Chapter Five

TUNOG NG mga monitors ang narinig ni Erin nang balikan siya ng ulirat kasabay ng pagbungad sa kanya ng maamong mukha ni...Anton?

"Erin! Thank goodness you're back. Sandali lang at tatawag ako ng nurse—"

"A-Anong ginagawa mo rito?"

"W-Well..." Halata sa ekspresiyon nito ang kalituhan, tila hindi alam kung paano hahalungkatin ang mga salita para ipaliwanag kung bakit bigla uli itong sumulpot sa harapan niya. Ilang araw na rin ang nakalipas matapos ang una at huling pagkakataong nakilala niya ang binata sa hindi inaasahang paraan.

"Narito ako para bayaran ang oras mo," sabi ni Anton na literal na ikinanganga niya.

"Ha?"

"R-Right. Ayoko ko kasi nang may naiiwanang utang na loob. Kaya hinanap talaga kita para bayaran iyong...iyong oras mo para sa...nakaraang ano...gabi."

Weird. Hindi napigilang mapakunot ng noo si Erin sa naging dahilan ng binata. Sabagay, ano ba naman ang ibang rason para hanapin siya nito. Tinaas niya ang isang palad sa harapan ni Anton, "'Asan na."

"Huh?" Si Anton ang ngaling-ngaling mapanganga.

"Iyong bayad mo?"

"M-Mamaya na. Let me get you checked on."

Iyon lang at mabilis rin itong lumabas para magtawag ng doktor. Wala sa sariling hinipo niya ang kaliwang dibdib na kani-kanina'y parang sasabog sa bilis ng tibok. She has Hypertrophic cardiomyopathy (HCM) kaya madalas siyang pangapusan nang hininga o bigla na lang nahihimatay dahil abnormal ang pagpintig ng puso niya, resulta para mahirapan sa pagdaloy ang dugo sa buong katawan niya. Fortunately, her illness still allows her to move freely and live as normal as possible. Subalit bawal lang talaga sa kalagayan niya ang masyadong emosyon.

"Erin, hija. How are you feeling?" bungad ni Dr. Alfonso na siyang cardiologist na humahawak sa kaso ng puso niya.

"Okay naman ako, Doc. Nothing to worry about," nagthumbs-up pa siya sa butihing doktor at masiglang ngumisi.

"Ano'ng nothing to worry about? Doc, ang tigas kasi ng ulo niyan. Ayaw mapirmi," tuloy-tuloy na sumbong naman ni Aggie na halatang sumunod rito sa pag-check sa kanya. Dito rin kasi ito nagtatrabaho bilang anesthesiologist.

Natawa naman si Dr. Alfonso nang bumusangot siya. Si Aggie naman kasi kung makaasta minsan daig pa si Ninang Hannah.

"Ang tagal na noong huling atake mo, what do you think triggered it this time?"

Sa tanong ng doktor ay agad niyang naalala ang huling beses na isinugod siya sa ospital dahil sa kalagayan niya. Iyon ay noong burol ng mommy niya at halos lunurin siya ng lungkot niya. Hindi kasi tulad ng ibang kaso ng HCM na fatigue at stress ang pangunahing cause ng attacks nila, siya naman ay hindi maaaring makadama ng kahit anong masidhing damdamin. One time, big time kumbaga.

She's been living normally for the last 2 years at wala pa namang nagtrigger nang kahit ano para masugod ulit siya sa ospital gaya ngayon, at ang rason kung bakit ay walang iba kundi ang binatang tahimik na nakamasid sa kanya mula sa sulok ng silid.

"Na-stress ka ba? Nagulat? Nalungkot?" tuloy-tuloy pa rin ang pagtatanong ni Dr. Alfonso, halata ang pinaghalong kuryusidad at pag-aalala sa mga mata nito. Hindi niya ito masisisi dahil isa siya sa rare cases ng HCM na kaya pa ring mamuhay na 'sing active pa ng lifestyle niya.

Natuwa po ako, Doc. Sobra-sobrang natuwa.

Sagot niya sa isip niya habang pasimpleng sinulyapan si Anton.

