"GOOD morning."
Iyon ang pambungad sa akin ni Raeken pagdating ko sa klase nang maabutan ko siyang nakaupo sa tabi ng bago kong kinauupuan. Magmula kasi noong naupo sa tabi niya si Jasmine ay iba na ang naging seatmate ko.
"Hindi ka naman dito nakaupo, 'di ba? Katabi mo si Jasmine," tugon ko habang nilalagay ang bag ko sa upuan.
"Naging katabi ko lang naman siya dahil umalis ka," untag ni Raeken habang komportableng ipinatong ang paa niya sa upuan sa harap niya.
"Bumalik ka na nga sa pwesto mo. Hindi mo gugustuhing maupo dito. Mahuhuli ka ng prof kapag hindi ka nakikinig, sige ka. At tsaka maiinis yun si Jasmine. Alam mo namang tantrums yun na naging tao."
"Pakialam ko naman sa kanya? At tsaka eh ano naman kung madali akong makikita ng prof dito? I'd always choose the seatmate over the seat. Kaya dito na lang ako sa tabi mo," tugon niya sabay ngiti sa akin.
Napailing na lamang ako bago naupo. "Bahala ka na nga."
Hinayaan ko na lamang siya sa tabi ko. Kapag dumating naman si Jasmine, paniguradong hihilahin siya nun pabalik sa tabi niya.
Hindi kasi ako komportableng katabi siya. Hindi naman ako galit, pero naiilang na kasi ako sa atensyong nakukuha ko sa mga tao dahil lang kasama ko siya. Dati na nila akong pinagtitinginan at pinag-uusapan dahil nga sa kawirduhan ko, pero ibang kwento na ngayon dahil sa presence ni Raeken.
Gustong-gusto nilang lahat si Raeken, at hindi nila maintindihan kung bakit mas pinipili niyang kasama ako.
Mas gusto ko nang maging invisible na lang kaysa nakikilala nila ako dahil kasama ko lagi si Raeken. Mas panatag ang loob ko kapag invisible ako. Dapat siguro, sabihan ko na rin si Raeken na bawas-bawasan ang paglapit at pagdikit sa akin kapag nakikita kami ng iba naming schoolmates.
Hindi naman sa ayaw kong katabi si Raeken.
Pero hindi ko rin sinasabing gusto ko siyang katabi ha.
Maya-maya ay dumating na si Jasmine. Nang makita niyang katabi ko ulit si Raeken ay agad nagsalubong ang mga kilay niya.
"Raeken, 'di ba tayo ang magkatabi sa upuan?" tanong ni Jasmine habang binibigyan niya ako ng masamang titig.
"Kasi ayaw kitang katabi. Ang gulo mo na nga, ang arte mo pa." Iyon ang maikli pero prangkang tugon sa kanya ni Raeken. Napatingin ako sa kanya dahil sa gulat. Talagang gagalitin niya si Jasmine sa ginagawa niya.
"So mas gugustuhin mo pang makatabi ang weirdo na yan kaysa sa akin?" naiiritang tugon ni Jasmine habang pinandidilatan kaming dalawa. "What's wrong with you, Raeken?"
Tumayo si Raeken mula sa pagkakaupo at nakangising tinitigan nang direkta sa mga mata si Jasmine. "The only thing wrong with me is the fact that I am talking to you. Umalis ka nga dyan. Ang aga-aga nambubulahaw ka na."
Dahil pinagtitinginan na sila ng iba naming mga kaklase, napaatras na lamang si Jasmine at wala nang nagawa pa. Hindi na siya nakasagot, at mas pinili na lamang na maupo sa dati kong upuan kahit hindi niya na magiging katabi si Raeken sa pwestong iyon.
Umiiling-iling si Raeken habang bumabalik sa pagkakaupo sa tabi ko. Kahit kailan talaga ay napaka-stubborn ng ungas na 'to.
Napabuntong-hininga na lamang ako. "Dapat hindi mo na ginawa iyon."
