Chapter 8

Hindi alam ni Esmeralda kung matutuwa na siya o maiinis. Mabilis na lamang niyang hinatak papasok sa bahay si Mateo at naabutan pa nilang namimilipit sa sakit si Raul sa higaan nito.

"O, bakit mo kasama si Mateo, anak?" Tanong ni Ismael nang mapalingon sa gawi nila.

"Hindi ko rin alam amang, ang lakas ng loob na makisali sa laban na hindi naman kaniya. Kamusta na si Raul, amang?" Tanong ni Esmeralda.

"Nailabas na niya ang mutya at kasalukuyan naman niyang nilalabanan ang lasong kakambal nito. Mayamaya, magiging maayos na rin ang pakiramdam niya." Itinuro ni Ismael sa dalaga ang maliit na palanggana kung saan nakalagay naman ang tila maitim na bato na tumitibok-tibok pa.

Nakahinga naman ng maluwag si Ismael nang tuluyan nang humupa ang pagsigaw at pamimilipit ni Raul. Basang-basa sila pareho ng pawis at umaalingasaw rin ang nakakasulasok na amoy na nagmumula sa mga likidong isinuka ng lalaki.

Masuka-suka naman si Mateo sa kaniyang naaamoy at nakikita. Napatalikod na lamang siya at nagpunta sa kusina para doon manatili.

"Hindi ka ba nasaktan sa laban, Esme?" Tanong ni Ismael. Umiling si Esmerald at dinampot ang mutya mula sa palanggana. Sinuri niya ito at nakita niya mula sa kaibuturan nito ang isang maliit na tila sisiw na nagkukubli sa loob ng tumitibok na bato.

"Kakaiba, hindi ba. Ngayon lang din ako nakakita ng ganiyang uri ng mutya. Marahil, dahil diyan kaya nalalabanan ni Raul ang tawag ng gutom niya.

Kakaiba ang mutyang iyon dahil sa wangis nito. Hindi tulad sa ibang mutya ng mga aswang nakukuha niya, madalas sisiw, tuko, bato o di kaya'y ahas. Pero itong hawak niya ay kakaiba, sisiw na nasa loob ng bato. Tumango lang si Esmeralda at inilagay na ang mutya sa isang malinaw na bote na may lamang langis kung saan tuluyan na itong maseselyuhan. Ang langis at ang bote ay nababalot ng mga dasal na siyabg magkukulong sa kapangyarihan nito.

Maging tahimik na ang buong gabi nila, hindi na bumalik ang mga aswang na balak kunin si Hanna. Pero hindi roon natatapos ang laban ni Esmeralda. Dahil napapanahon na para kumilos siya sa lugar na iyon.

Kinabukasan, nagising si Esmeralda at nakita niyang nakahilata naman sa papag si Mateo. Nakanganga pa ito habang humihilik at kulang na lamang ay tumulo ang laway nito sa sarap ng pagkakatulog.

Napapangiwi pa ang dalaga nang mapadaan sa harap niya si Ismael, na may dalang umuusok na kape.

"Nagbantay ang batang iyan buong gabi kaya huwag mo nang gisingin pa. Hayaan mo lamg siya riyan." Natatawang wika ng ginoo.

"Amang, hindi mo ba pagagalitan 'yan?"

"Hayaan mo siya apo, si Mateo, ganiyan lang talaga 'yan. Minsan ko na rin siyang nasanay sa panggagamot, iyon nga lang ay nahinto dahil sa naging abala na siya sa bukid at ako naman ay huminto na rin. May kaalaman rin naman si Mateo at likas na sa kaniya ang tumulong kahit ayaw mo. Matigas ang ulo niyan kaya wala kang magagawa kapag nakapagdesisyon na siyang tumulong. Ang mabuti mong gawin, sanayin mo siya, may maigi na rin na may makakatulong ka sa pakikipaglaban mo. Para hindi naman gaanong nag-aalala itong amang mo, aba'y tinalo pa ako sa pagiging nerbyoso." Biro pa ni Armando habang pigil na natatawa.

"Magandang ideya nga iyan 'tay. Ako na ang magsasanay sa batang iyan. Mukhang may ibubuga naman ang katawan niya dahil batak sa gawaing bukid. May pundasyon na ang matatag niyang pangangatawan." Suhestiyon pa ni Ismael na tila tuwang-tuwa. Napailing na lamang si Esmeralda at wala nang nagawa kun'di ang sumang-ayon.

Paggising ni Mateo ay siya rin naman pag-alis ni Esmeralda para tunguhin ang bahay-aliwan kung saan niya nakita ang mga nilalang na iyon. Kung hindi siya nagkakamali, ang maliit na lalaking umatake sa kaniya kagabi ay siya rin nakita niyang kasama ng magandang babae sa loob ng bahay-aliwan na iyon.

Nakatayo lang siya sa isang tindahan malapit sa lugar na iyon at pasimpleng nagmamasid sa lugar. Dahil umaga, sarado pa ang lugar na iyon, ngunit may nakikita siyang naglalabas masok sa maliit na pinto ng bahay-aliwan. Isang matandang babae rin ang siyang nagbubukas ng pinto kapag may kumakatok. Sa tantiya niya ay may limang tao na ang naglabas-pasok doon ngunit hindi pa niya nakikita ang mga kapatid ni Hanna doon. 

"May hinihintay ka ba Ineng? Kanina pa kita napapansin diyan na parang may inaabangan ka." puna ng isang ginang. Napatingin din naman ang ginang sa lugar na tinitingnan niya at agad itong napaismid.

"Naku, mukhang alam ko na kung ano ang inaabangan mo ah. Hay, kahit kailang perwisyo talaga ang bahay-aliwan na iyan, lalo na sa buhay ng mag-asawa." Iiling-iling na reklamo ng ginang. Agad na nakuha nito ang atensiyon niya, kaya naman minabuti na niyang magtanong rito.