"Baka sa init, Doc. Alam niyo na, El Niño," she quipped with a sheepish grin. Siya man ay hindi na maintindihan ang naging reaksyon niya nang makita si Anton. Parang literal na gustong tumalon ang puso niya nang biglang sumulpot ito sa harapan niya. Ginu-good time ba siya ng tadhana? Oo, inaamin niyang ginusto niyang makita ulit ito pagkatapos ng gabing nakilala niya ito. Tatlong araw rin siyang nagpabalik-balik sa seaside ng MOA at nagbaka-sakaling makikita roon ang binata ngunit wala rin naman siyang napala.

Bakit ngayon? May jowa na 'ko, Lord!

Tahimik lang siyang nginitian ng Doktor bago tuluyang magpaalam upang asikasuhin ang iba pa nitong pasyente, hindi sigurado si Erin kung kinagat ba nito ang palusot niya o sadyang mabait lang talaga si Dr. Alfonso. Nang makalabas ang lalaki ay agad naman siyang sinundot sa tagiliran ni Aggie sabay nguso sa direksyon ni Anton.

"Ah oo nga pala. Aggie, si Anton. Anton, si Aggie, kaibigan ko."

Inabot ni Anton ang kamay nito kay Aggie subalit ilang segundo munang natulala rito ang kaibigan niya, mulagat na nagpalipat-lipat ng tingin ni Aggie kay Erin at sa nakalahad na kamay ni Anton. Pasimpleng tumango naman si Erin bilang sagot sa katanungan sa mga mata ni Aggie.

"Oh, Anton! Hi! Buti magkasama kayo ni Erin today?" Aggie being Aggie, walang pinalampas na sandali para siyasatin ang lalaki.

"Napadaan lang ako sa bar na pinagtatrabahuhan niya, it's purely coincidental," Anton replied in a rather defensive manner.

"Ahh... Napadaan..." ulit naman ni Aggie.

"Tinawagan mo ba si Ninang, sana hindi na," singit ni Erin para maiba na ang usapan.

"Siyempre sinabihan ko si Tita, 'edi dalawa tayong nakurot kapag nalaman niyang isinugod ka sa ospital taspo hindi ko sinabi? Hindi pwede 'yon, dapat ikaw lang ang pagagalitan."

Natawa siya sa tinuran nito at inirapan ang kaibigan, "Impakta ka talaga."

"Aware ako, thanks. Tsaka si kwan din tinawagan ko."

"Sino?"

"Si Andrew, siyempre."

"Ha??"

"Gulat ka kasi may number ako sa kanya o gulat ka kasi tinawagan ko siya?"

Both. Gusto sana niyang isagot ngunit naunahan siyang magsalita ni Anton.

"Andrew?"

Isang matamis na ngiti ang sinagot rito ni Aggie kasabay ng pagbukas ng pinto at iniluwa roon ang humahangos na si Andrew.

"Erin, thank God you're okay!" Masuyong hinagkan nito ang noo niya bago sinundan ng pag-agap nito sa kamay niya.

Oo nga pala. She and Andrew are now officially dating. Attracted siya rito at umamin naman itong may gusto rin ito sa kanya, ano pa bang patatagalin? Tinanggap niya ang masuyong paghalik nito sa ulo niya at ngnitian ito pagkatapos. She silently castigated herself for almost wincing, naisip kasi niya na nandoon si Anton. Eh ano naman kung nandoon si Anton?

Tumikhim si Anton, tila pinararating na may ibang tao sa loob ng silid. Nilingon ito ni Andrew at ilang saglit ding pinagmasdan. She broke the silence by introducing the two gentlemen, "Andrew, si Anton. Kaibigan ko. Anton, si Andrew... boyfriend ko."

BOYFRIEND? SILA na ni Erin?

Pigil na pigil ni Anton ang mapamura nang marinig mula sa bibig ng dalaga na huli na ang lahat. Mukhang malabo na ngang maputol ang kaugnayan nito sa buhay ng mga tao sa buhay niya. Saglit siyang natahimik habang nakatitig sa mga mata ng kuya niya, hanggang sa unti-unti ring lumambot ang halatang pagkagulat sa ekspresyon nito bago siya tuluyang niyakap ni Andrew.

