ONE

'Sa ikalawang pagdinig sa kaso ni Mayor Asuncion, itinatanggi ng kaniyang panig na wala siyang kinalaman sa pagpapatakbo ng illegal drugs sa kanilang lugar. Matapang namang inilahad ni Attorney Arnulfo na mayroon siyang matibay na ebidensya na magpapatunay na ito ay sangkot sa transaksiyon ng illegal drugs.'

Pinapanood ni Dale Garrovillo kasama ang kaniyang daddy, mommy at kapatid na si Angela ang balita tungkol sa kaso ni Mayor Asuncion, ang kasalukuyang alkalde ng Manila. Bali-balita kasi sa kanilang lugar na sangkot ang mayor sa pagpapatakbo ng ilegal na droga.

Kasalukuyang hawak ng kaniyang daddy na si Attorney Arnulfo ang kaso na ito. Ayon dito, mahirap kalabanin ang mayor dahil malakas ang impluwensiya at kapangyarihan nito. Marami-rami na rin itong nalulusutan na akusa dahil sa koneksiyon.

Labing-walong taon si Dale at labing-lima lang ang kaniyang kapatid na si Angela. Dalawa lang silang anak ng mag-asawang Garrovillo.

Napabalikwas ng tayo sina Dale at ang kasama sa sala nang marinig ang putok ng baril. Nabasag ang screen ng telebisyon at kumalat ang basag na piraso nito sa sahig.

Nagtago siya sa likod ng sofa at nanginginig ang kamay na napatakip sa tainga. Napapikit din siya sa malakas na putok ng baril. Ang tanging magagawa niya lang ngayon ay ang magtago dahil wala rin siyang kaide-ideya sa nangyayari.

Dahan-dahan siyang sumilip sa pinagtataguan. Nangangatog man ang kaniyang tuhod ngunit hindi maiaalis ang kagustuhan niyang makita kung sino ang mga dumating.

May limang lalaking nakaitim at nakasuot ng mask ang pumasok sa sala. Binuksan ng mga ito ang mga cabinet at hinalungkat iyon.

"Hanapin niyo ang drive!" utos ng isa sa lalaking nakaitim.

"Sige boss!"

Napahinto sa paghahanap ang mga lalaki nang dumating ang mga guwardiya ng Garrovillo sa sala. Naalarma ang mga lalaki kaya agad nilang pinaputukan ang mga guwardiya.

Kitang-kita ni Dale kung paano tumatagos ang bala sa katawan ng kanilang mga guwardiya. Nanginginig siya at nangingilid ang kaniyang luha sa nasasaksihan ng mata. Hindi niya maigalaw ang katawan. Paano kung matamaan siya ng bala? Paano kung patayin sila ng mga lalaki? Anong mangyayari sa kanila kapag nakita sila ng mga lalaking iyon?

Binalik ni Dale ang tingin sa kaniyang daddy, mommy at sa kapatid na si Angela. Nagtatago rin ang mga ito sa likod ng sofa na katabi ng kaniya. Humarap sa kaniya ang ama at sumenyas na tumakbo kapag may pagkakataon. Hindi niya alam ang binabalak ng dad niya, kung ano man iyon ay masama ang kaniyang kutob.

Tumayo ang kaniyang ama at nagpakita sa mga lalaki. Tama nga siya ng hinala, may binabalak ang kaniyang ama. Hindi niya gusto ang pumapasok sa kaniyang isip. Pinipilit niyang iwaksi sa isipan ang negatibong maaring mangyari sa dad niya. 'Huwag naman sana!' panalangin niya.

"Anong pakay niyo?"

"Nas'an ang drive?" Itinutok ng pinaka-lider ang baril sa kaniyang ama.

"Wala sa 'min ang hinahanap niyo!" Malakas ang boses ng ama niyang sumagot sa lalaki. Hinugot din nito ang baril na nakasuksok sa belt na suot at tinutok sa lalaking kaharap.

"Sino kayo?"

Tinanggal ng lalaki ang suot na mask at ngumiti sa dad niya na pinanlakihan ng mata nang makita ang mukha ng lalaki.

"Ikaw?"

"Ako nga Aries, kumusta?"

Hindi sumagot ang kaniyang ama. Sa halip ay inayos lang ang tindig. "Umalis na kayo rito! Wala dito ang hinahanap niyo!"

Habang nag-uusap ang dalawa, yakap-yakap ni Dale ang kaniyang tuhod na nakatingin sa lalaking kausap ng kaniyang dad. Singkit ang mata ng lalaki na halos kaedad lang ng kaniyang ama. Maputi rin ang balat nito.

