TWO

"Nandito na tayo."

Sa Binondo, habang nasa loob ng kotse ay natanaw ni Dale ang street sign. Naningkit ang kaniyang mata sa pagbasa sa nakasulat. 'Masangkay Street'. Iyon na marahil ang lugar paliko sa bahay ng pakay nila.

Tumingin siya kay Sid na abala sa pagmamaneho. Salubong ang kilay nito na titig na titig sa daan.

"Dito na lang," sabi niya habang tinatanggal ang seat belt.

Pinahinto ni Sid ang kotse dahil sa utos ni Dale. Base kasi sa obserbasyon niya, si Dale ang uri ng tao na dapat nasusunod. Hindi sila magkakasundo kung kokontrahin niya ang sasabihin nito. Kaya hangga't maaari tahimik lang siya at tikom lagi ang bibig sa bawat utos sa kaniya ng katabi.

Bumaba si Dale sa kotse. Hinahangin ang buhok niya na hanggang bewang. Sumusunod iyon sa direksyon kung saan papunta ang hangin. Hinawi ni Dale ang buhok at inipit ang hiblang nakaharang sa mukha sa gilid ng kaniyang tainga. Nagsuot din siya ng itim na sumbrero.

"Humanap ka ng lugar na paparadahan at hintayin mo'ko do'n," bilin niya kay Sid. Tumango lang si Sid at nagsimula nang paandarin ang kotse.

Dinala si Dale ng kaniyang paa sa bahay ni Gonzalez. Nang makarating doon ay napanganga siya ng bahagya nang matanaw niya ang modernong bahay nito. Dalawang palapag iyon at may terrace na gawa sa salamin.

Lumingon-lingon siya sa paligid. Naghahanap ng daan na puwedeng mapasukan. Hindi siya puwedeng magpadalos-dalos dahil may bantay sa gate. Bukod pa doon, may cctv sa labas.

Sumipol si Dale. Lumingon ang mga bantay sa poste kung saan siya nagtatago.

Hinanda niya ang sarili sa paglapit ng dalawang bantay. Nang makalapit ang mga iyon ay walang pagdadalawang-isip na siniko niya ang leeg ng isa at hinampas naman ng baril ang isa pa.

Pinagpag niya ang palad habang nakababa ang tingin sa dalawang bantay na nakadapa na sa sementadong daan. Hindi man lang siya nahirapang patumbahin ang dalawa. Ang akala pa naman niya ay mahihirapan siya dahil dalawa ang mga ito. Ngunit hindi man lang siya pinagpawisan.

Binaba niya ang sumbrero upang hindi makita sa cctv ang kaniyang mukha. Dire-diretso siya sa loob at hinarap ang mga bantay na humaharang sa kaniya. Dilekado man ang ginawa niya ay wala siyang pakialam. Gustong-gusto niya nang makita si Gonzalez.

Ilang taon din ang lumipas bago niya nalaman ang pangalan nito. Ngayon ay nandito na siya, hindi niya na palalampasin ang pagkakataon na makaharap si Gonzalez.

Inisa-isa niya ang silid upang makita ang hinahanap. Kailangan niyang magmadali bago pa malaman ng ibang bantay ang pagpasok niya.

Sa huling silid na kaniyang pinuntahan, nagbabaka-sakali siya na naroroon na si Gonzalez.

Pinihit niya ang siradura na hindi lumilikha ng tunog. Ngunit sa pagpasok niya, bigla na lamang may humatak sa kaniya. Nanlaki ang mata niya nang maramdaman ang dulo ng baril na nakatutok sa kaniyang sintido.

"Sino ka? Bakit nandito ka sa bahay ko?"

Sigurado si Dale na kay Gonzalez ang mediyo paos na boses na iyon. Hindi siya puwedeng magkamali dahil dinig na dinig niya ang pag-uusap nito at ng pumanaw niyang ama.

Sa likod ng kaniyang bewang, nakasuksok ang kaniyang dagger. Kinuha niya iyon at tinusok sa tiyan ni Gonzalez.

Napaatras si Gonzalez habang sapo ang tiyan na tinamaan ni Dale. Hindi maipinta ang mukha nitong nakatingin sa sugat kaya sinamantala niya ang pagkakataon upang maagaw ang baril ni Gonzalez.

Tumakbo si Gonzalez palapit sa kaniya. Palapit ang kamao nito sa kaniyang mukha kaya agad siyang umilag.

