Kabanata Siyam | Old Version

Missing Bodies

Written by: XenontheReaper

- - -

Dire-diretso lang ang takbo ko, mula sa kinauupuan ko'y natatanaw ko na ang main highway. Mas lalo kong binilisan pa ang pagpapatakbo para makalayo kaagad ako at makahingi na ng tulong.

"Fvck!"

Ngunit sa 'di inaasahang pagkakataon ay bigla akong nagulat nang may lumitaw na lalake sa kalsada na may dala-dalang palakol. Ang buong akala ko'y tatawid ito pero tumigil ito sa gitna at humarap sa 'kin.

Bago ko pa maapakan ang break para h'wag siyang masagasaan at para ako'y makaiwas ay hinagis nito ang tangan-tangan niyang palakol sa gawi ko.

Sobrang lakas ng pagkakahagis niya dahil sa kitang-kita ko ang malakas na pag-ikot ng palakol sa ere na paparating sa 'kin. Imbes na ang break ang aapakan ko'y yumuko agad ako't napahiga sa katabing upuan.

Sakto namang tumagos ang palakol sa windshield ng sasakyan ko't bumaon pa talaga ito sa ibabaw na parte ng kinauupuan ko. Nagsiliparan rin ang mga bubog at ang iilan nito'y nasugatan ako.

"D'yos ko po!"

Nawalan na ako ng kontrol sa kotse at dama ko ang paggewang-gewang na pagtakbo ng kotse ko. Hanggang sa naramdaman ko na lang na bumangga ang kotse sa kung anong kahoy. Sa sobrang lakas ng pagkakasalpok ay parang yumanig ang mundo ko't nahampas ang ulo ko sa harapan.

Hilong-hilo akong napatayo habang sapo-sapo ang dumudugong ulo. Mula sa kinauupuan ko'y amoy na amoy ko ang kung anong usok na mabaho na sa tingin ko ay mula sa 'king sasakyan. Ilang saglit pa, nang umayos ang aking paningin ay nakita ko ang nayuping harapan ng kotse, basag na basag na rin ang windshield nito.

Nang ibaling ko ang tingin ko sa dulo ng kalsada ay nagimbal ako't parang nagbalik sa katinuan nang makitang naglalakad na papalapit sa 'kin ang lalake. Hindi ko na kayang aninagin 'yong mukha niya dahil sa hood na suot niya.

Ang tindig niya'y nakakatakot, dama ko ang nakakakilabot niyang awra. Kung kaya'y dali-dali kong tinulak ang pintuan kahit na nanghihina at lumabas. Gumapang ako pababa at dali-daling tumakbo at muli'y pinasok ang gubat.

Palingon-lingon ako't mas binilisan pa ang pagtakbo. Kahit na nananakit na ang binti ko dahil kanina ay tiniis ko lamang para sa kaligtasan ko. Hindi ko inaakalang dito lang pala ako ulit magtatago sa loob ng gubat, ang gubat na kanina ko pilit na iniiwasan ay magiging takbuhan ko lang pala ulit.

Kahit na wala akong naaaninagan ay patuloy pa rin ako sa pagtakbo. Hanggang sa may maapakan akong kung anong bagay na biglang gumuho at bumigay. Bago pa ako makatalon sa kabila ay nahulog na ako sa malalim na butas at bumagsak sa isang semento.

- - -

Nagising ako na hilong-hilo at nananakit ang likuran. Pagmulat ko pa lang ng mga mata ko'y napansin ko kaagad ang gumagalaw kong kapaligiran, batid kong nahihilo pa ako. Madilim pa rin ang paligid at konti lamang ang naaaninagan ko.

Matapos ang ilang segudo ay napagtanto kong kinakaladkad pala ako. Nagtangka nama akong magpumigpas para makawala, ngunit sa kasamaang-palad ay 'di ko magawa dahil sa nakatali pala ang magkabilang kamay ko at masyadong malakas ang kung sino mang kumakaladkad sa 'kin.

Wala akong magawa pa kung hindi ang mapaungol at mapasigaw sa sakit na nadarama sa tuwing may nadaraanan kaming bato, lubak-lubak kasi ang lupa't kadalasan ay may matutulis pa ito na mga bato.

Gustuhin ko mang sumigaw para humingi ng tulong ay 'di ko magawa dahil sa busal sa 'king bibig.

Nasaan ako!?

Maliban sa katotohanang alam kong kinakaladkad ako ng sino mang demonyo papunta kung saan ay alam kong nasa panganib na ako, malapit na ako kay kamatayan. Sa siwasyon ko'y hindi ko na alam ang aking gagawin, at lalong hindi ko ein matatanggap ang aking sasapitin sa mga kamay niya kung sakali.

Tanging iyak at dasal na lang ang nagagawa ko na sa tingin ko'y magsasalba sa 'kin. Taimtim ko ring hinangad na sana'y matunton ako nina Wreen at nang sa gayo'n ay makaalis na ako rito bago pa niya ako mapagpasyahang paslangin.

