"Kung gano'n sumama ka sa akin, kontrolin mo ang gutom mo. Dadalhin kita kay amang pagkatapos kong manguha ng mga binhi sa luma naming bahay." Anunsiyo niya at nagsimula nang maglakad. Hindi niya alintana ang nilalang na nakasunod sa likod niya. Kampante siyang, kahit anong gawin nitong pag-atake ay mabilis lang niyang malalaman.
Nang marating nila ang dating kubo, mabilis na niyang kinuha ang mga binhing kailangan niya habang ang nilalang naman na ngayon ay nasa katawang tao na niya ay tahimik lang na nakamasid sa kaniya. Nakatayo ito sa isang puno habang tila malalim na nag-iisip at mukhang naguguluhan pa.
"Sa baryo ka rin ba nakatira? Ano ba ang pangalan mo, ano ang nangyari at bakit ka nagkaganiyan?" tanong ni Esmeralda. Kasalukuyan na nilang binabagtas ang matarik na daan pababa ng bundok. Malalim na ang gabi at panay na rin ang gala ng mga mata ni Esmeralda sa paligid.
"Raul ang pangalan ko. Hindi ko rin alam, ang huling naaalala ko bago ako nagkaganito, dumalo kami n asawa ko sa isang handaan sa bayan, maraming mga bisita at marami rin naman ang kumain doon kaya hindi pumasok sa isip ko na magkakaganito ako," sagot naman ng lalaki. Rinig na rinig pa rin niya ang makakapal na paghingal nito na tila ba nagpipigil pa rin.
Nilingon ito ni Esmeralda at nakita niyang nagpapawis na ulit ito at bahagya nang tumutulo ang malalapot nitong laway. Napabuntong-hininga naman si Esmeralda, huminto siya at saglit na inilapag ang mga dala. Napahintot na rin ang lalaki at nagtatakang napatingin sa dalaga, walang ano-ano'y, nakaramdam siya ng malakas na pagdagok sa likod ng kaniyang leeg, dahilan para mawalan siya ng malay.
"Pasensiya ka na, kailangan kong gawin ito para hindi ka na makapanakit pa. Hayaan mo at tutulungan kitang makabalik sa dati mong katinuan.Sa ngayon, magpahinga ka na lang muna riyan." Ipinatong ni Esmeralda ang basket na punong-puno ng luya sa katawan ng lalaki. Muli siyang bumuga ng hangin at agad na naging seryoso ang anyo niya.
"Ang lalaki bang ito ang hanap niyo? Hindi ako papayag na maging kagaya niyo siya, kung gusto niyo talaga siyang makuha, kailangan muna ninyong dumaan sa akin," sigaw niya, tahimik ang buong paligid at tanging ang tunog ng hangin ang kaniyang naririnig. Sa kabila ng namamayaning katahimikan, alam niyang sa hindi kaluyan, nakamasid sa kaniya ang mga nilalang na madalas ay kalaban niya. Napalatak lamang siya dahil walang sumagot sa kaniya. Walang kahirap-hirap niyang binuhat ang lalaki at isinabit ito sa kaniyang balikat, animo'y magaang sako lamang ito.
Hatinggabi nang marating niya ang bahay ng kaniyang lolo sa baryo, wala ap ring malay ang lalaki sa kaniyang balikat nang ilapag niya ito sa papag sa labas ng bahay nila. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay nagulat pa siya nang makitang nakaupo sa sala si Ismael, humihigop ng mainit na kape.
"Amang, bakit hindi ka pa natutulog?" Tanong ni Esmeralda sa lalaki.
Masamang tingin naman ang isinagot nito. Marahan niyang inilapag ang tasa ng kape sa maliit na lamesita at bumuntong-hininga.
"Sa tingin mo ba makakatulog ako kung alam kong nasa labas ka pa at nag lalamiyerda?" Tugon ni Ismael, bakas sa boses nito ang pagkadismaya.
"Amang talaga, nanguha lang po ako ng mga binhi sa kubo natin, wala naman akong nakalaban, takot lang nilang lumapit sa akin. Siyanga po pala, may pasyente akong dala, mukhang nayanggaw ang isang iyon. Nasa labas siya ng bahay at natutulog pa," saad ni Esmeralda at muling napabuntong-hininga si Ismael. Alam niyang sa pagkakataong iyon ay wala na naman siyang panalo sa anak.
"Ipasok mo siya rito, mas maiging narito siya sa loob kapag nagising siya. Hindi siya makakalabas, sa oras na magpalit siya ng katauhan niya." Tumalikod ito at agad na kinuha ang mga gamit niyang nakatago sa silid.
Walang imik namang sinunod ni Esmeralda ang utos ng ama. Pinasok niya sa loob ng bahay ang lalaki at doon pinahiga sa mahabang upuan na gawa sa kawayan. Agad naman itong sinuri ni Ismael matapos makuha ang kaniyang mga gamit.
"Sa tantiya ko, nasa isang linggong o mahigit na rin siyang nasa ilalim ng pagka-yanggaw. Nakakamanghang hanggang ngayon ay wala pa akong nakikitang senyales na nakakain siya ng karne ng tao. Saan mo ba nakita ang taong ito?" tanong ni Ismael.
"Sa kabundukan ho, amang. Madalas akong mangaso roon at naabutan ko siyang gumagala roon, marahil ay para manguha ng makakain niyang hayop. Sa tingin ko nga rin po, malakas ang mentalidad niya kung kaya, nakakaya niyang kontrolin ang sarili niyang umatake ng mga tao."
"Sa mga ganitong pagkakataon, malakas at mas nangingibabaw sa mga nayanggaw ang pagkahayok nila sa laman at dugo. Kung tunay ngang malakas ang mentalidad niya, hindi na tayo mahihirapan tulungan siyang mailabas ang mutya ng pagka-aswang niya." Tumatangong wika ni Ismael.
