'Ma?!' Muntik na niyang maisambulat ang laman ng isip pagkakita sa madrastang si Areta kasama ang anak nitong si Madison sa sala ng suite ni Zigfred. Gusto man niyang yakapin sa pananabik ang itinuring na niyang tunay na ina'y pinigilan niya ang sarili lalo at nasa harap nito si Shavy na kinarer na ang pagpapanggap na siya ngunit hindi napigilang pansinin si Madison na kulang na lang ay maghubad sa suot na tube at mini-skirt, nagkaroon na ng bilbil dahil sa panganganak at stretch marks sa tiyan ngunit hindi pa rin nahihiyang magsuot ng ganoong klaseng mga damit.
Mula sa labas ng kusina ay nagkasya na lang siyang tanawin ang madrastang bakas sa mukha ang sobrang tuwa pagkakita sa kaniya sa katauhan ni Shavy.
Ngunit hindi niya nakita ang kaniyang papa Miguel na sa loob ng ilang taon ay kinilala niyang tunay na ama.
Naagaw ni Zigfred ang atensyon ng lahat pagkalabas nito sa kwarto nang naka-blue na t-shirt at puting shorts at sneakers.
Kahit siya'y hindi mapigilang matameme sa paghanga sa asawa, muling binalikan ang mga sandaling ipinipilit nitong siya nga si Lovan Claudio at siya'y pinagpipilitan namang si Lovan Arbante. Ganoong pormahan ang ginamit nito para akitin siya at tuluyang makuha ang kaniyang loob.
Nauna pang sumalubong si Madison kay Zigfred at niyakap ito nang mahigpit. Nang sumulyap siya kay Shavy, nahuli niya ang paniningkit ng mga mata nito habang matalim ang titig sa kaniyang kinakapatid.
Si Zigfred nama'y pasimpleng kumawala kay Madison at sinalubong ang nakadipa na niyang Mama Areta. Matagal na nagyakapan ang dalawa.
"Susunod na lang daw si Lenmark dito. May inaasikaso pa kasi siya sa opisina," anang mama niya matapos kumawala kay Zigfred.
Nagkamot ng batok si Zigfred sabay yuko at palihim na sumulyap sa kaniyang iniiwas agad ang tingin dito.
Ano ba'ng naisip ng lalaking ito at lahat yata ng involve sa buhay niya bilang si Lovan Arbante ay gustong papuntahin roon?
Hindi sinasadyang mapasulyap ang mama niya sa gawi niya. Sa pagtataka niya'y bigla itong namutla at natigagal na tila nakakita ng multo.
Eksakto namang pagpasok ni Lenmark, ito agad ang hinanap at nagmano pa sa kamay.
"Oy, Cindal. Hindi ba't masama ang pakiramdam mo?" kalabit na Leila sa kaniya, nabaling dito ang kaniyang atensyon.
"Oo, p-pero okey na ako ngayon. Sinabi ko na kay S-senyorito Zigfred na maganda na ang pakiramdam ko," wika niya, sinabayan pa ng ngiti upang maniwala itong malakas na nga siya.
Hinila siya nito sa loob ng kwarto nila ngunit bago pa man sila nakapasok ay merong matigas na kamay ang humawak sa kaniyang braso dahilan upang mapatigil siya sa paglalakad at nilingon ang may-ari ng kmay na iyon.
Sumasal bigla ang tibok ng kaniyang dibdib pagkakita kay Lenmark na salubong ang kilay at mariing nakatitig sa kaniya.
Mabuti na lang at nakabawi siya agad sabay ngiti rito upang ipakita ang kaniyang mga pangil.
"B-bakit po, S-senyor?" pautal niyang usisa at sinalubong ang mga titig nito.
Nakahinga siya nang maluwang nang agad siya nitong bitawan na tila ba napaso sa mainit na niyang mga kamay.
"W-wala. Akala ko ikaw 'yong kaibigan dati," putal din nitong sagot sabay talikod sa kaniya.
