Inunat ni Chase ang leeg niya nang matapos ang huling lecture nila ng hapong iyon.
"Nangyari sa'yo?" puna ni Chase nang mapansin niyang simula nang bumalik si Syven pagkatapos ng break nila ay nagyeyelo na ang ekspresyon ng mukha nito.
"Anong gagawin mo kung biglang may nagpakita sa'yo at binugahan ka ng mga salitang hindi mo maintindihan, higit pa roon ay tinamaan ka niya sa mukha na tila ang laki ng atraso mo sa kanya?"
"Sino naman ang gagong gagawa no'n?" biglang uminit ang ulo ni Chase. "Gusto niya bang magpakamatay? Ang lakas ng loob niyang banggain ka!"
"Sinong gago ang tinatawag mo?" lalong lumamig ang ekspresyon ni Syven. Hindi niya lubos akalaing sasabog ang emosyon niya nang makita niyang muli si Bryant. Sa loob ng ilang taon, nagawa ni Syven na itago ang tunay na emosyon niya upang protektahan ang sarili niya mula sa mga taong gustong makita siyang nasusugatan.
Natutunan ni Syven na ngumiti kapag nalulungkot, tumawa kapag nagagalit ang puso niya. Minsan, hindi na niya makilala ang sarili niya dahil sa mabibigat na pader na kanyang tinayo upang ikulong ang tunay niyang nararamdaman. Subalit sa isang iglap, gumuho ang lahat ng iyon nang manaig ang lalim ng sugat na iniwan ni Bryant sa kanya.
"Ah," si Chase nang maliwanagan. "Ano bang atraso sa'yo ng taong 'yon at gano'n na lang ang galit mo sa kanya?"
Naagaw ang atensiyon ni Chase nang tumunog ang message tone nito.
"Anyway, naghihintay na sa atin sila Finn. Sa pupuntahan natin, siguradong makakalimutan mo ang taong 'yon."
Nang makalabas si Chase at Syven sa entrance ng building na pinapasukan nila, may humarang sa kanilang daraanan. Halatang sila ang pakay nito dahil hindi ito umalis sa harapan nila.
"May problema ba?" si Chase nang makilala niya kung sino ang humarang sa kanila. Madalas niyang makasalubong ang grupo nito tuwing sinusundo niya ang ex-girlfriend niyang cheerleader ng basketball team.
"Wala akong problema. Pero 'yang kaibigan mo, mukhang may problema sa kaibigan ko."
"Troy, nakalimutan mo na ba ang sinabi sa'yo ni Rex?" ang isa sa kasama nito na pumipigil dito.
Nakangising lumapit dito si Chase at sinalubong ang tingin nito.
"Ano ngayon kung may problema siya sa kaibigan mo?"
Mararamdaman ang tensyon sa pagitan ng mga ito na nakakuha ng interes ng mga estudyanteng dumaraan. Pareho ang katawan at tangkad ng dalawa kaya hindi matukoy kung sino ang nakakalamang. Kilala ang isa na magaling na player ng basketball team, habang ang isa ay kilala bilang Casanova Prince ng school.
Naramdaman ni Syven na may umakbay sa likod niya habang hinihintay niyang mabasag ang mukha ni Chase. Nakita niya si Kosh na inaantok pa ang mga mata habang ngumunguya ng bubble gum. Dumating naman si Finn at Reid sa likod ng tatlong player. Muling nagpakita kay Syven ang mga naging kaibigan niya noon. Nakalimutan na niya ang mga mukha ng mga ito, subalit ngayon ay naging malinaw ulit sa alaala niya ang naging samahan nila.
"Who is it this time?" tanong ni Reid, halatang hindi na bago sa kanya ang eksena.
"Troy," mariing tawag ng kasama nitong basketball player.
Malinaw kay Troy na hindi niya pwedeng ilagay sa alanganin ang mga kasama niya. Kung wala lang siyang pinoprotektahan na team, hindi niya aatrasan ang mga ito. Labag sa loob na tumabi siya sa daraanan ng mga ito.
Iniwanan siya ng nakakainsultong ngiti ni Chase, na tila sinasabing duwag siya. Gusto na sana siyang sugurin ni Troy, ngunit mabilis siyang napigilan ng mga kasama niya. Hindi kumakalma ang galit sa dibdib ni Troy kahit wala na ang mga ito sa paningin niya.
"Hindi sila mukhang mga estudyante kundi mga gangster!"
"Alam mo bang Suicide Gang ang tawag sa kanila? Dahil kapag sila ang binangga mo, para ka na ring nagpakamatay. Kaya Troy, mas mabuti pang iwasan mo sila. Wala silang pakialam kung ma-expel o magkaroon ng bad record sa school. Mahirap kalabanin ang mga taong walang kinatatakutan."