Halata na rin ang pagkalito sa mga mata ng dalawang babae sa silid, mukhang hindi pa siya naikukuwento ng kuya niya kay Erin kaya wala itong ideya sa kaugnayan niya kay Andrew.

"M-Magkakilala kayo?" tanong ni Erin.

"Yup. Anton is my wanderer of a little brother. I'm so glad na magkaibigan kayo, I was worried na hindi kayo magkakasundo," si Andrew na ang nagpaliwanag. "Anton, man, long time ah. Si Erin lang pala ang susi para makita kita ulit," biro pa nito sabay baling sa direksyon ni Erin. "Hon, you really are my lucky charm."

Hindi na malaman ni Anton kung anong hitsura ng pagkakangiti niya dahil hindi niya inaasahan ang takbo ng mga pangyayari. Early this morning, all he wanted was to have a good talk with Erin. Possibly telling her the great news that, finally, she'll be having the transplant she's always prayed for. Pero nagkandaleche-leche ang lahat. Putragis talaga.

Habang masugid pa rin ang pagkukwento ni Andrew sa buhay nilang magkapatid, abala naman si Anton sa pag-iisip kung paano ang magiging susunod na hakbang na gagawin. Anonymity is out of the table, obviously. At hindi pa rin pwedeng malaman ng kuya niya ang binabalak niyang pagdurugtong sa buhay ng dalaga. Siguro tsaka na, kapag nasa mismong operating table na silang dalawa ni Erin at wala na itong magagawa pa. Nahuhuli niya ang pasimpleng mga sulyap ng dalaga sa direksyon niya, may mga katanungan sa mga iyon na hindi alam kung kaya niya lahat sagutin.

"So where have you been all this time?" Si Andrew ang nagtanong.

"I just took care of some business elsewhere."

"Okay. Ngayong nahuli na kita, hindi pupwedeng hindi ka uuwi. If I have to drag you back home I'll do it. Mom's worried, you know," biro nito na sa kabila ng ngiti ay halata ang relief at longing sa tono nito.

He answered with a small smile and nodded. Agad namang lumiwanag ang mukha ni Andrew.

"Hon, pinasundo ko na sina Tita Hannah kanina. Sigurado ako papunta na rin sila rito ngayon. Iuuwi ko muna itong kapatid ko at baka takasan na naman ako," paalam ng kuya niya kay Erin bago masuyong hinagkan ito sa noo.

"Okay, hon. Ingat kayo. Call me later."

"I will. And please, please, mapirmi ka muna rito. I've talked to Dr. Alfonso, he told me he might ask you to stay the night for further tests. Kaya magpahinga ka na muna, babalik ako bukas. Okay?"

"Okay, Doc."

"Good girl."

"Your girl," ang ganda ng ngiti ni Erin nang sagutin nito ang sinambit ng kapatid niya.

Anton silently gritted his teeth to keep his expression from cringing. He felt awkward hearing their exchange, pero mukha namang genuine. Tinanguan niya rin si Aggie, ang kaibigan ni Erin, na kanina pa tahimik na nagmamasid sa kanilang tatlo. There's a knowing look in her eyes when she smiled back at him. Weird.

Tahimik nilang binaybay ng kuya niya ang pasilyo ng ospital hanggang sa parking lot. At this point, nagdadalawang isip na siya kung tama bang pumayag siya sa pakiusap nito pero hinayaan na lang rin niya. What the hell, he's dying anyway so might as well see his parents for the last time.

"Iwan mo na iyang kotse mo, ipapakuha ko na lang kay Bert mamaya." Tukoy nito sa bodyguard-slash-driver ng pamilya nila.

"No, it's fine. Sabi mo kay Erin babalik ka rito bukas diba, sabay na 'ko tsaka ko nalang 'to kukunin."

"Okay." Sumakay na sila sa loob ng sasakyan nito. Bago tuluyang paandarin ang sasakyan ay ilang segundo pa siyang tiningnan ni Andrew nang may tuwa sa mga mata. "It's really good to see you, little brother."

