THREE

"Dale, nasa files ng Dad mo'to."

Tiningnan ni Dale ang ipinakita sa kaniya ni Sid. Larawan iyon ng kaniyang Daddy sa loob ng bar.

May kasama ang dad niya sa kuhang iyon. Isang babae na naka-dress na pula at isang lalaki na nakatagilid at may hawak na wine glass.

"Sino kaya sila?" Hinawakan niya ang kaniyang baba. Wala siyang kilala sa mga iyon maliban sa kaniyang ama. Kaano-ano kaya sila ng kaniyang Daddy? Baka may alam sila sa tinutukoy ni Gonzalez na drive.

Nagkibit-balikat sa kaniya si Sid. Maging ito ay hindi alam kung sino iyon. Kung siya nga na anak ay hindi kilala ang kasama ng dad niya, si Sid pa kaya na ngayon lang nag-exist sa buhay niya.

"Sa'ng bar kaya 'yan?" Paikot-ikot ang mata ni Dale sa mga kasama ng dad niya sa picture. Pakiramdam niya ay kilala niya ang babae roon. Hindi niya lang matandaan kung saan at kailan niya iyon nakita.

"Kaya mo bang alamin Sid?" Binalik niya ang tingin sa walang emosiyong si Sid. Tumango-tango lang ito bilang pag-tugon.

Nilapit niya ang sarili kay Sid. Sa kaniyang paglapit ay nalanghap niya ang pabango nito. Nakaka-akit ang panlalaking amoy nito. Para siyang sumisinghot ng rugby, matapang pero nakakaadik. 'Kailan pa siya nagkaroon ng interes sa pabango ni Sid?'

Pinilig niya ang ulo at ibinalik ang atensiyon sa abalang si Sid. Nakaharap ito sa computer. Mabuti na lang at nakilala niya ito dahil malaking tulong ang husay nito sa pagkalikot ng teknolohiya tulad ng computer.

Una silang nagkita sa Tondo, Manila. Hinahanap niya kasi si Benjamin. Umaasa siya na matatagpuan ang lalaking tumulong sa kaniya kahit na alam niyang wala iyong patutunguhan. Hindi naman talaga niya alam ang hitsura ni Benjamin. Basta ang alam lang niya ay may nabanggit itong inuupahan sa Tondo.

Nang magpunta siya sa Tondo, hindi si Benjamin ang nakita niya kundi si Sid. Minsan na siyang natulungan ni Sid at naulit pa sa tuwing napapasok siya sa gulo. Tulad na lamang nang mapalaban siya sa mga miyembro ng 'Sandugo35' , kilalang gang iyon sa Tondo. Hindi niya alam kung bakit sa tuwing nasa alanganing sitwasiyon siya ay bigla na lamang dumadating si Sid upang tumulong.

Magiisang taon na rin simula ng una silang magkita ni Sid. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang masiyadong alam dito bukod sa pangalan at husay nito sa pakikipaglaban at computer. Hindi niya alam kung ibibigay ba niya ang buong tiwala kay Sid dahil nag-aalala siya na sa likod nito ay may nagtatagong panganib. Pasalamat na lang din siya dahil nakakatulong sa kaniya ng malaki si Sid.

Binaba ni Dale ang tingin kay Sid na abala pa rin kaharap ang computer. Sinuyod niya ng tingin ang mukha nito. Ganito pala ang hitsura ni Sid sa malapitan. Malalim ang mga mata nitong nakatingin sa laptop. Matalim kung tumitig kaya aakalain ng ibang tao na galit ito ngunit likas na iyon sa kaniyang awra. May hiwa rin ang kilay nito. Ang cool sa kaniya. Nakapagdagdag iyon sa kaniyang kaastigan.

Matagal na niyang kasama si Sid ngunit ngayon niya lang ito natitigan ng matagal. Ngayon niya lang tuloy napansin na magandang lalaki pala ito. Siguro dahil sa sobrang abala siya sa paghahanap kay Gonzalez at Benjamin.

Aaminin niya na sa sobrang pagnanais niyang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng pamilya niya, nakalimutan niya nang maglibang. Wala na siyang pakialam sa paligid niya dahil naka-focus lang siya sa isang bagay, ang panagutan ng mga sangkot sa pagkakamatay ng pamilya niya ang kanilang kasalanan.

