Ika-tatlo na Bahagi

Nagising ako nang gabing iyon nang marinig kong may kumakatok sa aking pader.

Tumayo ako mula sa aking pagkakahiga at lumapit sa isang larawan ng karagatan na nakakabit sa pader. Halos kasing laki ko ito. Hinawakan ko ang isang kanto nito at ibinukas iyon na parang pinto. Sa likod nito ay may lihim na daan na nag-uugnay sa silid namin ni Marius.

Nandoon nga si Marius, natatago sa dilim, may suot na puting tunika na walang manggas at abot tuhod niya.

"Hindi ka pa natutulog?" tanong niya sa akin.

"Salamat sa iyo, ako'y nagising!" Humikab ako at inakay siya papasok sa aking silid. "Bakit ba gising ka pa hanggang ngayon?"

"Hindi ako makatulog... tila umiikot ang aking sikmura!" sabi niya na umupo sa aking kama. "Hindi ko maalis sa aking isipan ang kuwento ng iyong ama... tungkol sa mga nanggugulo sa hangganan sa inyong kaharian..."

"Bakit mo naman pinag-iisipan pa ang mga iyon?" tanong ko sa kaniya.

"Dahil maaring magkaroon ng kaguluhan dahil doon," sabi ni Marius. "Naaalala mo pa ba? Pumayag man ang iyong ama na dito ka sa aming kaharian manatili, taon-taon ka pa rin bumabalik tuwing tagsibol upang makasama ang iyong pamilya. Ngunit matapos maaksidente ang iyong ina at si Camilla... matapos silang harangin ng mga tulisan sa Ignus, hindi ka na niya pinauwi pang muli. Mga bata pa tayo noon kaya minabuti nilang manatili ka rito sa aming kaharian upang makaiwas sa gulo. Muntikan nang magkaroon ng digmaan noon sa pagitan ng pabayang mga Ignus at ng imperyo, buti na nga lang at nagkasundo rin sila, may walong taon nang nakalilipas. Pero ngayong malaki na tayo..."

"Ikaw talaga, Marius, masyado ka nanaman nag-aalala!" singit ko sa kaniya. "Sa tingnin ko naman ay hindi totoo ang mga balitang nasagap ni Ama. At isa pa, kung sakaling pabalikin niya ako sa kabisera para lumaban ay isasama naman kita. Hindi ako papayag na mahiwalay ka sa akin."

Pinanood kong mamula ang mga pisngi ni Marius.

"Pero… paano kung kailanganin nating lumaban?" tanong niya.

"Kung ganon ay lalaban tayo," tugon ko. "Hindi ba at isa iyon sa mga responsibilidad natin bilang tagapagmana ng Heilig at ng Hermosa? Ang ipaglaban ang ating imperyo?"

Natahimik si Marius.

Nagdikit ang kaniyang mga kilay, bumilog ang mapupula niyang labi, ngunit hindi siya nagsalita. Nagbuntong hininga na lang siya at sumandal sa aking hubad na dibdib.

"Natatakot ka bang makipaglaban?" tanong ko habang hinihimas ang kaniyang mahabang buhok.

Umiling siya.

"Natatakot ka ba na ako ay masaktan?"

Hindi siya umimik.

"Sa tingin mo ba ay may nilalang na kaya akong patumbahin?" natawa ako. "Wala ka bang tiwala sa akin?"

Tumaas noon ang mukha ni Marius na may nakakatuwang tingin sa mata. Kahit kasi galit siya ay napakaganda pa rin niyang pagmasdan.

"Huwag kang masyadong mapagmataas! At baka iyan pa ang maging dahilan ng iyong kapahamakan!" sambit niya. "Tandaan mo na tayo ay mga tao lamang!"

"Oo, pero hindi ko hahayaang may mangyari sa akin, dahil ako ang kalasag ng Heilig!" nakangisi kong sinabi. Mukhang lalo lang nainis si Marius. "Ako rin ang kalasag mo." agad kong dinagdag habang hinihimas ang malambot niyang pisngi. "Hindi ako maaring bumagsak, dahil kailangan kitang ingatan."

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Marius.

"Theo, natatakot pa rin ako..." bulong niya sa akin. Hinalikan ko siya sa noo at niyakap nang mahigpit.

