Ang Madilim na Nakaraan ni Van V-Cut

---

Ang Simula ng Kalungkutan

Noon, si Van V-Cut ay hindi isang kilalang kriminal. Isa lamang siyang simpleng tao na masaya sa kanyang tahimik na buhay kasama ang kanyang pamilya. Siya ay mapagmahal na ama sa kanyang walong taong gulang na anak na si Ella, isang masayahin at matalinong bata na palaging nagpapasaya sa kanya. Ang asawa niyang si Lucia ay kanyang iniidolo — mahinahon, maganda, at maalaga. Sa kabila ng pagiging mahirap, buo ang kanilang pamilya.

Isang hapon, habang pauwi sila mula sa parke sakay ng kanilang lumang kotse, nagkatawanan silang mag-ama habang kinakanta ang paboritong awitin ni Ella. Si Van V-Cut ang nagmamaneho, pinupuno ng tawa ng kanyang anak ang loob ng sasakyan. Ngunit sa isang iglap, nagbago ang lahat.

Sa intersection, sumulpot ang isang mabilis na itim na sports car mula sa gilid. Hindi na nagawa ni Van V-Cut na umiwas.

"Ella! Kumapit ka!" sigaw niya habang bumangga ang kanilang sasakyan.

Tumilapon ang kotse sa gilid ng kalsada. Si Ella, bagamat nakakabit ang seatbelt, ay natamaan sa ulo. Agad itong isinugod sa ospital, ngunit huli na.

"Sir, paumanhin, ginawa namin ang lahat," pahayag ng doktor habang iniabot ang malamig na kamay ni Ella kay Van V-Cut.

Nakaupo si Van V-Cut sa gilid ng kama, hawak ang maliit na kamay ng kanyang anak. "Ella... gumising ka naman, anak... Hindi mo pwedeng iwan ang daddy mo." Ngunit nanatiling tahimik ang kwarto, at ang katahimikan ay parang kutsilyong tumusok sa puso niya.

---

Ang Hustisyang Hindi Nakuha

Hindi tinanggap ni Van V-Cut ang pagkamatay ng kanyang anak nang walang laban. Nalaman niyang ang driver ng sports car ay si Adrian Velasco, anak ng isang kilalang negosyante. Agad siyang nagsampa ng kaso.

Sa korte, inamin ni Adrian ang pagkakamali ngunit sinabing ito ay aksidente. Gumamit ng impluwensya ang pamilya Velasco. Sa huli, ang kaso ay ibinasura.

Habang palabas ng korte, pinigilan ni Van V-Cut si Adrian sa hallway.

"Pera lang ang kaya mong ibigay?! Ang buhay ng anak ko, ganun lang ba ang halaga para sa inyo?!" sigaw niya, nanginginig sa galit.

Ngunit ngumiti lamang si Adrian at sinabing, "Binayaran ko na lahat, hindi ba sapat iyon?"

Ang mga salitang iyon ay parang apoy na nagliyab sa puso ni Van V-Cut. Nang gabing iyon, bumalik siya sa kanilang bahay, basag ang damdamin. Sa tuwing nakikita niya ang mga laruan ni Ella, umiiyak siya nang tahimik.

---

Ang Pagguho ng Pamilya

Habang sinisikap ni Van V-Cut na buuin muli ang kanyang buhay, natuklasan niyang may lalaki na pala ang kanyang asawa. Isang araw, nahuli niya si Lucia sa kanilang bahay kasama ang isang estranghero.

"Lucia, anong ibig sabihin nito?!" tanong niya, habang ang kanyang mga mata ay puno ng galit.

"Hindi ko na kaya, Van! Ang sakit ng pagkawala ni Ella, at ikaw—wala ka nang ginawa kundi magdusa at magalit. Hindi ko na kayang maghintay habang sinisira mo ang sarili mo!"

Nagdilim ang paningin ni Van V-Cut. Kinuha niya ang kutsilyo sa kusina at, bago pa makatakbo ang estranghero, sinaksak niya ito nang paulit-ulit. Duguan ang sahig, at si Lucia ay napasigaw at tumakbo palabas ng bahay. Naiwan si Van V-Cut, nakatingin sa duguang kamay at nanginginig.

---

Ang Paghihiganti

Isang araw, habang naglalakad si Van V-Cut sa eskinita, nakita niya ang pamilyar na itim na sports car. Nakatigil ito malapit sa isang mamahaling restawran. Sa di kalayuan, nakita niya si Adrian Velasco, nakangiti habang hawak ang mamahaling relo at suot ang isang mamahaling suit.

Hindi na nagdalawang-isip si Van V-Cut. Naghintay siya sa eskinita hanggang sa dumaan si Adrian. Sa isang mabilis na galaw, sinuntok niya ito nang malakas.

"Naalala mo na ako?!" sigaw niya, habang si Adrian ay napahandusay sa lupa.

"Sino ka ba?!" tanong ni Adrian, nanginginig sa takot.

"Ako ang ama ng batang pinatay mo!"

Sinubukang sumagot ni Adrian, "Hindi ko sinasadya! Aksidente iyon!" Ngunit walang awa si Van V-Cut. Pinagbabayo niya ito ng suntok hanggang sa mawalan ng malay.

---

Ang Pagsilang ng Isang Halimaw

Dinala ni Van V-Cut ang walang malay na katawan ni Adrian sa likod ng eskinita. Kumuha siya ng sako mula sa tambak ng basura, binalot ang katawan, at sinunog ito. Habang tinitingnan ang nagbabagang apoy, tumawa siya nang malakas.

"Ella, ito na ang hustisya para sa'yo," sabi niya, habang tumutulo ang luha.

Isang lalaki ang nakamasid sa kanya mula sa dilim. Si Don Corneto, isang kilalang pinuno ng sindikato, ang nakakita ng pangyayari.

"May galit ka sa puso mo," sabi ni Don Corneto habang lumalapit kay Van V-Cut. "Gusto mo bang gamitin iyan para sa mas malaking layunin?"

Sa puntong iyon, wala nang natira sa puso ni Van V-Cut kundi galit at poot. Tinanggap niya ang alok ni Don Corneto.

---

Ang Bagong Simula

Simula nang gabing iyon, isinantabi ni Van V-Cut ang kanyang pagkatao. Iniwan niya and dating buhay na mabuti at. isinilang si Van V-Cut, isang walang awa, baliw sa paghihiganti, at mersenaryong handang pumatay para sa mga taong kaya siyang bayaran.

Sa bawat aksyon, sa bawat krimen, inaalala niya ang mukha ng kanyang anak, ang liwanag ng kanyang buhay, na ngayon ay naging dahilan ng kanyang madilim na landas.