Salubong ang kilay ni Dale na nakikinig. Hindi niya alam kung tungkol saan ang pinag-uusapan ng ama at ng lalaking kaharap nito. Basta ang alam niya, may hinahanap na 'drive' ang mga lalaki. Narinig niya rin na tinawag na 'Aries' ang kaniyang ama.

Napaatras si Dale nang makarinig muli ng putok. Nanlaki ang mata niya sa nakita.

Tumagos ang bala sa noo ni Mr. Garrovillo. Tumulo ang pulang likido sa sugat nito sa noo.

Napatakip si Dale ng bibig upang pigilan ang nagbabadya niyang hagulgol at hiyaw sa paglabas. Ayaw niyang marinig siya upang hindi sila makita. Ngunit, napigilan man niya ang sigaw, hindi ang panginginig ng kaniyang labi.

'Sino ba sila? Kung drive lang naman ang pakay nila sana kunin na lang nila! Huwag na sana nila kaming patayin!' paki-usap niya.

"Nandito sila!" Lumingon si Dale sa lalaking nakakita sa kaniya. Tumayo siya agad at lumapit sa kaniyang mommy at sa kapatid na si Angela. Yumakap siya nang mahigpit sa ina. Pakiramdam niya ay magiging ligtas siya sa piling nito. Pilit niyang sinusuksok ang sarili sa katawan ng ina na animo'y maitatago siya ng tuluyan mula sa lalaki.

"Umalis na kayo!" utos sa kanila ng ina. Umiling siya. Hinawakan siya sa pisngi ng ina at hinalikan sa noo. Halata sa kinikilos na nagpapaalam na sa kanila ang ina kaya ang kaninang nangingilid lang na luha ay tuluyan nang bumuhos habang nakaharap sa ina.

Nakikiusap ang mata ng kaniyang mommy kaya wala siyang nagawa kundi sumunod. Labag man sa loob niya na iwan ang kaniyang mommy, ngunit kailangan. Hinila niya ang kapatid at tumakbo.

"Mga gago! Sundan n'yo! Baka nasa kanila ang drive!" pasigaw ang utos ng lider ng mga lalaking nakaitim. Pinaputukan ng mga ito sina Dale at Angela. Ngunit, hindi natinag sina Dale at Angela kahit sunod-sunod ang pagpapaputok sa kanila ng baril. Nais nilang makalabas at mailigtas ang sarili.

Sa tuwing maririnig nina Dale at Angela ang putok ng baril ay sandali silang napapayuko at napapahinto sa pagtakbo.

Pero kailangan nilang magpatuloy sa pagtakbo. Kailangan nilang mabuhay!

"Angela!" sigaw ni Dale nang matamaan ang kapatid sa binti. Tinayo niya ang kapatid at tinulungang maglakad.

Naging mabagal ang usad nina Dale at Angela. Papalapit na sa kanila ang mga lalaki.

Nilingon ni Dale ang mga nakasunod sa kanila. 'Malapit na sila.' Kumakabog ang kaniyang dibdib. Alam niyang dahil sa pagbagal ng paglalakad nila ay lalo pang bumibilis ang kabog ng kaniyang dibdib. Gusto niyang bilisan ang paglalakad upang hindi sila maabutan ngunit hindi kaya ng kaniyang kapatid.

"Ate, iwan mo na 'ko," umiiyak na sabi ni Angela.

Umiling si Dale at hinigpitan ang hawak sa kapatid. "Hindi! Hindi kita iiwan! Magkasama tayong aalis dito!"

Wala sa plano niyang iwan ang kapatid. Lalo pa't sila na lang dalawa ang naiwan. Wala na nga ang kaniyang daddy at mommy. Pati ba naman ang kaniyang kapatid? Hindi niya kakayanin ang mag-isa.

Nilingon niya ang kapatid nang bumitaw ang kamay nito sa kaniyang balikat.

"Angela!"

"Umalis ka na ate!" sigaw sa kaniya ng kapatid na halos ipagtabuyan na siya. Tinulak pa siya nito kaya tuluyan niyang nabitiwan si Angela.

Lalapitan sana muli ni Dale ang kapatid ngunit napahinto siya sa paglalakad sa biglaang pagsabog. Gumalaw ang paligid at nagbagsakan ang malalaking tipak na bato.

Tumingin siya sa direksyon ng kapatid ngunit tanging malalaking bato na lamang ang kaniyang nakita.

