Hindi talaga ako makapaniwala sa nangyayari!
Ako! Businessman na Boss ng Black Market!
Habang nag-aalinlangan ako kung anong hakbang ang susunod kong tatahakin, bigla na lang may kumatok sa pintuan ko at nagsabi:
"Master Maliaford, bilisan nyo po dahil may mga pulis po na dumating, tumakas na po kayo!"
Ano!!! Anak Ng Baka! Ano bang nangyayari dito?!
Sa kabila ng pag-aalinlangan ko ay sinubukan ko pang tumakas dahil common sense na, na kapag mayroong pulis may ginawa kang mali!
Pero teka lang wala akong ginawang mali, napadpad lang ako sa lugar na ito ng walang pasabi tapos makukulong pa ako! Hindi dapat ganun!! Kakausapin ko nga ng lalaki sa lalaki itong mga pulis na ito.
Habang papunta ako sa direksiyon ng mga pulis, may narinig na akong putukan ng baril na nagaganap. Habang nasisira ang mansiyon kung saan ako nakatayo parang wala akong nararamdaman para dito. Ang katotohanan na tatlong oras palang akong nandito ay nakaka-stress na!
Habang buong tapang akong naglalakad na para bang walang nangyayaring barilan, nakita ko yung lalaking butler na hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang pangalan.
Marami din akong nakikitang katulong na nakatago sa mesa. Yung mga nakikipagbarilan sa mga pulis ay yung mga lalaking naka-shades na mukhang mafia.
Nagbibilang na lang ako ng salapi na ewan ko kung sa'kin ba ito o hindi. Kumuha din ako ng pagkain sa refrigerator. Bakit ba gumagalaw ako ng parang walang nangyayari sa paligid? Kung hinahanap ninyo ang sagot sa tanong na yan ay... wag na kayong mag-abala. Maski ako ay hindi ko alam kung bakit ako kumikilos ng ganito.
Pero namulat ang mata ko sa katotohanan noong may dumaan na ligaw na bala sa aking harapan. At pagkatapos ay nakita ko ang bangkay na mga pulis at mga mafia sa sahig. Para akong hihimatayin! Pasensya kung di ako gumawa agad ng paraan ng paraan! Ng dahil sa'kin marami ang namatay! Kailangan ako rin ang umayos ng gusot na ito!
Pero paano! Kailangan kong mag-isip kada segundo ay may namamatay na tao! Isip! Isip! Nakita ko ang salapi ng pera sa harapan ko at sa di malamang kadahilanan ay kinuha ko ito at inihagis doon sa mga nagbabarilan.
Nagtaka ang mga nagbabarilan ng ihagis ko ang pera. Patay! Nakakahiya itong ginawa ko! Pero kailangan kong sumakay base sa sitwasyon. Ako ay nagsabi:
"Hindi ba iyan ang inyong nais, malaking salapi ng pera! Ngayon kunin ninyo iyan at humayo na kayo! Sa pangalan ni Martin- ay este Clover Maliaford inuutusan ko kayo, tanggapin ninyo iyan!"
Mas mukha pa akong hari kaysa businessman! Nakakahiya iyon ah! Ginaya ko lang naman yung nasa pelikula eh!
Pero mukhang gumana naman, tinanggap ng mga pulis ang pera at nagsi-alisan na.
Ito pala ang panunuhol. Para sa katulad kong mahirap lang at walang pera, kahit kailan hindi ko talaga gagawin yon.
Sa dati kong mundo, ako si Martin Hoover, isang pangkaraniwang office worker na stressful ang buhay.
Sa mundong ito, ako si Clover Maliaford, isang napakayaman na businessman at boss ng black market.
Kung tatanungin ninyo ako kung ano ang mas nakaka-stress, yung dati kong buhay o yung ngayon? Hay Naku, di mapagkumpara yung dalawa dahil parehas lang silang nakaka-stress!
Ito ang kwento ng buhay ko, habang naghahanap ng dahilan kung bakit ako nakapunta dito, hindi ko inaasahan na dahil sa napakalaki kong salapi ay magbabago ang aking ugali.