05 - Tanawin + Behind the scenes 01 - Nasaan Na?

Ikalimang Kabanata

LYCA's been complaining the whole day. Nang datnan ko sila kanina ay wala pang huli ni isang isda at ang sisi ay kay Lyca lahat. Hindi ko na inusisa pa ang nangyari at baka ma-depress pa ako. Nagkaroon lang kami ng kaunting komosyon niyon, tuloy ay halos mag-a-alas nueve na kami nakapag-agahan.

Ang dami, dami, niyang reklamo sa lahat ng mga bagay na nakikita niya o kung 'di naman kaya, 'pag 'di umaayon ang mga bagay sa gusto niya. 'Di ko na maalala kung ilang beses na silang nagpang-abot ni Ailyn ngayong araw.

"Ano ba naman 'to! Ba't walang signal? 'Di ko tuloy ma-load itong mga story na babasahin ko!" Marahas niyang inihampas ang cellphone sa loob ng kaniyang bag. Nasa loob na kami ng aming tent at naghahanda na sa pagtulog.

Ang nakabukas na de-bateryang flashlight na nakakabit sa itaas ay umuuga. Malakas ang bawat hampas ng hangin sa 'ming tent na para bang tatangayin ito anumang oras.

Nagbabasa si Isabelita, may hawak siyang sulo na nakatutok sa librong kaniyang binabasa. Si Jhoma ay panay ang pangangalikot sa hawak na rubix cube. Si Lourdell ay may kung anong binubutinting sa kaniyang bagahe.

"Sania! Paano ba kumalma, ha! Kaunti na lang, papatulan ko ulit 'yang babaeng 'yan!" Nanggigigil ang bawat hibla ng mga salita sa bibig ni Ailyn nang magsabi siya. Umiling na lang ako. Ako nga rin, malapit nang maputol ang pasensya ko.

"Ano ba! Ang sikip naman sa puwesto ko! Lumayo-layo nga kayo!" muling asik ni Lyca at bahagyang tinulak ang katabing si Lourdell.

"Oo na! Oo na! Grabe naman 'to!" sagot sa kaniya ng huli.

Iiling-iiling akong umayos ng upo sa 'king kinalalagyan nang makita kong inaambahan na siya ni Ailyn—mag-aaway na naman sila.

"Guys, hindi ba, sa mga ganitong oras ay masarap magkuwentuhan?" Napatingin silang lahat sa akin.

"Anong masarap? Nakakatakot kaya!" ani Ailyn na siyang natigilan sa balak gawin. "Ang lakas ng hangin, tapos, malamig! Nakakakilabot!"

"Then ... why don't we share our embarrassing stories para imbis na matakot ay matawa tayo?" suhestiyon ko. Nagkatinginan ang mga ito.

"Game! Game!" Nakangising itinabi ni Lourdell ang mga gamit sa gilid. Mabilis namang bumalik si Ailyn sa tabi ko.

"Ha! Tingin n'yo ba ay may nakahihiyang karanasan ako? Ang magaganda, beautiful moments lang palagi ang nae-experience." Humalukipkip si Lyca matapos magsalita.

"Kapal ng mukha mo!" bulyaw sa kaniya Ailyn.

"Ano? Inggit ka na naman sa kagandahan ko, baba?" Tumaas ang kilay ni Lyca. "Palibhasa, 'di mo matanggap na mas nakaaangat ako sa 'yo sa lahat ng aspeto."

"At ano'ng aspeto naman ang sinasabi mo? Aspetong kadugyutan?"

"Aba't ... punyeta ka, a!"

"Tama na nga!" Napatingin kami kay Jhoma sa kaniyang pagsigaw. "Hindi tayo makapag-uumpisa kung ganiyan kayo nang ganiyan!"

Humikab ako habang pinagmamasdan sila. Ano nga kasi 'yong gagawin namin?

"Hoy! Sania! Nag-aya kang magkuwetuhan, tapos, lalabas ka?" nanlalaki ang mga matang anas ni Ailyn sa akin.

Hindi ba siya natatakot na maging permanenteng malaki ang mga mata niya? Palagi kasi siyang ganoon. Para palaging nananakot. Pumupungay lang yata ang mga mata niya 'pag si Kuya Ihara ang kaharap.

