Escape

Sabado ngayon at wala namang nakaschedule na school activity, kung katulad lamang ng dati ang buhay ko ngayon ay hindi ako aalis ng bahay, maghapon lamang akong manonood at pagdating ng hapon saka ako magluluto para sa hapunan, ngunit dahil naririto si Portia at ang mga anak niya ay pinili ko na lamang na maglibang. Wala naman akong gagawin kundi ang magkulong sa kuwarto, dahil nasa sala nga sila, ni hindi nga ako makadaan ng maayos dahil palaging may nakakalat na laruan sa sahig, pati ang mga unan at kumot at ay naroroon pa rin kahit pag-uwi ko. Malayong malayo sa malinis na bahay na mayroon ako noon.

"Hoy, saan ka pupunta? Sabado ngayon ah, walang pasok" paninita sa akin ni Portia nang mapansin niyang lumabas ako ng silid at nakabihis pang-alis. Hindi ko siya pinansin bagkus ay nagtuloy-tuloy na ako sa paglalakad.

"Tinatanong kita kung saan ka pupunta?!" utas niya nang maharang niya ako.

"Wala ka nang pakialam kung saang lupalop ako pupunta, umalis ka sa daraanan ko"

"Hindi! Ang kapal ng mukha mo! Ano? Maglalamyerda ka? Eh ang aga-aga! Ni hindi ka pa nga nakakapagluto ng almusal at pananghalian namin tapos maglalakwatsa ka na?" nakapamaywang niyang paglilitanya, unti-unti nang bumabangon ang aking inis.

"Pauwi na si Dave, siya ang paglutuin mo ng pagkain ninyo, huwag ako. Hindi ako katulong." sagot ko saka mabilis siyang nilayasan, naririnig ko pa hanggang sa labas ng bahay ang pagtatatalak niya pero wala akong pakialam. Hindi naman ako ang mapapagod, hindi rin naman ako ang sasakit ang lalamunan kakasigaw kundi siya. Basta aalis ako, bahala silang magutom doon.

Wala sa loob akong napangiti habang nagbabayad ng mga pinamili kong gamit, magaan ang loob ko at excited dahil makakapag-ayos na ako sa apartment na lilipatan ko sa susunod na linggo, walang kaalam-alam si Dave sa mga pinagagagawa ako, ang akala niya ay trabaho at bahay lamang ako, lingid sa kanyang kaalamanan, maaga akong umuuwi para maghanap ng malilipatang bahay. Lalayasan ko na siya, wala naman akong mapapala sa piling niya kundi sakit lang ng ulo at kahihiyan. Sadya kong isinekreto ang naging desisyon ko, natitiyak ko kasi na kapag nalaman niya ang balak ko ay may kung ano nanaman siyang kalokohan na maisip. Mahirap na. Sa susunod na linggo na rin ang huling araw ko sa eskwelahan, isasabay ko na rin ang pagtira ko sa apartment. Wala kong dadalhn na kahit na anong gamit galing sa bahay namin, unti-unti kasi akong namimili ng mga damit at idinidiretso ko na sa apartment.

Mabuti na lamang at may naipon ako, hindi kasi pinagagalaw ni Dave ang sahod ko, tanging sa sahod niya lamang kami kumukuha ng panggastos. Sapat na marahil iyon kung ilang buwan akong matetengga sa bahay. Nakapag-advance na rin naman ako ng apat na buwan na renta kaya wala na kong iisipin pa.

Ngiting-ngiti ako matapos maibaba lahat ng aking naipamili, agad kong isinalang sa washing machine ang mga bedsheet, punda at kumot nang mag-ring ang phone ko, napasimangot na lamang ako nang mabasa ang pangalan ni Dave sa screen.

"Asan ka?" napairap ako nang marinig ang kanyang boses.

"Nag-gagala, bakit?"

"Bakit hindi ka nagpaalam? Sana ipinagluto mo muna ng pagkain si Portia, alam mo namang maselan ang pagbubuntis niya"panenermon niya sa akin, napabuga na lamang ako ng hininga dala ng inis. "Nadisgrasya pa si Caroline dahil hindi nabantayan maigi gawa nga nang si Portia pa ang nagluto!"

