong kuting.

"Saan mo napulot yan?" tanong sa akin ni Papa na agad nilapitan ang pusang dala ko. Mahilig kasi sa mga hayop ang tatay ko.

"Doon po sa ampunan na venue ng outreach program namin. Nakasunod kasi sa akin habang pauwi ako, kaya kinuha ko na lang," sagot ko.

"Akala ko ba ayaw mong mag-alaga ng hayop?" tanong sa akin ni mama na kakatapos lang maghugas ng mga plato.

Naalala kong sinabi ko nga talaga iyon. Sampung taong gulang kasi ako noong masagasaan ang alagang aso ng lolo ko noong tumira kami sa Bicol ng ilang buwan. Dahil nga sa kondisyon ko, talagang inayawan ko na ang pag-aalaga ng mga hayop. Hindi ko tuloy mapigilang magtaka.

Bakit ko sinabing aalagaan ko ang pusang 'to?

"Kawawa naman kasi, 'Ma. At tsaka matagal ko nang sinabi iyon. Ngayon, gusto ko nang magkaroon ng alaga."

Tumango si Mama. "Tama yan. Sige, magmula ngayon dito na titira si... Teka, ano ba ang pangalan ng pusang yan?"

Napatingin ako sa maliit na pusang nakahiga sa paanan ko. Tanging si Raeken lang ang naaalala ko habang pinagmamasdan ko siya.

Ang pangit naman kung Raeken ang ipapangalan ko sa kanya. Ano nga bang totoong pangalan niya? Raeken Joseph ba yun... Ah, alam ko na.

"RJ. Yun ang pangalan niya."

Tapos ay nginitian ko ang pusa, na sinagot lang ako ng isang malambing na meow.

BITBIT ko pa si RJ habang humihikab akong naglalakad palabas ng kwarto ko kinabukasan. Inabutan ko sa sala si mama na nag-aayos ng sarili. Si papa naman ay nakabihis na at nanonood na lang ng telebisyon habang hinihintay ang nanay ko. May pupuntahan kasi silang reunion noon araw na iyon.

"Anak, gagabihin kami ng uwi. Magluto ka na lang ng pagkain mo. Marami namang pwedeng lutuin dyan sa ref."

Tumango ako habang dala ang isang baso ng gatas na kinuha ko mula sa kusina. Naupo ako sa tabi ni papa na nanunuod ng balita sa isang news channel habang ako naman ay abala sa pag-scroll sa phone ko.

"Wendy, hindi ba yan yung kaklase mo? Yung nanggaling na dito sa bahay natin?"

Napatingin ako sa telebisyon, at doon ko nakita ang video ng grupo ng mga estudyanteng nag-aaway. Sabi sa balita, ilan daw sa mga estudyante ng school namin ang nadamay sa rambulan na iyon. Pero agad naman na daw nag-release ng statement ang school president patungkol doon, na sadyang naroon lang talaga ang grupo nina Raeken sa bar na iyon noong mga oras na nangyari ang gulo. Wala naman daw silang kasalanan at marami naman ang makakapatunay doon.

Kung tutuusin ay hindi naman relevant ang pangyayaring iyon, at mukhan hindi naman talaga kasali sa gulong iyon ang mga schoolmates ko. Iyon nga lang, sumabit ang pangalan ni Raeken Arevalo.

Wala namang pakialam ang mga tao sa balitang iyon, pero dahil kasali ang pangalan ni Raeken, pipick-upin iyon ng maraming media platforms. Importanteng issue iyon lalo na't isa sa mga matunog na pangalan ngayon ang ama ni Raeken na kumakandidato bilang senador.

"Basagulero pala yang batang yan? Dapat dinidisiplina siya ng mga magulang niya," nasabi na lamang ni papa.

"Hindi naman sila makikipagbasag-ulo nang ganyan, Papa. Paniguradong nadamay lang sila diyan. Sila yung mga kasama ko noong outreach program. Nagkayayaan lang silang mag-celebrate kasi naging maayos yung naging activity namin. Minalas lang sila at diyan sila napunta. At tsaka hindi naman basagulero si Raeken, 'Pa. Kilala ko yun, at sigurado akong hindi niya gagawin 'yan."

Nagulat ako sa mga salitang lumabas sa bibig ko. Nanlaki talaga ang mga mata ko habang iniisip ko ang dahilan kung bakit bigla ko na lamang ipinagtanggol si Raeken sa tatay ko. Hindi ko alam kung bakit, but I really just felt the need to defend him, dahil totoo namang hindi ako naniniwala na gagawin niya iyon.

Habang palabas ang mga magulang ko ng bahay namin ay patuloy pa rin ang panonood ko ng balita, tapos ay bigla kong naalala ang mga magulang ni Raeken. Paniguradong mapapagalitan ang ungas na iyon dahil sa nangyari.

