Alas tres ng madaling araw nang magkamalay si Dale. Nagising siyang nakahiga sa isang malambot at kulay puting kama.
Pagkamulat niya ng mata ay sinuyod niya agad ng tingin ang kabuuhan ng kuwarto kung nasaan siya. Kulay puti ang pader ng silid at tanging maliit na cabinet lamang at kama ang nasa loob.
'Nasa hospital ba siya?'
Bumangon siya mula sa pagkakahiga kung saan ay bahagya siyang nakaramdam ng pagkahilo.
Ang huling natatandaan niya ay nasa opisina siya ni Reggio at abala sa pagtingin sa larawan ng kaniyang pumanaw na ina. Ngunit nang magkamalay ay nakita niya na lamang ang sarili sa hindi pamilyar na lugar.
Napakilos siya nang marinig ang pagbukas ng pinto. Lumabas doon ang pigura ng dalawang lalaki na kasama niya kanina. Si Sid at Reggio.
"Dale, ayos ka lang?" tanong ni Reggio.
"Ayos lang ako," sagot naman niya rito.
Bakas sa mukha ni Reggio ang pag-aalala. Malamlam ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.
"Nasa'n tayo?" Patuloy niyang sinusuri ang silid.
"Sa bahay ko," sagot ni Reggio.
Lumingon si Dale kay Sid na tahimik na nakikinig sa kanila. Nakasandal ito sa pader habang naka-krus ang mga braso.
"Sid?"
Gusto niyang malaman kung totoo ang sinasabi ni Reggio na nasa bahay nga sila nito kaya tumingin siya nang mapang-usisa kay Sid.
Tanging pagtango lang ang binigay sa kaniya ni Sid. Sapat na ang tango na iyon upang makasiguro na ligtas siya.
Umayos siya ng upo bago binalik ang tingin kay Reggio.
"Kuya Reg...Reggio..." Hindi niya alam kung ano ang itatawag niya rito. Mas matanda ito sa kaniya, kailangan niyang magbigay ng respeto o paggalang dito.
"Tito Reg na lang," nakangiting sabi nito sa kaniya.
"Tito...Reg," nag-aalinlangan niyang sabi.
"Sige, Reg na lang...kung sa'n ka sanay," natatawang sabi nito.
"Sige...Reg, sa'n ko makikita ang kuta ng Aquarius?"
Nanlaki ang mga mata ng matandang lalaki sa tanong niya rito. Napansin niya rin ang paglubog at paglitaw ng Adam's apple nito. Ang kaninang ngiting nasa mukha nito ay napalitan ng pagkatakot.
"Ba...bakit mo natanong?"
"Pupunta ako ro'n."
"Di-dilekado."
Lumapit si Sid sa kanila. Hinarap niya si Dale bago seryosong tumitig dito.
"Bakit?"
Kunot ang noo nitong nakipagtitigan sa kaniya, "Anong plano mo?" tanong na lamang nito sa kaniya. Marahil nasasanay na si Sid sa ugali niya. Alam nitong kahit tumanggi ito ay makikipagmatigasan pa rin siya. Alam na nitong walang mangyayari kung makikipagtalo pa ito sa kaniya.
"Kailangan kong makakuha ng access sa kanila."
"P-paano mo gagawin 'yon?" tanong sa kaniya ni Reggio.
"Magkukunwari akong aanib sa kanila."
"Na-naintindihan mo ba ako kanina? 'Di ba sabi ko...ang sinumang sasali sa organisasyong iyon ay hindi na p'wedeng umalis?"
"Alam ko 'yon...pero wala akong pakialam, " matigas na paliwanag niya. Katulad ng una niyang sinabi ay wala siyang pakiaalam. Hindi na siya natatakot sa anumang maaaring mangyari sa kaniya. Ang mahalaga ay makamit niya ang layunin niya.
"Bukas na bukas ay sasali na'ko sa Aquarius."
"Pe-pero kaya mo na ba? Hindi pa magaling ang mga sugat mo," nag-aalalang tanong ni Reggio.
