Natapos ang tatlong lecturer bago dumating ang break.
Nagtilian ang mga babaeng estudyante nang makatanggap sila ng notification mula sa forum na kumpleto na ang basketball team na naglalaro ngayon sa indoor stadium. Nagmamadaling sumugod ang mga ito sa lugar upang makita ang mga paborito nilang player.
"Here we go again. Hindi ba sila nagsasawa sa kakatili sa kanila?" Napapailing na lang si Chase sa mga ito habang pinapasok ang tablet sa loob ng kanyang bag. "Anyway, nag-text sila Finn, nasa—" natigilan si Chase nang mapansin niyang wala na si Syven sa likod niya. Kailan pa ito nawala?
Nakahinga lamang si Syven nang makalabas siya ng classroom. Maluluto na ang sentido niya kapag nagtagal pa siya sa kwartong iyon. Isa pa, wala siyang planong makita ang mga losers na kaibigan niya.
Nilagpasan siya ng mga babaeng estudyante na tila may hinahabol. Ganoon din ang nakita niya sa kabilang hallway. May ideya si Syven kung saan pupunta ang mga ito, at namalayan na lang niyang doon rin siya dinala ng mga paa niya.
Hindi pa siya nakakapasok sa loob ay naririnig na niya ang malalakas na hiyawan. Nang bumungad sa kanya ang loob ng stadium, lalo lamang lumakas ang sigawan na parang dumadagundong sa buong espasyo.
Napakunot-noo si Syven. Practice pa lang ng basketball team pero kung makapag-cheer ang mga estudyante ay parang nasa championship game na ang mga ito.
Babalik na sana si Syven nang marinig niya ang pangalang hinihiyaw ng lahat, umaalingawngaw sa malawak na stadium—
"Bryant!"
"Bryant!"
"Bryant!"
Mabilis na hinanap ng mga mata ni Syven ang taong tinatawag nila. Parang may dumukot ng matigas na bagay sa dibdib niya nang tumigil ang tingin niya sa nagmamay-ari ng pangalan. Lalong lumakas sa pandinig niya ang bawat sigaw, na tila humihiyaw ng malakas sa kanya.
Ang bawat paghinga ng binatang nasa court, bawat galaw nito habang tumatakbo, ay patunay na buhay pa ito.
Matinding kaba at takot ang dumaloy sa dibdib niya. Baka dinadaya lang siya ng sarili niyang imahinasyon. Paano kung magising siya at mapagtantong ilusyon lang ang lahat ng nakikita niya?
Ang Bryant na naaalala ni Syven ay ang kaibigan niya na kahit hindi niya tawagin ay laging nandiyan sa tabi niya. Kapag pinarusahan siya ng kanyang Ama, ito ang una niyang hinahanap.
Pakiramdam ni Syven ay ligtas siya kapag kasama niya ito. Marinig niya lang ang boses nito ay kumakalma na ang alon na lumulunod sa kanya. Nagugunaw ang lahat ng takot sa dibdib ni Syven maramdaman niya lang ang haplos ng kamay nito sa ulo niya.
Minsan, ito ang naging mundo niya—ang humihila sa kanya pabalik sa tuwing nararamdaman niyang nawawala siya.
Hinangad niyang manatili ito sa tabi niya, pero natutunan niyang hindi lahat ng bagay ay permanente.
Nang dumating ang araw na hindi niya na ito mahanap, mas sumasakit ang parusang natatanggap niya mula sa ama niya. Mas mahapdi ang paso ng sigarilyo na dumidiin sa balat niya.
Pakiramdam niya, nadudurog ang mga buto niya sa bawat oras na wala si Bryant.
Napagtanto niyang isa lamang itong gamot na panandaliang nagpapamanhid sa sugat niya. At kapag hindi niya ito nainom sa tamang oras ay babalik ang sakit.
Kung ganon, bakit kailangan niya pa ito kung hindi naghihilom ang sugat niya kundi lalo lamang kimikirot?
Mas pinili niyang masanay na wala ito. Binura niya ito sa buhay niya, at tama ang naging desisyon niya. Dahil mula noon, unti-unting tumigas ang puso niya. Nagsimulang mawala ang takot niya sa kanyang ama.
Nagawa na niyang suwayin ito. Nagawa niyang sundin ang sarili niyang gusto. Mas naging malaya siya nang mawala si Bryant sa tabi niya—o iyon ang akala niya.
Dahil ng makita niyang tuluyang nagunaw sa harapan niya ang taong minsang naging mundo niya, doon niya lang naramdaman na hindi ito nawala. Nagawa nitong bumaon sa buto niya.
At sa bawat pag-alala niya, para siyang tinutusok ng libo-libong patalim, habang bumabalik sa alaala niya ang malamig na kamay ni Bryant na wala nang buhay.
Pero ang Bryant na nakikita niya ngayon ay puno ng sigla at lakas. Kasing tindi ng hiyawan ng mga tao sa paligid.
Kung hindi nito inangkin ang pangalan niya ng gabing iyon, mananatiling buhay ang Bryant na kilala niya.