Nagpakawala siya ng sipa na tumama sa tagiliran nito. Kaya natumba na naman si Gonzalez. Nakangiwing napahawak ang matanda sa sugat.

Matalim ang mata nitong tumitig sa kaniya at saka ngumisi.

"Magaling ka bata," papuri nito sa kaniya.

Hindi niya na kailangan pang marinig iyon sa kaniya. Alam niya ang potensiyal na mayroon siya. Limang taon ka ba namang magsanay sa pakikipaglaban kaya paniguradong sanay na sanay ka na.

Sumugod na na naman si Gonzalez sa kaniya. Nagpakawala na naman ito ng suntok at sipa na mabilis naman niyang naiiwasan o nasasalag.

Aminado si Dale na malakas ang kaharap niya. Mukhang may karanasan din si Gonzalez sa pakikipaglaban. Pamilyar ang bawat galaw nito. Tulad niya ay marunong din ito sa Martial arts.

Pinulupot ni Dale ang paa sa binti ni Gonzalez upang patirin ito. Nagtagumpay naman siyang pahigain ang matanda sa sahig. Inikot niya ito at pinadapa. Pagkatapos, itinali niya ang kamay nito gamit ang tie na hinigit niya sa leeg ng matanda.

Nilabas niya ang picture ng Dad niya at iniharap sa mukha ni Gonzalez.

"Natatandaan mo pa ba ang lalaking 'to na pinatay mo?"

Nanlilisik ang mata ni Dale kay Gonzalez. Hinigpitan niya lalo ang hawak sa mga kamay nito. Nanggi-gigil ang mga ngipin niya na naka-kagat sa kaniyang labi. Gustong-gusto niya nang patayin si Gonzalez ngunit hindi maaari. Kung gagawin niya iyon ay wala na rin siyang pinagkaiba kay Gonzalez. Magiging mamamatay tao na rin siya.

"Hindi ko 'yan kilala!"

"Sinungaling!" Si Gonzalez lang ang pinakamalapit na tao sa kaniyang Dad ng panahong iyon. Siya lang ang maaaring bumaril sa kaniyang Dad!

"BAKIT? Bakit mo 'yon ginawa!"

Nagsimulang lumabas ang luha sa kaniyang matang nakatitig kay Gonzalez. Ang tagal niyang hinanap si Gonzalez at ngayon abot-kamay niya na ito mas lalong tumitindi ang galit niya para rito.

"Hindi ako ang bumaril sa kaniya!"

Nabitawan niya si Gonzalez sa narinig. Kung hindi siya? Sino? Nagkamali lang ba siya ng napagbintangan? O paraan lang ito ni Gonzalez para makawala mula sa kaniya?

Binalik niya ang hawak sa kamay nito. "Hindi mo ako maloloko! Ano pala pakay niyo sa bahay namin?"

"Hinahanap lang namin ang drive."

"Anong drive?" Nakakunot ang noo ni Dale na nakatitig kay Gonzalez.

"Ang..." Hindi nagawang tapusin ni Gonzalez ang sasabihin dahil sa paghampas ng pinto sa pader. Nilabas ng pintuan ang limang bantay.

Gumana ang reflexes ni Dale kaya napakilos siya at napapunta sa likod ng cabinet upang magtago.

Nagpaputok ang mga bantay sa direksiyon ni Dale.

Dumako ang tingin ni Dale sa kaniyang balikat. Nagdudugo iyon dahil tinamaan ng bala. Napakagat-labi siya habang hawak ang tagiliran. Sinusubukan niyang pigilan ang dugong lumalabas sa sugat. Kailangan niya nang makalabas agad bago pa siya tuluyang maubusan ng dugo. Pero paano? Patuloy sila sa pagpapaputok sa direksyon niya.

Kumilos siya at dumapa. Pumunta siya sa pinakagilid upang paputukan ang mga bantay. Sa unang putok, natumba ang isa dahil sa tama sa kaniyang binti. Inasinta rin ni Dale ang kamay ng isa pang bantay na may hawak ng baril. Suwerte namang tinamaan niya iyon.

Natumba ang lahat ng inasinta niya. Magandang pagkakataon upang makalabas.

Ginawi niya ang tingin sa bintana. Salamin ang harang ng bintana. Lumapit doon si Dale at binasag ang salamin. Pagkatapos ay tumalon siya doon.

Kumapit siya sa sanga at pinaduyan-duyan ang sarili upang makalipat sa ibang sanga. Nang makalipat, kinuha niya ang dagger at tinusok sa katawan ng puno upang magkaroon siya ng makakapitan pababa.

