Sa sanga ng mataas na puno nakakapit nang mahigpit si Dale. Masuwerteng mayroon siyang nakapitan upang hindi tuluyang mahulog sa bangin. Walang sinuman ang makakaligtas kung mahuhulog sa malalim na bangin na iyon.
Mula sa pagkakalambitin, sinubukan niyang i-angat ang sarili. Nang magtagumpay na makaakyat sa sanga ay sinapo niya ang kaniyang binti na nagdurugo marahil sa kaniyang pagdausdos pababa.
Huminga siya nang malalim bago pinunit ang damit na suot. Kumuha siya ng kapirasong tela upang takpan at itali ang malalim niyang sugat. Kailangan niyang gawin iyon upang matigil ang pagdurugo nito.
Inangat ni Dale ang ulo upang makita ang lugar na binagsakan niya. Mga naglalakihang puno, malalagong baging at matataas na damo ang nasa paligid.
Napakilos siya nang maramdaman ang sakit sa kaniyang likod. Lalo pa iyong sumakit dahil sa dampi ng malamig na hangin.
Mahamog din sa lugar na iyon.
Tumingala siya upang makita ang pinaka-itaas ng bangin kung saan siya nahulog. Napakalalim ng bangin, paano siya makaka-akyat sa ibabaw niyon? Wala siyang kahit anong gamit upang umakyat sa itaas.
'Baka may iba pang daan.'
Bumaba siya ng puno kahit na iniinda ang sugat sa binti. Hindi siya puwedeng mag-aksaya ng panahon. Marami pa siyang kailangang alamin.
Hindi makikita sa mukha ni Dale ang pagkatakot sa kaniyang pag-iisa. Magdidilim na ngunit determinado pa rin siyang makaalis sa ma-punong lugar na iyon.
"Dale."
Nagulat si Dale nang may humawak sa kaniyang braso. Huli na bago niya nalaman kung sino iyon dahil nagpakawala na siya ng malakas na suntok.
Ngunit mabilis namang nasalag iyon ng nasa harap niya.
"Si Sid 'to."
Kumurap-kurap siya upang makita nang malinaw si Sid. Nang nakitang si Sid nga ang nasa harap ay umayos siya ng tayo at tuluyang hinarap si Sid.
"Pa'no ka nakarating dito?"
"Bumaba ako."
Kumunot ang noo niya, "Pa'no?"
Pinakita ni Sid ang mahabang lubid na dala nito pati na rin ang isang grappling hook at harness. Hindi niya alam kung saan nakuha ni Sid ang kagamitang iyon ngunit wala na siyang pakialam. Ang mahalaga ay makakaakyat na rin siya at makakaalis doon.
"Dale, sandali." Hinawakan siya muli ni Sid sa braso.
"Ang likod mo."
Kinapa niya ang likod. May nahawakan siyang mainit na likido kaya tiningnan niya ang palad at nakita ang dugo roon.
May sugat siya sa likod. Hindi niya alam na nagkaroon din pala siya ng sugat sa likod. Sumasakit ito kanina ngunit hindi niya lang ito pinansin. Buong akala niya ay sumasakit ang kaniyang likod marahil sa pagkakatama nito sa kung saan man ngunit hindi niya alam na may sugat din pala iyon.
Huminga si Dale nang malalim bago sinulyapan muli si Sid.
"Tara na, wala lang 'to."
Napakaliit na bagay sa kaniya ng sugat na iyon. Walang-wala iyon sa mga sugat na naranasan niya dati sa pag-eensayo at sa iba niya pang naging laban. Ang mahalaga sa kaniya ngayon ay ang makaalis sa lugar na kinatatayuan niya.
"Anong wala? Hindi ka makaakyat ng ganiyan."
"Kaya ko, tara na."
Nagsimula siyang maglakad ngunit napahinto siya dahil hindi binibitawan ni Sid ang kaniyang braso. Tiningnan niya nang masama si Sid.
"Bitawan mo'ko Sid." Sinubukan niyang bawiin ang kaniyang kamay ngunit hindi niya magawa. Masiyadong mahigpit ang pagkakahawak nito.
"Sid biti—" Nanlaki ang kaniyang mga mata nang bigla siyang hatakin ni Sid palapit dito. Tinukod niya ang isang kamay sa dibdib nito ngunit huli na dahil tuluyan nang sumubsob ang kaniyang mukha sa dibdib ng lalaki.
