ALAM kong nagdududa pa rin sa akin si Raeken, pero nakakapagtaka lang na hindi niya ako tinatanong o kinukulit ng tungkol sa nangyari kahapon. Pero mabuti na rin iyon. At least hindi niya ako inaabala at pinapaulanan ng mga tanong.
Medyo hindi lang talaga ako komportable na panay ang tingin niya sa akin. Naiintindihan ko naman siya. Sino ba naman kasi ang hindi mawiwirduhan sa akin, hindi ba? Ako nga nawiwirduhan din sa kondisyon ko.
Noong umagang iyon ay iniwasan kong magkausap kami. Ni hindi ako tumitingin sa kanya, at pinanatili kong abala ang sarili ko. Ayoko siyang bigyan ng pagkakataon para magtanong sa akin dahil wala akong maisasagot. Baka hindi niya rin ako maiintindihan kapag nagpaliwanag ako.
Baka ipagkalat niya pa. Parang mas binigyan ko pa sila ng dahilan para i-bully ako.
Napabuntong-hininga na lamang ako habang nakatanaw sa bintana. Medyo pinagsisisihan ko nang sinabi ko kay Raeken na nararamdaman ko ang mga pasa at sugat niya.
Kapag hindi ko kasi sinabi ay baka wala naman siyang gawin sa katawan niya. Hindi lang naman kasi siya ang nahihirapan. Pati ako rin. Kapag nakikita ko siya ay nararamdaman ko ang lahat ng sakit na nararamdaman niya, at mas lumalala iyon kapag malapit siya sa akin.
Hindi ako concerned sa kanya. Concerned lang ako sa sarili ko kasi nararamdaman ko yung sakit. Ganun lang iyon.
Mabuti nga at mukhang ginamot niya na ang sarili niya. Hindi na gaanong masakit ang mga pasa niya, at ramdam kong may benda na rin ang mga latay niya sa likod ng binti.
Napatingin ako sa wall clock. Limang minute na lang bago ang lunch break. Hah. Sa wakas. Makakalayo na ako ulit kay Raeken. Sana lang bilisan na ng professor naming na i-wrap up ang klase.
"So guys, next week, meron uli tayong outreach program," untag ng professor namin na isa ring doktor. "Magkakaroon tayo ng medical mission, so I am expecting your participation. Makakasama natin ang ilang mga estudyante sa College of Medicine ng school natin, pati na rin ang mga kasamahan kong doktor na willing sumuporta sa atin. By the way, kailangan ko ng tulong sa pagkuha ng mga gamot sa ospital. Anyone who would like to volunteer?"
"Ako po."
Napatingin ako sa pinanggalingan ng boses, just to see Raeken raising his hand. What the heck?
"Good!" magiliw na tugon ng professor namin, "Pero hindi naman pwedeng mag-isa ka lang. Maghanap ka na lang ng kasama mo –"
"Si Wendy na lang po."
Nagsalubong ang mga kilay ko nang marinig ko ang sinabi ni Raeken. Pinandilatan ko siya. Gusto ko mang umangal ay hindi ko magawa dahi nakatingin ang professor namin. Ayokong mapahiya. Hinintay kong lumabas ang professor naming bago ko sinita si Raeken.
"Hoy. Bakit ako?"
"Dahil ikaw ang gusto kong kasama. At isa pa, ikaw ang school buddy ko, hindi ba?"
"Lagi mo na lang bang gagamiting dahilan ang pagiging school buddy ko sayo para lang pasunurin ako sa lahat ng gusto mo?" naiinis kong tanong sa kanya.
He smirked at me before responding. "Oo naman. Mahihirapan ka kasing makatanggi."
I just gritted my teeth as I glared at him. May araw ka rin sa akin, Raeken Arevalo.
PAGDATING namin sa ospital ay hinihintay na kami ng professor namin. Nauna na kasi siya roon para i-pick up ang ibang mga gamot na kakailanganin sa medical mission.
Habang naglalakad kami sa loob ay nakaramdam ako ng kaba. Ospital ito, at maraming maysakit. Paano na lang kung makita ko sila? Lalo yung merong may mga malalang kondisyon? Ano na lang ang mararamdaman ko?
Gusto ko talagang murahin si Raeken noong mga sandaling iyon, at kung wala lang ang professor namin ay kanina ko pa siya binatukan.
Ay mali. Hindi ko rin pala pwedeng gawin iyon. Kapag nasaktan siya, masasaktan rin ako.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Bwisit na kondisyon 'to. Nagiging mabait ako kasi hindi ako pwedeng makapanakit. Ako lang rin kasi ang masasaktan kung sakali.
"Raeken, tulungan mo akong kunin yung ilang equipment sa conference room. Doon kasi nila tinipon yung ibang mga gagamitin. Wendy, ikaw na ang kumuha nung ilang gamot. Karamihan doon mga bakuna para sa mga bata," sabi sa amin ng professor.
"Saan ko po iyon hahanapin, Doc?" tanong ko sa kanya.
