CHAPTER ELEVEN

SASABIHIN ko sana kay Raeken ang nakita ko, pero pagtingin ko sa likod ay iniwan na ako ng mokong. Mukhang bumalik pa ata siya para kumuha ng mga bibilhin. Kung alam niya lang sana kung ano yung nakita kong ginagawa nung lalaki ay hindi na siya mag-iisip pang kumuha ng pagkain.

Ibinaling kong muli ang atensyon ko sa lalaking nasa harap ko na kasalukuyang nagbabayad. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nanigas na lang ako sa kinatatayuan ko dahil sa takot.

"Bale 1,327 pesos po lahat..." sabi ng kahera sa lalaki.

Iniabot niya ang ilang perang papel na kanina niya pa hawak at binibilang. Isang nagtatakang tingin ang ibinigay sa kanya ng kahera.

"Sir, kulang pa po ito."

Hindi sumagot ang lalaki. Mas lalong tumindi ang kaba ko. Gusto kong sumigaw na hoholdapin niya ang lugar na iyon, pero hindi ko magawa. Ramdam ko ang tindi ng pangangailangan ng lalaking nasa harap ko. Alam kong wala na siyang choice kundi ang gawin iyon.

Napaatras ako nang bahagya nang unti-unti niyang ilabas ang kamay na may hawak na balisong.

Ngunit nang ipapakita niya na ito sa kahera ay biglang lumitaw sa pagitan namin si Raeken. May hawak siyang gusot-gusot na isang libong perang papel.

"Kuya, sayo ata 'to. Nakita ko doon sa may aisle ng mga baby formula."

Halatang nagulat ang lalaki, kaya bigla niyang itinago ang balisong sa bulsa niya. "H-hindi akin yan."

"Ha? Sigurado ka boss?" tanong sa kanya ni Raeken. "Sa tingin ko talaga sayo 'to eh. Nakita ka naming nagbibilang ng pera nitong kasama ko. Tayong tatlo lang naman ang andito sa grocery. Wala kaming cash nitong kasama ko kaya nga credit card ang gagamitin namin sa pagbabayad."

Napansin kong bahagyang nag-alinlangan ang lalaki. Palipat-lipat ang tingin niya sa perang hawak ni Raeken, sa mukha niya, sa akin, at sa kahera. Nakita ko ang unti-unting pangingintab ng mga mata niya, na para bang may nagbabadyang mga luha na lalabas mula rito.

Tapos ay kinuha niya ang isang libong inaabot ni Raeken sa kanya. "S-salamat..."

Ngumiti si Raeken. "Sa susunod kasi kuya, ilagay mo lang sa bulsa mo yang pera mo. Buti na lang ako ang nakapulot."

Tumango na lamang ang lalaki habang pilit na pinipigilan ang pagluha. Pagkatapos niyang magbayad, iniabot na sa kanya ang mga pinamili niya. Nagpasalamat pa siyang muli sa amin ni Raeken, bago siya tuluyang umalis.

Nang makalabas kami ng grocery ay nagmamadaling naglakad si Raeken para hanapin ang lalaking tinulungan niya.

Nang makita namin sila ay naabutan namin silang bumibili ng pagkain sa isang karinderya, marahil ay pang-ulam nila para sa gabing iyon, habang hawak naman ng mga bata sa loob ng kariton ang mga pinamili niyang gatas at iba pang groceries.

"Dapat siguro dinagdagan ko pa..." ani Raeken habang pinapanood ang mga mag-aama na naglalakad na palayo.

Napangiti ako nang marinig ko iyon. Hindi lang kasi ako makapaniwala na ginawa iyon ni Raeken. Akala ko kasi, sasaktan niya ang lalaki at ipapahuli sa pulis. I never expected him to be this considerate.

"O bakit ganyan ka makatingin?" tanong sa akin ni Raeken.

"Wala lang," tugon ko habang pangiti-ngiti. "Nga pala, paano mo nalaman na –"

"Nakita ko rin yung balisong sa bulsa niya habang pinagmamasdan mo siya. Ayoko namang ipahiya siya o saktan siya dahil kitang-kita naman na para sa pamilya niya naman kaya binalak niyang gawin iyon," tapos ay kinuha niya ang bote ng tubig mula sa paper bag na dala niya at uminom mula rito. "Pwedeng mas matindi ang kakayahan mong makiramdam pero marunong din naman ako niyan, 'no."

"Pwede mo namang sabihin na ikaw na lang ang magbabayad doon sa mga pinamili ng lalaki. Bakit gumawa ka pa ng kwento na nahulog yun nung lalaki habang nagbibilang siya ng pera?"

"Because there should be dignity in helping. Ayokong mawalan siya nun. Ayokong mapahiya siya."

Napatango na lamang ako habang nakangiting pinagmamasdan siya. "Wow. Parang hindi na ikaw 'tong kausap ko ah."

"Teka nga, ano ba ang pagkakakilala mo sa akin at parang gulat na gulat ka sa ginawa ko? Ganoon ba ako kasama sa paningin mo?"