Rinig na rinig niya ang mabilis na tibok ng puso ni Sid. Ramdam niya rin ang bawat paghinga ng lalaki dahil sa pagtaas-baba ng dibdib nito.
Mas lalong humigpit ang pagyakap sa kaniya ni Sid. Isang yakap na para bang ayaw na nitong pakawalan siya sa bisig.
"Akala ko, wala ka na."
Nag-aalala ba sa kaniya si Sid? Ngunit hindi nito kailangang mag-alala dahil wala lang naman ako sa buhay niya. Hindi naman namin lubusang kilala ang isa't isa dahil bago lang kami nagkakilala.
Sinubukan ni Dale kumawala sa yakap ni Sid ngunit mas lalo pang humigpit ang yakap ni Sid sa kaniya. Ramdam niya ang mainit na katawan nitong dumidikit sa kaniya. Nakapanlalambot ng tuhod ngunit nakakagaan ng pakiramdam ang yakap na iyon.
Para sa kaniya, napakasarap damhin ng mga sandaling iyon.
"Nag-alala ako."
Parang tumigil ang mundo ni Dale sa sinabi ni Sid. Bumilis ang tibok ng puso niya at sumilay ang nakatagong saya sa kaniyang damdamin.
Gusto niyang matuwa dahil may taong nag-aalala sa kaniya. Subalit pinangingibabawan iyon ng takot na lalong mapalapit sa lalaki.
Paano kung lumapit nang tuluyan ang loob niya para kay Sid. Paano kung dumating sa punto na ayaw na niya itong mawala sa kaniya? Paano kung dumating ang araw na maging mahalaga ang lalaki sa buhay niya? Tapos bigla na lang mawala katulad ni Benjamin? O kaya mapahamak katulad ng kaniyang pamilya?
Ayaw niya nang masaktan muli.
Paano kung mapahamak si Sid tapos wala man lang siyang magawa upang iligtas ito.
'Okay na sa'kin ang masanay mag-isa basta wala akong aalalahanin, basta hindi na ulit ako masasaktan, basta hindi na ako matatakot na maiwan ng taong mahalaga sa 'kin...'
Marahan niyang tinulak si Sid bago tumalikod dito.
"H'wag ka nang mag-alala, ayos lang ako. Kaya ko ang sarili ko."
Nagsimula siyang dumistansiya kay Sid. Nakaramdam siya ng panghihinayang na nagtapos ang yakap na iyon ngunit kailangan.
Madilim na sa paligid. Ilang oras din silang tumambay bago nila napagisip-isip na maglakad. Nakaramdam sila ng pagkailang sa isa't isa matapos ang nangyari.
Uumpisahan na sanang umakyat ni Dale nang nag-vibrate ang kaniyang phone. Kinuha niya iyon sa kaniyang bulsa. Mabuti na lang at hindi iyon nahulog nang dumausdos siya pababa mula sa itaas ng bangin.
Hindi niya kilala ang tumatawag. Tanging caller number lang ang lumabas sa kaniyang screen.
"Sino 'to?" tanong niya.
"Tutulong ako sa paghahanap ng taong pumatay sa pamilya mo."
"Pa'no mo nalaman ang tungkol d'on? Sino ka? Magpakilala ka!"
Hindi na sumagot ang caller dahil binabaan na siya nito.
Mayamaya, nag-vibrate muli ang kaniyang phone. May message mula sa unregistered number.
Binasa niya ang text message.
'Magkita tayo sa bar kung sa'n pumupunta ang dad mo. Alam kong alam mo na iyon. Kaya kitang tulungan.'
Binalik ni Dale ang phone sa bulsa. Napapa-isip siya kung paano nalaman ng taong iyon ang kaniyang contact number? At kung paano nito nalaman na hinahanap niya ang taong pumatay sa kaniyang pamilya.
Napakuyom si Dale. Mukhang maraming alam ang taong iyon. Mukhang matagal na siya nitong sinusundan at minamanmanan. Sino ang taong ito? Paano niya ako matutulungan? Ano ang kaya nitong gawin upang matulungan ako?
"Umakyat na tayo Sid. May pupuntahan tayo."
"Sige."
Nagsimula siyang umakyat kaya sumunod si Sid. Marami mang sumasakit sa kaniyang katawan tulad ng kaniyang binti at likod, hindi iyon makakapigil sa kaniya sa pag-akyat. Hindi ang kaniyang mga sugat, hindi si Sid kundi walang sinuman ang makakapigil sa pagnanais niyang makita ang taong makakatulong sa kaniya upang mahanap ang taong kaniyang hinahanap.