"Sania, parang masama 'yong panahon, saka, gabi na. Pumirmi ka na lang dito," sabi ni Jhoma.

"Magpapaantok lang ako ... saka hindi ako lalayo, don't worry."

Lumabas na ako ng aming tent upang makalanghap ng sariwang hangin. Nang sandaling dumampi ang ihip niyon sa 'king balat ay ramdam ko na agad ang paparating na ulan. Pati ang pagsayaw ng mga puno't mga sukal sa paligid ay nagbabanta sa bagyong paparating.

Naririnig ko na naman sa mula sa loob ang sagutan nina Ailyn at Lyca na sinimulan na naman ng huli. Shaking my head, I decided to take a walk. Sa 'di kalayuan ay nakita ko ang dalawang pigurang nakaabang sa bukana ng gubat.

Tumaas ang mga kilay ko. Talaga bang hindi na nila ako lulubayan? Lalo na ang taong-asong ito.

"Gabi na, Sania. Bakit lumabas ka pa ng inyong munting tahanan?" tanong ni Baito nang makalapit ako.

Imbis na sagutin ay tinaasan ko silang dalawa ng taong-aso ng aking mga kilay.

"Ano 'yang pinanggagawa ninyo?" Itinuro ako iyong bote ng Royal na pasimple kong inabot kanina sa taong-aso nang maghapunan kami ng mga kaibigan ko. Siyempre, tinakasan ko na naman sila.

"Nais niyang agawin sa akin ang iyong handog!" sumbong ng taong-aso. Nanlilisik ang kaniyang mga mata nang balingan si Baito na siyang pilit pa ring inaabot ang bote mula sa kaniya.

"Naghihingi lamang ako! Masiyado ka namang maramot!" Ang nakangusong si Baito ay humalukipkip. He stubbornly stomped on the ground.

"Pasensiya na, Baito. Hindi kita nakita kanina kaya hindi kita nabigyan. Wala ka kasi, e." Napakamot na lamang ako sa 'king sentido.

"Bumalik lamang akong sandali sa 'ming lugar upang maghatid ng balita. Pagbalik ko'y nagsisiya nang mag-isa ang aking matalik na kaibigan at hindi ako nais bigyan ng kaniyang nakulimbat ng biyaya!"

"Heh! Hindi ko ito kinulimbat, lapastangan! Masiyado ka namang bilib sa 'yong sarili! At sino ka para hatian ko sa 'king pagkain, ha!"

Napabuntong-hininga na lang ako. Sagutan nina Lyca at Ailyn ang nandoon, itong dalawa naman ang nandito.

Ang ginawa ko'y nilagpasan ko sila. Ayaw kong humarap sa stress ngayon dahil marami pa akong iniisip.

"Oy, mortal! Saan ka patungo!" Ang galit na boses ng taong-aso ay sa akin nabaling. Umiling ako 'tsaka kumaway. Pinili ko ang rutang nasisinagan ng sikat ng buwan sa 'king paglakad.

Hindi na 'ko nagulat pang sumunod sina Baito sa akin. It's kind of relieving dahil ayaw ko rin namang maglakad mag-isa lalo't gabi na. Na-trauma na yata ako sa mga nangyari nitong mga nakaraang araw.

Kaniya nga lang, dinig na dinig ko pa rin ang pagbabangayan nila sa likuran ko kaya napapahilot na lang ako sa 'king sentido.

"Heh! Kay ingay mong nilalang! Napakatimawa mo!"

"Hindi ko alam ang sinasabi mo! Ba't hindi mo na lamang kasi ako bigyan? Sabi ni Sania, bigyan mo raw ako!"

"Ha!"

"Ha?"

Napaharap ako sa kanila nang marinig ko ang pangalan ko.

Tumuon sa akin ang matatalim na mata ng taong-aso. "Totoo ba 'yon, mortal! Sinabi mong paghatian namin ang pagkaing binigay mo sa akin? Sa akin!" Talagang may diin pa siya roon sa sinabi niya.

"Well..." Napakurap ako ng ilang beses. "Mabuti kung bibigyan mo siya kaya ... uh ... bigyan mo na lang siya."