"Nah. In fact, I should have done that a long time ago," he replied. "Lagi ka na lang nilang pinag-uusapan kahit wala ka namang ginagawa. They always make fun of you because you just let them do that."
Isang matipid na ngiti ang lumitaw sa mukha ko. "Hindi naman nila alam yung kondisyon ko eh kaya naiintindihan ko naman kung pinagtitripan o hinuhusgahan nila ako. Hindi ko rin naman iyon basta mapapaliwanag sa kanila kasi baka hindi nila maintindihan."
"Pero kahit na. It's not an excuse for them to insult and make fun of you."
"Hayaan mo na. Sanay na ako."
"So dahil lang sanay ka na, hahayaan mo na lang sila? Hindi pwede yan."
Pinagtawanan ko na lamang siya at itinuon ang pansin ko sa notes na binabasa ko.
Ramdam kong nakatitig sa akin si Raeken kahit pa sa notes ko nakatuon ang pansin ko. Nang magtagal ang pagtitig niya ay hindi ko na napigilan pang sitahin siya dahil hindi na ako komportable.
"Iniisip mo ba kung paano ko nakayanan ang lahat ng iyon kaya nakatitig ka sa akin?"
"Pati yun nararamdaman mo dahil sa kondisyon mo?"
Hinarap ko siya at tinaasan ng kilay. Pero hindi ko na napigilan pang tumawa dahil sa kainosentehan ng mukha niya. Para siyang bata. Mukhang iniisip niya talagang nahulaan ko ang iniisip niya dahil sa sinabi ko.
"Raeken, wala akong super powers." Tapos ay umiling-iling na lamang ako habang tumatawa.
"Pero at least tumawa ka."
Saglit akong napatitig sa kanya, at hindi ko na napigilan pa ang pagsilay ng ngiti sa mukha ko. "Oo na. Nakakatawa ka."
Parang ice cream na natutunaw ang puso ko noong mga oras na iyon. Everything feels new with Raeken. Siguro dahil ngayon lang ako nagkaroon ng kaibigan.
Siguro iyon nga. Ano pa ba dapat ang dahilan?
KALAGITNAAN ng klase sa unang subject namin ay wala na agad sa professor ang focus ni Raeken. Sa halip na makinig, abala na naman siya sa pagguhit ng kung ano sa notebook niya.
Pasimple kong sinilip ang ginuguhit niya. Legit talaga ang talent nitong si Raeken. Sa perspective ng isang taong hindi naman magaling sa mga ganyang bagay, nakakabilib talaga ang skills ni Raeken sa pag-sketch.
"Hindi ka na naman nakikinig sa klase," bulong ko sa kanya.
"Boring eh. Kinakausap lang naman ng prof natin yung whiteboard kapag nagtuturo siya. Babasahin ko na lang yang topic sa libro pag-uwi ko," mahina niyang tugon habang patuloy pa rin siya sa pagguhit.
"Ang galing mo talagang mag-sketch," pagpuri ko sa kanya. "Dapat related na lang diyan ang kinuha mong course. Bakit kasi hindi ka na lang dyan mag-focus?"
"Okay lang naman sa akin kahit sideline ko lang 'to. Pwede naman akong mag-sketch at magpinta habang nag-aaral ako maging doktor."
Napatango ako. May point naman siya.
Tapos ay pinagmasdan kong ang ginuguhit niya na halos tapos na. Isang caricature ng professor namin noong mga oras na iyon habang nagtuturo siya.
"Huwag mo na ngang tingnan 'tong ginagawa ko. Baka mahuli pa ako ng professor natin," pagsaway niya sa akin nang mapansin niya ang ginagawa ko.
"Oo na," tugon ko bilang pagsuko. "I-drawing mo na lang ako. Sige na oh."
Pinaningkitan niya muna ako bago niya inilahad ang palad niya. "Bayad muna."