"Hindi ko naman sinabing masama ka. Nagulat lang kasi ako na gagawin mo yun."

Pinagtawanan niya ako. "Baliw ka rin eh. Kung hindi ko ginawa yun eh 'di sana nasa ospital na tayo dahil paniguradong sasaktan tayo nun. Sabihin mo na kasing namamangha ka lang kasi sobrang bait ko pala."

Tumango na lamang ako habang natatawa. "Oo na. Sige na. Sabihin na lang nating namamangha nga ako."

Umiling-iling na lamang si Raeken habang tumatawa, tapos ay binilisan niya ang paglalakad kaya nauuna siya sa akin nang bahagya. Ako naman ay pinagmamasdan lang siya mula sa likod.

Habang tumatagal ay nakikita ko ang ibang bahagi ng pagkatao ni Raeken, at nagugustuhan ko ang nakikita ko.

I guess there really is more than what meets the eye.

"...SO next week, meron ulit tayong outreach program. Sana maging active ulit kayo sa pag-participate. Pero wala nang party afterwards ha? Baka mamaya kung ano na naman ang mangyari, ma-issue ulit tayo. That was for you boys, kayong mga included sa nangyari noon," ani ng professor namin matapos niyang kolektahin ang lahat ng test papers.

Kakatapos lang kasi namin mag-midterms noong araw na iyon.

Nagtawanan naman ang mga kaklase ko nang ipaalala ulit ang nangyaring pagkakasangkot nina Raeken sa isang gulo noong nag-bar hopping sila matapos ng outreach program dati.

Outreach program. Sasama ba uli ako?

Napabuntong-hininga ako. A part of me wants to go, and a part me doesn't want to. Hindi ako makapag-isip nang maayos, kaya hindi rin ako makapagdesisyon agad.

"Huwag kang mag-alala. Hindi naman kita pipiliting sumama kung ayaw mo," biglang untag ni Raeken.

Napatingin ako sa kanya. Akala niya ata makikipag-talo na naman ako sa kanya tungkol sa pag-participate sa outreach program sa susunod na linggo.

"Hindi naman sa ayaw ko..." nahihiya kong tugon. "Sa totoo lang, gusto ko naman talagang sumama sa mga ganyan. Kahit papaano kasi nag-enjoy din ako nung last time sa ampunan. Kung 'di lang talaga dahil sa kondisyon ko, palagi akong sasama sa mga ganyan."

"Eh 'di sasama ka?"

"Gusto ko talaga, kaya lang..."

Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko nang maramdaman ko ang kamay ni Raeken sa mga braso ko. Ramdam ko ang init ng palad niya sa balat ko, dahilan para biglang maghuramentado ang puso ko sa loob ng dibdib ko. Parang mas lalo tuloy akong nahirapan mag-isip dahil sa pagdidikit ng mga balat namin.

"Ganito na lang. Kapag sumasama na ang pakiramdam mo kapag may nakita kang may sakit o kapag nakatingin ka sa iba, tumingin ka lang sa akin. Okay? Gusto ko, sa akin ka tumingin. Para naman hindi na tumuloy ang pagsama ng pakiramdam mo."

"Paano kung hindi mag-work?"

"Eh 'di aalis tayo dun. Ihahatid kita pauwi."

Umiling ako. "Huwag mo na akong ihatid. Baka kung ano ang isipin ng mga schoolmates natin. Lagi na lang tayong magkasama eh. Tapos ihahatid mo pa ako. Baka kung ano ang sabihin nila."

"I don't give a damn about what they say. What matters is you."

Hindi ako nakasagot agad. Pakiramdam ko ay umurong ang dila ko nang sabihin iyon ni Raeken habang masuyo siyang nakatingin sa akin.

Natahimik ako, pero dinig na dinig ko ang ingay sa loob ng dibdib ko. Talo pa ata ng tibok ng puso ko ang tunog ng mga drums tuwing may parade. Maingay, magulo, nakakalito.

Agad kong iniwas ang tingin ko sa kanya, dahil pakiramdam ko ay malulunod ako sa titig niya sa akin.

"S-sabagay stubborn ka naman eh. Ano nga ba naman ang magagawa nila kung iyon ang gusto mong gawin? Bakit pa ba ako kumukontra sayo..." tugon ko habang pilit ikinukubli ang kilig ko dahil sa sinabi ni Raeken.

Normal bang nararamdaman ang ganito sa isang kaibigan? Bakit parang iba na 'to?

Ganito ba dapat ang nararamdaman ko para kay Raeken, o dapat ko nang i-assess ang sarili ko?

PAGKATAPOS ng klase ay naisipan kong tumambay muna sa rooftop ng school dahil medyo tinatamad pa akong umuwi. Dahil nga gusto ni Raeken na sabay kaming umuuwi, kasama ko siya noong hapon na iyon. Sabay naming hinihintay ang paglubog ng araw habang nakasandal ang mga katawan namin sa mga railings.