Napatalikod ako sa kanila nang mapansin ang mukhang pinagtaksilang ekspresiyon ng taong-aso. Bakit ba? Mabuti kung mapagbigay ka, share your blessings, ika nga.

"Wahahaha! Pahingi na ako!"

"O, iyan! Iyo nang lahat! Iyo na 'yan! Huwag mo nang ibabalik sa akin 'yan, ha! Hindi ko na 'yan tatanggapin! Ayaw ko na 'yan! Ivenashi!"

May narinig pa akong pumukol sa parang may katigasang bagay, pero hindi ko na sila ulit nilingon. Natatakot ako sa makikita ko.

Ilang minuto pa ang nagdaan na hindi ko na sila nakausap pa. Bukod kay Baito na salita nang salita, Hindi ko na ulit narinig ni isang atungal mula sa taong-aso. Sa tuwing susubukan ko siyang balingan ay pares ng matatalim na mga mata ang bubungad sa akin. Nakakapangilabot.

"Soooooh ... Sania!"

Nabigla na lang ako sa biglang pagbigat ng balikat ko, kasunod ng paglitaw ni Baito sa tabi ko. Sobrang lapit ng mukha namin sa isa't isa. Napakunot ako nang mapagmasdan ang mga mata niya. Nakakatakot talaga dahil itim na itim iyon at walang kislap lalo't ang sinag ng buwan ay sa akin nakatutok.

"Bakit?" tanong ko.

"Ngayon gabi, nais mo bang makakita ng magandang tanawin?"

Unti-unti niyong nakuha ang atensyon ko kasabay ng paghagilap ng mga mata ko sa pagpapauna ng taong-aso sa amin daraanan. Matalim pa rin ang mga mata niya, pero ang postura niya'y parang pinangungunahan kami sa dapat na pupuntahan.

"Magandang ... tanawin?"

Tumango si Baito at kumindat. Muli akong napabaling sa taong-asong nasa unahan namin. Ngumuso siyang at nag-iwas ng tingin palayo sa akin. Iwas-tinging parang nagtatampo.

Napangiti ako—maganda ring tanawin

'yon.

Behind the scenes

L Y C A

Kapag maganda ka, lahat ng favor, na sa 'yo. Kapag maganda ka, maraming may gusto sa iyo. At higit sa lahat, kapag maganda ka ... hindi 'yon totoo. Ako lang kasi and maganda rito.

Hashtag, realtalk. Dahil nabigyan lang naman ng konkretong depinasyon ang salitang 'maganda' nang ipinanganak ako.

"Hoy! Lyca! Huwag kang magreynareynahan diyan at tulungan mo kami! Ano 'yan? Selfie na naman? Hindi ka ba nauumay sa pagmumukha mo? Ako kasi, gustong-gusto na kitang itapon!"

Tumaas kaagad ang kilay ko sa sinabi ng pakialamerang Ailyn na 'yan. Itong babaitang 'to, inggit na inggit talaga sa akin 'to, e. Palibhasa, ang haba ng baba niya.

"Naghahanap ako ng signal, tanga! Magpo-post ako sa IG ko!" Umirap ako.

Nakakapangit daw kapag pumapatol ka sa mga walang sense na away, pero 'pag nakikita ko kasi ang pagmumukha ng Ailyn na 'to, automatic 'yong pagkulo ng dugo ko.

"Ano? Po-post mo 'yang mga picture mong puro filter naman!" sabi pa ng letse.

Nanlaki ang mga mata ko. Oh, my gosh—hindi 'yon totoo! Aesthetic effects 'yon! Tanga talaga! Palibhasa, 'yong dapat na utak niya, nasa baba niya lahat!

"Tche." Muli akong umirap at tumuon na lang sa cellphone ko. "Simula sa araw na 'to, Martes, seven-thiry-six ng umaga, year twenty-nineteen, nag-decide akong huwag nang pansinin ang kababang tulad mo."

