Ang Espesyal na Araw

"Hindi pwede! Espesyal na araw ngayon at kailangan ko ng magaling na cook para magluto ng mga gusto kong pagkain!" pasigaw na tutol ni Zigfred nang pagkatapos niyang kumain ay magpaalam siyang magdi-dayoff muna dahil hindi maganda ang kaniyang pakiramdam.

Bahagya pa siyang nagulat nang bigla itong tumayo at tinawag si Aida na panay ang dungaw sa labas ng kusina.

"Ikaw ang papalit sa mga gawain ni Cindal. Sasamahan ka ni Leila. Si Cindal ang magluluto ng pagkain ngayon," maawtoridad na utos nito sa dalawang nag-unahan sa pagtango kahit labag sa loob at nag-aalala para sa kaniya.

"P-pero hindi ko po alam ang gusto niyong pagkain, S-senyorito," mahina niyang sambit upang tutulan ang gusto nitong mangyari, ngunit natahimik siya nang matalim itong tumingin sa kaniya. Napilitan siyang tumango na lang.

Kung parte iyon ng pagkukunwari nitong galit ay hindi niya alam. Ang alam lang niya, takot ang dalawang katulong dito. At siya'y talagang gustong magpahinga dahil hindi niya kaya ang panghihina ng katawan.

Nang itaboy ni Zigfred ang dalawa'y nag-unahang lumabas ng kusina ang mga ito. Mabilis namang ini-lock ng lalaki ang pinto.

"S-senyorito, hindi ko po alam kung ano'ng klaseng putahe ang ipinaluluto niyo sa'kin!" Sinadya pa niyang lakasan ang boses upang marinig sa labas ng kusina.

"Dammit! Pochero lang, hindi mo alam!" ganti namang sigaw ni Zigfred saka siya niyakap nang mahigpit.

"Lovan, are you really that weak?" nag-aalalang pakli nito.

Tumango siya. "Kanina pa ako panay suka. Gusto kong magpahinga," sambit niya, pagkuwa'y bahagya itong itinulak at takang tumingin sa mga mata nitong nakarehestro nga ang pag-aalala sa kaniyang kalagayan.

"Paano mo nalamang buntis ako?" usisa niya.

"I just knew it." Sinabayan ng kibit-balikat ang sinabi, saka siya inakbayan at hinimas ang bahagya nang nakaumbok niyang puson.

"Baby, behave ka d'yan sa loob para hindi masaktan si Mommy at hindi manghina habang nariyan ka. Promise, hindi na iinom si Mommy ng ibang gamot maliban sa ibinigay kong vitamins para hindi ka maapektuhan." Parang bata itong nagsalita habang patuloy na hinihimas ang kaniyang tiyan.

Biglang tumigil sa pagkirot ang kaniyang puson, pakiramdam niya tuloy, narinig ng baby nila ang sinabi nito. Hindi tuloy niya mapigilan ang mahinang hagikhik.

Matamis din ang ngiting pinakawalan ni Zigfred saka siya hinalikan sa noo, pagkuwa'y yumuko rin at hinalikan ang kaniyang tiyan.

"Teka, paano mo pala nalamang umiinom ako ng ibang gamot maliban sa vitamins na ibinigay mo sa'kin?" lito niyang tanong.

Matiim siyang tinitigan ng asawa, hinawakan ang dalawa niyang kamay at pinisil-pisil ang mga iyon, pagkuwa'y nagpakawala ng isang malalim na buntunghininga.

"I can't tell you anything for now, but I promise to take care of you while you're here. As long as you're here," makahulugang wika sa kaniya.

Hindi niya alam kung ano'ng ibig sabihin nito ngunit nagawa pa rin niyang tumango at inihilig ang ulo sa dibdib nito.

"Lovan, whatever happens here, never disclose it to anyone outside. Did you get it?" mahinang paalala sa kaniya.

"Why? May pinsan akong pinauwi ni papa para lang tulungan tayong madakip sina Shavy at ang ina niya pati na rin ang ama pala ng babaeng iyon na hindi ko pa rin matukoy kung sino pero ang hula ko ay si Director Ignacio," pakaswal niyang kwento.

Hindi niya nakita ang pagtatagis ng bagang ng asawa ngunit naramdaman niya ang paghigpit ng yakap nito dahilan upang mag-angat siya ng mukha at tumingala rito.

"Trust me, Tulip. You have to trust me and do what I asked you to do, okay?" pausal nitong saad sa paraang higit niyang mauunawaan.

Tumango naman siya't muling isinubsob ang ulo sa dibdib nito.

--------------

"Pinahirapan ka ba ni Senyorito Zigfred sa pagluluto? Kung alam ko lang na ganito pala ang ugali niya, ipinagtanggol sana kita kanina mula sa kaniya," garalgal ang boses ni Leila, hawak ang mga kamay niyang mapuputla habang nakaupo sila sa gilid ng kama niya.

"Ano ba'ng okasyon kasi ngayon at kung makapag-utos siyang magluto ng mga putahe ay halos ipaubos lutuin ang lahat ng karne sa freezer? Pati yata mga gulay sa ref ay hindi nakaligtas sa kaniya," segunda ni Aida na nakatayo sa harap nila at panay hagod sa kaniyang balikat. Sa mukha nito ay nakabakas ang inis kay Zigfred.

Napilitan siyang ngumiti upang tumigil na ang dalawa sa pag-aalala. Hindi naman kasi alam ng mga itong si Zigfred ang nagluto ng mga putaheng nakahain sa mesa ngayon. Siya'y naroon lang at nakayakap sa likod ng lalaki lalo na kapag kumikirot ang kaniyang puson. Madama lang niya ang init ng katawan nito, gumagaan na ang kaniyang pakiramdam.

"Nasaan ba kasi si Senyorita Lovan, bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi?" pakli ni Aida pagkuwan. Nang biglang magliwanag ang mukha nito at pumilantik.

"Aha, alam ko na kung bakit naghanda si Senyorito Zigfred ngayon! Para surpresahin si Senyorita Lovan pagdating nito. Dahil alam niyo na, nasarapan siya sa putaheng inihain ni Senyorita kagabi," kinikilig na makahulugang wika nito.

Nag-blush siya bigla, wala sa sariling binawi kay Leila ang nanlamig na mga kamay.

"Huwag kayong mag-alala sa'kin. Kunting pahinga lang ito at mamayang gabi'y okay na ako uli," aniya't sumampa na sa ibabaw ng kama't umaktong matutulog na upang tantanan na siya ng dalawa. Nakakaawa din naman ang mga ito kung lagi na lang siya ang iisipin.