Chapter 8: Claiming his Heart

Nang makabalik si Syven sa hotel na tinutuluyan, agad niyang binagsak ang katawan sa mahabang sofa. Tinaboy niya ang staff ng hotel na nagtangkang alalayan siya. Maingat na iniwan ng mga ito ang gamit niya sa loob ng kanyang kwarto bago nilisan ang lugar.

Kahit hindi magmulat ng mga mata si Syven, alam niyang mag-isa na lang siya sa loob ng malawak na silid. Nasanay na siyang gawing depensa ang pagtataboy sa mga taong gustong mapalapit sa kanya. Marami na siyang nainom, kaya bakit parang nauuhaw pa rin siya?

Napansin ni Syven na umilaw ang phone niya na iniwan ng staff sa center table. Wala sa sariling nag-scroll siya sa screen nito at nakita niya ang napakahabang call history na iniwan ni Ellis. This girl, hindi ba ito napapagod na tawagan siya? Napagod na siyang magpalit ng number noon dahil dito. Lagi nitong sinisigurado na hindi niya makakalimutan ang presensya nito, kaya madalas itong tumatawag sa kanya. Sa mga sandaling ito, wala siyang maramdamang pagtutol sa obsessiveness ni Ellis sa kanya. He is really a hypocrite. Tinatanggi niyang hindi niya kailangan ng atensyon ng kahit na sino, subalit hinahanap niya ito ngayon.

Sinandal ni Syven ang ulo sa armrest ng sofa at tinawagan ito. Isa lang ang nasa isip niya—kailangan niya si Ellis.

Paglabas ni Bryant ng shower room, narinig niyang tumunog ang phone ni Ellis. Alam niyang kay Ellis ang ringtone na ito dahil iba ang tunog ng sarili niyang ringtone. Naiwan ni Ellis ang phone nito sa backseat ng sasakyan. Plano niyang ibalik ito sa pinsan bukas ng umaga. Hindi pinansin ni Bryant ang tawag at tumuloy siya sa kanyang wardrobe.

Pagkatapos niyang magpalit, narinig niyang tumutunog pa rin ang phone ni Ellis. Matagal siyang natigilan nang makita kung sino ang tumatawag. Natagpuan na lang niyang sinagot ito ng sarili niyang kamay.

"Nagtatampo ka ba sa'kin? Pinaghintay ba kita ng matagal? Pasensya na kung hindi ako nakarating sa'yo."

Narinig ni Bryant ang malalim na buntong-hininga mula sa kabilang linya.

"Ellis?" Si Syven, nang hindi siya sinasagot ni Ellis. "Babawi ako, susunduin kita bukas at ako na mismo ang magmamaneho—"

Dumulas sa kamay ni Bryant ang phone nang muling dumaloy ang kirot sa kamay niya.

Nananakit ang sentido nang ibaba ni Syven ang phone matapos putulin ni Ellis ang tawag. Sinira niya ang sarili niyang planong mapalapit kay Ellis. Ang buong akala ni Syven ay kalkulado na niya ang lahat, ngunit ang kapabayaan niya ang naging dahilan kung bakit hindi natatakbo sa kagustuhan niya ang mga nangyayari. Kailangan niyang muling makuha ang loob ni Ellis. Wala nang lugar para magkamali siya.

Habang lumalalim ang gabi, pakiramdam ni Syven ay lumulubog siya sa kalaliman ng dilim. Gusto na niyang hilahin ang umaga upang makawala sa nakakalulang kadiliman.

Kinaumagahan…

Hindi maintindihan ni Ellis kung galit ba ang nagpapabilis ng pintig sa dibdib niya o kung kiliti ang nararamdaman niya nang makita si Syven na nakasandal sa sasakyan nito habang naghihintay sa kanya. Inaasahan niyang ang pinsan niya ang makikita niya nang ipaalam sa kanya ng maid na may sumusundo sa kanya, kaya naman natigil ang mga hakbang ni Ellis nang makita niya si Syven.

"Hindi ko na mabilang kung ilang beses kitang tinawagan, pero ni isa sa mga tawag ko ay hindi mo sinagot. Ngayong hindi kita hinahanap, nandito ka sa harapan ko?" Noong hindi siya binibigyan ng interes ni Syven—kahit hindi nito sagutin ang tawag niya at balewalain ang mga ginagawa niya para dito—ay natatanggap pa ni Ellis. Ngunit ngayong nabaling sa kanya ang atensyon ni Syven, binigyan siya nito ng ilusyon na may pag-asa siya. Ngayon, naghahangad siya ng higit pa sa atensyon nito.

"I'm really sorry, Ellis. Babawi ako."

"Paano?" Nakita ni Ellis na hindi alam ni Syven ang sagot sa tanong niya. Hindi niya makita ang hinahanap niya sa mga mata nito. Sumidhi ang pait na iniinda niya. "Hindi mo alam?"