Sumagi tuloy ulit sa isip ko ang una naming pagkikita. Parang naramdaman ko ulit ang hapdi ng latay sa likod ng binti niya at ang sakit ng mga pasa at bugbog sa katawan niya kahit hindi ko naman siya nakikita. Hindi ako naniniwala na si Randall ang nakaharap ko noong araw na iyon gaya ng sinabi niya. Siya iyon. Si Raeken iyon. Sigurado ako.

Pero kung sinasaktan siya ng mga magulang niya, baka mangyari ulit iyon ngayon dahil nasangkot siya sa gulo. Paniguradong hindi lang sermon ang aabutin niya sa mga magulang niya.

I bit my lower lip in worry. Sana okay lang siya -

Teka. Bakit nga ba ako nag-aalala sa kanya? Responsibilidad niya naman ang buhay niya, kaya bakit pa ako nag-iisip ng mga ganitong bagay?

Maya-maya ay lumapit sa paanan ko si RJ at pinagmasdan niya ako.

"Hindi naman ako dapat nag-aalala nang ganito, hindi ba?"

Isang meow lang ang isinagot sa akin ni RJ.

PAGDATING ng Lunes, hindi ko alam kung bakit hindi ako mapakali sa kinauupuan ko.

Nang makita kong pumasok si Raeken sa loob ng silid na iyon, bigla ko na lamang naramdaman ang sakit sa buong katawan. Ramdam ko ang hapdi sa likod ng binti ko, pati na ang matinding sakit sa bandang likod at braso ko.

Pinanood ko siya habang naglalakad papunta sa kinauupuan niya sa tabi ko, pero laking pagtataka ko na parang wala lang sa kanya ang sakit ng katawan. Nagagawa pa niyang makipag-high five sa mga kaklase namin.

Nang maupo siya sa tabi ko, mas lalong tumindi ang sakit na iyon, kaya iniwas ko na lamang ang tingin sa kanya para kahit papaano ay mabawasan ang nirereflect kong sakit mula sa kanya.

"Napanood ko yung balita. Dapat kasi hindi ka na lang sumama doon," bungad ko sa kanya.

He just hissed and leaned on his seat. "Sus, okay lang yun. Tsaka hindi naman talaga kami kasali sa gulo. Nagkataon lang na nandoon kami, at naging big deal lang iyon sa media dahil naroon din ako. Yung balitang yun, gawa na lang ng mga kalaban ni Daddy sa pulitika. But everything's fine now. Ni-reprimand lang naman kami ng president ng school."

"Kahit na," I insisted. "Kung hindi ka pumunta doon, eh 'di wala na sanang issue."

Tapos ay hinarap niya ako at nginisian. "Bakit ba? Nag-aalala ka ba sa akin?"

Nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa sinabi niya. "Hindi ah. Nagtatanong lang ako."

"Hindi ka naman magtatanong kung hindi ka interesado, hindi ba?"

"Interesado lang ako sa nangyari, pero hindi sayo. Ang assuming neto..." Tapos ay iniwas ko nang muli ang tingin ko sa kanya.

"Akala ko pa naman nag-aalala ka. Kikiligin na sana ako."

"Feeling ka na naman."

Narinig ko pa siyang tumawa, bago niya kinuha ang phone mula sa bulsa niya at nagsimulang maglaro ng mobile games.

Patuloy ko siyang pinagmasdan, at napansin kong bahagyang bumabakat ng mga benda sa braso niya. Bahagya akong napangiwi habang pinapasadahan ko ng tingin ang parteng binti niya. Sobrang hapdi kasi ng mga latay niya doon, lalo na't naiipit pa ito ng pantalon na suot niya.

Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko na magtanong. "Raeken... Uh, okay ka lang?"

"Oo naman. Bakit mo natanong?" sagot niya sa akin, habang hindi niya inaalis ang tingin sa nilalaro niya.

"W-wala naman. Baka kasi nasaktan ka rin noong nagkagulo sa bar. Wala ka bang sugat o ano?" tanong ko.

"Wala naman. Ikaw ha..." nang-aasar niyang untag sa akin. "Nag-aalala ka pala sa akin. Pinapakilig mo naman ako masyado, Wendy."

Pinaningkitan ko na lamang siya. "Para kang tanga."

Pagkatapos noon ay itinuon ko na lamang ang pansin ko sa hawak kong notes. Habang nagbabasa ay hindi ko pa rin mapigilang mapaisip. Paano nagagawa ni Raeken ang lahat ng pisikal na sakit na iyon? At bakit hinahayaan niya lang na gawin iyon sa kanya? Bakit parang wala siyang kalaban-laban sa kung sinumang nananakit sa kanya?

