Sa isang tagong lugar sa Rodriguez, Rizal nakarating nang maayos sina Dale, Sid at Reggio.
Nakaparada ang sasakyan nila malayo ng kaunti sa lugar na pakay nila.
Mula sa kinatatayuan, natanaw nila ang katamtamang laki ng hide-out ng mga Aquarius. Mukha lang itong pangkaraniwang bahay na aakalaing pinaninirahan lamang ng simpleng pamilya. Ngunit, sa loob pala nito ay nagtatago ang mga taong nagbebenta ng ilegal na armas at sandata. Marahil doon din nila tinatago ang mga ilegal na armas.
Napa-isip si Dale, 'Sa'n kaya galing ang mga armas na ibinigay sa kaniya ni Benjamin?' Aminado siyang lahat ng mga bagay na ginagamit niya sa pakikipaglaban tulad na lamang ng pistol at dagger ay binigay sa kaniya ni Benjamin. 'Ilegal din ba ito?'
Pinilig niya ang kaniyang ulo. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na hindi naman siguro masamang tao si Benjamin. Kung masama ang intensiyon nito sa kaniya ay baka matagal na siya nitong pinatay. Bukod pa roon, bakit naman kaya ito mag-aaksaya na turuan siyang makipaglaban? Hindi iyon gagawin ng taong gusto siyang patayin. Pilit niyang pinapaniwala ang sarili na hindi isang masamang tao ang lalaking tumulong sa kaniya simula nang mamatay ang kaniyang pamilya.
Binalik ni Dale ang atensiyon sa reyalidad. Pinagmasdan niyang mabuti ang kabuuhan ng bahay na pakay nila. Walang pintura ang mga pader. Bitak-bitak na rin ang semento roon. Ang mga salaming nakaharang sa ibang bintana ay may kaunting gasgas at ang iba naman ay tuluyan nang nabasag at nasira.
Naglakad sina Dale at Sid palapit sa gate na gawa sa mga pinagdikit-dikit at pinagsama-samang yero. Maglalakad na sana sila papasok sa loob nang harangan sila ng dalawang bantay na nakasuot lamang ng sando at maong na pantalon. Ang isa ay balbas-sarado at ang isa naman ay may hawak na sigarilyo.
"Sino kayo?"
Napataas sila ng kamay nang tutukan sila ng baril ng dalawang lalaki.
"Ito na ba ang kuta ng mga Aquarius?" tanong ni Dale.
Ngumisi ang isa sa kanila samantalang nagpatuloy naman sa pag-hithit ng sigarilyo ang isa pa.
"Bakit n'yo tinatanong?"
"Sasali kami sa inyo," sagot niya habang unti-unting nagbababa ng kamay.
Humalakhak ang dalawa sa sinabi niya. Hindi makapaniwala ang mga ito na may isang babaeng pangahas at malakas ang loob na sumali sa kanila.
"Ne, nasisiraan ka na ba? Baka 'di mo alam ang pinapasok mo," sabi ng lalaking balbas-sarado habang humahagalpak.
Lumapit kay Dale ang isa pa. Tinapon nito ang paubos na sigarilyo sa lupa bago ito apak-apakan upang mawala ang sindi ng sigarilyo.
"Sa fun house ka dapat nagpunta.. Hindi dito...Masiyado ka pang bata," sabi ng lalaki kasabay muli nang malakas na pagtawa.
Hindi na kinaya ng tainga ni Dale ang naririnig niya mula sa dalawang lalaki. Hindi siya nag-aral makipag-laban upang insultuhin. Higit sa lahat, nakakainsulto ang pagtawag nito sa kaniyang "bata".
Dala ng pagka-pikon ay wala na siyang inaksayang pagkakataon. Habang abala sa pagtawa ang dalawa ay agad niyang hinila ang braso ng lalaking malapit sa kaniya at saka ito binalibag sa lupa. Mabilis namang rumesbak ang isa pa upang tulungan ang kasama ngunit naestatwa na lang ito sa kinatatayuan nang makita ang baril na itinutok niya rito.
Namutla ang lalaki habang titig na titig sa baril na nakatapat sa mukha. Wala na itong nagawa kundi ang sumuko sa babaeng kaharap.
"Umayos ka kung ayaw mong sumabog 'to sa mukha mo!" pananakot ni Dale.
Bakas sa mukha ng lalaking tinutukan niya ang pagkatakot. Unti-unti nitong itinaas ang kamay habang lumulunok ng laway.
Binalik ni Dale ang mata sa lalaking nakahiga sa lupa. Papalag pa sana ito ngunit mabilis na tinadyakan ni Dale ang pagkalalaki nito.
Naghumiyaw sa sakit ang lalaki at namimilipit na hinawakan ang pagkalalaki. Napamura ito sa sakit. "Pucha! Ang sakit! Tang-ina mo!"
Hindi na lang niya ito pinansin. Baka kung pinatulan pa niya ito ay tuluyan na niyang mabasag ang iniingatang sandata ng lalaki. 'Sino ngayon ang bata?'
"Gusto naming sumali sa inyo. May angal pa ba kayo?"
Mabilis na umiling ang lalaking tinutukan niya ng baril.