"Diretsuhin mo lang itong daan," tugon niya habang ikinukumpas ang mga kamay para makuha ko ang direksyon na itinuturo niya. "May maliit na kwarto sa dulo. Yung mga maliit na kahon ng gamot nasa tabi ng wheelchairs."
Tumango ako at naglakad papunta sa itinurong direksyon sa akin. Habang dinidiretso ko ang daan ay napansin kong kailangan ko palang lampasan ang geriatrics ward.
Pilit kong iniwas doon ang tingin ko habang naglalakad, pero nang marinig ko ang komosyon ng mga doktor at nurses doon ay hindi ko na napigilan pa ang sarili kong tumingin.
Isang matandang lalaki ang nakaratay sa isang kama na pinapalibutan ng ilang doktor at nurses na hindi na magkandaugaga sa pag-revive sa kanya. Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa defibrillator, sa cardiac monitor, sa oxygen tank, sa mga nurse, at sa mga kamag-anak na pasyente na umiiyak na.
I watched in pain and horror as the doctors did compression on the old man's chest. Habang pinapanood ko iyon, ramdam ko ang bigat at pressure ng mga kamay nila sa sarili kong katawan.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko noong mga sandaling iyon. Hindi ko magawang makaalis sa pwesto ko. Alam kong dapat akong tumakbo o gumalaw palayo, pero nanigas ako na parang bato.
Nakapako ang mga mata ko sa pasyenteng nag-aagaw buhay, at nanigas ako sa kinatatayuan ko dahil sa takot na nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Hindi ko alam kung dahil ba sa kaba o dahil iyon ang nararamdaman ng pasyente noong mga sandaling iyon, pero sigurado akong hindi na maayos ang pagtibok ng puso ko.
Hindi ko na makontrol ang sarili kong katawan dahil sa kondisyong meron ako. Nang pinasok ng mga doktor ang isang tubo sa lalamunan ng pasyente, napahawak ako sa leeg ko. Nakaramdam ako ng kung anong matigas at medyo matalim na bagay na nasa likod ng lalamunan ko.
Maya-maya ay naramdaman ko na ang mas lalong paghina ng katawan ko. Parang naging jelly ang mga tuhod ko, at agad naghanap ang kamay ko ng makakapitan para hindi ako matumba. I became light-headed. Pakiramdam ko ay lumulutang ako sa kawalan, at nahihirapan akong mag-isip ng susunod na gagawin dahil tinatraydor na rin ako ng sarili kong katawan. When my body went limp, bumagsak ang katawan ko sa sahig.
Deep inside me, I definitely knew I was doomed. Noong mga oras na iyon, ramdam ko talagang katapusan ko na. Na mamamatay na ako.
Mas lalo akong natakot. At sa hindi ko malamang dahilan, nakaramdam ako ng lungkot. Hindi ko alam kung sa akin talaga ang mga emosyon na iyon, o nirereflect ko lang ang nararamdaman ng matandang lalaking nag-aagaw buhay sa harap ko.
Naramdaman ko ang mainit na luha mula sa mga mata ko na umaagos pababa sa pisngi ko, bago tuluyang nagdilim ang aking paningin. Alam kong gising ako, pero wala na akong maramdaman at wala rin akong makita.
At habang unti-unting pumipikit ang mga mata ko, ramdam kong tila tumigil rin ang mundong ginagalawan ko.
NANG magising ako ay ang puting kisame ng silid ang sumalubong sa mga mata ko. Pakiramdam ko ay nanggaling ako sa kawalan, sa isang napakalalim na pagtulog. Bahagya ko ring hindi maramdaman ang mga kamay ko, at inabot ng ilang Segundo bago ko ito naigalaw. Iginala ko ang mga mata ko sa kinalalagyan ko, at saka ko lamang napagtanto na nasa kwarto pala ako ng ospital.
Ospital? Ah, tama. Unti-unting bumalik sa isip ko ang mga nangyari kanina. Yung lalaking nag-aagaw buhay dahil sa sakit sa puso. Parang naramdaman kong kumirot ang dibdib ko habang naiisip ko iyon, kaya agad ko ring iwinaglit ang pangyayari sa isip ko.
"Okay ka na ba?" Iyon ang pambungad na tanong sa akin ni Raeken nang mapansin niyang gising na ako. "Nahimatay ka kanina kaya andito ka ngayon. Wala ka naman daw ng sakit, pero mabuti na lang daw at hindi nabagok ang ulo mo noong bumagsak ka. May masakit ba sayo?" Ramdam ko na genuine naman ang ipinapakitang pag-aalala ng mokong.
Napatingin ako sa bintana ng silid na iyon. Madilim na sa labas. Fudge. Baka pagalitan ako nina mama nito.
"Anong oras na ba?" tanong ko habang inaayos ang upo ko sa gilid ng kama.
Tumingin si Raeken sa wristwatch niya. "Alas otso na ng gabi. Bakit?"
Kahit nanghihina ay pinilit kong tumayo. "Uuwi na ako. Baka hinahanap na ako sa amin."