Naputol ang hiyawan nang aksidenteng matulak ang isang player sa gilid ng court, papunta sa matigas na stand ng basketball.
May mabilis na kamay na humarang bago tumama ang ulo ng player sa bakal—ang kamay na iyon ang sumalo sa tama, handang masaktan para sa kasama.
Natigil ang laro, at agad inalalayan ng mga player ang kaibigan nilang natumba. Humiwalay sa grupo ang may-ari ng kamay na sumalo rito, tahimik na tinanggihan ang tulong, matapos nitong sabihin sa mga kasama nito na hindi ito nasaktan.
Parang binuhusan ng yelo si Syven. Mabigat ang bawat hakbang habang sinusundan niya ito papunta sa locker room.
Hindi nito namalayang naroon siya. Sumandal si Syven sa locker, pinapanood ito habang nagbubukas ng gamit.
Napakunot-noo si Syven nang bigla nitong binawi ang kamay, halatang may kirot na naramdaman.
"Masakit?" Naglalaro ang ngiti sa labi ni Syven nang lumingon ito sa direksiyon niya. Bahagyang lumalim ang tingin ni Bryant na tila kinikilala kung sino siya o mas tamang kinukumpirma kung siya ba talaga ang nasa harapan nito.
Matagal itong napako sa kinatatayuan.
"Syven?"
Nang tawagin ni Bryant ang pangalan niya, mistulang nabuwag ang ilang taon na naghiwalay sila, dahil walang nagbago sa paraan ng pagtawag nito sa kanya. Tumangkad at nag-mature man ang boses nito, pero ang nakikita ni Syven sa mga sandaling iyon ay ang twelve years old na Bryant na nakilala niya.
Lumapit si Syven at inabot ang kamay nitong natamaan. Mariin na hinawakan niya iyon hanggang sa magpumiglas si Bryant at bawiin ang kamay nito sa kanya.
Humigpit ang bagay na sumasakal sa dibdib ni Syven.
"Nasaktan ka ba? Kung gano'n, bakit mo 'yun ginawa? Anong tingin mo sa sarili mo, Superman? Sa tingin mo matutuwa siya? Na hindi niya makakalimutan ang ginawa mo sa kanya?"
Sinuntok ni Syven ang dibdib ni Bryant, sa mismong parte kung saan bumaon ang balang pumatay dito.
Isa lang ang bagay na pinagsisihan ni Syven nang mamatay ito—ang wala siyang nagawa nang mag-agaw-buhay si Bryant sa harapan niya.
Natutuwa siyang makita itong muli, subalit natatakot din siya sa malaking posibilidad na hindi niya mababago ang kapalaran nito, dahil hindi ito nagbago. Ito pa rin ang Bryant na laging inuuna ang ibang tao kaysa sa sarili nito.
"Masaya ka na? Yan ba ang gusto mo?!"
"Syven!"
"Huwag mong gagamitin ang pangalan ko! Hindi ko gustong marinig 'yan mula sa'yo. Sa sandaling ginawa mo 'yon, ako mismo ang papatay sa'yo."
Umangat ang kamay ni Syven at sunod na humampas pasara ang nakabukas nitong locker, na lumikha ng matalim na ingay. Iniwanan ito ni Syven ng nagbabantang tingin na puno ng pagkamuhi.
Nagdatingan ang mga player ng basketball team nang lumabas si Syven sa locker room. Nagtatakang napasunod ang tingin ng mga ito nang lagpasan sila nito. Naabutan nilang nakatayo lang si Bryant sa harap ng locker niya.
"Bryant, kilala mo 'yon?" tanong ng isang player.
"Anong ginawa niya dito?" sunod na tanong ni Rex, ang captain ng team.
"May atraso ka ba sa kanya? Pero imposible dahil school at basketball ka lang. Sabihin mo lang sa amin kung binu-bully ka no'n at reresbakan namin."
Nakatikim ng malakas na batok si Troy mula kay Rex.
"Malapit na ang laro natin kaya 'wag na 'wag kang magtatangkang gumawa ng gulo. Isa pa, delikadong masangkot sa taong 'yon."
"That Rogue Prince? Sabagay, hindi siya tatawaging ganun kung prince charming ang ugali niya."
Natatawang hinaplos ni Troy ang ulong nakatikim ng batok, pero natigilan siya nang makita niyang nanatiling walang imik si Bryant.
Lumapit si Rex dito. "Okay ka lang?"
Tumango lamang ito bilang tugon at binuksan ang locker para kunin ang towel niya.
Nawala ang ngiti ni Troy.
"Parang papatay ang tingin nito kanina. Sigurado ka bang hindi ka niya ginugulo?"
Dumiretso si Bryant sa shower room na parang hindi sila nito narinig. Nag-aalalang nagtinginan ang mga player ng team.
Dalawa lang ang mood ni Bryant. Kapag maikli ang sagot nito, ibig sabihin ay nasa mood pa itong makipag-usap. Pero kapag wala ka nang naririnig mula sa kanya, mas mabuting manahimik ka na lang.