"Kaya ko."
Wala nang nagawa pa si Reggio kundi ang sumang-ayon kay Dale.
"S-sige ikaw bahala." Huminga ito nang malalim bago ibinalik ang mga ngiti sa labi.
Naalala ni Reggio ang mama ng dalagang nasa harap niya. Ganitong-ganito rin kumilos ang ina nito. Gusto ng mama nito na nasusunod sa mga bagay na maisipan. Kaya nga noong nagpasiya itong tumiwalag sa Aquarius ay wala na siyang nagawa pa. Kaya sa huli ay tumiwalag na rin siya upang may makaramay ang mama nito.
Lumabas ang nagtatagong araw sa gitna ng dalawang bundok, senyales na umaga na. Nagising si Dale sa aligasgas ng mga hayop na mula sa labas.
Tumayo siya at sumilip sa bintana. Hinawi niya ang kurtinang nakaharang doon upang tuluyang matanaw kung ano ang nasa labas. Nasa mataas na palapag siya ngunit rinig na rinig niya pa rin ang mga tunog na nagmumula sa mga hayop sa paligid tulad ng pagtilaok ng manok, pag-iyak ng mga kambing, pagaspas at huni ng mga ibon.
Tuluyang binuksan ni Dale ang bintana. Itinaas niya ang salaming nagsisilbing harang doon.
Huminga siya nang malalim upang malanghap ang sariwang hangin mula sa puno at mga halaman. Malamig ang hanging nalalanghap niya.
Nagbaba siya ng tingin. Tama nga siya ng hinala. Ang amoy na nalalanghap niya at ang tunog na naririnig niya ang nagbigay sa kaniya ng ideya na nasa bukirin siya.
Napadako ang kaniyang tingin kay Reggio na abala sa pagpapakain ng mga manok. Walang duda na nagtatago ito mula sa Aquarius. Tamang-tama ang lugar na iyon upang mapagtaguan dahil walang tao roon. Tanging mga puno, pananim at mga hayop lamang ang makikita sa paligid. Malayo sa sibilisasyon, malayo sa mga nagtataasang gusali at lalong malayo sa mga kalsadang dinadaanan ng mga sasakyang naglalabas ng itim na usok.
Kung siya ang papipiliin, mas gugustuhin niya ring tumira sa lugar na iyon kumpara sa matao at magulong lugar.
Sa lugar na iyon ay totoong magiging ligtas si Reggio. Sa lugar din na iyon din niya mararamdaman ang payapang buhay.
Tumingala si Reggio pagkatapos ay tumingin sa kaniya. Sumilay ang mga ngiti sa labi nito nang makita siya.
Kumaway ito sa kaniya. Subalit, nagdadalawang-isip naman niyang itinaas ang palad upang ipakitang kumaway siya pabalik dito.
Mayamaya, may kumatok sa pinto ng silid dahilan upang mapabaling si Dale sa pintuan. Hindi niya na nagawang lingunin pa muli si Reggio dahil naka-focus na ang atensiyon niya sa pintuan. Lalapit na sana siya upang pagbuksan ang kumatok ngunit nauna nang bumukas ang pinto bago pa niya ito tuluyang mabuksan.
Nilabas ng pintong iyon ang isang matandang babae. Nakusuot ito ng uniform na pangkasambahay. Purong puti na ang buhok nito.
Nagulat ang matandang babae nang makita siya. Napahawak pa ito sa dibdib habang kinakalma ang sarili. Magkalapit na magkalapit na kasi sila. Marahil hindi nito inaasahan ang pagbungad niya rito.
"Nagulat naman ako sayo ineng...Oh siya, bumaba ka na. Nakahanda na ang almusal."
"Ah sige po...manang..."
"Aling Lolit na lang." Akmang tatalikod na ang matanda nang bigla itong humarap muli.
