Pag-amin

Friday. May pasok ako sa major subject ko. Ibig sabihin pupunta ako ng Department at malamang sa malamang makikita ko si JV. Hindi ko alam kung kinikilig ba ako o natatakot. Ayoko sana syang makita eh kasi maaalala ko yung nangyari sa dinner no'ng Wednesday night. Kaso may part din sa'kin na gusto ko s'yang makita kasi nga gusto ko sya. Ou. Aaminin ko na. Tulad lang din ako ng ibang babae dyan na konting smile at tingin lang ni JV eh para ng mamamatay sa kilig. Anong magagawa ko, marupok eh. Pero hinding hindi ako magpapahalata. Bahala na si Batman.

Maglalakad lang ako papuntang Department. Medyo malayo-layo rin ang lalakarin kasi nga halos nasa dulo ng Campus ang Department namin. Karamihan sa estudyante dito ay motor ang service kasi mas convenient.

Habang naglalakad, biglang may motor na tumigil sa may bandang unahan ko.

"Sakay ka na." Nabigla ako ng magsalita ang driver ng motor nang makalapit ako. Itinaas nya bahagya ang helmet nya. Si JV.

Si JV. Kani-kanina lang iniisip ko kung anong sasabihin ko pag magkita kami at heto, heto na agad. Hindi man lang ako nakapaghanda. Nakatulala lang ako sa kanya. Walang masabi.

"Okay ka lang? Tara?" sabi ulit ni JV.

"S-sige. Kung yan ang gusto mo." Ito talagang bibig ko. Hindi nalang magpasalamat eh. Pero infairness kinikilig ako. Umangkas na ako sa motor nya. At mabuti hindi reckless magdrive. Sobrang ingat at bagal magdrive ni JV na aakalain mong sinasadya para mas tumagal pa kami sa sitwasyong yun. Pero as usual lahat ng 'to akala ko lang. Mahirap umasa kaya ngayon palang kokontrahin ko na ang sarili ko.

Hindi ko namalayang nakarating na kami sa Department. Sa may entrance ba naman nagpark kung saan maraming nakatambay na estudyante kaya marami tuloy nakakita sa'min. Halos lahat napalingon. Medyo naconcious ako kaya yuko lang ako ng yuko. Ito namang si JV inalalayan pa ako. Hinahawakan ang siko ko habang naglalakad kami. Parang umaalalay lang ng matanda eh.

"Thanks JV. Kaya ko na." binitiwan nya ako at todo smile pa ang kumag.

"You're welcome. Pero ayoko ng thank you. Libre mo ako mamaya sa canteen para quits tayo. Okay? Bye Yel."

"Huh? Anong-" di ko na natapos ang sasabihin ko dahil ayon na, nakaalis na ang mokong. Aba't gusto pa akong pagkaperahan ng gago eh nagtitipid nga ako eh. Haaaay nako makapasok na nga sa room. Pagtingin ko sa orasan mga kulang-kulang thirty minutes pa bago magsimula ang lecture. Napagdesisyonan kong maghintay muna sa may lobby.

"Excuse me. Hi! Janine nga pala." Nagulat ako ng biglang sumulpot si Janine sa harapan ko at mukhang nakikipag kamay pa. "You're JV's friend right?"

"Yel." Inabot ko ang kamay nya at nagpakilala na rin. "And no. We're not friends." Deretso kong sagot ayaw kong makipagplastikan sa babaeng 'to alam ko naman kung anong sadya neto eh. Ayoko ng maraming satsat.

"Oh, is that so? Then why are you so close with him." Nakahint ako ng sarcasm sa boses nya. Ito na lumalabas na ang tunay na kulay.

"Siguro kasi magkakilala kami dati? But don't worry we're not that close and I don't have any plans to get close with him." Nagsmile ako ng pagkasweet sa kanya para maramdaman nya rin kung ga'no ako ka sarcastic.

"Good. Gusto ko lang malinaw ang lahat. At I'm sure, hindi katulad mo ang tipo ni JV." Nawala na ang sarcastic na ngiti ni Janine at ngayon parang nang-iinsultong tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Aba't mang iinsulto pa ang bruha.

"I know. But I'm also sure na hindi sya papatol sa'yo na masama ang ugali." Syempre hindi ako papatalo noh.

"Watch your mouth lady baka anong magawa ko sa'yo."

"Oh, ikaw 'tong unang nang iinsulto dyan tapos ikaw rin unang mapipikon? Ano ba yan?" nakikita kong inis na inis na si Janine. Mukhang gusto akong sabunutan eh.