"So kasalanan ko kung tatanga-tanga yang asawa mo? Anak kayo ng anak hindi nyo naman pala kayang asikasuhin!"

"Yang bibig mo Jamie sumosobra na ha?!" galit niyang sigaw sa akin, lalo namang nag-init ang ulo ko! "Umuwi ka na! Mag-uusap tayo!"

"Uuwi ako kung kailan ko gusto! Huwag mo akong utusan! Hindi mo hawak ang oras at buhay ko Dave!"

"Uuwi ka o susunugin ko ang mga gamit mo?" pagbabanta niya pa, baliw talaga ang walang hiya!

"Sunugin mo! Akala mo naman natatakot ako! Kung gusto mo pati iyang babaeng iyan isama mo na, pati ang sarili mo sunugin mo na rin punyeta ka!!!" gigil kong utas saka mabilis na pinutol ang tawag. Tiyak kong naggagalaiti na iyon sa kabilang linya, bahala siya sa buhay niya!

Alas nueve na ng gabi ako nakauwi, sinalubong ako ni Caroline na may band aid sa noo kasunod niya si Dave na madilim ang mukha.

"Nak, pasok ka na sa loob" aniya sa bata, nang makalayo na si Caroline ay marahas niyang hinaklit ang aking braso at halos kaladkarin na papasok ng bahay! Nadatnan ko pang natutulog na si Portia, nakanganga pa ang buwisit.

Natigilan na lamang ako ng itapat ako ni Dave sa cabinet, halos wala nang natitirang damit doon at ang naiwan na lamang ay ang mga uniform ko!

"Sinabi ko naman sa iyo diba? Susunugin ko ang mga gamit mo kung hindi ka agad uuwi?!" Pigil ang galit na ibinaba ko ang aking mga ipinamili.

"Nagtira ka pa, sana nilahat mo na" wika ko at umuo sa kama, sadya akong yumuko para ikubli ang mga luha na nais kumawala sa aking mga mata.

"Sinasagad mo ba talaga ang pasensya ko Jamie?! Ano bang gusto mo? Si Portia na ang nagpapakumbaba para lang maging maayos tayong lahat dito!"

"Pagod ako Dave, huwag muna ngayon" wika ko saka kinuha ang towel na nakasabit sa isang bahagi ng silid.

"Hindi! Mag-uusap tayo!"

"Please naman Dave tama na, ayokong makipagtalo"

"Ikaw ang gumagawa ng dahilan para mag-away tayo palagi, lagi kang kumokontra sa sinsabi ko. Ayaw mo ring tigilan si Portia! Asawa ko iyon! Huwag mo namang pababain ang moral ng ina ng mga anak ko!"

"Kung ano man ang isnusumbong sa iyo ni Portia, wala na akong pakialam, pero sana lang naisip mo na hindi lang iyang babae na yan ang nahihirapan! Ako rin! Alam mo ang ginawa niya sa eskwelahan! Napilitan akong magbitiw sa trabaho dahil hindi ko na kayang tanggapin ang mga mapanghusgang tingin ng mga tao! Sinira niya ang reputasyon ko! Sinira ninyong dalawa! Bakit kailangan ako palagi ang magbigay? Bakit ako palgi ang dapat umintindi? Kasi siya ang asawa ako kabit lang? Wala naman ako ngayon dito kung nung una pa lang sinab mo na sa akin ang totoo! Napapagod na rin ako Dave! Hindi mo alam ang pinagdadaanan ko nitong mga nakalipas na linggo!"

"Nangyari na iyon! Kailangan mo pa bang paulit-ulit na ipamukha sa akin? Anong gusto mo? hiwalayan si Portia?"

"Kaya mo ba? Kapag hiniling ko ba sa iyon na hiwalayan mo si Portia gagawin mo?" nanunubok kong tanong, alam ko namang hindi niya kayang gawin ang bagay na iyon ngunit hindi ko maiwasang masaktan sa naging reaksyon at sagot niya sa akin.

"Hindi, ngayon niya ako mas kailangan, kailangan din ako ng mga anak ko--"

"Palayain mo na ako Dave"

"Hindi Jamie. Ayoko." aniya sa matigas na tinig saka lumabas ng silid. Napaiyak na lamang ako nang tuluyang magsara ang pinto.

