"Ikaw Kuya, kailan mo naman balak makipag-ayos kay Ate Haila?"
"Bakit ko naman gagawin 'yan? Tsk!"
"At bakit naman hindi? Sa dami ng atraso mo doon, hindi ka manlang ba nakokonsensya?"
Sumagot naman ako. "May kalokohan din naman siyang ginawa sa'kin ah, quits lang kami kung ganoon."
"Gumanti kasi sinimulan mo!"
"Tsk!"
Heto na naman ang usapang patungkol sa babaeng 'yun. Patungkol sa babaeng kinaiinisan ko ng sobra. Tungkol sa babaeng walang ginawa kundi bigyan ako ng kamalasan. Sa babaeng ayokong masakama ng matagal sa pamamahay na 'to.
"You know what Kuya, muntik pa akong umiyak noong magkwento siya sa akin about sa family niya. Grabe, hindi ko akalain na ganoon ang pinagdadaanan niya," wika ni Rhaivee na kumuha ng atensyon ko.
"Bakit, ano bang meron sa pamilya niya?" Puno ng kuryosidad sa utak ko.
"Hindi mo alam, Kuya? Well, hindi na ako magtataka kung bakit hindi mo alam," natawa pa siyang tumitig sa akin.
"So bakit nga? Anong nakwento niya sa iyo?"
"Bakit ko sasabihin sa iyo? Akala ko ba hindi ka interesado sa kanya?"
"Bawal bang magtanong?"
"Mas maganda siguro kung sa kanya mo mismo itanong, Kuya, nang sa ganoon ay makonsensya ka sa mga ginawa mong kalokohan sa kanya."
Ano bang meron sa pamilya mo, Haila?
_
"Goodevening Sir, may kailangan po ba kayo?" Magalang na tugon ni Manang Erica sa akin. Iginala ko ang aking paningin kaso wala akong makita na bulto ni Haila sa silid na iyon.
"Wala naman."
"Ganoon po ba Sir, sige po."
Palabas na sana ako ng silid nila noong huminto ako't nagsalita "Manang Erica?"
"Sir?"
"Si..Si Haila nasaan?"
Nakita ko kung paano siya nagulat sa sinabi ko. Nagkatinginan pa silang dalawa kaya nag-isip na ako ng ibang dahilan upang hindi sila mag-isip ng kung ano-ano.
"May ipapagawa kasi ako sa kanya e. Nasaan ba siya?" Palusot ko at nagkunwaring seryoso. Alam kong takot sila pagkaganitong seryoso ang aura ko.
"Lumabas po kanina, Sir, nagpahangin po yata. Baka nasa garden po siya."
"Okay! Thank you!"
Pumaroon ako sa garden at hindi nga ako nagkakamali, naroon siya't nakaupo sa damuhan. Alam ko na kasi na dito ko siya mahahanap dahil mahilig siyang tumambay dito sa garden namin na inaalaga niya. Madami ng pinagbago ang garden namin dahil sa kanya.
Tanaw ko ang mukha niyang problemado na nakatitig pa sa kalangitan. Doon ko lang napansin ang maamo niyang mukha. May kahabaan ang kanyang pilik mata saka nakalugay ang kanyang buhok na may kahabaan din. Naglakad ako papalapit sa kanya.
"Gabi na bakit nandito ka pa sa labas?"
"Sir," may gulat sa kanyang tinig. Tiningala niya ako dahil nakaupo siya. "May ipapagawa ba kayo sa akin? Hindi po ba kayo inaantok? Gusto niyo po bang ipagtimpla ko kayo ng gatas?"
"No, I'm okay," tugon ko. "Makikiupo ako ah," wika ko at itinuro ko pa ang tabi niya kung saan ko gustong umupo.
"Sige po, Sir," wika nya at umusog ng konti upang bigyan ako ng espasyo. Umupo naman ako sa tabi niya. Nakita ko naman siyang binalik ang tingin sa mga bituin sa langit.
"Titig na titig ka sa mga bituin ah."
"Sa mga bituin ko kasi sinasabi ang mga pasakit na nararamdaman ko, Sir. Sa totoo lang, mas gusto ko na sa kanila magsabi dahil hindi ako nakakatanggap na judgement," matamlay na wika niya.
Hindi ko man makuha ang kanyang pinupunto, ramdam ko na gusto niya lang mabawasan ang mga sakit na nararamdaman niya. Tumitig ako sa babaeng katabi ko na ngayon ay titig na titig pa rin sa mga bituin. Hindi niya siguro ramdam na nakatingin ako sa kanya kaya inobserbahan ko siya sa pagkakataon na 'yun. "Ano ba ang mga pasakit ang meron sayo at sa kanila mo pa sinasabi?"