Magkakasunod na pumasok sa loob ng private resort ang limang itim na sasakyan. Bumaba mula roon ang mga estudyanteng nakasuot ng school uniform. Nakakamangha na maluwag na pinapasok sila ng mahigpit na security. Walang kumukwestiyon sa kanilang presensya sa lugar, bagkus ay mapapansin ang espesyal na atensiyong ibinibigay sa kanila.
Ang malawak na dining area ay na-convert sa casino at sa gitna nito ay nakatayo ang fighting ring na siyang pinaka-main event sa gabing iyon.
Bumuhos ang inumin sa table nila Reid. Nagsindi si Kosh ng sigarilyo na inalok nito kay Syven, ngunit alak ang kinuha ng isa. Pinalitan ni Kosh ng stick ng sigarilyo ang bubble gum sa bibig niya.
Maaga silang naimulat sa tukso, kaya ang buhay nila ay hindi maikukumpara sa ordinaryong estudyante na tanging sa school lang umiikot ang mundo.
"So, hindi mo ba sasabihin sa amin kung bakit bigla kang nawala ng tatlong araw?" si Reid na nagsalin ng alak sa baso niya.
Ang nangyari kay Syven ng tatlong araw na iyon ay hindi lumabas dahil alam niyang maingat itong hinarang ng ama niya.
"Ellis drugged me. Nang umuwi ako, alam niyo na ang sumunod na nangyari."
"That bitch? Wait, isn't she the girl you're dating?"
"I never said I didn't like her body."
"You bastard!" Nauwi sa malakas na tawanan ang pag-uusap nila.
Nakuha ang atensyon ng lahat nang mag-anunsiyo ang host na magsisimula na ang laban sa fighting ring. Isa-isa nitong pinakilala ang dalawang fighters na unang sasabak. Nagsimula na ang lapagan ng taya ng mga bisita kung kanino sila pupusta.
"Sa pula ako," si Syven na nilapag ang taya niya sa binigay na tablet sa kanila ng mga staff ng event.
Nang ma-forward sa malaking screen ang halaga ng pinusta niya, napalingon sa kanilang direksyon ang tingin ng mga bisita. Ang iba ay napailing nang makita nila kung sino ang nagtapon ng ganoong kalaking pera sa unang taya pa lang.
Stupid rich bastard!
Iyon ang makikitang opinyon sa mukha ng mga ito. Maging ang mga kaibigan ni Syven ay nagulat sa laki ng tinaya niya. Alam ng mga ito na malaki siyang tumaya, pero sampung beses na mas malaki ang nilapag niya ngayon.
Natatawang naglapag din si Chase ng taya niya na sinundan ng mga kasama niya. Lalong nalula ang mga bisita sa sunod-sunod na malalaking numerong lumabas sa screen at sa iisang fighter lamang sila pumusta.
"Yup, we are filthy rich bastards," si Finn na tumungga ng inumin niya.
Naalala ni Syven kung bakit naging kaibigan niya ang mga ito. They were all reckless and bold. Hindi mahalaga sa kanila kung tama o mali siya, dahil susuportahan pa rin siya ng mga ito.
Hindi tulad ng mga sumunod na kaibigan niya na laging nagpapayo kung ano ang tama o mali sa mga desisyon niya, at sa huli, tinalikuran din siya.
Syven decided to keep these loser friends on his side. Iniwan niya ang mga ito noon dahil sa babala ng ama niya. Hindi na niya muling uulitin ang pagkakamaling iyon. Kung matatalo siya, sama-sama silang matatalo, at kung mananalo siya, magkakasama pa rin sila.
Nagpakalunod si Syven sa alak kasama ang mga kaibigan. Nagsimula na siyang maningil sa mga natalo niyang pusta noon.
Wala siyang kamalay-malay sa sunod-sunod na tawag sa phone niya na naiwan niya sa sasakyan. Tuluyan nang nawaglit sa isipan ni Syven ang usapan nila ni Ellis na susunduin niya ito.
Namumula ang mata ni Ellis habang nakasakay sa passenger seat ng pinsan niyang sumundo sa kanya dahil hindi siya sinipot ni Syven. Binato niya sa backseat ang phone nang hindi pa rin nito sinasagot ang tawag niya.
"I can't believe he's playing with me," nakagat ni Ellis ang ibabang labi niya.
Akala niya'y tuluyan nang bumigay sa kanya si Syven, na nagawa niyang makuha ang interes nito, subalit mukhang pinaglalaruan lang siya nito.
"Mga bata pa lang tayo, gusto ko na siya, pero hindi niya ako binibigyan ng pansin. Laging ikaw ang hinahanap niya. Kaya nang hindi na kayo nag-uusap, akala ko pagkakataon ko na para ako naman ang mapalapit sa kanya. Pero mas lalo niya lang akong iniwasan."