Napailing na lamang ako sa tugon niya. "Ang yaman mo na tapos maniningil ka pa. Regalo mo na lang sa akin."
"Bakit ko naman ireregalo sayo? Ano naman ang okasyon? Tsaka hindi naman pwedeng libre lang lahat. Dapat may talent fee din ako. Napapagod ako. Napupudpod ang lapis ko."
"Andami pang sinabi," nagdadabog kong tugon. "Kuripot mo. Magka-ingrown ka sana."
Pinagtawanan niya na lamang ako habang ipinagpapatuloy niya ang pagguhit sa notebook niya.
Doon ko napansin ang pagiging maaliwalas ng mukha niya kapag ngumingiti o tumatawa siya. Para siyang ibang tao. Habang pinagmamasdan ko siya ay gumagaan ang pakiramdam ko. Sa halip na kiligin o kabahan dahil sa nakikita kong gwapong ngiti sa mukha niya, mas kumakalma ako at mas lumilinaw ang pag-iisip ako.
Hindi ko na halos namalayan na nakangiti na rin pala ako.
Dapat palagi siyang ganito. Sana palagi siyang ganito.
PAGKATAPOS ng klase noong araw na iyon, hindi pa man kami nakakaalis ng school ay nakabuntot na sa akin si Raeken.
Mas lumalala na nga ang nakukuha naming atensyon mula sa mga tao, pero parang wala naman siyang pakialam doon. Kahit naman kasi sawayin ko siya, bubuntot pa rin naman siya sa akin. Ganoon katigas ang ulo ng ungas na Raeken na 'to.
"Hatid na kita sa inyo," sabi niya sa akin habang sinasabayan niya ako sa paglalakad.
Alam kong nakatingin sa amin ang mga tao kaya binilisan ko pa ang mga hakbang ko. "Huwag na. Maglalakad lang naman ako pauwi. Dadaan pa ako sa grocery. May pinabibili kasi sa akin si mama eh."
"Eh 'di sasama na lang ako. Bibili rin ako ng pagkain. Nagugutom na ako eh."
Hindi naman siya mabilis maglakad, pero sadyang mahaba lang ang mga binti niya kaya naabutan niya pa rin ako nang walang kahirap-hirap. Hindi niya nga ata alam na binibilisan ko talaga ang paglalakad para lang makaiwas sa kanya.
"Bakit kasi hindi ka na lang umuwi sa bahay ninyo? Madaming pagkain dun."
Bigla na lamang siyang humarang sa dadaanan ko. Nakatayo lamang siya doon habang binibigyan ko ng isang matalim na titig. "Andami mo pang sinasabi. Ikamamatay mo ba kapag hinatid kita sa bahay ninyo?"
"H-hindi naman."
Ngumisi siya. "Yun naman pala eh. Eh 'di sasama na ako."
Napabuntong-hininga na lamang ako. Hindi ako mananalo sa tigas ng ulo nito. "Bahala ka."
Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ng lalaking 'to at sinasabayan niya ako ngayon pauwi. Nung tinanong ko kung nasan ang kotse niya, sabi niya hindi niya na daw muna iyon gagamitin dahil mainit pa sa mata ng mga kalaban ng tatay niya ang mga sasakyang gamit niya. Nung hinanap ko naman ang motorsiklo niya, hindi niya daw ginamit dahil baka umulan na naman (Well, good choice naman iyon.).
Sabi pa niya ay nag-commute lang daw siya papasok sa school noong araw na iyon kaya wala naman daw problema kung sasabay siya sa akin. Nawiwirduhan ako sa pinaggagagawa at pinagsasabi ni Raeken, pero hinayaan ko na lang siya. Hindi ko rin naman siya mapipigilan eh.
Dumiretso kami sa isang grocery na hindi naman kalayuan sa school. Walang tao doon maliban sa amin, sa tatlong empleyado doon, at sa isang lalaking customer na nasa may aisle kung saan naroon ang mga baby formula.