Siya nama"y mabilis na sumunod kay Leila papasok sa kanilang kwarto at nagkunwaring masama na uli ang pakiramdam nang makaiwas sa mga bisita. Baka kung muli siyang makita ni Lenmark ay tuluyan na siyang makilala lalo na't alam nitong noong si Lovan Arbante pa siya'y mahilig din siyang magkunwaring pangit.
Subalit nakakabagot ang mag-stay sa kanilang kwarto kaya't wala pa'ng isang oras na pamamalagi roon ay lumabas siya't sinipat ang buong paligid. Lahat ng nga tao ay naruon sa kusina at nagtatawanan. Para makaiwas sa lahat, pasimple siyang lumabas ng kwarto at papasok sana sa elevator upang puntahan si Reign dahil hindi pa niya ito nakakausap at hindi rin naman tumatawag sa kaniya.
Subalit muntik na siyang mapasigaw nang may bigla na namang humawak sa kaniyang siko.
At tuluyan nga siyang napahiyaw nang makilala kung sino ang gumawa niyon sa kaniya.
"Yaya?" sambulat niya, puno ng pagtataka ang mababanaag sa mukha at pag-aalala rito.
"Ano'ng nangyari sa inyo? Bakit ganyan ang itsura niyo?"
Kung hindi niya gaanong kilala ang ginang, baka napagkamalan niya itong itong pulubing namamalimos sa daan dahil sa marumi nitong damit, puno ng putik at nakangiwi pa ang bibig nito na tila na-stroke.
Awa ang sunod na lumukob sa kaniyang pagkatao para rito. Ito nama'y pilit siyang hinila palayo sa elevator at tumakbo sila hanggang sa makaliko sa pasilyo, saka lang ito huminto sa pagtakbo at agad na humarap sa kaniya, ibinuka ang bibig upang magsalita subalit walang letrang lumabas man lang roon kundi ungol, bagay na ikinagimbal niya at nangangatog ang mga tuhod na sinilip niya ang nakabuka nitong bibig.
Muntik na siyang matumba nang mapaatras sa natuklasan.
"Putol din ang dila mo?!" Awtomatikong namalisbis ang mga luha niya sa mga mata at nang makabawi ay agad itong niyakap, impit na umiyak sa balikat nito.
"Yaya, ano'ng nangyari? Sino ang hayup na gumawa nito sa'yo?" umiiyak niyang tanong.
Bahagya siya nitong itinulak at halatang nagmamadaling hinawakan ang kanyang palad, itinihaya, saka nagsulat roon gamit ang daliri nito.
Nang magsulat sa kaniyang palad ay hindi na niya malaman kung 'P' o 'R' ang letrang iyon dahil bigla na lang itong huminto at nnginginig ang mga kamay na nagpalinga-linga sa buong paligid.
Tumitig ito sa kaniya, hilam ng luha ang mga mata at noon lang niya napansin ang mumunting mga sugat nito sa magkabilang talukap. Pagkuwa'y tila ito nakakita ng multo sa kaniyang likuran at agad nang kumaripas ng takbo palayo sa kaniya.
Eksakto namang narinig niya ang mga yapak ng sapatos sa kaniyang likuran papalapit sa kaniya. Hindi niya alam kung ano'ng meron at bigla siyang nakaramdam ng takot ngunit pakaswal na naglakad palayo sa mga yapak na iyon hanggang sa makarating sa tapat ng nakabukas na pinto ng suite ni Zigfred at mabilis siyang pumasok sabay lock sa pinto.
Abot-abot ang paghinga'y tinakbo niya ang kanilang kwarto at doon pinakalma ang sarili.
Bakit nagkaganoon si Yaya Greta? Alam ba iyon ni Reign? Paanong nakarating doon ang ginang samantalang iniwan nila ito sa isla?
At ang nilalang sa kaniyang likuran, sino 'yon? Bakit kakaiba ang takot na naramdaman niya kanina? Iyon ba ang humahabol kay Yaya Greta?
Ilang beses siyang huminga nang malalim upang payapain ang sarili pagkuwa'y muling nag-isip.
At ano 'yong letrang isinulat ng yaya niya sa kaniyang palad? Para saan 'yon?