"Huwag kang matakot. Alam ko naman na malakas ka rin," sabi ko sa kaniya. "Alam kong nasa tabi kita at gumagabay sa akin, kaya't walang anuman na makakagapi sa ating dalawa."

Humiga na kami noon sa aking kama. Inikot ko ang mga braso ko sa katawan ni Marius na hindi na bumitaw sa pagkakayakap sa akin, at magkasama kaming nagpalipas ng gabi.

Maaga kaming nagising kinabukasan. Wala pa ang araw, ngunit rinig ko na ang mga paputok na naghuhudyat sa simula ng kapistahan.

"Marius!" tawag ko sa kaibigan kong tulog pa rin sa aking tabi. "Gumising ka na! Kaarawan mo na!"

Umungol lang siya sa tabi ko at lalong ibinaon ang kaniyang mukha sa aking dibdib. "Sandali pa..." reklamo niya.

"Bilisan mo na at baka hanapin ka nanaman ng mayordomo sa iyong silid!"

"Alam naman niyang nandito lang ako sa silid mo..." sagot niya.

"Na dapat ay hindi mo na gawin dahil ganap ka nang lalaki!" patayo na ako sa kama nang hatakin niya ako pabalik, kapit ang aking salawal.

"Bitbitin mo ako..." paglalambing niya sa akin.

"Hay, naku, tinamaan ka nanaman ng iyong kakulitan." Hinatak ko siya paupo. "Hindi na kita bibitbitin ngayon. Malaki ka na!"

"Hmph! Sana naging mga bata na lang tayo habambuhay!" naiinis niyang sinabi.

"Aba-aba! At mag-ingat ka sa iyong mga sinasabi, Dilang Pilak! Baka magka-totoo iyan!" tumatawa kong sinabi. "Buti na lang at hindi ako tinatablan ng mga salita mo!"

"Haay..." napa singhap siya.

"Bilisan mo at kailangan mo pang salubungin ang iyong mga bisita sa kanilang pagdating!" paalala ko sa kaniya. "May mga deligante rin na mula sa kaharian ng Ignus, at isa itong magandang pagkakataon upang maayos ang ating relasyon sa kanila – kung sakaling may katotohanan man ang mga balita sa kanluran."

"Theo, tulungan mo naman akong magbihis," pangungulit ni Marius na mukhang walang narinig sa aking mga sinabi.

"Hindi na nga kita tutulungan, malaki ka na ngayon! Dapat nga ay noon ka pa nasanay magbihis nang mag-isa!" wika ko.

"Haay... mautusan na lang ang aparador..." itinuro niya ang kaniyang aparador. "Ilabas mo ang aking baro para sa araw na ito, Pinus strobus," tawag niya sa aparador na yari sa palochina.

Bumuka nga ang pinto nito, at ang sabitan nitong yari sa kahoy ay lumabas at humaba na tila tangkay ng puno habang nakasabit pa rito ang sari-saring mga magagandang damit. Lumiko ang dulo nito, at isa-isang umikot ang mga damit sa harapan ni Marius, hanggang sa tumigil ito sa isang magarbong baro na yari sa pulang sutla na napalilibutan ng pilak na palamuti.

Talaga ngang bihasa na ang aking Marius sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Napipigil na rin niya ang sobrang lakas niyang alindog na siyang bumibihag sa lahat ng tao sa kaniyang paligid. Ngayon, inilalabas na lang niya ang kakayahan na iyon, kapag pinapagalitan kami ng mayordomo tuwing nahuhuli nila kaming nagkakalat, nanggugulo, o nangungupit ng mga prutas sa hardin.

Ngunit sa kabila pa rin nito, ay kinakailangan pa rin niyang isuot ang kaniyang maskara. Marami kasing ordinaryong tao na mas mabilis mabihag sa kaniyang enkanto. Marami na ang nabaliw sa kaniyang kagandahan, kaya minabuti naming itago na lang ito.

Kinuha ni Marius ang magarang baro at lumapit sa akin na may ngiti.

Nagbuntong hininga ako at kinuha ang damit. Mahina talaga ako sa aking mahal na kabigkis.

"Sa susunod, mag-isa ka nang magbibihis."

