Blessing

Walang tigil ang tahimik kong pag-iyak habang matamang pinagmamasdan ang mahimbing na pagtulog ni Dave sa aking tabi. Ito na ang huling gabi na makakasama ko siya. Hindi ko mapigilan ang malungkot lalo na at bukas ay hindi na ako uuwi sa kanya, nitong mga nakalipas na araw ay sinikap kong maging maayos ang pagsasama naming lahat, binabalewala ko ang mga parinig at pagdadabog sa akin ni Portia kapag kami lang ang naiiwan sa bahay kasama ang kanyang mga anak. Kahit pagod ako mula sa dami ng trabaho sa eskwela ay umuuwi ako ng maaga para makapagluto ng hapunan at maasikaso ang mga pangangailangan ni Dave.

Nanghihinayang ako sa sampung taon na pinagsamahan namin, sabay kaming nagtapos, sabay kaming nangarap pero sa ganito rin pala kami babagsak, ngunit ang mas higit kong pinanghihinayangan ay ang pagkasira ng aming pagkakaibigan. Wala akong ideya kung magkikita pa kami sa darating na panahon at kung mangyari man iyon, sana...Sana nagawa ko na siyang patawarin at ganoon din siya at si Portia sa akin. Ayokong mamuhay nang may mga taong galit sa akin, mas masarap sa pakiramdam kung sa tuwing paggising mo ay batid mong walang sino man ang may pagkamuhi sa iyo.

Mahigpit ko siyang niyakap, mahal na mahal ko siya pero hanggang dito na lang, kailangang itama ang mga nagawang pagkakamali, kailangan kong bigyan ng pagkakataon si Portia upang maging asawa para kay Dave, alam ko na masakit din para sa kanya ang mga nangyari pero nagawa niyang magpakababa para lang mabigyan ng kumpletong pamilya ang kanyang mga anak, kahit masakit na may ibang babae na katabi sa pagtulog ang kanyang asawa ay pilit siyang nagpapakatatag.

Hindi naman lingid sa aking kaalaman na palihim siyang tumatangis sa gabi, ilang beses ko iyong nasaksihan, ngunit iniignora ko dahil mas nananig ang galit ko sa kanya, ngunit habang tumatagal kami sa ganitong sitwasyon, unti-unti kong narealize na mas masakit para sa kanya ang mga nangyayari. Ilang taon na silang kasal ngunit mabibilang lamang sa daliri ang mga panahon na magkasama sila. Tila ba siya pa ang lumalabas na kabit dahil limitado ang panahon na inaaalay sa kanila ni Dave, sa kaisipang iyon ay hindi ko mapigilan ang makaramdam ng pagkapahiya. Sana sa pag-alis ko ay mabigyan ng pagkakataon na maisaayos nilang ang kanilang pagsasama at mamuhay ng normal bilang isang pamilya, na sa kanila ang buong atensyon at pagmamahal ni Dave. Iyon lamang ang hiling ko para sa kanila.

"Love, alis na ako ha? Male-late na ako" pagpapaalam sa akin ni Dave habang nagmamadaling ayusin ang kanyang suot na polo, nilapitan ko siya at tinulungan. Ito na huling pagkakataon na magagawa ko ito para sa kanya.

"Mag-ingat ka sa pagda-drive ha?" wika ko matapos siyang kintalan ng halik sa labi.

"Oo, Love you" aniya saka nagmamadaling lumabas ng aming silid, narinig ko pa siyang magiliw na nagpaalam sa kanyang mga anak kaya hindi ko napigilan ang silipin sila mula dito sa pinto, ngunit bigla akong nakaradamdam ng awa para kay Portia nang isang tapik lamang sa balikat ang binigay sa kanya at ni hindi man lamang siya tinapunan ng tingin.

Maingat kong isinara ang pinto saka inayos ang aking bag, kinuha ko doon ang sulat na ginawa ko para kay Dave noong isang araw, iniwan ko rin ang cellphone na binili niya para sa akin, kailangan ko nang putulin ang ano mang komunikasyon sa kanya kung nais ko talagang magsimula muli. Ilang minuto pa akong naglagi sa loob ng silid naming dalawa tila ba minememorya ang bawat detalye ng lugar na iyon. Mahirap man ay kailangan ko itong gawin, ito ang mas makabubuti para sa aming lahat.

Punong-puno ng emosyon ang araw na ito para sa akin, lilisanin ko ang dalawa sa pinakaimportanteng bahagi ng aking buhay. Halos hindi na rin mapugto ang aking mga luha nang dumating sa Faculty Room, may mga lobo na nakadikit sa pader at kung ano-ano pang dekorasyon, tuloy ay tila gusto kong bawiin ang aking naging desisyon. Lumapit sa akin si Carissa at mahigpit akong niyakap, kasunod niyon ang iba pang guro na naging malapit sa akin.

"Mami-miss kita friend!" maluha-luha niyan sabi sa akin, ako naman ay hindi na makapagsalita dahil wala akong maapuhap na sasabihin. Inabutan din nila ako ng isang bungkos ng bulaklak at saka iginiya sa aking table, may mga dalawang box ng cake doon at may mga regalo pa.

"Hindi kami makapag-farewell party mamaya eh, lam mo naman busy-busyhan tayo kaya dito na lang." sunod-sunod na pagtango na lamang ang naisagot ko habang walang tigil ang pagsigok.

Akala ko ay doon na natatapos ang aking pag-iyak, ngunit pagdating ng hapon kung saan imi-meet ko sa huling pagkakataon ang aking class advisory ay muli nanaman akong napahagulgol, pagpasok ko pa lamang ng classroom ay tahimik na ang buong klase, ilang sandali pa ay may pumailanlang na musika at isa-isang tumayo ang mga estudyante upang alayan ako ng rosas habang sinasambit ang kanilang pasasalamat. Gusto ko na talagang umurong sa naging desisyon ko lalo na nang makita kong halos lahat sila ay umiiyak na rin tulad ko ngunit hindi maaari, matutunton ako ni Dave bagay na pinaka iiwasan kong mangyari. Baka lalo lamang gumulo ang sitwasyon lalo na at hindi magtatagal ay mahahalata na ang aking sinapupunan, mas tataas ang posibilidad na hindi na ako makakaalis sa poder niya lalo na at magkakaanak na rin kami.

Hindi ko naman ipagkakait sa kanya ang bata, balang araw ay makikilala rin naman nila ang isa't-isa, ngunit sa ngayon ay kailangan kong ilayo ang aking magiging anak sa lahat ng gulong kinasangkutan ko. Ang gusto ko lang naman ay ang mabigyan siya ng tahimik at simpleng buhay.

'

Pagod na pagod ang pakiramdam ko nang makarating sa bahay, halos hindi ko na nga alam kung paano bibitbitin ang mga bigay sakin kanina mabuti na lamang at tinulungan ako ng taxi driver na magbaba ng mga iyon. Pagkabukas pa lamang ng pinto ay tila biglang gumaan ang aking pakiramdam, ang lungkot na naramdaman ko buong araw ay napalis nang makapasok ako nang tuluyan. Panibagong bahay.Panibagong buhay. Puno ng pag-asa ang aking puso na magiging maayos ang lahat para sa aming mag-ina.