Kinabukasan ay nagising na lamang ako sa mahihinang tapik sa aking balikat, ang nakangiting mukha ni Dave ang una kong nasilayan.

"Good morning" aniya kasunod niyon ay pinagkalooban niya ko ng magaan na halik sa mga labi. "Bangon ka na, nagluto ako ng almusal"

"Wala akong gana" sagot ko saka siya tinalikuran upang bumalik muli sa pagtulog. Naramdam ko ang paglundo ng kama at ang pagyakap niya sa akin, wala akong reaksyon, ni hindi ako gumalaw, nanatili lamang akong nakapikit. Ayoko siyang makita o makausap, baka hindi ko na kayanin ang stress na nararanasan ko nang dahil sa kanya.

"Sorry na" aniya sa mahinang tinig. Diyan ka magaling Dave, sa paghingi ng tawad, pero patuloy ka pa rin sa pananakit sa akin. Napapagod na ako.

"Love, bangon ka na mag-date tayo ngayon, bibili tayo ng mga damit mo" hindi ko pa rin siya pinansin hanggang sa muli akong hilahin ng antok. Magtatanghali na ako bumangon, wala na sa tabi ko si Dave, nakiramdam muna ako, tahimik ang buong bahay, mukhang tulog pa ang mag-iina sa sala.

Kung hindi ko lang kailangang mag-cr ay hindi ako lalabas ng silid, magkukulong lang ako magahapon dahil tiyak na magkakagulo lang kung magkikita kaming dalawa ni Portia.

"Gising ka na pala" bati sa akin ni Dave, hindi ko na lang siya pinansin at nagtuloy-tuloy na sa cr, maliligo na rin ako, ayokong maglabas masok, baka masira ko lang ang araw ng pinakamamahal niyang asawa.

"Love, wala sina Portia pinauwi ko muna sa kapatid niya. Labas tayo, bili tayo mga damit mo, kumain na lang din tayo sa labas, ang tagal na nating hindi nagde-date. Saan mo ba gustong pumunta?" wala siyang tigil sa pagsasalita, hindi naman ako sumasagot, inabala ko na lamang ang aking sarili sa pagliligo, na tila ba sa ginagawa kong pagkikiskis ng aking balat ay magawa rin malinis ang buo kong pagkatao. Madalas ay pinandidirihan ko ang aking sarili, hindi ko nga alam kung paano ako nakakatagal sa sitwasyon na ito, ako rin naman ang dehado.

Ang buong akala ko ay napagod na si Dave,iyon pala ay nakaabang na siya sa labas ng cr. Wala akong kawala sa kanya ngayon, iyon ang naisip ko ang makita ang hilatsa ng pagmumukha niya, kaialngan kong tiisin ang buong araw na siya ang kasama ko, tiyak namang hindi ako makakaalis nang ako lang mag-isa, malamang na maghapon siyang nakasunod sa akin, manunuyo. Ganyan naman ang gawain niya kapag alam niyang may nagawa siyang mali.

"Ano saan mo gusto?"

"Wala, gusto ko lang matulog"

"Galit ka pa rin ba? Sorry na" aniya habang walng tigil ang pagsunod sa akin. "Lika na, wala kang damit na maayos ngayon, papalitan ko lang yun--'

"Pwede ba Dave patahimikin mo ako kahit ngayon lang?! Kahit ngayong araw lang na ito, mapahinga ang utak ko sa pag-iisip ng kung ano-ano! Hindi mo kailangan na bumili ng mga bagong damit, hindi ko kailangan iyon, kaya kong bumili kung gugustuhin ko! Huwag mo na akong gastusan simula ngayon, nakakatakot kang maningil."

"Love naman--"

"Lumabas ka na lang parang awa mo na, kahit man lang ngayon, pagbigyan mo ako, nakakapagod na Dave! Pagod na pagod na ako." Dahan dahan akong umupo sa kama, bagsak ang mga balikat. Kung maaari ko lamang hilahin ang mga araw ay ginawa ko na nang sa gayon ay makalayo na ako sa kanya.