"Hindi! Angela!" sigaw niya. Patakbo siyang lumapit sa bato at pilit na sinusubukang mabuhat iyon. Ngunit kahit anong lakas ang ibigay niya ay hindi niya magawang pagalawin ang bato. Kahit anong pilit niya ay wala siyang magawa. Masiyado iyong malaki para sa maliit niyang katawan. Naiinis siya sa kaniyang kahinaan. Hindi man lang niya nailigtas ang kapatid. Hindi niya na matutupad ang salitang binitiwan na magkasama silang lalabas dito. Hinampas niya nang malakas ang batong nakaharang. Napangiwi siya at pinagpag sa hangin ang kamay na ginamit sa paghampas. Wala na ang kapatid niya! Wala na ang mommy at daddy niya! Mag-isa na lang siya ngayon. Ano na lang ang mangyayari sa kaniya?

Gumalaw muli ang paligid. Umikot ang paningin ni Dale sa nangyaring pagyanig na iyon. Pasalampak siyang napaupo sa sahig. Kailangan niya nang makalabas bago pa siya tuluyang mabagsakan ng naglalakihang bato. Kung hindi siya magmamadali ay maaring hindi na rin siya makalabas dahil unti-unti na ring natutumba ang isang haligi papunta sa pintuan. Mawawalan siya ng daraanan kung babagsak ang haligi sa tapat ng pintuan.

Gumapang siya papunta sa pintuan. 'Unti na lang!' Kapag nakalabas siya ay ligtas na siya. Kaunting gapang na lang at abot-tanaw na niya ang kaligtasan.

Nakarating siya sa pintuan at binuksan ang pinto. Wala na siyang lakas upang magpatuloy pa pababa ng hagdan. Pinagulong-gulong na lamang niya ang sarili upang makababa siya. Iyon ang pinakamabilis na paraan upang makababa sa hagdan. Hindi nga siya nagkamali. Nakababa siya agad-agad. Buwis-buhay man ngunit mabilis na paraan para makababa.

Bumagsak si Dale sa semento. Napapikit at napahawak siya sa likod na nananakit dahil sa pagtama nito sa mga maliliit na piraso ng mga bato.

Minulat ni Dale ang mata. Nanlalabo man ang paningin niya ngunit nagawa niya pa ring tumingin sa kanilang bahay na unti-unti nang tinutupok ng apoy. Marahil ang apoy na iyon ay gawa ng pagsabog na narinig niya kanina. Ngunit hindi niya alam kung ano ang dahilan ng pag-sabog na iyon. Marahil ay gawa iyon ng mga lalaki.

May Lumapit na lalaki kay Dale.

Tiningala ni Dale ang pigura ng lalaking sumulpot sa kaniyang harapan. Gusto niyang makita ang mukha ng lalaki ngunit para lang itong anino sa dilim dahil gabi na. Panalangin niya na lang na sana hindi kalaban ang lalaking iyon kundi isang kakampi. Tinaas niya ang kamay at pilit na inaabot ang lalaki. Gusto niyang manghingi ng tulong pero walang lumalabas na boses sa kaniyang bibig. Sana, sana talaga ay narito ang lalaki upang tulungan siya at hindi para patayin.

May hawak na baril ang lalaking lumapit kay Dale. Napansin pa ni Dale ang pagtaas nito sa hawak na baril bago siya tuluyang nawalan ng malay.

.....

Limang taon na ang nakalipas ngunit sariwang-sariwa pa rin sa alaala ni Dale ang mga pangyayari, pangyayari kung paano namatay ang kaniyang pamilya.

Kinuyom niya ang kamao.

Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang ideya sa pakay ng mga lalaking iyon sa kanila. Sino sila? Kaano-ano sila ni dad? Ano iyong drive na hinahanap nila?

Sa dami ng tanong na gumugulo sa kaniya, isa lang ang malinaw, iyon ang galit sa mga taong may kasalanan niyon. Galit sa bumaril sa dad niya.

Napahinto siya sa pagbabalik-tanaw nang magsalita si Sid.

"Dale, alam ko na kung nasaan si Gonzalez."

"S'an?"

"Sa Binondo," tipid na sagot ni Sid sa kaniya.

Kinuha ni Dale ang kaniyang Glock 17 pistol at dagger. Isinuksok niya iyon sa leather belt na suot. Lagi niya iyong dala upang protektahan ang sarili. Simula nang mamatay ang pamilya niya, napagisip-isip niya na kailangan niya nang mag-ingat dahil walang magtatanggol sa kaniya kung nasa panganib. Tanging sarili niya lang kaniyang maaasahan at malalapitan. Tanging sarili niya lang din ang magtatanggol at tutulong sa kaniya. Hindi na dapat siya nakadepende sa ibang tao dahil hindi sa lahat ng oras ay nariyan sila para sa kaniya.

Lumakad sina Dale at Sid palabas ng Condo. Pagkatapos ay dumiretso sa parking lot kung nasaan ang kulay abong Hyundai Accent ni Sid.