Matapos suyurin ang mukha ni Sid, binaba niya ang tingin sa suot nito. Nakasuot ito ng asul na hooded jacket at baston pants. Pinarisan niya ito ng sport shoes. Kakaiba rin ang trip nitong porma. Napansin niya lang na sa tuwing magkikita sila ay palaging nagsusuot si Sid ng jacket. Trip niya lang ba iyon o talagang nilalamig siya palagi? Malamig naman talaga sa condo niya pero hindi naman sobra na maninigas ang papasok doon sa sobrang lamig.

Bigay pala ni Benjamin ang condo na iyon. Noong nasunog ang bahay nila ay wala na siyang ibang matutuluyan pa. Mabuti na lang at nandiyan si Benjamin dahil kung hindi ay wala siyang matitirhan.

First year college pa lang siya ng panahong iyon kaya wala pa siyang kaalam-alam kung paanong mamuhay mag-isa. Ni hindi nga siya nakakahawak ng hugasin at mga damit na labahan dahil nasanay siyang may ibang gumagawa noon para sa kaniya. Kung ganoon siya pinalaki? Paano niya kakayanin ang isang pangkaraniwang buhay? Wala rin siyang ibang kamag-anak na malalapitan dahil ang daddy niya ay galing sa ampunan at ang kaniyang mommy naman na nakilala ng kaniyang dad sa Tondo ay namatay na rin ang magulang . Kaya wala talaga siyang malalapitan.

Kasabay ng pagbigay sa kaniya ng condo ay ang pagkakaroon niya ng sariling account sa bangko. Buwan-buwan nagkakaroon ng laman ang account na iyon. Sapat upang mabuhay siya. Hindi siya sigurado kung kanino galing iyon at kung sino ang naglalagay ng pera roon. Pero hinala niya, kay Benjamin galing iyon.

"Nakita ko na!"

Nagbalik si Dale sa reyalidad nang magsalita si Sid.

Nagkatinginan silang dalawa. Nag-iba ang kabog ng dibdib niya. Sanay naman siya na nagkakatinginan dati ngunit ngayon ay bigla na lamang siyang kinabahan nang magtama ang mata nila.

Tinuon na lamang niya ang tingin sa screen ng monitor.

"Sa'n?" sabi niya na naka-iwas pa rin ng tingin sa katabi.

"Sa Pasay City."

Magkalapit lang ang mga mukha nila dahil nakayuko si Dale na nakatingin sa naka-display sa screen, kaya ramdam ni Dale ang hininga ni Sid sa tuwing magsasalita ito.

Distrakted siya sa malapit na presensiya ni Sid kaya dumiretso siya ng tayo.

"Tara na."

Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagbihis si Dale.

Pagkarinig ng lugar ay lumakad siya papunta sa kaniyang silid at nagsuot ng itim na sando na pinatungan niya ng leather jacket. Pinares niya ang pang-itaas sa itim rin na leather pants na hapit sa kaniyang hita. Sa tuwing sinusuot niya iyon ay nae-emphasize ang hubog ng kaniyang hita. Nagsuot rin siya ng black boots na mataas ang takong. Hindi niya alam kung bakit gustong-gusto niya ang kulay na itim. Para sa kaniya ay astig iyon tingnan. At saka siguro dahil nagre-reflect iyon sa naging karanasan niya. Naniniwala kasi siya na ang itim ay sumisimbolo sa sakit, lungkot at poot.

Totoo naman na iyon ang kaniyang nararamdaman. Masakit ang mawalan ng minamahal sa buhay lalo pa ang makita silang pinatay at namatay sa kaniyang harapan na wala man lang magawa dahil sa kahinaan.

Kaya hindi niya masisisi ang sarili kung bakit ganoon na lang ang pagnanais niyang makita si Gonzalez.

Kung hindi man si Gonzalez ang totoong bumaril sa Dad niya, gusto niya makita ang tunay na salarin.

....

Sa Pasay kung nasaan ang bar, pumasok si Dale at Sid.

Naghiwalay silang dalawa.

Pumunta si Dale sa counter.

Tinaas niya ang kamay at tumingin sa bartender. Nanghingi siya rito ng red wine.

