Always This Way

Asher's POV

Maaga akong nagising para makapaghanda ng agahan lalo na at nasa bahay si Nixon. Dagdag pa dito ay hindi alam nina Cavs at Lola Nora na may dinala ako sa bahay. Sana ay hindi ako pagalitan.

Bumangon ako mula sa kama at hindi na ginising ang binata. Kaagad din akong pumunta sa kusina para magluto at magtimpla ng kape lalo na at alam kong maaga ring gumising sina Cavs.

Katatapos ko lamang magtimpla ng kape ay nagising na rin si Cavs.

"Good morning, Anak. Aga mo yata ngayon." Bati niya sa akin.

Inabutan ko siya ng kape at nginitian. "Masaya lang, Cavs."

Naupo ako sa kaniyang tabi. "Cavs, kapag ba nagkagusto ako sa isang lalaki. Tapos gusto niya rin ako, 'di ba tanggap niyo pa rin ako?" Tanong ko sa kaniya.

"Kung iyan ang paraan ng pagtatanong mo kung natuwa ba kaming may pinapasok ka sa bahay nang hindi namin alam. Aba hindi, pero kung maayos naman iyang taong iyan, syempre kikilalanin muna namin." Sagot niya sa akin.