CHAPTER EIGHT

HINDI ako makatulog. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari sa ospital kanina. Ramdam ko ang pagod sa katawan ko, pero hindi ko alam kung bakit hindi ako magawang dalawin ng antok.

Natakot kasi talaga ako kanina. Natatandaan ko pa ang pakiramdam nung matanda habang nag-aagaw buhay siya, hanggang sa tuluyan na siyang namatay. Akala ko talaga mamamatay na ako noong mga oras na iyon. Hanggang ngayon nga ay medyo kumikirot pa ang dibdib ko kapag naiiisip ko ang nangyari kanina.

Mabuti na lang talaga ay hindi ako masyadong inusisa ng mga magulang ko kung bakit medyo ginabi ako ng uwi. Napansin din ni mama na parang masama ang pakiramdam ko, pero nagdahilan na lamang ako na napagod lang ako sa school. Medyo pinagdudahan pa niya ako, pero in the end, hinayaan niya na rin akong magpahinga na lang.

Habang nakatitig ako sa kisame ng kwarto ko ay hindi ko mapigilang mapaisip. Hindi pa rin ako makapaniwala na gagawin iyon ni Raeken. Akala ko kasi ay hahayaan niya na lang ang kaweirduhan kong iyon. Pero hindi. Gumawa pa talaga siya ng paraan para alamin kung bakit at paano ko nalaman na merong masakit sa katawan niya.

Naiinis ako sa ginawa niya, oo. Pero ramdam kong sincere naman siya noong sinabi niyang hindi niya naman sinasadya na mapahamak ako nang ganoon.

Pero kahit na. Dahil pa rin sa kanya kaya halos mag-agaw buhay na ako habang nakikita ko yung matanda na inaatake sa puso kanina. Kung hindi niya ako dinala doon ay hindi naman mangyayari ito.

Dapat talaga ay lumayo na ako sa kanya. Ilang beses pa ba akong dapat mapahamak bago ako magtanda? Seryoso ako noong sinabi kong hindi ko na kailangan ang scholarship na iyon. Hindi bale na, ano. Magwoworking student na lang ako para matustusan ang pag-aaral ko ng medisina pagkatapos ko grumaduate ng college. Isaksak niya na lang iyon sa baga niyang bwisit siya.

Pero paano ko ba siya haharapin bukas? Paano ko siya iiwasan kung halos sa lahat ng klase ko ay kasama ko siya? Magkatabi pa kami sa upuan.

Napahinga na lamang ako nang malalim at ipinatong ang isang unan sa ulo ko para matakpan ang mukha ko.

Bahala na nga.

PAGPASOK ko kinabukasan, nauna na palang dumating si Raeken sa klase kaya naupo na siya sa upuan niya. Dapat pala pumasok ako nang mas maaga. Ang awkward tuloy maupo sa upuan ko dahil siya nga ang katabi ko.

Habang nakatayo ako sa pintuan ng room namin ay nagmamadali na akong mag-isip kung paano ako mauupo sa tabi niya. Ayoko talaga siyang makatabi dahil ayoko siyang bigyan ng dahilan na kausapin ako.

Hah... Bahala na nga. Kapag kinausap niya ako, hindi ko na lang siya papansinin.

Pero bago pa man ako makalapit sa upuan kong iyon sa tabi ni Raeken ay may isa kaming kaklaseng babae na naupo sa tabi niya at nakipagkwentuhan – si Jasmine.

Mukha itong may gusto kay Raeken, at panay pa ang pa-cute habang nakikipag-usap.

Napailing na lamang ako habang binibigyan ko sila ng isang malamig na titig. At dito pa talaga sa loob ng klase napili ng babaeng 'to na makipag-harutan kay Raeken. Ito namang si mokong, mukhang nag-eenjoy naman sa attention na nakukuha niya.

Pero sige. Kung nag-eenjoy silang mag-usap, hindi na ako mang-iistorbo.