Tumitig sya sa akin ng diretso. Napalunok ako nang linabanan niya ang titig ko at noong hindi ko na kinaya ay ako na ang umiwas.
"Madami. Sa sobrang dami hindi ko alam kung alin doon ang uunahin kong solusyunan," mahinahon niyang wika ng ibalik ang tingin sa kalangitan. "Hindi ko alam kung dapat ko bang ilabas ang totoong saloobin ko sa iyo, Sir. Alam ko kasing hindi mo maiintindihan alin man sa mga dahilan ko," usal niya.
Nagkatitigan kaming dalawa at mababasa ko sa mata niyang nasasaktan talaga siya.
"Bata pa lamang ako, napakahirap na ng buhay namin. Lumaki lang ako kay Lola Sonia na ina ng tatay ko. Mulat ako sa napakahirap na buhay kaya nagsikap akong mag-aral. Kaso noong nagtapos na ako ng highscool, sinabi ng Kuya ko na hindi na niya ako kayang pag-aralin kaya naisipan ko ng magtrabaho. Sa tulong ng kapitbahay namin, nakapasok ako sa agency. Aaminin kong pineke ko ang mga dokumento makapasok lang sa agency na 'yun. Kailangan ko na 'yun gawin para magkatrabaho ako at hindi naman ako nabigo. Kaso, akala ko kapag nagkaroon ako ng trabaho, makakaipon ako kaagad para sa pag-aaral ko, pero nagkamali ako. Hindi pala basta-basta mangyayari 'yun dahil ang Lola, kailangan din ng buwanang gamutan kaya halos sa kanya napupunta lahat ng sahod ko. Hindi naman ako nagrereklamo doon, sa katunayan, mas pinagbubuti ko ang pagtratrabaho para sa kanya. Gusto ko kasi siyang ipagamot e nang sa ganoon gumaling na sya at makapasyal naman."
Shit! Bakit nasaktan ako sa mga sinabi niya?
"Ang nanay ko, namatay noong ipinanganak niya ako, samantalang ang tatay ko," natigilan siya at napayuko pa ng bahagya. Nagdadalawang-isip siya kung itutuloy pa ba niya ang pagkwekwento o hindi. "Ang tatay ko, iniwan kami at nagkaroon siya ng ibang pamilya."
Hindi ko na pa inisip kung ano ang magiging reaksyon niya. Umusog ako ng konti palapit sa kanya at inakbayan siya. Isinandal niya ang kanyang ulo sa aking balikat.
"Hindi lang naman ikaw ang nawalan," usal ko at natigilan siya sa paghikbi. Tumingin siya sa akin at kumalas naman ako sa pagkakaakbay sa kanya. Tutal nagsabi sya ng saloobin sa'kin, magsasabi din ako. Gusto kong maging patas sa kanya kahit ngayon lang.
"Ano po ang ibig niyong sabihin?"
Napabuntong-hininga ako.
"'Yung taong nasa picture frame na lagi mong tinatanong kung sino, si Yaya Tessa iyon," napatigil ako. Kahit anong oras ay bibigay na din ang mata ko sa pag-iyak. "Siya 'yung naging yaya ko sa loob ng halos labinglimang taon. Mas close kaming dalawa kaysa kina Mommy. Sa kanya ako madalas magsabi ng problema ko. Sa kanya ko madalas maipakita kung sino talaga ako. Masyado kasing iskrikto sina Mommy kaya siguro hindi ako masyadong nag-oopen up sa kanila. Sariwa pa sa utak ko kung paano siya nawala sa amin. Hanggang ngayon bitbit ko pa rin ang alaala na 'yun. Kahit pa sabihin na tapos na 'yun, na nangyari na, hindi talaga kaya ng konsensya ko na limutin 'yun e," tugon ko. Tumingala ako sa kalangitan upang huwag umagos ang luhang pinipigilan ko.