"Ano po ang ibig niyong sabihin?" Nag-akto siyang ikinakaila ang mga duda ng ginang.

"Huwag ka nang magkaila, kung hindi asawa, nobyo mo ba ang hinahanap mo? Ang bahay aliwan na iyan, kinahuhumalingan ng halos lahat ng lalaki rito sa bayan. Ewan ko ba kung bakit, at lahat naman ng lalaking pumapasok diyan, parang mga nawawala sa sarili, may iilan pa nga na nagiging mapanakit na sa asawa. At halos araw-araw rin na may mga babaeng tumatambay rito sa tindahan ko para mag-abang." Wika pa ng ginang, halatang magjng ito ay may kinikimkim na inis sa bahay-aliwang iyon.

"Ang bunganga mo Soling, kapag ikaw narinig na naman ng mga tao riyan sa lugar na iyan, siguradong mapapatawag ka na naman sa baranggay niyan. Hindi ka na talaga nagtanda." Saway ng isang matanda. Inilapag nito ang isang bayong na punong-puno ng gulay. Tumingin pa ito sa kaniya at saka napailing.

"Kung ang hinahanap mo ay nakapasok na sa lugar na iyan, wala nang silbi para magpabalik-balik ka rito. Dahil sino man ang matukso sa lugar na iyan, ay tila nakasangla na rin ang kaluluwa sa dem*nyo. Kaya kung ako sa'yo hija, umuwi ka na!" Maangas pang wika mg matanda sabay talikod.

"Pasensiya ka na sa tatay ko ha, ganoon lang talaga iyon. Laging mainitin ang ulo dahil isa sa nabiktima ang kapatid ko. Ngayon halos hindi na nga umuuwi. Huling kita namin sa kaniya, sobrang payat niya at nangangalumata na rin, pero ayaw niyang patinag, bumalik pa rin siya sa lugar na iyan."

"Kung gano'n wala pang bumabalik sa lahat ng pumapasok diyan?" Gulat na tanong ni Esmeralda qt muling napatingin sa maliit na pintuan ng lugar.

"Wala, kahit isa. At kung isa na rin ang nobyo o asawa mo sa nakapasok diyan, araw na lang ang hihintayin mo at siguradong maglalaho din siya nang parang bula." Dugtong ng ginang at nahulog sa malalim na pag-iisip si Esmeralda.

Hanggang sa makauwi siya ay naging laman ng isip niya ang lugar na iyon. Isa siyang babae at aswang ang mga nasa loob, hindi siya makakapasok at siguradong kilala na rin ng mangalo ang kaniyang pagkakakilanlan dahil sa paglalaban nila.

"Kung gano'n ang lugar na iyon ang puno't dulo ng lahat? Raul, minsan kq bang nagawi roon?" Tanong ni Ismael matapos maisalaysay ni Esmeralda ang kaniyang mga nalaman.

"Oho, manong, ang mga kapatid ni Hanna ang nag-aya sa akin para pumunta sa lugar na iyon. Ang buong akala ko ay matatanggap na nila ako kapag pinagbigyan ko wng kahilingan nila." Sagot ni Raul, nakayuko ito habang tila pilit na inaalala ang lahat ng nangyari noon. Magkahugpong pa rin ang mga kamay nila na tila doon sila kumukuha ng lakas sa bawat-isa.

"Kung gano'n, plano na nila ang yanggawin ka at gawin kang halimaw para itong si Hanna na mismo ang lalayo sa'yo. Malinaw din na kasabwat sila sa lahat ng ito at balak talaga nilang ipagpalit sa kayamanan ang kapatid nilang babae." Paliwanag ni Ismael.

"Ipagpapalit sa kayamanan? Ano po ang ibig niyong sabihin?" Nagugusluhang tanong ni Raul.

"Malamang ay pinangakuan sila ng ginto ng aswang kapalit ni Hanna. Narinig kung nais asawahin ng harimodon si Hanna, ang harimodon ay may kakayahang gawing kahit anong aswang ang sino mang naisin niya. At kung hindi kami nagkakamali, nais nilang magparami ng lahi sa pamamagitan ni Hanna. Higit na mas malakas iyon kaysa sa pangyayanggaw." Tugon naman ni Esmeralda.

Lalong napakunot naman ang noo ng mag-asawa dahil sa sinabi ng dalaga.

"Saan manggagaling ang ginto?" Ranong ni Hanna.

"Isa sa abilidad ng mga mangalong aswang ang gumawa ng ginto. Ginagamit nila itong panlinlqng sa mga taong nais nilang biktimahin. Natural na gahaman ang mga tayo kaya hindi sila nahihirapan makasilo ng biktima. May mgaandurugo rin akong nararamdaman sa loob ng lugar na iyon at sila naman ang taga-akit sa mga kalalakihang nagpupunta roon. Ang pinagtataka ko lang, ganoon na kalantad ang mga pangyayari pero walang nagiging aksyon ang baranggay roon. Maging ang mga tao at takot at tikom ang bibig." Saad pa ni Esmeralda at nagkatinginan naman sila ni Ismael.

"Isa lang ang posibleng dahilan, may kapit sa baranggay ang mga nilalang na iyon. Kaya mag-iingat kayo. Huwag kayong magpadalos-dalos ng lakad. Esme, tulad nang napagkasunduan, sasanayin muna ng iyong amang si Mateo, malaki ang maitutulong sa'yo mg batang iyon." Suhestiyon ni Armando.

Umiirap namang sumang-ayon si Esmeralda at magalang na nagpaalam na sa mga ito para magpahinga.