FOUR

Makulimlim ang kalangitan dahil natatakpan iyon ng mga makakapal at itim na ulap.

Nakapangalumbaba si Dale habang tinatanaw ang langit mula sa kotse. Mukhang nagbabadiya ang ulan sa pagbagsak.

Nasa loob pa rin sila ng sasakyan ni Sid at binabagtas ang paahong daan patungo sa condo niya.

Nakakapagod ang araw na ito sa kaniya. Masiyadong maraming nangyari sa bar na pinuntahan nila kaya ngayon ay gusto niya nang magpahinga.

"Anong nangyari sa'yo sa bar kanina? Sino 'yong Pisces na sinasabi mo?" tanong niya habang inuunat ang kaniyang kamay kasabay ng paghikab.

"Isang organisasyon na nagpapatakbo ng ilegal na droga."

Napatingin siya kay Sid. 'Kung ang Pisces ay nagpapatakbo ng ilegal na droga? Si Pi ba ay kabilang sa organisasyon na 'to?'

"Sigurado ka ba sa nalaman mo?"

"Oo, sigurado."

"Pa'no mo nalaman?" pang-uusisa niya kay Sid. Nakakapagtaka kasing marami itong nalaman at mukhang siguradong-sigurado pa siya sa sinabi.

May inabot si Sid sa kaniya, isang sound recording. Kinuha niya iyon.

"Ano 'to?"

Hindi na nagsalita si Sid. Ngumuso lang ito sa sound recording na hawak niya.

Sa halip na magtanong pa muli, pinindot na lang niya ang 'play' sa hawak.

Nagsimulang tumunog ang sound recording. Maririnig doon ang dalawang boses ng lalaki. Nakilala ni Dale ang boses ni Sid na may kausap na hindi pamilyar na boses.

Nagsalubong ang kilay ni Dale. Pilit niyang iniintindi ang bawat detalye ng pag-uusap ni Sid at sa kausap nito. Bawat salita na bibitawan ng dalawang nag-uusap ay sinisiguro niyang hindi niya malalampasan.

'Sino sila?'

'Mga Pisces na pinamumunuan ni Pi...Isang malaking organisasyon na nagpapatakbo ng ilegal na droga.'

'San makikita ang Pi na 'yon?'

'Hi-hindi ko alam, hindi na sila nagpupunta rito simula ng maging mainit sa mata ng PDEA ang bar na 'to...'

Pinatay ni Dale ang sound recording na hawak bago hinarap si Sid.

"I-ibig-sabihin, ang lalaking kasama ni Dad sa bar ay isang Drug Lord?"

Tumango lang sa kaniya si Sid. Para sa kaniya, ang pag-tugon na iyon ni Sid ay hindi pa sapat upang sagutin ang kaniyang katanungan. 'Bakit? Bakit sila magkasama? May kinalaman ba ang Pisces sa pagkakamatay ng kaniyang pamilya?'

Napahilot ng sintido si Dale. Kahit ilang beses niyang isipin, pakiramdam niya, may kinalaman ang Pisces sa pagkamatay ng kaniyang pamilya. Lalo pa at abogado ang kaniyang ama na alam niyang kontra rin sa ilegal na droga.

Tumingin si Dale sa labas ng bintana. Mabilis ang pagpapatakbo ni Sid ng kotse ngunit tanaw na tanaw pa rin niya ang mga nagtataasang puno sa gilid ng kalsada.

Malalim siyang bumuntong-hininga habang sinusuyod ang daang binabagtas nila.

Napansin niya na hindi iyon ang daan papunta sa condo niya kaya tumingin siya kay Sid.

"Sid, sa'n tayo pupunta?" takang tanong niya kay Sid.

Hindi sumagot si Sid sa halip ay mas lalo pa nitong binilisan ang pagpapatakbo.

Sa sobrang bilis magpatakbo ni Sid ay napasandal siya at napakapit sa belt na suot.

'Ano bang problema niya?'

"May sumusunod sa 'tin," sabi ni Sid sa kaniya. Makikita sa mukha nito na kalmado pa rin siya sa kabila ng pangyayari.