"Yel! Kanina ka pa?" buti na lang dumating na sila Ellen kaya umalis na agad ako. Buti nga sa kanya hahahaha. Pikon na pikon eh.

"Friends kayo ni Janine?" puna ni Bandie.

"Hindi no. Hindi ako nakikipagfriends sa mga maldita."

"Bakit? Anong nangyari? Inaway ka ba?" curious na curious ang mga kumag. Pati yung ibang kasama namin nakiusyoso na.

"Ou nga. Chika naman dyan Yel."

"Wala naman. Napag-usapan lang namin si JV."

"Oh…..si JV." Sabay-sabay nilang sabi. Nananadya 'tong mga 'to eh.

"Ganda mo Yel. Nakakainis ka." Sabi ni Ellen at pabirong hinablot ang buhok ko.

"Sana nga maganda nalang ako ng matapatan ko 'yang Janine na 'yan. Akala mo kung sino eh."

"Maganda ka naman ah. May kilala nga akong may crush sa'yo eh." Sabi ni Rem, kasa-kasama namin minsan.

"Pwedi ba? Wag kang gawa-gawa ng istorya." As if meron nga. Haaaaay nakoooo.

"Ou nga ipapakilala kita minsan para maniwala ka." Patuloy kami sa usapan at biruan hanggang sa dumating na ang instructor namin. Bago kami pumasok nakita ko si Liam at JV magkasama at nakatingin sa amin. Kumaway lang si Liam si JV naman nakatingin lang. Kumaway ako sa kanila at pumasok na sa room.

"Yel, free ka bukas?" si Liam biglang sumulpot sa table namin. Nasa canteen kami at kumakain ng lunch. Tumingin ako sa likuran nya bago sumagot. Sila JV nasa isang table.

"Ou bakit? Upo ka muna." gusto ko sanang magsinungaling kaso nakokonsensya ako kasi mabait si Liam.

"Gusto mong sumama? Punta akong downtown bukas. Pasyal-pasyal lang. Sabado naman eh." sabi ni Liam pagkatapos umupo sa harapan ko.

"Nako sorry Yam. Wala pa akong allowance eh. Wala akong budget panggala at pamasahe." Malayo-layo din kasi ang syudad dito sa school. Kung tatantyahin siguro aabot ng isang oras kung sasakay ng bus.

"May dala akong sasakyan kaya okay lang. Tsaka dapat maggala-gala na tayo ngayon habang wala pang mga exams." Tumingin ako sa mga kasama ko. Lahat sila nakikinig lang sa'min ni Liam.

"Sige ba basta hindi mo ako papagbayarin ng pamasahe eh." Hindi na ako makatanggi kaya umoo na ako. Nagpaalam na sya at susunduin nalang daw ako bukas alas otso ng umaga. Nung nakabalik na si Liam sa table nila, inusisa agad ako ng mga kasama ko.

"Hoy…. Ikaw ha. Mukhang hindi lang si JV ang bumubuntot sa'yo ha." Sabi ni Chiko, pinakamatalino sa klase namin.

"Anong bumubuntot? Ewan ko ba dyan kay Liam marami namang kabarkada bakit ako pa ang inaaya?"

"Ano pa, e di may gusto sa'yo. Obvious naman eh. Pag nasa Department tayo palagi kang hinahanap. At pagnakikita ka palagi kang nilalapitan. Haba talaga ng buhok mo kulot nga lang." mahabang litanya ni Ellen.

"Feeling ko nga rin Yel. Lalaki rin ako kaya alam ko kung may gusto ang isang lalaki sa isang babae. Hindi na ako magtataka kung ligawan ka nyan isang araw." Segunda naman ni Rem.

"E di ikaw na magaling. Hindi porket lumalapit lapit sa'kin si Liam eh may gusto na agad s'ya sa'kin. Siguro gusto nya lang makipagkaibigan. Judgemental lang talaga kayo." Sinita ko sila baka kung saan na naman papunta ang topic namin.

"Eh si fafa JV? Feeling ko mas type mo si fafa JV kaysa kay Liam eh." Ito talagang baklang Chiko na 'to di lang matalino matalas pa ang pakiramdam.

"San ka na naman namulot ng chismis na 'yan ha? Anong type ka dyan? Iba ang type ko noh." Todo tanggi talaga ako mahirap na baka mahalata. Nang tiningnan ko sila puro nakaismid lang. Halatang hindi naniwala sa sinabi ko. "Paniwalaan nyo ang gusto n'yong paniwalaan."