Ngumiti siya rito sa kabila ng parang sinuntok siya sa sikmura sa mga sinabi nito. Kahit naman desidido na siya sa gagawin para sa babaeng mahal nito, he still feels bad having to lie to him about it.

Bahala na.

"HELLO, MA'AM? Yes, ma'am, iniwanan ko iyong flash drive sa itaas ng desk niyo. For printing na ho iyon."

Kausap ni Erin ngayon ang supervisor niya hinggil sa page lay-out para sa isang brochure nila na nakaschedule for publish this week. Isa siyang freelance graphic designer tuwing Martes at Huwebes sa isang advertising company. Tinulungan siyang makapasok ng dati niyang kaklase noong high school na si Arya na nagtatrabaho bilang isa sa mga editors sa kumpanya. Nagfile siya ng undertime ngayong araw. Tumawag kasi kanina si Dr. Alfonso at gusto siyang i-meet tungkol sa isang potential heart donor. Parang pumalakpak ang tainga ni Erin nang banggitin ng doktor ang mga katagang 'heart donor', hindi niya inaasahan ang ganoong balita kaya masayang-masaya talaga siya.

"Ho, ma'am? Hindi ko ho kayo marinig masyado, medyo maingay."

"Yeah, I need you to come back to the office. May kaunting revisions lang sana, I promise saglit lang talaga siya."

"Eh... Wala ho ba si Lemuel diyan? Kaya na niya 'yan, nasa QC na ho ako eh."

"Sige na, I like your touch better than anyone. Please, Erin?"

Groaning inwardly, she finally said, "Sige, ma'am. Papunta na."

Ilang beses nagpapadyak si Erin sa inis matapos ibaba ng supervisor niyang si Miss Yannie ang tawag. Hindi niya alam kung mabubwisit sa sarili o sa walangyang timing dahil hindi talaga niya kayang humindi sa mga boss niya. She's got this uncontrollable need to please her bosses. Gusto niyang dapat lagi siyang favorite, naniniwala kasi siya sa kasabihang "Happy boss, happy life". So far, totoo naman. Dahil sa halos dalawang taon niyang sabay-sabay na pagraraket ay nakaipon na siya ng malaki-laki para sa pinapangarap na heart transplant. Tiningnan niya ang relong pambisig upang tantiyahin kung aabot siya sa usapan nila ni Dr. Alfonso. Huwebes naman ngayon at hindi pa rush hour kaya di pa ganoon kabigat ang traffic. Bibilisan ko na lang sa editing.

Pinara niya ang unang taxi na nakita subalit naunahan siya sa pagsakay ng isang estudyante. "Pasensya na, miss, late natalaga ako. Finals pa naman namin."

"T-Teka—"

Alas dos na ng tanghali at kalagitnaan ng init ng sikat ng araw, minabuti ni Erin na sumilong sa malapit na waiting shed at magbook na lang ng Grab ride.

Nang maconfirm ang booking niya ay tahimik siyang naghintay. Para pumatay ng oras ay inabala niya ang sarili sa pagbibilang ng mga berdeng sasakyan. Kahit anong sasakyan, kahit tricycle pa yan. Wala, trip lang niya. Nang magsawa ay tumingala naman siya upang pagmasdan ang mga ulap. Napangiti siya sa kagandahan ng langit. Maliwanag ang tama ng asul at puting kulumpon ng tila bulak na palamuti ng kalangitan. Unconsciously, she traced one cloud using her finger. And then another. And then she found a weird, bunny-shaped one. Lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti nang maalala ang isa sa mga kuneho nila sa clinic, lalo na si Pwetpwet na sabay nilang pinangalanan ng kasintahan niyang si Andrew. Naks, kasintahan.

May hatid na kilig ang salitang iyon, ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang pisngi. Mukha siyang tanga na basta na lang nakangiti mag-isa, mabuti na lang at walang masyadong tao. Andrew is probably the nicest guy she'd ever met. Madalas itong bumisita sa bahay at nakasundo na rin ang Ninang at kinakapatid niya. Pati ang aso nilang si Papa ay palaging may libreng check-up at treat tuwing dumarating ito. Mabait na, pogi pa. Jackpot!