Pasimple ko muling tiningnan si Raeken. Ano kaya ang nararamdaman niya ngayon? Galit ba siya? Malungkot? Natatakot?

Napatingin ako sa kamay ko. Kapag hinawakan ko siya, pwede kong maramdaman kung ano ang mga emosyon niya ngayon. Mas maiintindihan ko kung ano ang pinagdadaanan niya. Mas madali kong malalaman kung paano ko siya kakausapin at mapapaamin tungkol sa sitwasyon niya.

Hawakan ko na lang kaya siya para malaman ko?

Habang hindi siya nakatingin, pasimple kong inilapit ang kamay ko kay Raeken. Nang malapit ko nang mahawakan ang braso ni Raeken, bigla namang pumasok ang professor namin. Agad kong ikinuyom ang kamay ko at ipinatong ito sa armchair ng upuan ko.

Napahinga ako nang malalim. May iba pang pagkakataon, Wendy...

PAGDATING ng vacant period namin ay lumabas muna ako ng campus para bumili ng gamot ni Raeken. Hindi ko ito ginagawa para sa kanya, pero para sa sarili ko. Gusto kong gamutin niya ang mga sugat niya para naman mabawasan ang sakit na nararamdaman niya. Para naman sa ganoon ay mabawasan din ang sakit na nirereflect ko mula sa kanya.

Kung patuloy niya kasing hahayaan ang mga pasa at sugat niya ay mahihirapan akong mag-concentrate sa klase. Hindi naman ako katulad niya na minamani lang ang pag-tolerate ng sakit ng katawan.

Pagbalik ko mula sa pamimili ay hindi ko siya naabutan sa loob ng room, kaya hinanap ko siya sa ibang lugar. Matiyaga akong naghanap, hanggang sa makita ko siyang natutulog sa ibabaw ng bench sa lumang garden ng school. Wala naman kasing tao roon kaya mapayapa siyang makakatulog nang walang umiistorbo.

Ipinatong ko sa dibdib niya ang gamot. "Gamitin mo yan."

Iminulat niya ang mga mata niya, at nang makita niyang ako iyon ay naupo siya nang maayos, kaya nahulog ang mga gamot na binili ko sa lupa. Agad niya namang pinulot ang mga iyon.

"Ano 'to?" tanong niya sa akin habang hawak ang maliit na paper bag.

"Gamot sa sakit ng katawan tsaka panlinis ng sugat. May bandage na rin diyan kung kailangan mo," tugon ko sa kanya.

Muli niyang tiningnan ang mga gamot na dala ko, bago ibinaling ang tingin sa akin. "Bakit? Mukha bang may masakit sa akin?"

Gusto ko sanang pigilan ang sarili ko na magsalita, pero habang nararamdaman ko ang sakit ng mga pasa at sugat niya ay mas lalo akong napipilitang magsabi ng totoo.

Eh ano naman kung sabihin ko? Makabubuti rin iyon para sa kanya.

Agh. Bahala na nga.

Huminga muna ako nang malalim bago muling nagsalita. "Oo. Mukhang may masakit nga sayo. May mga pasa aka sa braso at likod. May mga latay rin sa likod ng binti mo. Kaya kunin mo na yang gamot. At kung pwede lang, ipagamot mo na yan sa infirmary."

Pagkatapos noon tinalikuran ko siya at naglakad ako agad para makalayo sa kanya.

"Sandali lang."

Natigilan ako nang sabihin niya iyon, pero agad kong ipinagkibit-balikat iyon. Nagpatuloy ako sa paglalakad, at mas binilisan ko pa nang maramdaman kong nakasunod na siya sa akin.

Pinilit ko pang bilisan ang paglalakad, pero naabutan niya pa rin ako. The next time I knew, Raeken is already holding my arm. Agad niya akong pinaharap sa kanya, and I swear I felt his stare pierce my soul.

Iba ang titig niya noong mga oras na iyon, pero pamilyar. Parang nakita ko na dati...

Yung lalaking nakabangga ko noong enrolment. Ganitong-ganito ang titig niya sa akin noon.

Habang magkadikit ang mga balat namin ni Raeken, maliban sa dumoble ang pisikal na sakit na nararamdaman ko, hindi ko na mapigilang maramdaman din ang mga emosyong nararamdaman niya noong mga sandaling iyon. Magkahalong kaba at pag-aalala, iyon ang nararamdaman ko mula sa kanya.

"P-paano... Paano mo nalaman yun?"

Hindi ako sumagot. Sa halip ay itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa pagpapalaya ng kamay ko mula sa pagkakahawak ni Raeken. Nang magtagumpay ako ay nagtatakbo ako papalayo sa kanya.

Hindi ko alam kung bakit ako lumalayo, basta ang alam ko ay kailangan ko nang makaalis doon bago pa lumaki ang problema ko.