"S-sige, dadalhin namin kayo kay boss," sabi nito saka tinulungang tumayo ang kasama.
Lumingon si Dale kay Sid na tahimik lang na nanonood sa kanila. Makikita sa mukha ng lalaki na kampante ito at siguradong walang magiging problema. Hindi na ito nangialam dahil alam nitong kayang-kaya na niya ang dalawang lalaki.
"Tara na Sid."
Nagpatuloy sila sa pagpasok sa loob.
Pagpasok sa loob ay agad na sasalubong ang mga agiw o sapot ng gagamba na para bang ilang taon nang hindi natatanggal. Sa kisame naman ay makikita ang mga magugulo at buhol-buhol na wire at sa bandang gilid ay naroroon ang magkakapatong na iba't ibang uri ng baril at patalim.
"Boss, may sasali raw sa'tin."
May lalaking nakaupo sa upuan sa pinakagitna ng lugar. Nakadekwatro ito at abala sa paglilinis ng kaniyang baril. Pormal ang damit na suot nito, naka-polo na bahagyang nakabukas at naka-slacks na kulay brown.
"Sila ba?" Nag-angat ito ng tingin sa kanila.
"Oo boss," napapakamot sa ulong sagot ng lalaking balbas-sarado.
Katulad ng inaasahan ay hindi rin makapaniwala ang lalaking tinawag na 'boss'. Papigil itong tumawa ngunit nang hindi na nito makayanan ay humagalpak na ito nang malakas.
"Seryoso?" natatawa nitong sabi.
"Ikaw na ba ang lider ng Aquarius?" kunot-noong tanong ni Dale. 'May sira ata ang mga tao rito.'
"Hindi, pero ako ang makakalaban mo...Ako lang ang namumuno rito pero wala rito ang pinaka-lider namin. H'wag ka nang umasa na makikita mo s'ya dahil kakaunti pa lang ang nakakakita sa kan'ya."
Tumayo ang lalaki mula sa pagkakaupo.
"Seryoso ba kayong sasali kayo? Kapag sumali na kayo rito ay wala nang atrasan. Kung ako sa inyo ay pag-iisipan ko munang mabuti..."
"Oo, sasali kami."
"Ang tapang mo naman. Pero tandaan niyo, sa oras na umayaw kayo o mag-traydor sa Aquarius..."
Tinutok nito ang baril kay Dale.
"Bang! Mamamatay kayo," sabi nito saka pinaputok ang baril at pinatama sa pader.
Umalingawngaw sa loob ang putok ng baril. Bahagyang napaatras si Dale ngunit hindi niya iyon pinahalata sa mga kasama sa loob.
Binaling niya ang tingin sa pader na tinamaan ng bala. Nadagdagan ang bitak doon at kumalat sa sahig ang maliliit na piraso ng semento. Iyon marahil ang dahilan kung bakit nasira ang lugar.
"Oo, malinaw sa'kin."
"Sige...tanggap na ka'yo."
"Te-teka? 'Yon lang? Akala ko ba lalabanan ka namin?" Bakas sa mukha ni Dale ang pagtataka dahil ang alam niya, bago makasali sa Aquarius ay kailangan munang matalo ang taong kailangan nilang kalabanin.
"Gusto mo ba? Kaso hindi ako pumapatol sa babae." Tumawa ito muli.
"Subukan mo ako," seryosong sagot ni Dale.
"Hindi na, sapat nang napapayag niyo ang dalawang hunghang na 'yan na makapasok dito. Sabihin niyo, anong ginawa niyo?"
Tumingin si Dale sa dalawang lalaking bantay. Makikita sa pagmumukha ng mga ito ang pagkaputla. Punong-puno ng pawis sa mukha ang lalaking balbas-sarado at ang isa naman ay paulit-ulit na napapalunok.
"P-patawad b-"
Hindi na nagawa ng lalaking balbas-sarado na tapusin ang sasabihin ng barilin ng boss nila ang binti nito. Humiyaw ang lalaki sa sakit.
"Sa susunod, ayusin niyong trabaho niyo!"
"Y-yes boss!"
"Isa ka pa!" Pinaputukan naman nito ang isa pang lalaki.
Gumapang sa sahig ang dalawang lalaki. Hawak-hawak nila ang binting tinamaan ng bala.
"Maging leksiyon sa inyo ito...At maging babala naman para sa inyo," sabi nito na ibinalik ang tingin kay Dale at sa lalaking nasa gilid na si Sid.
Napakuyom si Dale. Sa nakikita niya ay mas lumalaki ang tiyasa na may kinalaman ang Aquarius sa pagpatay sa pamilya niya.
Kung sobrang brutal ng lalaking tinatawag nilang "boss", paano pa kaya ang pinaka-lider ng Aquarius? Baka kung lider ng mga ito ang narito, marahil patay na ang dalawang bantay na namimilipit at nakahiga sa sahig.
-------
This is dedicated to:
@SushiNiV and @Pearlyshellx
Salamat sa feedback niyo at sa pagbabasa! ^__^
Merry Christmas mga friend. I wish you all the best this day of LOVE :D God bless :)