"Ihahatid na kita," agad na tugon ni Raeken habang inaalalayan akong maglakad.
"Huwag na. Nakapagpahinga na rin naman ako. Kaya kong makauwi nang mag-isa."
"No, I insist. Besides kasalanan ko naman kung bakit ka andito eh. Kung hindi kita sinama dito, eh 'di sana hindi mangyayari 'to. Gusto ko lang naman kasing malaman kung tama ang hinala ko na may kakayahan kang i-reflect ang nararamdaman ng ibang tao. Hindi ko naman alam na –"
"A-anong sinabi mo?" Parang hindi ako makapaniwala sa narinig ko. "Sinama mo ako dito para lang malaman kung may kakayahan akong ganoon?"
Napansin kong natigilan si Raeken, na para bang nahuli ko siyang may ginagawang masama. Bahagya siyang hindi nakatingin sa akin, bago tumingin nang direkta sa mga mata ko.
"Nacurious kasi ako. Hindi mo naman ako masisisi. Pagkatapos mong malaman na may mga latay at pasa ako, nagtaka ako kung paano mo nalaman iyon nang hindi mo nakikita. Ni hindi nga nahahalata sa mga galaw ko na may masakit sa akin eh –"
"So dinala mo ako dito para lang doon?" Pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko na kung ano. Gusto kong umiyak, pero pinigilan ko ang paglabas ng luha mula sa mga mata ko. "Alam mo bang takot na takot ako kanina? Natatakot ako kasi pakiramdam ko mamamatay na ako. So ano, masaya ka na? Masaya ka na bang napatunayan mo yang mga iniisip mo?"
"Gusto ko lang naman kasing malaman kung tama ang iniisip ko..." mahinang tugon ni Raeken. Bakas sa tinig niya na inaako niyang guilty siya sa ginawa niya sa akin.
Hindi ko na napigilan pa ang mga luhang nagbabantang mahulog mula sa mga mata ko, kaya agad ko itong pinunasan gamit ang likod ng kamay ko. "Sige... Para mas maintindihan mo, ipapaliwanag ko sayo. Meron akong mirror-touch synaesthesia. Tama ka, nararamdaman ko ang nararamdaman ng iba kahit pinagmamasdan ko lang sila. Kaya nga ako umiiwas sa mga tao eh, kasi nahihirapan akong kontrolin 'to. Kaya basta na lang sumasama ang pakiramdam ko o kaya biglang magpapa-passout. Ano, okay ka na? Kuntento ka na sa sagot ko?"
Halata ko sa mukha ni Raeken na hindi niya alam ang gagawin. "Hindi ko naman kasi – H-hindi ko naman kasi alam na may nag-aagaw buhay doon. S-sorry. Gusto ko lang naman kasing malaman kung talagang may kakayahan kang maramdaman ang nararamdaman ng iba eh. Wala naman akong idea na magiging ganoon ang reaksyon mo."
Isang pagak na tawa ang binitawan ko. "Sana sa susunod, sasabihin mo muna sa akin kung pag-eeksperimentuhan mo ako, para naman hindi ako nabibigla, hindi ba? Baka mamaya mamatay na talaga ako, kargo pa ng konsensya mo," sarkastiko kong tugon sa kanya.
"H-hindi ko naman kasi sinasadya."
Tinalikuran ko na lamang siya at dumiretso sa pintuan para tuluyan nang lumabas. Pero bago ko pa man mapihit ang door knob, tumigil ako sa kinatatayuan ko at hinarap siyang muli.
"Sasabihin ko sa dean na ayoko nang maging school buddy mo. Sayo na yung scholarship. Isaksak mo dyan sa baga mo. At kung pwede, huwag ka nang lalapit sa akin. Please lang." Pagkatapos kong sabihin iyon ay tuluyan ko nang nilisan ang kwartong iyon.
Habang naglalakad ako palabas ng ospital ay hindi ko mapigilang mapaisip at sumama ang loob. Pakiramdam ko ay kakagaling ko lang sa isang malalim na pagtulog, na para bang namatay ako, kaya hinang-hina ang katawan ko.
Napabuntong-hininga na lamang ako habang iniisip ang mga nangyari. Feeling ko napaglaruan ako kanina. Ganito talaga siguro kapag kakaiba ka. Kung hindi ka nila kukutyain o pangingilagan, pagtitripan at pag-eeksperimentuhan ka nila.
Napahawak ako sa dibdib ko, at ramdam ko ang malakas na pagkabog ng puso ko sa loob nito. Hindi ko alam kung dahil ito sa nakita kong nag-aagaw buhay kanina, o dahil sa galit ko sa ginawa ni Raken sa akin.
Huminga ako nang malalim, umaasang huhupa na ito at kakalma na ang sistema ko.
Alam kong magiging problema ko ang pag-iwas kay Raeken kinabukasan, pero bukas ka na lang iisipin iyon. Sa ngayon, ang gusto ko lang ay makauwi na at makapagpahinga.
Pagod na pagod na ako.