Pagkababa, tumalon naman siya paakyat sa mataas na gate para makatawid sa kabila. Tumakbo siya agad ng makalabas.

Habang tumatakbo ay narinig pa niya ang boses ni Gonzalez.

"Mga walang silbi! Sundan niyo s'ya. Gago! Bilisan niyo!"

Napayuko si Dale nang magpaputok ang mga bantay sa taas.

"Punyeta! Tamaan niyo naman!" sigaw ni Gonzalez.

Tumingin si Dale sa braso niya na na-daplisan ng bala. Pagewang-gewang na ang kaniyang pagtakbo dahil sa tama sa kaniyang tagiliran at balikat. Hinahabol siya ng mga bantay ni Gonzalez kaya kailangan niyang bilisan. Ngunit masakit ang sugat niya. Kanina, hindi pa niya ito ramdam ngunit habang tumatagal, mas lalo itong kumikirot. Para bang lalong bumabaon ang bala sa kaniyang buto sa tuwing gagalaw siya.

Bagama't sanay na siyang nakakatanggap ng mga pinsala dahil sa kaniyang pagsasanay, hindi pa rin maiaalis na nasasaktan siya. Tao pa rin siya at may damdamin. Ang pinagkaiba nga lang, kaya niyang tiisin ang sakit na iyon. Kaya niyang magkunwaring hindi nasasaktan dahil ayaw niyang ipakita sa iba na mahina siya. Gusto niyang ipakita sa iba na hindi na siya ang Dale na tulad ng dati, iyong mahina at walang magawa kundi ang umiyak. Hindi na siya iyong Dale na walang kalaban-laban. Kaya niya nang ipagtanggol ang sarili mula sa panganib.

"Dale, sakay na!"

Lumingon si Dale sa kotseng nasa harap niya. Laman noon si Sid na may hawak ng manibela.

Binuksan niya ang pinto at pumasok sa loob.

"Sid, bilisan mo!" Pinaharurot ni Sid ang kotse.

Sa side mirror kung saan nakatitig si Dale ay makikita ang mga bantay na humahabol at nagpapaputok.

Napasandal si Dale sa upuan, hawak-hawak ang tiyan at pigil ang hininga. Kinuha niya ang first aid kit na dala.

Gamit ang medical tweezer, kinuha niya ang balang bumaon sa kaniyang tagiliran. Napapikit siya at napakapit nang mahigpit sa upuan. Mabuti at may alam siya sa panggagamot sa sarili, tinuro iyon ni Benjamin sa kaniya.

"Ayos lang ako, huwag kang mag-alala."

Inunahan niya na si Sid bago pa man ito mag-react sa sitwasiyon niya. Sanay na siya sa ganoong sitwasyon dahil sa pag-train sa kaniya ni Benjamin. Si Benjamin ang tumulong sa kaniya ng panahong iyon. T-ine-rain siya nito at tinuruan ng iba't ibang galaw ng martial arts.

Matapos i-train ay wala na siyang naging komunikasyon kay Benjamin. Bigla na lang itong naglaho nang walang paalam sa kaniya. Hindi niya ito mahanap dahil hindi pa rin niya nakikita ang mukha nito. Lagi kasi itong nakasuot ng mask kapag nagkikita sila. Tanging tindig lang nito at boses na malalim ang natatandaan niya.

Inalis ni Sid ang tingin sa daan nang marinig ang hampas ni Dale sa pinto. Nakakuyom ang kamao nito habang nakatingin sa daan.

"Anong nangyari?" tanong ni Sid.

"Hindi raw siya ang bumaril kay Dad. Kung hindi siya, sino? Sinong gumawa n'on?"

"Naniniwala ka ba sa sinabi niya?"

Huminga si Dale ng malalim bago nagsalita.

"Hindi ko alam," sagot niya habang pailing-iling sa hangin. Hindi siya sigurado sa isasagot niya. Ang nakita niya lang kasi ay ang pagtama ng bala sa noo ng kaniyang Daddy. Hindi niya nakita kung galing ba kay Gonzalez ang bala na iyon o sa kasamahan niya. Ganon pa man, kung ang kasama niya ang bumaril kay Dad ay may pananagutan pa rin siya dahil tauhan niya iyon.

"Anong plano mo?"

"Hanapin natin ang drive, baka malaman natin d'on kung ano ang totoo."