Pagkaabot sa kaniya ng wine glass, pinag-krus niya ang mga hita at ininom ang laman ng hawak.

Nagawi ang tingin niya sa katabing lalaki. Marahil kanina pa iyon doon at ngayon niya lang napansin.

Taas-baba ang mata niyang nakatingin sa katawan nito. Napangiwi siya. Ang lakas ng loob nitong magbukas ng polo at ipakita ang katawan kahit bakat na bakat na ang ribs.

Umangat ang kaniyang mata sa mukha ng lalaki. Lubog ang mata at pisngi nito. Nangingitim ang eyebags at namumula ang mata. 'Kakasinghot lang ata!' Isip-isip niya.

Marami-rami na rin siyang nakikitang mga taong kagaya nito. Abogado ang kaniyang daddy at isa sa mga kasong palaging nahahawakan nito ay tungkol sa mga nasasangkot sa illegal drugs. Sa mga taong napagbibintangan na drug pusher, sa mga drug user at sa mga taong

'natotokhang' dahil sa anti-illegal drugs operation.

Hindi niya alam kung bakit ganoon ang nangyari. Simula kasi nang umupo ang kasalukuyang pangulo ng bansa na si President Regolado at ang kaniyang 'War on Drugs', mas dumami ang naging kliyente ng kaniyang daddy. Marahil bumuhos din ang balita tungkol sa nagtatagumpay na operasiyon pati na rin ang pagdami ng namamatay sa operasiyong iyon. Marami na rin ang nababalitaang nakikitang patay sa iba't ibang lugar na may iniiwang mga sulat tulad ng 'Drug Pusher ako'. Kaya ang mga pamilya ng mga namatayan ay umaapela sa nangyayari.

Binalik ni Dale ang tingin sa wine glass nang mapansin ang paglingon sa kaniya ng lalaki.

"What?" Kunot-noong tanong ng lalaki sa kaniya.

Tinungga niya ang natitirang laman sa wine glass.

Pinilig niya ang kaniyang ulo nang sumayad ang laman ng glass sa kaniyang dila. Napapikit siya habang dinadama ang lasa nito. Kahit kailan talaga ay hindi niya nagustuhan ang lasa ng red wine. Mapakla ito. Ngayon na lang ulit siya tumikhim nito dahil hindi naman siya mahilig sa anumang alcoholic na inumin. Mas gusto pa niyang uminom ng kape kahit mainit ang panahon.

Bago nilingon ang lalaki, tuluyan muna niyang inalis ang natitirang lasa na naiwan sa kaniyang dila.

"Gusto mo ba akong samahan? Mag-isa lang kasi ako."

"Saan?"

Tinuro ni Dale ang kisame. Tinutukoy niya ang kuwartong nirentahan niya sa second floor.

Ngumiti siya sa naging reaksiyon ng lalaki. Sa isip niya ay mukhang sasama sa kaniya ang lalaki. Sigurado siya sa tumatakbo sa isip nito. Lalaki ito at hindi maiiwasan na magkaroon ito ng mapaglarong imahinasyon.

Habang naglalakad, napakilos siya nang maramdaman ang kamay ng lalaki sa kaniyang bewang. Hindi niya nagugustuhan iyon ngunit sinubukan pa rin niyang ipakita ang ngiti rito.

Nakarating sila sa silid.

Hindi na nagpaligoy-ligoy si Dale pagkapasok nila sa loob. Ginawa na niya agad ang pakay sa lalaki.

Iniharap niya sa lalaki ang larawan ng dad niya na nasa bar.

"Kilala mo ba ito?" Tinuro niya ang dad niya.

Kumunot ang noo ng lalaki.

"Hindi ko 'yan kilala. Pa'no ko naman 'yan makikilala?"

Napakilos na naman si Dale nang mas lalong nilapit ng lalaki ang sarili sa katawan niya. Kanina pa siya nagtitimpi! Ngayong nasa loob na sila ay hindi na siya magpipigil pa dahil wala nang mga matang makakakita. Silang dalawa lang ang naroroon kaya malaya siyang gawin ang gusto niyang gawin.

Kagat-labi ang lalaking nakatingin sa kaniyang hinaharap.

Tinaas ni Dale ang kilay. Naaasar siya sa titig sa kaniya ng lalaki.

