Alas-otso ng umaga ang pasok ni Jenneth sa Tarlac General Hospital kung saan siya nagtatrabaho bilang Chief Medical Technologist. Ngunit sa umagang iyon ay male-late siya ng pagpasok. Nagpaalam na siya sa kanyang mga kasama na male-late nga siya dahil may dadaanan muna siya.
Alam niyang nine A.M. pa magbubukas ang Furniture.com, pero nagpunta na rin siya ng maaga. Hindi naman kasi siya pupunta doon para tumingin ng mga furniture. Pupunta siya doon para makausap si Kenneth at maibalik na ang bangle ni Darlene. Siguro naman ay mas maaga kaysa sa pagbubukas ng store ang office hours nila doon.
Ang totoo ay nagdadalawang-isip pa rin siya sa gagawin niya. Pwede naman siyang dumiretso na lamang sa CPRU upang ibigay kay Darlene iyong bracelet nito. Sigurado naman siya na doon nag-aaral ang unica hija ni Kenneth. Saan pa ba niya ito pag-aaralin kundi sa alma mater nito? Lalo na ngayon na kaya na ni Kenneth na paaralin sa kahit anong eskwelahan pa ang anak nito.
Pero kung nagpunta siya doon na hindi alam ang klase ni Darlene, baka mapaghinalaan pa siyang kidnapper. Ang alam niya ay hindi sila basta-basta nagsasabi ng impormasyon katulad ng class section at schedule sa ibang tao lalo na sa elementary department. Ganoon kahigpit ang seguridad sa CPRU kaya nakakapag-aral doon kahit iyong mga anak ng governor at mayor ng Tarlac ng walang inaalalang threat sa kaligtasan ng mga ito.
Kaya ang best option ay ang dalhin na lang ang bracelet kay Kenneth. Anyway, may dahilan naman siya para hindi magtagal sa lugar na iyon. Saglit lang siya dahil kailangan pa niyang pumasok sa trabaho.
Kaagad siyang nakapag-park pagdating niya sa Furniture.com. Wala pa kasing sasakyan sa parking lot sa harapan ng shop maliban sa isang silver Audi Q5. She wondered if the car is Kenneth's. She's impressed at his choice of car.
Sa security guard siya nagtanong.
"Good morning, Sir," bati niya dito. "Nandiyan po ba si Kenneth? Kenneth Oliveros po."
"Ay Ma'am, kaaalis lang po," sagot ng guwardiya.
"Ho?" Saan naman kaya nagpunta si Kenneth ng ganoon kaaga?
"May meeting po yata. Parang dumaan lang dito sa shop para kumuha ng ilang mga papeles."
"Mga gaano katagal po kaya siya doon sa meeting?"
She doesn't have the luxury to wait for him, kaya kahit sagutin ng security guard ang tanong niya ay wala na rin naman siyang magagawa. Or maybe, she could go back this lunch?
"Hindi ko po masasabi Ma'am, eh. Minsan po nagtatagal talaga sa meeting si Sir. Minsan nga po hindi na siya nakakabalik dito. Kinabukasan na po siya nakakapasok kapag ganoon."
Napaka-hectic naman pala ng schedule ni Kenneth. Kaya pala sa ninong na lang nagpapalibre ng frappe at scone si Darlene.
"Si Sir Ryan po, nandiyan na."
Bigla ang kabog ng dibdib niya sa narinig.
"Kung gusto n'yo, siya na lang po ang kausapin ninyo."
Iyon nga mismo ang iniiwasan niya kaya si Kenneth talaga ang sinadya niya. Tapos iyon pa mismo ang sinuggest ng inosenteng guwardiya? Parang nananadya talaga ang pagkakataon.
"Pero kung si Sir Kenneth po talaga ang sadya inyo, bumalik na lang po kayo, Ma'am. Hindi ko nga lang po masasabi kung kailan siya babalik."
Mukhang iyon na nga ang gagawin niya. Pero, paano ba niya malalaman kung nandoon na si Kenneth? Nahihiya naman siyang tumawag muna dahil ang tagal na rin mula nung huli silang magkausap ni Kenneth. Hindi siya sigurado kung ganoon pa rin ang magiging trato nito sa kanya kapag nagkausap silang dalawa. At parang ang laking abala pa kung makikipag-appointment pa siya dito para lang maibalik niya ang bracelet ng anak nito.
Isa pa, bakit pa parang takot na takot siyang makita si Ryan? Eh ano naman ngayon kung ito ang makausap niya? Para tuloy may something sa kanya kaya iniiwasan niya ito. Which is hindi naman totoo. As far as she is concerned, closed book na silang dalawa ni Ryan. Wala na sa kanya ang nakaraan. Wala na siyang pake sa mga nangyari nine years ago.
Isa pa ay valid naman ang reason niya kung bakit niya ito kakausapin. At saglit lang naman ang mangyayaring usapan nila kung sakali.
"Si Ryan na lang po ang kakausapin ko," aniya sa guard.
"Sige po Ma'am. Teka lang at tatawagin ko po iyong mga nasa loob para papasukin kayo."
Kinuha ng security guard ang receiver ng landline phone na naroon at saka nag-dial sa telepono. Ilang sandali pa ay may kausap na ito. Ipinaalam nito ang presensiya niya at ang sadya niya doon. Pagkatapos noon ay siya ulit ang kinausap nito.
"Pasok na po kayo, Ma'am."
"Sige po. Salamat, Sir."
"Welcome po."
Pumunta na si Jenneth sa may roll up door na gawa sa stainless steel at saka pumasok doon. Maliwanag na ang buong store nang pumasok siya. Isang babaeng kaedaran niya ang sumalubong sa kanya.
"Good morning po. Kayo po yung naghahanap kay Sir Ryan?"
"Ako nga." She smiled at her. "I'm Jenneth."
"I'm Grace, secretary ni Sir Ryan." Kinamayan siya nito. "Pasok po kayo, Ma'am."
Iginiya siya nito papasok sa showroom. Tumambad sa kanya ang mga tinda nilang furniture doon.
"Nandoon po sa factory si Sir sa may likuran. May appointment po ba kayo sa kanya, Ma'am?"
"No, wala," sagot niya sabay iling. "Actually, biglaan lang. May… ibibigay lang ako sa kanya."
"Okay, Ma'am. Hintayin n'yo na lang po ako dito kasi medyo maingay at magulo sa factory. Tatawagin ko na lang po si Sir."
"Okay." She smiled.
Nasundan na lamang niya ng tingin ang papalayong secretary. Nang-mag-isa na lamang ay ang mga muebles na naroon ang kanyang tinignan. Namangha siya sa dami at ganda ng mga furniture na nandoon. Ngayon alam na niya kung bakit sikat ang Furniture.com sa buong Tarlac. By the looks of it ay puro de kalidad lahat at sophisticated tignan ang mga furniture na nandoon.
Isang sofa ang umagaw ng atensiyon ni Jenneth. Heart shaped ito na may sandalan at may kasama pang limang throw pillows. Ang pinaka-umagaw sa pansin niya ay ang kulay nito. Purple ang kulay ng heart-shaped sofa at ka-color palette nito ang mga throw pillows na iba't iba ang pattern. Favourite color kasi niya iyon.
"Nice choice."
Muntikan na siyang mapatalon sa gulat. Napaharap siya sa lalaking nasa likuran niya. It was Ryan, and she watched him get close to her as she scolded herself for not backing out earlier while she still can.