Dumiretso ako sa upuan ni Jasmine, kinuha ang bag niya, at dinala iyon sa kanya.

"Diyan ka na lang maupo. Para naman hindi maputol ang kwentuhan ninyong dalawa," sabi ko habang inaabot ang bag kay Jasmine.

Napatingin sa akin si Raeken, at kitang-kita ko ang gulat at pagkalito sa mukha niya. Kalmado lang ako noong mga oras na iyon, kaya siguro nagtataka siya kung para saan ang ginagawa ko.

"Sigurado ka ba?" tanong sa akin ni Jasmine na parang hindi pa makapaniwala na talagang nagsalita ako.

"Oo. Doon na lang ako sa upuan mo. Okay lang ba?"

Kitang-kita ko ang kilig sa mukha ni Jasmine noong tumango siya sa akin bilang tugon. "Sige lang. Thank you, Wendy!"

Isang pekeng ngiti ang lumitaw sa mukha ko bago ako tumango at naupo na sa dating upuan ni Jasmine. Ramdam ko ang pagtataka sa tingin ni Raeken sa akin, pero wala na akong pakialam doon.

Sana naman makakuha siya ng hint sa obvious kong pag-iwas sa kanya na ayaw ko siyang makatabi o makasama.

Isaksak niya na sa baga niya ang scholarship na yan.

NANG matapos ang unang subject ay nagsilabasan ang iba naming mga kaklase para bumili ng pagkain, o kaya ay pumunta sa iba nilang mga klase. Dahil doon pa rin sa room na iyon ang susunod kong klase ay nanatili na lamang ako at naglaro na lamang ng mobile games para hindi ako mabagot sa paghihintay.

Habang naglalaro ako ay bigla na lamang may lumitaw na kamay sa harap ko at hinablot mula sa akin ang phone ko. Nang mapatingin ako sa may-ari ng kamay, ang seryosong mukha ni Raeken ang bumungad sa akin.

Agad ko ring binawi ang phone ko mula sa kanya. "Istorbo ka. Umalis ka nga dito."

"Bakit mo pinaupo doon sa upuan mo si Jasmine?" tanong niya sa akin. Halata ang inis sa tinig niya.

"Kasi doon niya gusto maupo. Hindi naman ako masamang tao para hindi siya pagbigyan."

"Pero doon ka nakaupo."

"Pero ayokong maupo doon," malamig kong tugon sa kanya. "Umalis ka na nga dyan. Naglalaro pa ako eh." Tapos ay ipinagpatuloy ko na ang paglalaro ko na naudlot kanina lamang.

Hindi pa rin umalis sa harap ko si Raeken. Nanatili siyang nakatayo doon at nakatitig sa akin. Ramdam kong may gusto siyang sabihin sa akin, pero pansin ko rin na nagdadalawang-isip rin siyang sabihin iyon.

"Sinabi ko na sayo, hindi ba? H-hindi ko naman... Hindi ko naman sinasadya," he barely managed to say.

Hindi ko na napigilan pa ang pagsasalubong ng mga kilay ko dahil sa pagpapaalala niya sa akin ng nangyari kahapon.

"Wala na akong pakialam kung sinasadya mo yun o hindi. Ang bottomline dito, napahamak ako nang dahil sayo. Ayokong makipagtalo sayo, at hindi ko rin kailangan na mag-sorry ka sa akin. Ang gusto ko lang, layuan mo na ako. Maghanap ka na lang ng ibang school buddy. Sa iba mo na lang ipain yang scholarship na yan. Kung mapapahamak lang naman ako nang dahil sa pagdikit ko sayo, 'di bale na lang 'no."

Magsasalita na sana ulit si Raeken para tumugon sa sinabi ko, pero dumating na ang professor namin para sa subject na iyon. Napilitan tuloy siyang bumalik sa upuan niya.

Pero kahit alam kong bumalik na siya sa pwesto niya, ramdam ko pa rin ang titig niya sa akin mula sa likod.

Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi. Dapat mainis ako sa kanya, pero sobrang conflicted ng nararamdaman ko ngayon. Ramdam ko kasing sincere siya noong sinabi niyang hindi niya naman sinasadya na mapahamak ako kahapon.

Pero hindi. Hindi ako basta magpapauto. Baka mamaya kung mapano na naman ako dahil sa mga ginagawa niya.

Magmula noong dumating siya sa buhay ko ay palagi na lang akong nadedehado. Una, nung nahimatay ako sa cafeteria dahil inutusan niya akong kumuha ng tubig malapit doon sa schoolmate naming inatake ng allergy. Pangalawa, pinwersa niya akong sumama sa outreach program ng school namin kahit ayoko. At pangatlo, iyong nangyari sa ospital.

Feeling ko, kapag nagtagal pa ako malapit sa kanya, mas dadami pa ang beses na mapapahamak ako. Kaya mas mabuti na rin siguro ito.

Na malayo ako sa kanya. Na malayo ako sa lahat.

Nagbago lang naman ang sistema ng buhay ko magmula noong dumating siya. Ngayong iniiiwasan ko na siya, oras na para ibalik ang buhay ko sa dati.

NASISIRAAN na siguro ako.

Kahit pa sinabi ko na sa sarili ko na ayoko nang makasama si Raeken, hindi ko mapigilang mainis habang ramdam ko ang paninibago na wala si Raeken sa tabi ko. Feeling ko tuloy sobrang nasanay na ako na lagi siyang nakadikit sa akin. Gusto ko na tuloy batukan ang sarili ko dahil sa mga naiisip kong ito.

Mas lalo pang lumala ang nararamdaman ko nang makita kong kumakain nang mag-isa si Raeken pagdating ng lunch break. Pagkatapos ko kasing kumuha ng pagkain ay inilibot ko muna ang tingin sa paligid ng cafeteria para maghanap ng mauupuan. Nang mapadako ako sa pwesto niya ay nakita kong tahimik lang siyang kumakain doon.

Hindi ko na basta naialis ang titig ko sa kanya, kaya hindi na rin ako nagulat na bigla siyang mapatingin sa direksyon ko. Naramdaman niya sigurong nakatingin ako sa kanya kaya ganoon na lamang ang nangyari.

Nagtagal pa ng ilang segundo ang pagtitinginan naming dalawa, bago ko binawi ang titig ko sa kanya. Dumiretso ako sa isang bakanteng mesa hindi kalayuan sa kanya at doon naupo bago nagsimulang kumain nang tahimik.

Nakaharap ang upuan ko sa direksyon niya, kaya nakikita ko pa rin siya habang kumakain ako. Medyo pinagsisisihan ko na tuloy na doon pa ako naupo. Kung hindi lang talaga iyon ang namumukod-tanging bakanteng upuan doon ay hindi ako doon pupwesto.

Habang kumakain ay pinagmasdan ko siyang muli. Medyo nakaramdam ako ng awa sa hindi ko malamang dahilan. Alam kong mali ang ginawa niya, at alam ko rin sa sarili ko na pinahamak niya ako dahil sa curiosity niya, pero hindi ko talaga magawang magalit sa kanya.

Naiinis, oo. Pero hindi ako galit. Hindi ko kayang magalit kasi alam kong gusto niya lang naman siguraduhin kung tama ang iniisip niya. Hindi niya naman akalain na may mamamatay sa ospital na iyon noong araw na iyon.

Napabuntong-hininga na lamang ako. Gusto kong lumapit sa kanya pero nagdadalawang-isip talaga ako.

Hindi. Dapat hindi ako lumapit. Bakit naman ako lalapit? Sino ba siya? Dapat ipakita kong hindi pa rin ako natutuwa sa ginawa niya. Baka mamaya isipin niyang okay lang na kausapin niya ako. Matapos nang ginawa niya? Huh, hindi pwede!