Sunod-sunod na hinampas ni Ellis ang dibdib ni Syven. "Dahil wala kang nararamdaman para sa akin. Ano bang gusto mong mangyari sa ating dalawa? Hindi kita maintindihan!" Mas nanaig ang sakit sa mga mata ni Ellis kaysa sa galit na dapat niyang maramdaman.

She wanted him badly, and it's killing her. Syven is the only person who can make her feel scared and helpless.

Siya lang ang tumititig sa mga mata niya at nagpapakita sa kanya na hindi siya kaaya-aya sa paningin nito—habang pinupuno siya ng pagmamahal at papuri ng mga magulang at kaibigan niya.

Dito nagsimulang pagdudahan ni Ellis ang sarili niya. Dito rin niya unang nakita na mas mahal ng magulang niya ang negosyo nila. Pinupuno siya ng magaganda at magagarang bagay upang pagtakpan ang kakulangan nila ng oras at panahon sa kanya. At ang mga kaibigan niya? Interesado sila sa mga bagay na mayroon siya—hindi sa kanya.

Ginising siya ni Syven sa katotohanang ito, kaya nahanap ni Ellis ang sarili niya. Ang kagustuhan niyang mapalapit dito ay tumindi hanggang sa hindi namalayan ni Ellis na dito na umiikot ang mundo niya. Hindi niya kailangan ng pagmamahal na binibigay ng magulang at mga kaibigan niya, dahil tanging kay Syven niya lang gustong makuha ang mga bagay na ito.

Ikinulong ni Syven sa mahigpit na yakap ang pagwawala ni Ellis. Ang tanging nasa isip ni Syven ay kung paano niya makukuha ang loob nito—hindi niya naisip na mahalaga para kay Ellis ang nararamdaman niya para dito.

"Pinapangako kong hindi na iyon mauulit," mariing hinagkan ni Syven ang noo ni Ellis. "Wala ako dito kung wala akong nararamdaman para sa'yo."

Naramdaman ni Syven ang unti-unting kumakalma si Ellis. Ang nagwawalang mga kamay nito ay mariing kumapit sa kanya. Nanatiling nakakulong ito sa kanyang yakap habang sumiksik ang mukha ni Ellis sa dibdib niya. Hinayaan ni Syven na ilabas nito ang lahat ng sama ng loob.

Bumalik kay Syven ang alaala kung ilang beses nang nilagay ni Ellis sa panganib ang buhay nito makuha lang ang atensyon niya. Sumuko lamang ito sa kanya nang bumagsak ang pinsan nito sa harapan niya. Simula noon, wala na siyang narinig na balita mula kay Ellis. Marahil kung naging malambot lamang siya dito noon, hindi sila aabot sa ganoong sitwasyon.

Dumating ang kulay-abong sasakyan at huminto sa tapat ng dalawa. Lumuwag ang pagkakayakap ni Syven kay Ellis nang makita niya si Bryant na bumaba ng sasakyan. Ito ang pangalawang beses na muli niyang makita si Bryant pagkatapos ng nangyari sa locker room. Hanggang ngayon, hindi pa rin makapaniwala si Syven na hindi na lang ito isang ilusyon.

"Bryant?" si Ellis, na tuluyan nang kumalma at hinarap ang pinsan nito.

"You left this." Inabot ni Bryant ang phone kay Ellis.

"Thank you."

Tumango lamang ito at bumalik sa sasakyan nang hindi tinatapunan ng tingin ang nasa tabi ni Ellis.

"Bryant." Tawag ni Syven, na nagpahinto dito sa pagbukas ng pintuan ng sasakyan. "Okay lang ba sa'yong mag-drive? Paano ang kamay mo?"

Walang narinig na tugon si Syven. Tinuloy ni Bryant ang pagbukas ng pinto ng sasakyan at mabilis iyong pinatakbo bilang sagot.

"Nag-aalala ka pa rin sa kanya." si Ellis, nang mahimigan niya ang pag-aalala ni Syven sa pinsan niya.

"Yeah, we should go too." Nais sundan ni Syven si Bryant. Paano kung malala ang tama ng kamay nito?

"Hey, you didn't answer me." Pigil ni Ellis.

"He's your brother."

"I'm talking about us."

Malinaw kay Syven ang gustong marinig ni Ellis. Malinaw din sa kanya na ito ang dapat niyang gawin—kaya bakit malaking parte niya ang tumututol?

Nang maramdaman niyang kumakawala sa kanya si Ellis, kinulong ni Syven ang mukha nito sa mga palad niya.

"I want you to stay with me. I need you to stay with me." Narinig ni Syven ang pagdadalawang-isip sa sariling boses, hindi lang ito tungkol kay Bryant. Hindi niya matukoy kung saan nanggagaling ang bigat subalit pinilit niya iyong itago.

Naging matagal ang tingin ni Ellis sa kanya, parang hinihimay ang bawat katagang binitiwan niya.

"You want me to stay with you," bumaba ang boses ni Ellis, halos isang bulong.

"Yes," sagot ni Syven, at sa unang pagkakataon, wala siyang takas.