"Oo nga pala, kahawig na kahawig mo si Reg. Hindi na ako nagtataka na ikaw ang—"
Hindi natapos ni Aling Lolit ang sasabihin nang lumitaw sa pintuan si Reggio.
"Aling Lolit," pagpigil ni Reggio sa matandang babae.
Nanlaki ang mata ng matandang babae at napatakip sa bibig. Maging ito ay nagulat sa pagsulpot na lang bigla ni Reggio sa kanilang likuran.
"Naku iha, dalian mo na para makakain ka na. Naghihintay na sa'yo 'yong poging lalaki sa baba...Yung Si-Sig ba 'yon? Ay Sid pala. Kumain na kayo roon. Oh sige una na ako ha kay marami pa akong gagawin."
Lumakad na pababa ng hagdan si Aling Lolit. Sinundan pa ito ng tingin ni Reggio at nang makasigurong wala na ang matanda, binalik nito ang tingin kay Dale.
"Kumain na tayo sa baba para makaalis na tayo," magiliw na sabi ni Reggio.
"Nga pala, may damit diyan sa cabinet. P'wede mo 'yang suotin."
"Sige."
Matapos ang isa pang ngiti na pinakita ni Reggio sa kaniya ay nagpasiya na rin itong sumunod kay Aling Lolit sa baba.
Hindi alam ni Dale kung bakit ang gaan ng loob niya kay Reggio. Para bang matagal na silang magkakilala at pinagtagpo lamang sila ulit. Ngunit hindi maiaalis sa kaniya ang paghihinala rito. Bakit ganoon na lamang ang pagtanggap nito sa kanila ni Sid sa bahay nito. Hindi ba ito natatakot sa kanila? Bakit gusto nitong tulungan siya na mahanap ang taong pumatay sa pamilya niya? Anong totoong intensiyon nito?
Matapos magpalit ng damit ay bumaba na rin si Dale. Sinuot niya ang damit na nakalagay sa maliit na cabinet na katabi ng kamang tinulugan niya.
May kulay itim na v-neck t-shirt doon at mayroon ding itim na waist pants na saktong-sakto sa kaniya.
Bagong bili ang damit na iyon dahil sa nakalagay pa ang price tag dito.
Napaisip siya kung bakit kulay itim ang binili nito. Iyon ang gusto niyang kulay. Alam ba ni Reggio ang mga trip niyang damit o nagkataon lamang? O baka matagal na talaga siya nitong sinusundan?
Habang tumatagal, mas lalong naghihinala si Dale kay Reggio. Oo, mabait ito sa kanila ni Sid. Ngunit, hindi pa rin maiaalis ang katotohanan na kakikilala niya pa lang dito. Katulad ni Sid, hindi rin niya maaaring ibigay ang buong tiwala kay Reggio.
Sinuot niya muna ang kaniyang boots bago isinuksok ang dagger at pistol sa leather belt na suot niya. Kailangan niyang dalhin ang bagay na iyon upang mag-ingat lalo pa't hindi niya pa lubusang kilala ang mga kasama.
Kahit sino naman siguro ay gagawin ang gagawin niya. At kahit sino naman siguro ay mag-iisip ng katulad ng sa kaniya kung may isang taong bigla na lamang sumulpot upang mang-alok ng tulong.
Matapos kumain ay nagsimula na silang bumayahe. Tatlo silang pupunta sa kuta ng mga Aquarius ngunit tanging siya at si Sid lamang ang puwedeng magpakita sa mga ito.
"Ano bang kailangang gawin para makasali sa kanila?" tanong ni Dale.
"Kailangan mong matalo ang taong ilalaban nila sa'yo...pero sigurado akong kayang-kaya mo iyon," kampanteng-kampanteng sabi ni Reggio sa kaniya na para bang lubusan na siya nitong kilala.
Walang kasiguraduhan ang mga mangyayari sa kanila ngunit umaasa pa rin si Dale na magagawa niyang makasali sa Aquarius.
Iyon ang dapat mangyari upang magtagumpay siya sa kaniyang mga pinaplano.