Tumayo mula sa pagpaparingas niya sa paglulutuan si Ailyn. "Animal ka talaga—"

"Hoy! Tumigil na kayong dalawa!" sabat ni Jhoma na akala ko, e, wala nang paki dahil masiyadong abala sa ginagawa. "Ailyn, huwag mo na kasing pansinsin ... ikaw, Lyca, tumulong ka na lang sa amin! Babanatan tayong lahat ni Sania 'pag nakabalik siyang wala pa tayong naihahanda," sabi ni Jhoma na naka-squat at nagbubungkal sa lupa. Dinig ko kanina, naghahanap silang dalawa ni Isabel ng bulateng pang pain sa mga isda.

Dumiretso naman ang tingin ko sa container na may lamang tatlong malalapad na isda. Puwede na 'yon, a? Sa akin 'yong isa, tapos hati-hati na lang sila roon sa dalawa pa!

"Sus! Ang duduwag ninyo, si Sania lang 'yon, 'no!" Ngumuso kaagad ako noong maitapat ko sa mukha ko ang camera ng malapad kong cellphone. Kumindat ako. "Cheese!"

"Baliw!" muling sagot ni Jhoma kaya napabaling ulit ako sa kanila, sa tabi niya ay ang tumatawa lang na si Isabel. "Limot n'yo na ba, ha? May dalawang bagay lang tayong dapat tandaan kay Sania. Kalmado lang 'yon sa lahat ng oras at wala pang emosyon, madalas. Pero, una, ang gisingin siya sa mahimbing niya pagtulog, at pangalawa, ang hindi siya mabigyan ng pagkain sa agahan bago mag alas otso y media ang siyang dapat nating iwasan."

"Tama," tumatangong ani Lourdell na busy naman sa pagkakabit niyong nahuling kikibot-kibot na bulate sa pamingwit. "Nakakatakot, para siyang sinasaniban 'pag nabibigla 'yong paggising niya." Tulala pa yata siya habang nagsasalita, parang nagto-throwback sa isip niya.

Kumunot ang makinis kong noo. Tche. Cowards! Ano bang pinagsasabi ng mga ito? E, Hindi ko pa nga nawiwitness 'yang Sania na 'yan kung paano siya magalit. Palagi ngang walang reaksiyon ang babaitang 'yon, nakakagigil!

Mga writer din ang mga punyetang 'to, e, gawa-gawa pa ng kuwento para mautusan ako! Ha. Neknek nila! Hindi ko sisirain ang ganda ng mga kuko ko.

Nasa kalagitnaan ako ng pamimilya ng maganda effect na babagay sa maganda kong mukha bago i-post na tuluyan sa Instagram ang new selfies ko ay narinig ko ang pagsigaw ng kababang si Ailyn ng "Lyca! Catch!"

Dahil maganda ako, at mabilis ang instinct ko, inipit kong mabilis sa kili-kili ko ang aking cellphone at sinalo iyong hinagis niya patungo sa akin.

"Ano ba 'to at may pa-catch-catch ka pa riyang nalalaman? Muntanga," sabi ko at saka sinilip and loob ng aking mga palad nang maramdamang kong parang may kumibot sa mga kamay ko.

Ganoon na lang ang tili ko nang makitang bulate pala 'yon.

"Aaaah! Yike! Yike! Kadiri! Aaaah!"

Nagtatatalon ako nang maihagis ko kung saan 'yong pesteng bulateng inihagis ng pesteng si Ailyn! Ang punyeta, tumatawa ang walanghiya!

Masama ko siyang tinitigan, pero hindi pa siya nagpatinag. Mas lalo pang lumakas ang paghalakhak niya.

"Punyeta ka..."

Malaki at marahas akong humakbang, kay Ailyn lang ako nakatingin dahil gigil na gigil akong hablutin 'yong kulot niyang buhok kaya hindi ko napansin 'yong container ng mga isdang nahuli nila. Tinamaan 'yon ng binti ko. At nang bumaling ako roon ay huli na.

Parang naging slow motion ang lahat with matching angels singing in high notes. Nakasunod kaming lahat ng tingin sa malinaw na pinanggalingang container ng Stick-O na siyang gumulong patungo sa malakas na agos ng ilog ... kasama yong mga isda...

"Mga manlalakbay..."

Nanlaki ang mga mata namin at napalingon sa nagsalita; si Sania, walang emosiyong nakatitig sa amin habang may yakap na mga panggatong na kahoy sa mga braso niya.

"'Yong mga nahuli ninyong isda para sa agahan ... nasaan na?"