Sa paggising ng lalaki, agad na nilang sinimulan ang panggagamot sa lalali. Itinali nila ito sa higaan bago sinimulan ni Ismael ang pagpahid ng langis sa sikmura ng lalaki.
Noong una ay walang reaksiyon ang lalaki hanggang sa unti-unti nang sinimulan ni Ismael ang panghihilot niya sa tiyan nito. Una ay banayad hanggang sa paunti-unti ay dinidiinan na niya ito.
Napapasigaw pa noon ang lalaki dahil sa nararamdang sakit. Halos mapigtas nito ang pagkakatali dahil sa matinding pagwawala nito. Hindi ito pinansin ni Ismael at patuloy lang na hinilot ang tiyan ng lalaki habang si Esmeralda naman ay nakapigil sa magkabilang braso nito.
"Amang, hindi ba dapat sinusuka na niya ang mutya, bakit aprang nahihirapan tayo?" Nagtatakang puna ni Esmeralda. Ito kasi ang unang beses na natagalan sa panghihilot ang tatay niya pagkatapos mapainom sa pasyente ang langis na magtatanggal ng yanggaw sa katawan nito.
"Makapit ang nilagay na mutya ng aswang at mukhang nagsusukatan ang mga ito kung sino ang magwawagi sa kanila. Ang mutya o ang lalaking ito."
"Mukhang hindi ordinaryo ang aseang na nagbigay ng mutya sa kaniya. Kailangan nating mahanap ang yumanggaw sa kaniya at magapi ito." Dagdag pa ni Ismael. Huminto na ito sa ginagawang panghihilot at ang kaninang sigaw ng lalaki ay napalitan naman ng mahihinang pag-ungol.
Mayamaya pa ay nagmulat na ito ng mga mata, bakas sa reaksiyon nito ang pagod at pagsusumamo. Mukhang batid nito ang nangyaring panggamot sa kaniya kanina na hindi nagtagumpay.
"Mabuti naman at gising ka na. Maaari mo bang ikuwento sa akin kung paano ka nahawaan ng pagka-aswang? Matindi ang kapit ng yanggaw sa katawan mo at hindi ito kaya ng simpleng paghilot lamang. Maging ang langis na kalimitang gamit ko sa panggagamot ng yanggaw ay walang bisa." Inilipag ni Ismael ang bote ng langis sa harapan ng binata, nakakaintinding tumingin naman sa kanila ang lalaki at napaluha.
"Wala na po bang pag-asa na gumaling ako? Hindi na ba talaga matatanggal 'to manong?" Tumatangis niyang tanong.
"Hindi naman sa walang pag-asa, mahihirapan kami, oo pero gagaling ka pa. Kailangan lang naming mahanap ang nilalang na gumawa nito sa'yo, para malaman namin kung anong klase siya at mahanapan ng karampatang lunas iyang dinaramdam mo. Sa ngayon, dumito ka na muna, habang hindi ka pa gumagaling. Hindi ka maaaring lumabas ng bahay, dahil baka makasakit ka, lalo na sa gabi. Alam kong kaya mo itong kontrolin sa ngayon, pero hindi natin sigurado kung hanggang kailan tatagal ang mentalidad mo sa tukso ng laman at dugo."
"Naiintindihan ko ho, manong. Kahit ano gagawin ko, gumaling lang ako at mabalikan ko ang asawa ko. Buntis siya ngayon, kaya minarapat kong lumayo muna sa kaniya. Pero manong, hindi niya po alam ang kalagayan ko. natatakot ako na baka sa araw na gumaling ako, wala na akong pamilyang babalikan," salaysay ni Raul.
"Huwag mo munang alalahanin 'yon, hayaan mo at palalakarin ko bukas itong si Esmeralda para puntahan ang mag-anak mo." Tinapik ni Ismael ang balikat ng lalaki para pahupain ang mataas nitong emosyon. Nang tuluyan na itong kumalma ay hinayaan naman nila itong magpahina, tulad nang hiling nito ay iniwan nila si Raul na nakatali sa higaan nito.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay gising na ang mag-ama, kasalukuyan silang nagkakape nang magising naman si Raul sa sala. KInalagan ito ni Esmeralda at sumabay na rin ito sa pagkakape sa kanila. Tahimik namang pinagmamasdan ni Esmeralda ang bawat kilos ng lalaki. At doon lang niya napatunayan na walang pinagkaiba ito sa normal na tao. Tuwing gabi lang talaga ito nag-iiba ng ugali.
"Ang sabi nitong anak ko, Raul daw ang pangalan mo, taga-rito ka lang din ba sa Baryo Luntian. Saang purok ka nakatira?" tanong ni Ismael.
"Opo manong, Purok Syete po nakatirik ang bahay namin, katabi ng sirang simbahan." agap na tugon ni Raul.
"Esmeralda, magpasama ka mamaya kay Mateo, puntahan niyo ang bahay nitong si Raul at abisuhan mo ang maybahay niya sa nangyayari sa kaniya ngayon."
"Opo Amang, pagkatapos ko ho rito, tutunguin ko na si Mateo sa bukid." sagot naman ng dalaga. Mangiyak-ngiyak namang nagpasalamat si Raul sa mag-ama at iyon ang naabutang sitwasyon ng matandang si Armando sa kusina. Maagap namang idinitalye ni Ismael ang mga pangyayari sa matanda. Patango-tango lang ito habang nakatitig naman sa lalaki, tila ba hinahalukay ng malamlam nitong mga mata maging ang buong pagkatao ng lalaking kaharap niya.