Maya-maya ay lumapit na sa kanya ang iba naming mga anak-mayamang kaklase na laging dumidikit sa kanya. Sila rin iyong mga kasama ni Raeken noong nagkaroon ng gulo sa bar na pinuntahan nila.

Yan dapat ang mga kasama niya palagi. Hindi ako. Pare-pareho naman sila ng mga ungas na 'yan. Mga anak-mayaman na magaling lang gumastos.

Napansin kong napatingin siya sa akin, kaya agad ko siyang tinugunan ng isang malamig na titig, bago muling itinuon ang pansin sa pagkaing kinakain ko.

Magsama-sama sila. Birds of the same feather flock together nga, hindi ba?

HINDI pa man nagsisimula ang araw ko sa klase ay nag-iisip na ako ng paraan kung paano iiwasan si Raeken. Naglalakad pa lang ako papunta sa room namin ay puro na tungkol sa ungas na iyon ang iniisip ko. Feeling ko nasisiraan na ako ng ulo. Magmula noong iniwasan ko siya ay hindi ko na siya basta maialis sa isip ko. Minsan nga, pakiramdam ko ay nababaliw na ako dahil feeling ko nag-aalala ako sa kanya.

Parang tanga lang, hindi ba?

Nababaliw na siguro ako.

Nang papalapit na ako sa room namin ay namataan ko ang isa naming kaklase na nakasuot ng cast sa kaliwa niyang braso. Napangiwi agad ako nang maramdaman ko ang matinding kirot sa sarili kong braso. Habang papalapit siya ay mas lalong tumitindi ang sakit na nararamdaman ko, kaya tumigil ako sa paglalakad at iniwas ko ang tingin sa kanya.

Paano naman ako papasok nito? Kung araw-araw ko siyang makikita, lagi ring sasakit ang braso kong 'to.

Hindi naman kasi yung sakit ang pinakamatinding problema ko, pero ang mismong kamay kung saan naroon ang cast.

Kaliwete kasi ako. Kung masakit lang lagi ang kamay ko, hindi rin ako makakapagsulat ng notes o makakapagsulat kapag exams. Baka pagtripan pa ako ng iba kong kaklase, sasabihin pang gaya-gaya ako.

Napabuntong-hininga ako. Uuwi na lang ako. Buti na lang at umalis sina mama at papa para pumunta sa isang three-day teachers' conference. Kahit hindi ako pumasok ng ilang araw, hindi nila mapapansin.

At dahil nga doon kaya napagdesisyunan ko nang umuwi na lang at hindi na tumuloy sa klase. Nang palabas na ako ng college building ay nakasalubong ko ang isang hindi kaaya-ayang mukha.

Si Raeken. Natigilan siya sa paglalakad nang mapagtanto niyang makakasalubong niya ako, kaya maging ako ay napatigil na rin dahil doon. Ilang segundo rin kaming nagkatinginan, na para bang tinatantiya namin ang isa't isa.

Para kaming naghuhulaan kung sino ang mauunang magsasalita o sino ang mauunang maglalakad palayo. Akala ko talaga ay mamumukha na lang kaming mga tuod doon, nang biglang magsalita si Raeken habang iniiwasang tumingin sa akin nang matagal.

"H-hindi ka papasok?" tanong niya.

Gusto ko siyang sagutin nang matino, pero hindi ko na napigilan pa ang bibig ko sa pagsagot sa kanya.

"Pakialam mo ba?" malamig kong tugon sa kanya, bago ko siya tuluyang nilampasan.

Habang naglalakad palayo ay hindi ko mapigilang makonsensya nang kaunti. Alam kong genuine naman ang concern niya, pero parang naging reflex action ko na kasi ang sagutin siya nang pabalan kaya ganoon na lamang ang naging tugon ko.

Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi. Wala na rin naman akong magagawa. Nasabi ko na eh. Bahala na nga siya.

Sana lang talaga tigilan niya na ako. Ayoko nang nalilito ako nang ganito. I am not even supposed to feel like this.

Bakit ba ganito ang epekto sa akin ni Raeken?