Napansin kong nakatitig ang mga nagtatrabaho doon sa lalaki, dahil na rin siguro sa suot nitong t-shirt na may mga bahid pa ng uling at maong shorts na may malalaking punit. May pagka-gusgusin ang lalaki kaya hindi na rin ako nagulat na ganoon na lamang ang reaksyon nila sa taong iyon.
Hindi ko na lamang iyon inintindi at itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa pamimili. Maging si Raeken ay abala rin sa pagkuha ng kung anu-anong pagkain – mga junk food, biscuits, tinapay, soft drinks, chocolate drinks, chocolate bars – na inilalagay niya agad sa cart niya nang hindi tinitingnan ang presyo.
"Magtatayo ka ba ng sari-sari store? Bakit andami mong binibili?" tanong ko sa kanya.
"Walang pakialamanan," sagot niya sa akin bago tuluyang lumayo para kumuha pa ng mga pagkain. Sa tingin ko ay napahiya siya dahil nakita ko na kung anu-anong pagkain lang naman ang binibili niya. Mukhang masiba siya. Pinigilan ko na lamang ang pagtawa para hindi siya mapahiya.
Nang mapadako ako sa parte kung saan naroon ang mga gatas ay naroon pa rin ang lalaking nakita ko kanina. Abala ito sa pagbibilang ng pera na nakaipit sa magagaspang niyang mga kamay. Pagkatapos niyang magbilang ay biglasiyang mapapakamot, tapos ay tatanaw sa labas ng grocery.
Nang tingnan ko kung ano o sino ang tinatanaw niya sa labas, doon ko nakita ang isang kariton kung saan nakasakay ang isang batang babae na sa tingin ko ay nasa anim na taong gulang na. nasa tabi niya at naglalaro ang isang batang lalaki na sa tingin ko ay wala pang dalawang taong gulang. Nakabantay naman sa kariton na iyon ang isang mas malaking batang lalaki, na sa tingin ko ay nasa labindalawa hanggang labing-apat na taong gulang na. Mukhang mga anak sila ng lalaking kanina ko pa pinagmamasdan.
Nakaramdam ako ng bahagyang kirot sa dibdib ko. Hindi ko mapigilang maawa sa ama at sa mga anak niya. Kahit hindi nila sabihin ay bakas sa mga mukha nila ang hirap ng buhay.
"Tara, magbayad na tayo."
Napatingin ako kay Raeken na nakatayo na sa tabi ko habang hila-hila ang cart niya.
Narinig ko naman ang pagtawag niya sa akin, but I just can't seem to move away my gaze from the man. Abalang-abala pa rin siya sa pagbibilang ng pera, at mukhang balisa siya. Maya-maya ay nakita kong may kinakapa siya mula sa bulsa niya. Huminga siya nang malalim, at biglang naging blangko ang ekspresyon sa mukha niya.
Bigla akong kinabahan. Hindi maganda ang kutob ko sa lalaking ito.
"Wendy, tara na," muling tawag sa akin ni Raeken. Nang tawagin niya ako sa pagkakataong iyon ay saka lang ako tumugon sa kanya.
"Oo na. May kukunin lang ako sa kabilang aisle."
Habang kumukuha pa ako ng mga bibilhin ay napansin kong dumiretso na ang lalaking kanina ko pa pinagmamasdan sa cashier. Ramdam ko ang kaba niya, pati na ang pagkatuliro. Parang hindi niya alam ang gagawin noong mga sandaling iyon.
Dahil nagdududa ako sa kanya, dumiretso na rin ako sa cashier habang nakasunod sa akin si Raeken.
Habang isa-isang pinupunch ng kahera ang mga kinuha niya ay napansin kong patuloy pa rin siya sa pagkapa sa bulsa niya.
Nang bahagyang inangat ang kamay niya, saka ko lamang napagtanto na patalim pala ang kanina niya pa kinakapa.
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Balak niyang pagnakawan itong grocery.