Tapos sumunod pa ang balitang may potential donor na para sa kanya. Pakiramdam niya ay bumabawi na ang mundo sa sunud-sunod na kamalasang pinaranas nito sa kanya. Finally, after a very long time, Erin is beginning to feel hopeful for better days. She's finally believing better things are coming, she felt greatly motivated and extra will to live. At nagsimula lahat ng iyon nang makilala at pumasok sa buhay niya si Andrew. Bonus pa na ramdam niyang mahal siya nito. Mula sa pag-aalaga nito sa kanya hanggang sa pagbibigay nito ng oras para sa kanilang dalawa sa kabila ng busy schedules nilang pareho. Ramdam ni Erin na espesyal siya kay Andrew at ganoon rin naman siya rito. Ngayon lang talaga nagsisink-in sa kanya na may nagmamahal sa kanya bukod pa sa pamilya at mga kaibigan niya. Ang sarap pala sa feeling.

Habang abala siya sa pagnamnam sa new found realization niya'y bigla namang umukilkil sa kanyang alaala si Anton, who turned out to be Andrew's younger brother. What a small world. Kaya siguro magaan ang naging loob niya kay Anton noong una silang magkakilala. Kaya siguro ilang araw din itong naging laman ng alaala niya. Kaya siguro noong nakita niya ito ulit ay sobrang natuwa ang puso niya, rason para isugod siya sa ospital. Ganoon nga siguro, dahil kapatid pala ni Anton ang magiging boyfriend niya. Boyfriend! Pak!

Nang may pumarang isang makintab na white Lexus LC sa harapan ng waiting shed na kinaroroonan niya ay wala sa sariling napatayo siya. Ang gara naman ng Grab ko.

Bumaba ang bintana sa passenger side ng sasakyan at bumungad sa kanya ang mukha ni, "Anton?"

"Erin, what are you doing here?"

"Naghihintay ng sasakyan, pabalik kasi ako sa office. Ikaw, anong ginagawa mo rito?"

"I was just around the area tapos nakita kita. Saan ba ang office niyo? Hatid na kita."

"Ah, naku, wag na. Parating na rin naman yung Grab ride ko. Okay lang."

"Nah, I insist. Halika na."

Nang bumaba ito at tuluyang pagbuksan siya ng pinto ay wala na siyang nagawa. Cinancel na lang niya ang booking at sumakay sa loob ng sasakyan. The sleek, 2-seater ride became even smaller when she closed the door. Anton's presence is overwhelming and the awkward silence is beginning to suffocate them both. So Erin being her usual, indiscreet self, broke the ice with her tactlessness.

"Buti pala napadaan ka rito no?" ani Erin.

"Ah, yeah. I met with a friend. Ikaw, bakit umalis ka ng office niyo tapos babalik ulit?"

"Eh ba't ikaw, biglang nawala tas biglang bumalik?"

Ilang segundo ring hindi ito nakasagot bago idinaan sa tawa ang pagsagot, "What?"

"No, seriously. Hinanap kaya kita," ani Erin at binuntutan pa ito ng bahagyang hampas sa braso.

Nilingon siya nito saglit, "Seriously?"

Tumango siya at natawa na rin, "I know, pathetic, right? Pero, ewan ko ba. Natuwa talaga ako sa gabing iyon. I mean, what are the odds you'll meet a stranger in a cab who would eventually become a friend? Ang galing kaya 'nun."

Tahimik lang si Anton pero magaan na ang awra sa pagitan nila. Siguro dahil nailabas na ni Erin ang issue niya sa binata. Kumbaga, wala nang awkwardness kasi natangay na ng hangin ang hard kept thoughts niya noong gabing una niyang nakilala ang binata. At tulad nang gabing iyon, dire-diretso lang ang bibig ni Erin. Akala mo ang tagal na nilang magkakilala para makapagrant rito ang dalaga nang ganun-ganun lang.