"Alam mo kasi Yel, lalaki man ako sa iyong paningin, pusong babae pa rin ako kaya alam ko 'yang mga tinginan mo kay fafa JV noh? Paglumalapit si Liam tinitingnan mo agad kung kasama n'ya si JV. Pag nasa school ka palingon lingon hanggat makita si JV. Naku, naku. Ganyang-ganyan din ako mainlove girl." Litanya ni Chiko. Ganyan ba ako ka-obvious? Wala akong masagot kaya kumain na lang ako ng kumain.

"Wala kang masabi noh? Kasi totoo." Kinompirma agad ni Brandie. Kain pa rin ako ng kain hanggang sa mapuno na ang bibig ko. Dahan-dahan akong tumango. Feeling ko para akong maiiyak. Ang hirap umamin pero masarap sa feeling kasi nailabas ko na ang matagal tagal ko ring tinago.

"Eh kasi naman eh….. grade five palang crush na crush ko na s'ya. Akala ko wala lang, simpleng crush lang kaso eto na naman eh. Sino ba namang hindi maiinlove dun, tingnan nyo naman ang itsura at tindig. Manhid lang ang hindi maiinlove dun at hindi ako manhid. Marupok akooooo…." Hindi ko na napigilang maglabas ng sama ng loob sa mga kaibigan ko. Kahit alam kong maraming tao sa paligid bahala na. At sila JV na sa malapit lang din ang mesa. Iniiwasan kong tumingin sa kanya, mas mapapaiyak lang ako.

"Tsaka sa tingin n'yo ba magugustuhan ako ni JV? Tingnan n'yo naman ako. Kahit ako nagtataka kung bakit lumalapit-lapit sya sa'kin eh, pero kahit anong isip ko na siguro may gusto sa'kin yung tao, Malabo eh. Malabo talaga….Nakakainis." Ito na nga ba ang sinasabi ko eh. Kaya ayoko umamin kasi alam kung kahit ano-ano lang ang masasabi ko daig kopa ang lasing.

"O sya, sya tahan na. Naiintindihan ka namin. Wag masyado lakasan ang boses nasa malapit lang sila." Hinimas himas ni Ellen ang likod ko na parang pinapatahan.

"Kayo kasi eh. Kaya nga ayokong magsalita kasi alam kong ganito ang mangyayari." Bago pa may makarinig sa'min minabuti na naming umalis sa canteen. Medyo gumaan-gaan ang pakiramdam ko pero parang mas mahihirapan na akong pigilan tong nararamdaman ko ngayon. Bahala na. Come what may 'ika nga.

Kumakain kami ng kwek-kwek ngayon, kasama ko si Liam. Pinakiusapan ko s'ya na kung pwedi sa mga mumurahin lang kami kumain kasi nga nagtitipid ako. Pumayag naman s'ya kahit alok sya ng alok na ililibre nya daw ako. Hindi ko tinanggap ang alok nya. Tama nang pasakayin nya ako ng libre sa sasakyan n'ya at ayokong magka utang ng loob. Naglibot-libot pa kami kung saan-saan, sa park, sa mall sa may baywalk at last sa simbahan. Walang misa nun kaya kukunti lang ang tao. Nung nasa loob na kami at nagdadasal, hinintay lang ni Liam na matapos ako sa pagdadasal at seryoso akong kinausap.

"Yel? May sasabihin sana ako sa'yo." Pareho na kaming nakaupo sa may bandang dulo ng simbahan. Kinabahan ako sa sinabi n'ya at naalala ang sinabi ng mga kaibigan ko. Pa'no nga kung may gusto sa'kin si Liam?

"Hindi ako sigurado kung tama bang sabihin ko 'to sa'yo pero gusto kong malaman mo." Oh my God! Mukhang magtatapat nga sya sa'kin.

"Okay?" kinakabahan kong sagot. Anong sasabihin ko sa kanya? Anong isasagot ko? Tatanggihan ko ba s'ya? Or sasagutin ko? Pero…. si JV ang gusto ko. Ayaw ko namang gamitin si Liam na panakip-butas, unfair para sa kanya. Pero siguro pwedi kaming magstart as fri---.

"—ko si JV." Huh? Tama ba ang narinig ko si JV? Anong meron kay JV? Hindi ko masyadong narinig ang sinabi nya kasi masyado akong busy sa pinag iisip ko.

"Sorry hindi ko masyadong na gets, yam. Pwedi pakiulit? Ano si JV? Anong meron kay JV?" huminga muna si Liam ng malalim at bago sya nagsalita ulit.

"May gusto ako kay JV."