Sinuntok niya ang tiyan ng lalaki at salubong ang kilay na tumitig dito.

"Sigurado ka?"

"Tarantado ka pala eh! Pa'no ko nga sabi 'yan makikilala?" Hawak-hawak ng lalaki ang tiyang sinuntok ni Dale.

"Eh sila?" Tinuro naman ni Dale ang ibang kasama ng dad niya sa larawan.

"'Di ko alam! Malay ko ba, ay teka..." Huminto ang lalaki sa pagsasalita at inulit ang pagtitig sa larawan. Nagtagal muna ang titig nito bago nagsalita muli. "Te-teka ba't nandito si..." Naka-focus ang tingin nito sa lalaking nakatagilid na may hawak ng wine glass.

Pinag-krus ni Dale ang braso at nag-abang sa susunod na sasabihin ng lalaki.

"Sino?"

"Bakit mo gustong malaman?"

Palapit ang palad ng lalaki sa dibdib ni Dale. Mabilis naman niya iyong napansin.

Nasampal niya ang palad ng lalaki.

"Pakipot ka ah," sabi ng lalaki habang dinidilaan ang labi.

Naglakad si Dale palapit dito. Kinuha niya ang dagger na dala at tinutok sa leeg nito. Kapag inulit niya ang balak kanina, ibabaon niya talaga ang dagger na iyon sa kaniyang leeg!

"Sino?" tanong muli ni Dale na ang tinutukoy ang sinabi ng lalaki kani-kanina lang.

"Si-si Pi," nanginginig ang labing sagot ng lalaki.

"Sino siya?"

Sinandal ni Dale ang lalaki sa pader. Diniin niya ang dagger sa leeg nito.

Tumulo doon ang kaunting dugo.

"Sa kaniya ako kumukuha ng..." Hindi natuloy ng lalaki ang sasabihin.

"Nang ano?" Mas lalo niyang diniin ang patalim sa leeg nito.

Tinaas niya ang tingin sa bibig ng lalaki. Naghihintay siya sa sasabihin nito. Ngunit sa halip na salita, tanging nang-gigigil lang na ngipin ang nakita niya sa lalaki. Matigas ito ngunit hindi iyon uubra sa kaniya!

"Isa!" banta niya.

"Ng..."

"Dalawa!"

"Ng droga!"

Inalis ni Dale ang dagger sa leeg ng lalaki. Napansin pa niya ang malalim na paghinga nito na para bang matagal nagpigil sa paghinga.

'Sinasabi na nga ba, nagdo-droga ang isang ito! Pero saan niya kaya makikita ang Pi na tinutukoy nito? Kailan ito nagpupunta ng bar? Bakit magkasama ang Dad niya at si Pi na nagbebenta ng droga? Kilala niya ang ama. Isa itong tapat na abogado. Hindi ito nadadala ng mga suhol o bayad sa kaniya. May paninindigan ito at galit sa hindi sumusunod sa batas. Ang pinaglalaban niya lang ay ang nasa katwiran. Hindi kaya?'

Umayos ng tayo si Dale at saka isinuksok ang dagger sa belt holder.

'Baka may dahilan ang Daddy niya? Baka may sarili lang din itong pakay kay Pi?'

Pinilig niya ang ulo.

Maraming katanungan ang gumugulo sa isip niya. Pero lahat ng iyon ay gusto niyang mabigyang kasagutan.

Binaba niya ang suot na sando upang tanggalin ang pagkakagusot at pagkakaipit niyon. Tumayo siya ng tuwid at hinawi ang buhok bago lumakad palabas ng silid.

"Salamat," sabi niya sa lalaki.

....

Nagkita sila sa kotse ni Sid.

"Anong balita?" tanong ni Dale kay Sid.

"May narinig ako tungkol sa Pisces."

Kunot-noong tumingin si Dale kay Sid. Curious siya sa sinasabi nitong Pisces.

"Sino sila?"

Bago pa man makapag-salita si Sid ay may nagpaputok sa kanila.

Napayuko si Dale at napakapit sa bintana nang patakbuhin ni Sid ang kotse. Muntik pang tumama ang kaniyang ulo sa harapan sa biglaang pagpapatakbong iyon.

'Sino ang nagpaputok sa kanila?'