Chapter 9: The Clash

Nakahinga ng maluwag si Syven nang makita niya ang sasakyan ni Bryant sa parking lot ng school. Para saan pa ang lahat ng ginagawa niya kung hindi rin nito iniingatan ang sarili nito?

Hinatid ni Syven si Ellis sa classroom nito bago siya tumuloy sa classroom niya. Pagkatapos niyang suyuin si Ellis, tuluyan din itong bumigay sa kanya. Kailangan ni Syven si Ellis sa tabi niya upang hindi na muling maulit ang kahibangang nagawa nito noon. Siya, si Bryant, at si Ellis ay nakatali sa isang bangungot. Gagawin ni Syven ang lahat upang hindi na sila muling makulong sa bangungot na naghihintay sa kanila sa hinaharap.

"Last night was an absolute blast! How on earth did you pull that off?" salubong ni Chase kay Syven pagkaupo niya pa lang sa likod nito. Hanggang ngayon ay may hangover pa rin si Chase sa nangyari kagabi. Iyon na siguro ang pinaka-exciting na underground fighting na dinaluhan niya. Pinitik ni Syven ang noo nitong halos nakadikit na sa mukha niya.

"Hindi ako makakasama sa lakad natin mamaya." Dumiin ang dulo ng daliri ni Syven sa sentido niya. Dumadalas na ang pagkirot nito na tila hindi na nawawala. Simula nang unang gabi niya ng bumalik siya, hindi pa siya nakakapagpahinga nang maayos. Bagsak man ang kanyang katawan, ang isip niya ay hindi natutulog.

"Okay ka lang?"

"Naparami lang ang inom ko kagabi."

"Oo nga, napansin kong marami kang nainom," puna ni Chase nang maalala niya kung nakailang bote ito. Simula nang bumalik si Syven, ramdam ni Chase na may nagbago dito. "Yung basketball player na humarang sa atin kahapon, hindi ba't pinsan ni Ellis ang kaibigang tinutukoy nito?"

"Huwag mo silang galawin. Ako na ang bahala sa kanila," si Syven nang mabasa niya ang iniisip ni Chase.

Natigil si Chase nang dumating na ang lecturer. Gusto niyang malaman kung ano ang kinagagalit ng basketball player na 'yun sa kaibigan niya. Hindi maiwasang sumagi sa isip ni Chase ang matalim na tingin na ibinigay ng basketball player na ito sa kanya.

Indoor Stadium.

"Troy!" tawag ni Rex dito nang mapansin nitong kanina pa ito nawawalan ng focus sa practice nila. "Anong meron? Bakit parang wala ka sa focus?"

"Kuha lang ako ng tubig natin," pag-iwas ni Troy na agad na iniwan ang mga kasama. Hindi siya makapag-focus dahil naaalala niya ang nakakainsultong ngiti na iniwan sa kanya ng lalaking 'yun. Pinapaalala nito ang kaduwagang ginawa niya noong freshman pa siya. Sa tuwing bumabalik sa kanya ang nangyari, hinahabol pa rin siya ng konsensiya niya kahit ilang taon na ang lumipas.

Noong unang araw ni Troy bilang freshman, nakita niya ang ilang senior na binu-bully ang classmate niya. Gusto niya itong tulungan, ngunit naunahan siya ng takot na baka maging siya ay idamay ng mga ito.

Umatras ang mga paa niya, at ang buong akala niya, hangga't walang nakakakita sa kanya ay wala siyang ginawang masama. Nang pikit-matang talikuran ni Troy ang classmate niya, sinalubong siya ng nakakainsultong ngiti ng nakakita sa kanyang ginawa. Nilagpasan siya nito at walang pag-aalinlangang tinulungan ang classmate niya. Hindi ito naduwag kahit mga senior student ang kaharap nito. Hindi matanggap ni Troy na pareho lang silang freshman pero mas buo ang loob nito kaysa sa kanya. Kumpara dito, naging mahina at duwag siya. Matinding pagkapahiya ang naramdaman ni Troy para sa sarili niya.

Pilit na iwinaksi ni Troy ang alaalang iyon sa isipan niya. Puno ng bottled water ang kamay at bisig ni Troy nang pabalik na siya sa indoor stadium. Malapit nang mahulog ang mga hawak niya nang biglang may humarang sa kanya.

