Pumasok siya sa kuwarto ng tinitirahan niya sa Maynila. Kumuha siya ng papel at ng bolpen at nag simulang mag sulat ng liham para sa kanyang ina.
October 22, 2006
Mahal kong Ina,
Ma, kamusta ka na diyan? Ako,okay lang po ako. Nung isang araw ay kaarawan ng ka-trabaho ko,siya ay nag- pahanda sa opisina. Ang saya nilang tingnan ng mga magulang niya nung pumunta sila sa opisina, parang magkakalapit sila sa isa't-isa. Alam mo po yun? Yung pag-titingnan mo sila, parang ang dami nilang masasayang ala-ala na ginawa bilang isang pamilya. Isang bagay na wala man lang tayo. Ma, sabik na sabik na akong makasama kang muli. Sa araw-araw, sa aking paggising palagi akong umiiyak dahil nasasabik akong makita ka. Gustong-gusto ko ng umuwi sa atin ngunit hindi ko magawa dahil wala na pala akong uuwian. Sa tuwing pagtulog ko, ikaw lang ang laging laman ng panaginip ko at sa aking panaginip ay ang saya-saya nating dalawa. Sa tuwing galing tayo ng Simbahan ay dumidiretso tayo sa tindahan nila aling Biring para bumili ng pagkain, pagkatapos masaya tayong nag ku-kuwentuhan habang naglalakad pauwi. Kung minsan ay ayaw ko ng magising sa panaginip ko dahil doon ay nakakasama kita. Ma, isa kang hulog ng langit para sa akin dahil sayo, nakarating ako kung saan ako ngayon, dahil sa mga sakripisyo na ginawa mo kahit na isang kahig, isang tuka lang tayo noon, napagtapos mo pa rin po ako ng pag-aaral. Patawad kung hindi ko man lang nasabi ito sayo ng harapan. Patawad dahil nakalimutan kita. Patawad dahil hindi ko nilingon ang pinang-galingan ko dahil sa ambisyon ko. Ma, marami pa sana akong gustong sabihin at gustong ipagpasalamat sayo ng harapan. Ngunit hindi ko na maisulat lahat dahil sa hindi ko na mapigilan ang pagbuhos ng luha ko. Pero ma, araw-araw akong nagpapasalamat sa Diyos dahil ikaw ang naging ina ko. Dahil sa mga sakripisyo mo, naging mabulaklak ang landas ko. Mahal na mahal kita ma, huwag kang mag-alala dahil naging mabuti po ang kalagayan ko ngayon. Marami akong kaibigan na sumusuporta sa akin. Kaya sana maging masaya ka po kung saan ka man ngayon.
Nagmamahal,
Angeline
Pagkatapos maisulat ni Angeline ang sulat para sa kanyang ina ay kinuha niya ang sobreng paglalagyan niya ng sulat at sinulatan ang likod nito ng Para sa aking pinakamamahal na Ina.
"Angeline! Tara na't magsisimula na ang Misa." Sambit ng isa niyang kaibigan mula sa sala. Agad namang isinara ni Angeline ang sobre pagkatapos ay kinuha niya ang isang kahon. Inilagay niya dito ang sobreng may laman na sulat na ginawa niya doon kasama ng iba pang sulat para sa kanyang ina. Inilagay niya ang kahon sa ilalim ng isang lamesa kung saan nakalagay ang isang urn. Ang abo na napakaloob doon ay ang abo ng kanyang pinakamahal na ina.
"Ma, pupunta muna kami sa misa. Mahal na mahal kita ma." Sabi ni Angeline bago siya naglakad patungo sa pinto ng kanyang kuwarto. Nang makarating siya sa pintuan ay tiningnan niya ang sulat ng kanyang ina para sa kanya bago ito nawalan ng buhay.
Ipinagmamalaki kita anak at mahal na mahal kita. Alalahanin mong kahit saan man ako mapunta ay hinding-hindi kita makakalimutan.
Yan ang linyang pinanghahawakan ni Angeline na galing sa kanyang ina. Lumabas siya ng kaniyang kuwarto na may ngiti sa labi.
Ako rin ma, ipinagmamalaki kita at mahal na mahal din kita…