Tiningnan ni Ellis ang pinsan niya na tahimik lang na nagmamaneho sa tabi niya.
"Alam kong wala kang kasalanan, pero hindi ko alam kung bakit nagtatampo ako sa'yo. Marahil dahil pakiramdam ko, kahit hindi kayo nag-uusap, mas malalim pa rin ang koneksyon niyong dalawa."
Binaba ni Ellis ang windshield ng sasakyan dahil nagsisimulang manikip ang dibdib niya. Hindi niya matanggap na binuhos niya ang panahon niya para magustuhan lang siya ni Syven.
Nasanay siyang ibinibigay ang lahat ng gusto niya, kahit hindi niya ito hilingin. Nakukuha niya ang atensyon ng mga taong nakapaligid sa kanya, ngunit pagdating kay Syven, hindi siya nito nakikita.
"Bakit hindi niya makita ang nararamdaman ko para sa kanya? Naging desperada ako para makuha ko lang ang atensyon niya."
Namumuo ang galit sa puso ni Ellis.
"Mas nanaisin ko pang kamuhian niya ako, kaysa iparamdam niya sa akin na wala akong halaga sa kanya."
Hininto ni Bryant ang sasakyan at tiningnang mabuti ang pinsan niya.
"Kung talagang gusto mo siya, hindi ka gagawa ng bagay na ikakapahamak niya."
Natigilan si Ellis nang maramdaman niyang may himig ng banta ang tinig ni Bryant.
"Iniwan ka niya nang hindi mo alam ang dahilan kung bakit? Bigla na lang siyang nawala sa'yo na parang hindi ka naging parte ng buhay niya. At heto ka, nag-aalala sa kanya kahit hindi ka na niya maalala.
Paano mo nagagawang tanggapin 'yon? Bryant, hindi ako katulad mo. Hindi ko hahayaang burahin niya ako sa buhay niya. Hindi ko kaya. Hindi ako papayag na iwan niya ako tulad ng ginawa niya sa'yo. Tuturuan ko siyang pahalagahan ang nararamdaman ko para sa kanya. Sisiguraduhin kong ibabalik niya sa akin ang lahat ng binigay ko."
Namumula ang matang binuksan ni Ellis ang pinto ng sasakyan at bumaba.
Mahinang naglabas ng hangin sa dibdib si Bryant. Pinakawalan niya ang manibela at pinisil ang kamay niyang bahagyang kumikirot. Natanaw niya si Ellis na pumasok sa main gate nang pagbuksan ito ng gwardiya.
"Mas nanaisin ko pang kamuhian niya ako sa halip na iparamdam niya sa akin na wala akong halaga sa kanya."
Lumapat ang palad ni Bryant sa parte ng dibdib niya kung saan naramdaman niya ang galit ni Syven. Pumasok ang malamig na hangin sa nakabukas na windshield ng sasakyan. Dumampi sa balat ni Bryant ang lamig na nagsisimulang bumalot sa kanya.
Nang magbalik siya mula sa mahabang bakasyon ng pamilya niya, ang unang ginawa ni Bryant pagdating ay hanapin si Syven.
Hindi niya nagawang magpaalam dito dahil biglaan silang pinatawag upang bumisita sa ancestral home ng Lolo niya—nanghihina na ito at nais nitong makasama ang buong pamilya bago ito mawala.
Gusto ng mga magulang niya na ibigay nila ang buong atensiyon sa Lolo niya bilang huling regalo dito. Sa mga panahong iyon, wala siyang narinig na ano mang balita mula kay Syven, kaya naman ito ang gusto niyang makita pagbalik niya. Subalit hindi na ito mahagilap ni Bryant.
Maging ang mga lugar na madalas nilang puntahan ay hindi na nito binibisita. Bigla itong naglaho sa kanya.
Hindi na mahintay ni Bryant ang araw ng muling pagpasok nila sa high school upang makita ito.
Dati, si Syven ang laging naghahanap sa kanya. Hindi na niya ito kailangang hanapin dahil ito ang unang lumalapit.
Subalit nang muling nagkita sila... dumaan lamang siya sa paningin ni Syven. Naging estranghero siya sa mga mata nito.
Kapag haharapin ito ni Bryant, nawawala ang lahat ng salitang gusto niyang sabihin sa sandaling tumingin ito sa mga mata niya. Hindi na makita ni Bryant ang Syven na naging kaibigan niya—ang Syven na gustong-gusto siyang laging nasa tabi nito.
Pinaghiwalay sila ng katahimikan.
Dumaan ang mga araw at taon na hindi na sila nag-uusap. Hindi maintindihan ni Bryant kung anong nagawa niya.
Hanggang kailan siya maghihintay na marinig ang sagot nito?