"Ah?" Nakangising wika ni Chase nang makita niya ang nagmamay-ari ng mga matang bumabagabag sa kanya. "Ex-boyfriend ka ba ng mga naging girlfriend ko? O isa ka ba sa mga nakabanggaan ko sa mga club na pinupuntahan ko?" Hindi matandaan ni Chase kung saan siya nagkaroon ng atraso sa player na ito para ganoon na lang kalalim ang pagkamuhi ng tingin nito sa kanya.

"Isa ako sa babasag sa mukha mo kung hindi ka tatabi."

Lumalim ang interes ni Chase. Hindi niya maintindihan ang pinanggagalingan ng galit nito. "Nakalimutan mo na ba kung sino ang humarang sa amin ng kaibigan ko kahapon?"

Marahas na binitiwan ni Troy ang lahat ng hawak niyang bottled water. Bumagsak ang mga ito at nagsimulang kumalat sa floor ng hallway. "Anong gusto mong mangyari?" Umatras siya noon dahil pinigilan siya ng mga kasama niya, pero hindi na siya aatras ngayong sinasadya nitong hamunin siya. Nakita ni Troy na sumungaw sa labi nito ang ngiting kinamumuhian niya. Hindi na niya napigilan ang sariling magpakawala ng suntok dito.

Naagaw ang pansin ng mga estudyanteng malapit sa kanila. Nabahala sila nang magsimulang magpalitan ng suntok ang dalawa. Ang ilan namang dakilang usisera ay hindi nakalimutang kumuha ng picture ng mga ito.

OH MY GOSH?! - Chatter

Big_Mouth: "Oh my gosh, guys! Nagsusuntukan ang dalawang hottie ng school natin. Sino kayang pinag-aawayan nila?"

Smart_Ass: "Sino agad? Hindi ba pwedeng pareho lang mainit ang ulo ng dalawa?"

Two_Face: "My, si Chase Daniel ba 'yan? Hindi kaya may isang girl na naman ang nang-iwan ng boyfriend niya para dito?"

As_In: "No way! Single si Daddy Troy, no? Wag ka ngang praning!"

Gossip_Queen: "Sabi ng source ko, may kinalaman daw ito sa hubby ko."

Two_Face: "I knew it!"

Isa sa player ng basketball team ang nakabasa ng notification mula sa forum. Agad nilang iniwan ang practice at pinuntahan si Troy. Nang makarating sila sa lugar, wala na silang naabutan. Nalaman nilang nadala ang dalawa sa detention.

Nang makarating kay Syven ang balita, gusto niyang buksan ang ulo ni Chase upang tingnan kung bumaliktad ba ang utak nito. Sadyang hindi nito naintindihan ang sinabi niya.

Marahil kung ordinaryong estudyante lang ang na-involve, maaari pa itong palagpasin. Ngunit anak ng isa sa nagbibigay ng malaking pondo sa proyekto ng school nila ang nasangkot. Kung ito ang nagsimula, maaari pa nilang maisalba ang player ng basketball team na iniingatan nila. Kahit ilang beses nilang panoorin ang kuha sa CCTV, sadyang ang player ang unang sumuntok.

Nang dumating si Bryant para sa practice, nakita niyang hindi naglalaro ang team niya kundi tahimik na nakaupo ang mga ito sa bench.

"Nandito ka na pala. Natapos na ba ang group project niyo?" si Rex nang makita nito si Bryant. Nagtatanong ang tingin ni Bryant na lumibot sa mga kasama nito. Napahugot ng malalim na hangin si Rex. "Na-suspend si Troy. Hindi siya makakasama sa susunod na game natin." Lalong bumaba ang moral ng team nang marinig nilang lumabas ito sa mismong captain nila.

"Kasalanan ko 'to. Dapat mas binantayan ko pa siya nang makita kong may gumugulo sa kanya."

"Rex, huwag mong sisihin ang sarili mo. Hindi ka nagkulang sa pagsasabi sa kanya na iwasan niya ang mga taong iyon," sabi ng isa sa mga player na pumigil kay Troy nang harangin nito ang mga estudyanteng tinuturing na royals ng kanilang school.

Sa mga ganitong sitwasyon, makikita ang tunay na mukha ng estado ng mga estudyante. Nakakadismayang isipin na ang isang magaling na player tulad ni Troy ay malalampaso lang ng walang kwentang Casanova Prince ng school nila.

Mararamdaman ang matinding galit ng mga player na tahimik nilang iniinda dahil wala silang kakayahang isalba ang kanilang kasama.

Nang makuha ni Bryant ang buong nangyari, nagpaalam siya sa mga kasama at hinanap ang taong nagsimula nito.