Isang ungol ang kumawala sa 'king bibig nang bitawan niya ako't bumagsak ang katawan ko sa mabato at namamasa-masang sahig. Madilim pa rin ang paligid at medyo malamig, nangingibabaw din ang malansang amoy ng dugo.

Mamamatay na ako...

Naramdaman kong naglakad siya papalayo sa 'kin. Naging alerto lang ako kahit na walang kalaban-laban sa kaniya at baka kung anong gagawin niya sa 'kin.

Bigla namang kumalat 'yong liwanag na nakakabulag na kanina ko pa hinahanap. Napapikit ako dala ng panhahapdi ng mata at sandaling naging gano'n hanggang sa dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata.

Sa pagdilat ko'y unti-unti namang nasanay ang mga mata ko kung kaya't napalibot ako ng tingin.

Wala na ang kumaladkad sa 'kin, ewan ko lang kung nasaan siya nagpunta kaya kahit papano'y nakahinga ako ng maluwag. 

Kapansin-pansin naman ang sementadong estruktura sa paligid, ngunit mayroong parisukat na butas na nakalinya sa bawat ding-ding. Hindi ko alam kung ano 'yon ngunit makaraan ang ilang segudong pag-oobserba ay napuna kong isa pala itong lalagyan ng kabaong, ang huling hantungan ng lahat ng namatay--- kung saan sila ililibing.

At sa 'di inaaasahang pagkakataon ay naging malinaw na rin sa 'kin ang lahat. Nasa ilalim kami, nasa underground. At ito ay dating sementeryo. Ito ang tinutuko'y no'ng note ng isang photogtapher na nawawala. Dito pala siya nagpunta, ito ang nadiskubrehan niya at sayang nga lang at naging nabiktima siya.

Nasagot ko rin ang misteryo sa note niya. At nasagot ko rin ang buong misteryo ng nawawalang katawan.

Kung hindi ako nagkakamali ay sa tingin ko'y narito lahat o rito ikinulong ang lahat ng nawawala. Kaya hindi namin sila mahanap ay dahil sa tagong-tago ito at walang sinuman ang nakakaalam na sa lagusan papasok.

Dahil sa mga ideya ko'y hindi maitatangging nakakapangilabot nga. At hindi pwedeng magtagal dito, ayokong mamatay! Nagpumiglas ako't pilit na kumakawala sa lubid na nakatali o nakabalot sa 'kin. Ngunit hindi ko talaga kaya, wala pa ring epekto.

Habang nag-iisip ng paraan paano tumakas ay narinig ko bigla ang mga yabag niyang papalapit sa 'kin. Mas lalong nagpumiglas ako't naging marahas para lang makawala pero sadyang napakahigpit ng pagkakatali no'ng lubid sa katawan ko.

Huli na nang mahawakan niya ako at muling kinaladkad. Sobrang lakas niya dahil sa parang wala lang sa kaniya kung ako ay hilain. Muli'y naramdaman ko ang sakit sa 'king likod dala ng pagkaladkad niya. At tanging iyak na lang ang nagagawa ko.

Hinila niya ako't binuhat at ipinatong sa balikat na para bang sako ng bigas. Pumasok kami sa isang malaking butas na nagmistulang lagusan patungo sa bagong kwarto na naman.

Sa kakapumiglas ko ay hindi na ako nakapaghanda sa sumunod niyang ginawa. Walang pasabi niya akong tinapon sa gitna ng mala-kwartong lugar at bumagsak ako na parang nabalian na ng balikat. Napadaing ulit ako't butil ng mga luha ang kumawala sa 'king mata. Batid kong durog na durog na ang katawan ko. Hindi ko alam kung magtatagal pa ako.

D'yos ko po!

Napasigaw ako sa 'king isipan dahil sa 'king nasaksihan. Halos mabaliw ako sa kakapumiglas dahil sa hindi katanggap-tanggap na tanawin matapos kong malibot ang aking paningin.

Ang buong akala ko'y ligtas sila, ngunit hindi pala.

Ang akala ko'y nasa ospital pa rin sina Wreen para tulungan si Jimmy. Narito pala sila, nakalambitin at wala nang buhay. Ang mag-asawa naman na leader namin ay narito at kapwa wala ng buhay.

Sina Bella, Emily, at Kezel na buong akala ko'y nakapagtago na at nakatakas ay narito rin pala. Lahat silang tatlo ay wala ng buhay at nakabulagta sa sahig. Si Charice naman na nawala ay narito, nakapatiwakal pa rin.

Lahat sila'y narito. Lahat sila'y nakabitin, nakadikit sa pader at nakabulagta sa sahig. Nagkalat ang dugo kung saan, ang mga daga naman ay pinagpipyestahan sila. Lahat sila'y patay na.

Tanging ako na lang pala ang natira.