Tumingin naman si Dale sa side mirror. May limang nakasakay sa motor ang sumusunod sa kanila.

'Sino ang mga 'yon?' Hindi sigurado si Dale kung sino ang sumusunod sa kanila. Mga tauhan ba iyon ni Gonzalez o mga taga-Pisces. Basta ang alam lang niya ay kailangan nilang makalayo sa mga ito.

Binuksan niya ang bintana at nilusot ang katawan doon. Kinuha niya ang pistol na dala at pinuntirya ang gulong ng motor. Ngunit sadiyang malikot ang takbo ng motor na humahabol sa kanila, pagewang-gewang iyon kaya hindi niya magawang tamaan. Kahit naman ilang taon siyang nagsanay gumamit ng baril ay hindi pa rin maiiwasan na pumalya siya ng pag-asinta.

Sinubukan niya muling patamaan ang gulong ng motor. Sa pangatlong pagpapaputok niya ay nagtagumpay siyang tamaan ang kulay pulang motorsiklo. 'Tinamaan ka rin!'

May apat pang natitira ang patuloy na sumusunod sa kanila.

Ang kulay itim na motor ay pumuwesto sa kanang bahagi ng kotse ni Sid. Ang kulay abo naman ay pumuwesto sa kaliwang bahagi at ang dalawang maliliit na motor ay nakabuntot sa kanilang likuran.

Mas lalong binilisan ni Sid ang pagpapatakbo ng kotse kaya napakapit si Dale sa bintana. Muntik pa siyang mahulog. Mabuti na lang ay mabilis ang reflexes niya.

Nagpaputok muli si Dale ngunit hindi pa rin iyon nakapagpatigil sa mga sumusunod sa kanila. Sa halip na tumigil ang mga iyon ay sinabayan pa nito ang pagpapaputok ni Dale.

"Dale, mag-ingat ka!" sigaw ni Sid sa kaniya.

"Alam ko!" Tuluyan niyang nilabas ang sarili sa bintana ng kotse at umakyat sa bubong. Narinig niya pa ang pag-awat sa kaniya ni Sid na hindi niya na pinansin.

Nang makaakyat sa itaas ng kotse, tumayo siya at agad na tumalon sa isang motor na malapit sa kanila.

Nagpagewang-gewang ang motor na tinalunan niya. Mabuti na lang nakontrol pa rin iyon ng rider sa kabila ng kaniyang pagsampa sa upuan ng motor.

"Magmaneho ka lang!" utos niya habang inaasinta ang gulong ng iba pang motor.

Nagpaikot-ikot at tuluyang natumba ang mga motor na tinamaan niya ng bala. Nagkalat sa kalsada ang mga piyesang nagkalasan sa lakas ng impak ng kanilang pagsemplang. Makikita rin ang mga sugatan at nakahandusay na katawan ng mga rider doon.

Binalik ni Dale ang atensiyon sa rider ng kaniyang sinampahan. Tinutukan niya ito ng baril sa sintido.

"Mag-drive ka lang kung ayaw mong sumabog ang ulo mo dito."

Sumunod naman ang rider at nagpatuloy lang sa pagmamaneho.

"Sino kayo? Bakit niyo kami sinusundan? Tauhan ba kayo ni Gonzalez? O ni Pi? Taga-Pisces ba kayo?"

"Hindi! Hindi sila!"

Kumunot ang noo ni Dale sa sagot sa kaniya ng rider. Sino naman kaya ang nag-utos sa mga ito na sundan sila?

"Sino?!"

"Basta, basta ang sabi sa amin ay...KAILANGAN MONG MAMATAY!" sagot ng rider pagkatapos ay agad nitong iniliko ang motor at pinaharurot papunta sa gutter. Balak nitong banggain ang maliit ng bakod na nagsisilbing harang sa malalim na bangin.

"PAREHO TAYONG MAMAMATAY!"

Malakas ang pagsigaw ng rider habang tumatawa. Bakas sa mukha nito ang kaligayahang bunga ng matagumpay na utos na nagawa niya.

"Mission Accomplished!" Huling salitang binitiwan ng rider bago tuluyang dumausdos pababa sa bangin ang motor na sinasakyan.