"Alam mo, noong una kong malaman ang tungkol sa kondisyon mo, naisip ko na sobrang cool mo kasi parang may superpowers ka na rin," ani Raeken, dahilan para mabasag ang nakabibinging katahimikan sa pagitan naming dalawa. "Pero noong nagtagal, narealize ko na sobrang hirap pala. Parang ambigat kasi sa ramdam mo yung sakit na nararamdaman ng mga taong nakakasalubong moa raw-araw. Paano na lang kung maka-encounter ka ng buntis na manganganak? Ng batang hinihika? O kaya, makakita ka ng taong naaksidente sa daan? Iniimagine ko pa lang, parang ang sakit na. Eh ikaw, kapag makita mo sila, mararamdaman mo rin yung sakit nila."

"Kaya nga sumpa ang tingin ko rito eh," tugon ko habang nakatanaw pa rin sa langit na nagkukulay-kahel na. "Hindi ko naman 'to hiningi, pero binigay sa akin. Hindi ko naman gusto, pero araw-araw kong dala sa buhay ko. Hindi ko makontrol, kaya talagang nahihirapan ako. Tapos wala pang nakakaintindi sa akin. Yung mga tao sa paligid ko, pinangingilagan ako. Tinatawag akong weirdo, papansin... Wala naman akong ginagawang masama pero ako ang napagdidiskitahan."

"Pero yung parents mo... Siguro naman tinutulungan at sinusuportahan ka nila."

Isang malungkot na ngiti ang lumitaw sa mukha ko, tapos ay umiling ako. "Hindi rin. Walang alam si papa sa kondisyon kong 'to. Ayaw kasi ni mama na sabihin ko iyon eh. Baka daw magpaka-OA lang si papa. Tsaka si mama kasi... Hind naman siya naniniwalang meron akong ganito. Sabi nga niya, nag-iimagine lang daw ako. Nagdadahilan, ganun. Magmula noong sabihan niya ako nang ganoon noong bata pa ako, hindi ko na sinabi pa sa kanila kung ano ang mga nararamdaman ko. Doon na ako nagsimulang mag-isolate ng sarili ko. Kaya nga wala akong mga kaibigan, 'di ba? Maliban kasi sa binubully ako ng mga kaklase ko magmula pagkabata, iniiwasan ko rin sila dahil ayokong madamay sila sa pantitrip sa akin."

"Imposibleng wala silang pakialam sayo. Siguro hindi lang talaga maintindihan ng parents mo," tugon ni Raeken para pagaanin ang loob ko.

"Wala namang alam ang mga tao sa nararamdaman ko. Kung malungkot ako, kung galit ako... Wala. Wala silang pakialam doon. Hindi naman kasi importante kung ano ang nararamdaman ko. Wala nga akong superpowers pero feeling ko napaka-invisible ko."

Bigla ko na lang naramdaman ang isang malakas pero mahapding pitik sa noo ko. Nagsalubong agad ang mga kilay ko dahil sa sakit, at pinandilatan ko ang may kagagawan niyon na si Raeken.

"Aray ko naman..." reklamo ko. "Masakit yun, sira ulo 'to."

"Nasaktan ka? Eh 'di ibig sabihin nun, nag-eexist ka. Tao ka. May katawan ka. Hindi ka hologram o kaluluwa. Ibig sabihin, hindi ka invisible."

"Alam ko naman yun. Kaya nga feeling ko lang, 'di ba? Ito naman."

Tinitigan niya ako nang matagal, bago bumuntong-hininga si Raeken. "Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ang pwede kong gawin para hindi mo maramdaman invisible ka. Pero sa alam mo, wala kang ideya kung gaano karaming beses kitang tinitingnan habang hindi ka nakatingin. Hindi ka invisible, Wendy. Nakikita ka ng dalawang mata ko. Ikaw na nga lang ata ang nakikita ko."

Pucha Wendy, bakit kinikilig ka?

"T-tigilan mo nga ako. Para ka namang ewan eh," agad kong sagot para maiwasan ko ang paglala ng nararamdaman kong pagkailang noong mga sandaling iyon.

"Kung sasabihin ko ba sayong gu–"

"Sssh! Yan na yung sunset oh," agad kong saway sa kanya para hindi na matuloy ang sinasabi niya.

Hindi naman ako nagsisinungaling eh. Talagang lumulubog na ang araw, just in time para magamit ko iyong palusot para mapatahimik si Raeken. Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit parang hindi ako handa na marinig ang mga sasabihin niya.

"Ang ganda, ano?" mangha kong sabi habang pinagmamasdan ko ang view sa harap ko. The sunset was indeed breath-taking.

"Oo nga. Maganda."

Napalingon ako kay Raeken, just to see him looking at me with a smile on his face.

"Ha?"

"Y-yung ano, yung sunset. Yung sunset maganda. Buti na lang talaga tumambay tayo dito. Next time tambay ulit tayo dito ah? Ang ganda eh," biglang sagot niya matapos niyang ilayo sa akin ang tingin.

Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang ang ngiti ni Raeken sa akin kanina, pero lalo lang akong naiilang at naguguluhan habang pinagmamasdan ko siya.

Bakit parang hindi na kaibigan ang tingin ko sa kanya?