"Niyaya ko siyang magmall noong araw na iyon. Nagpaalam siya kina Mommy na lalabas kaming dalawa, ayun pinayagan naman kami at binigyan ng pera. Sinamahan niya akong maglaro sa arcade at kung ano-ano pa na hilig ng isang bata na laruin. Bumili kami ng bola noon dahil nga mahilig ako magbasketball. Sobrang saya namin that time hanggang sa kumain kami. As in sobrang saya ko dahil lumabas ako kasama siya. Hanggang sa naisipan na naming umuwi dahil tinawagan na siya ni Mommy. So ayun, lumabas na kami ng mall, hawak ko ang bola ko dahil nga sabik na sabik ako doon. 'Di ko inaasahan na mabibitawan ko 'yung bola na hawak ko, nagpagulong gulong iyon hanggang sa mapunta sa kalsada. Sinundan ako ng yaya ko dahil nga baka mabangga ako ng sasakyan. Sumigaw pa siya noon kasi may paparating na truck kaso nagmatigas pa rin ako. Tumakbo ako hanggang sa makuha ko na 'yung bola sa kabilang side ng kalsada. Nang tignan ko na si Yaya, ayun pinagkakaguluhan na siya ng mga tao. 'Yun pala nasagasaan siya noong sinisita niya ako," pagkwekwento ko at naramdaman ko nalang na may bumagsak ng butil ng luha sa pisngi ko.
Tumitig ako kay Haila na noon ay napatakip ng bibig dahil hindi inaasahan na ganoon ang sinapit ng yaya ko.
"Mula noon, sinisi ko na ang sarili ko. Kung hindi sana ako nagmatigasan noon, hindi sana siya mabubunggo ng truck. Dead on arrival siya nang isugod namin siya sa ospital. Sabihin na nating natrauma ako sa nangyari kaya matagal bago ako nakarecover. Palagi akong umiiyak kapag hindi ko siya makita noon. Dahil sa pangungulila ko sa kanya, pinagmalupitan ko ang sinumang yaya na kinukuha nina Mommy sa akin. Naging playboy din ako dahil gusto kong makalimot sa pangyayari na iyon. Kaso sadyang naapektuhan ako kaya hanggang ngayon hindi ko matanggap ang nangyari sa kanya."
"Yaya lang po ang nawala sa inyo pero ako, mismong Lola kapag nawalan ako ng trabaho. Naiintindihan kita Sir, pero sana naman intindihin niyo din po ang dahilan ko."
"Hindi lang siya basta yaya, Haila, naging ina ko siya."
"Ha!" Mapaklang tawa niya at napatayo pa siya at ganoon din ako.
"Bakit Sir, kung mapapatalsik niyo ba ako sa trabaho ko, maibabalik niyo po ba siya? Hindi po 'di ba?"
"Bakit sa tingin mo ba gusto ko 'yung ganitong buhay? Eh letse 'tong buhay na meron ako e. Ayoko ng yaya, anong mahirap intindihin doon?"
"Sa tingin nyo po ba gusto ko din po magkaroon ng alaga na kagaya niyo? Sir, hindi ko po pinangarap 'yung ganito. Saka anong kinalaman ko sa pagkawala niya? Ako ba ang pumatay? Ako ba ang sumagasa, 'di ba hindi? Bakit sa'kin kayo nagmamalupit? Bakit sa akin kayo naniningil?" Patuloy parin ang pag-agos ng kanyang luha.
Mababaw nga ba ang rason ko kung bakit gusto ko siyang palayasin o sadyang hindi niya lang ako maintindihan?
"Parehas tayong nawalan Haila, ang gusto ko walang pumalit sa kanya. Mahirap bang intindihin 'yun, huh?"
"'Yan ang mahirap sa inyo Sir, inuuna niyo ang pansariling gusto kaysa makatulong. Alam niyo ba kung saan mapupunta ang mga sweldo ko? Sa lola ko! Sa lola ko na may sakit ng kailangan ng pang-opera para mabuhay. 'Yun lang Sir, pera lang ang kailangan ko. Ngayon isipin nyo nga kung anong benepisyo ang maibibigay ng hangarin niyo kapag nawala na ako sa trabaho. May mabuti po bang maibibigay?"
Natigilan na naman ako. Ewan pero ngayon nakukuha ko na ang mga punto nya. Nakukuha ko na ang mga dahilan nya kung bakit kailangan niya ng trabaho. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit uhaw na uhaw siyang magkaroon ng trabaho.
"Kung aalisin niyo po ako sa trabaho, para niyo na ding pinagdamot sa lola ko ang karapatan niyang mabuhay sa mundo."
Nanatili akong tahimik at diretsong tumitig sa kanya. Kita ko sa mata nya ang sakit at paghihirap na hindi ko inaasahan na meron sa kanya.
"Sir, trabaho ang kailangan ko at hindi mura, pagpapahirap, at pambabastos." Wika niya saka tinalikuran na ako. Naiwan akong parang binagsakan ng langit at lupa.
Ganoon na ba ako kasama para hayaan na mamatay ang Lola niya kaysa ipagpalit sa kagustuhan ko na walang pumalit sa puwang ni Yaya Tessa?