Lumabas kaming magkaakay sa engrandeng comedor sa palasyo ng mga Ravante. Limang libong tao ang kapasidad ng silid na iyon, at halos mapuno na ito ng mga tao.

"Mukhang mas marami kang bisita ngayon kumpara sa aking ika-labing walong kaarawan!" bulong ko kay Marius.

"Iyon ay dahil takot ang iyong ama na baka may kung sinong makisalo at manggulo sa kaarawan mo, kaya iilan lang ang kaniyang pinayagan na makadalo rito," sabi niya sa tabi ko. "Pati nga siya ay hindi dumating noon, hindi ba? Dahil abala sila sa pagbantay sa kabisera, matapos magkaroon ng usapang panggugulo ng mga Ignasius sa inyong bayan."

"Wala namang nagkagulo noon," sagot ko.

"Alam ko," wika ni Marius. "Pero ngayon, nandito tayo pareho, kasama ang libu-libong mga tao mula sa buong imperyo."

"Kinakabahan ka pa rin ba?" tanong ko sa kaniya.

Tumingala si Marius sa akin. Suot niya ang kaniyang pilak na maskara, ngunit kita ko ang malilinaw niyang matang kulay lilak.

"Hindi," agad siya'ng tumugon, at nakita ko ang ngiti sa kaniyang mga mata. "Kasama kita. Wala akong katatakutan sa araw na ito."

Pumunta na siya sa upuang pandangal, kung saan isa-isang lumalapit sa kaniya ang mga bisita upang maipakilala at magmanikluhod sa kaniyang harapan. Ako naman, sa sout kong bughaw na tuniko at kalasag na ginto, ay naupo sa may likod niya, malapit sa kaniyang kanan, at pinagmasdan ang lahat ng mga nakapila upang bumati sa kaniya.

Nagulat ako nang may isang lalaki na naglakas-loob na lumapit sa kaniyang upuan.

Agad akong tumayo sa tabi ni Marius. Lumapit din agad ang mga kawal na nakapaligid sa amin.

"Maligayang pagbati, Prinsipe Claudius Marius Angelo Ravante," bati ng makisig na lalaking pula ang buhok na abot bewang. "Ako si Prinsipe Lucius Alexander Byron Ignasius," pakilala niya sa amin, "ang ika-tatlong prinsipe ng kaharian ng Ignus."

Itinaas ni Marius ang kaniyang kanang kamay. Umatras ang mga kawal, samantalang hinawakan ko naman ito at inalalayan siyang tumindig.

"Salamat sa iyong pagbati, at maligayang pagdating sa aming kaharian ng Hermosa," tugon niya. "Mabuti at maayos kayong nakarating, Prinsipe Lucius Alexander Byron Ignasius."

"Salamat din sa mainit na pagtanggap sa amin," sagot ng Prinsipe. "Tawagin na lang ninyo akong Lucius." Noon lang siya napatingin sa akin. "At ikaw ang susunod na Emperador, hindi ba?" nakangiti niyang sinabi. "Prinsipe Theodorin Tanis Adelbert Heilig ng Imperyo."

"Siya nga, tawagin mo na lang akong Prinsipe Marius."

Bahagyang tumango sa amin si Lucius. "Naway maging mabubuti tayong magkakaibigan."

Muli kaming nagulat nang lalo pa siyang lumapit at hawakan ang kaliwang kamay ni Marius, lalo na nang itaas niya ito sa kaniyang bibig at halikan!

Nakaramdam ako bigla ng init sa aking dibdib.

Nagbulungan ang mga tao sa aming paligid.

"Sana ay magkaroon ako nang pagkakataon na makita ang iyong napakagandang mukha," sabi niya sa aking kabigkis.

Tila lalong umalab ang init sa aking dibdib.

Hinimas ko iyon nang kabila kong kamay, habang nagtitimpi sa asal ng prinsipe ng Ignus.

"Kung pahihintulutan ng panahon," sagot ni Marius na marahang hinatak pabalik ang kaniyang kamay.

Ngumiti ang prinsipe ng Ignus.

Isang mayabang na ngiti na tagilid sa kaniyang makinis na mukha. Muli siyang tumango ng bahagya kay Marius, at ngumisi sa akin na tila nang-aasar!

"Hanggang sa muli nating pagkikita," ani niya, bago tuluyang umalis.