May parte talaga kay Anton na nakakapagpalabas sa kadaldalan ni Erin. Iyong daldal na hindi nambabara, hindi nanunuya, tulad ng usual na ugali lang ni Erin na nakasanayan ng mga kaibigan niya. Iyong daldal na, wala, kwento lang ng kung anu-ano. Lalo na sa kulit ng utak ni Erin, pagdating kay Anton para bang nakahanap siya ng makikinig. Hindi na bale kung puro tango at ngiti lang ang isagot sa kanya ng binata, ramdam niyang naiintindihan siya nito.

Sarap kaya nun.

"So did you figure it out?" tanong ni Anton kapagkuwan na ikinalito ni Erin.

"Huh?"

"Kung pare-pareho lang ang mga araw."

Ilang sandali ring nag-isip si Erin ng ibig nitong sabihin hanggang sa maalala niya ang naging theory niya nang gabing nagkakilala sila. Natawa ang dalaga, "Naalala mo pa 'yon?"

"Oo naman."

"Well, hanggang ngayon ay tinutuklas ko pa 'yon. Pakiramdam ko naman hahaba pa ang buhay ko kaya mas magkakaroon ako ng pagkakataon para malaman ko ang sagot diyan," Erin smiled at him now. He's looking at the road but she almost caught a quiver at the side of his lips so she knew he almost smiled too.

Parang may nag-iba sa binata mula nang gabing una silang nagkakilala, hindi niya mawari pero may pakiramdam siyang on-guard na ito sa kanya ngayon. Nang gabing nagkakilala kasi sila, malaya at magaan pa itong ngumiti. Sa kabila ng taglay na kalaliman, may gaan at kalayaan sa bawat galaw ni Anton noon. Ano kayang nangyari rito?

Ipinilig ni Erin ang linya ng isip niya dahil isang gabi lang naman iyon. Malay ba niya kung ganito lang talaga ito. Tahimik, malalim, matipid sa reaksyon. Baka nang gabing iyon lang ito nag-iba. Posible.

Inilipat ni Erin ang tingin sa labas ng bintana at itinuon ang atensyon sa nagtataasang mga building sa magkabilang parte ng daan na binabaybay nila. Maingay at sadyang napakagulo ng lungsod, but she grew fond of it. It's true, there is beauty in chaos.

"When you figure it out, ipupublish mo ba iyon? Baka manalo ka pa ng Nobel Prize kapag napatunayan mo ang teorya mong 'yon," Anton remarked after a long pause.

Namilog ang mga mata ni Erin sa naging biro ng binata, "Oh my gosh, Anton, marunong ka palang magjoke?" Sumimangot ito na lalo niyang ikinatawa, "Nah, baka hindi na. Or maybe. Ewan. Bahala na. Ni hindi ko nga alam kung masasagot ko 'yon. Hayaan mo, kapag natuklasan ko man iyon, ikaw ang unang-una kong hahanapin."

"That's nice," there was a wistful sense in his tone that she chose to ignore. Ipinagpalagay niyang ayaw na lang pahabain pa ni Anton ang ang usapan nila.

"Kamusta kayo ni kuya?" untag ni Anton matapos ng ilang sandaling katahimikan.

"Okay naman. Dedz na dedz sa akin ang kuya mo, eh," biro naman ni Erin na hindi naman tinawanan ni Anton.

Tuod talaga. Aniya sa isip.

Chuckling to herself, she asked Anton to pull the car over dahil nasa tapat na sila ng office nila. Bago siya bumaba ay nagsalita si Anton, "Gusto mo ba hintayin na kita? Wala naman na akong gagawin."

"Ows? Grabe naman, sana all mabait. Pero hindi ko na hihindian iyang offer mo dahil hirap mag-abang ng taxi sa gawing ito ng siyudad. Saglit lang naman ako. Promiiiiz!"

"Nah, it's okay. Take your time."

"Hanap ka na lang ng parking space diyan sa harapan tapos sa lobby mo na lang ako hintayin."

"Okay. And Erin?"

"Yup?"

"I'm really glad to see you happy with Andrew."

Nanulis ang nguso ni Erin at talaga namang natuwa sa sinabing iyon ng binata, "Aw, thanks, bro."

She smiled after and lightly tapped him on the cheek before getting out of the car.