Ika-apat na Bahagi

"Sigurado ka bang ayaw mong kumain kasama ang iyong mga bisita?" tanong ko kay Marius pagdating nang tanghali.

Kasalukuyan kaming nasa pangalawang palapag ng kuwadro ng mga kabayo. Nakahiga kami sa sahig na puno ng dayami.

"Sobra akong nanghina sa dami ng mga taong bumati sa akin na hindi ko naman kilala," sabi ni Marius na minamasahi ang magkabila niyang panga. "Kinailangan ko pang ulitin at batiin ang kanilang mga pangalan!"

"Nanghina ka ba talaga? Samantalang hindi ka naman halos tumayo sa iyong pinagkakaupuan?" sarkastiko kong sagot.

"Nakakalula pa rin iyon, Theo!" nakasimangot nanaman siya sa akin. "Buti na lang at nakamaskara ako, kung hindi, ay malamang nangalay na ang mukha ko sa pilit na pagngiti!"

"Hindi mo naman kailangan ngumiti, sa ganda ng iyong mukha ay sapat na iyon pambati sa lahat ng iyong mga bisita."

Natuwa ako nang makitang mamula ang mukha ni Marius. Inabot ko ang kaliwang kamay niya at hinalikan iyon ng ilang ulit.

"A-ano ang iyong ginagawa?" tanong niya sa akin.

"Tinatabunan ko lang ang halik ng prinsipe ng Ignus," sagot ko. "Napaka lakas ng loob ng lalaking iyon na lapitan ka at halikan ang iyong kamay! Hindi ba niya alam na ipinagbabawal ang pagkapit sa mga Ravante nang basta kung sino lamang?!"

"Pero isa rin siyang prinsipe," sabi ni Marius. Napatingin ako sa kaniya nang masama.

"Kahit na hari pa siya ng Ignus, ang kamay na ito ay sa akin lamang!" singhal ko sa aking kabigkis.

Napansin kong manlaki ang mga mata ni Marius.

"Pasensya na, hindi ko sinasadyang pagtaasan ka ng boses... ngunit, hindi ka dapat pumayag na hawakan ka niya!"

"Hindi ko rin naman akalain na hahawakan niya ako at hahalikan sa kamay! Nais pa raw niyang makita ang aking mukha," sabi niya na may mapaglarong ngiti sa mga labi. "Ano sa tingin mo, Theo, paunlakan ko kaya siya?"

Tila nanikip ang aking dibdib, habang nag-init naman ang aking mukha.

Hinatak ko si Marius palapit sa akin. Natawa pa siya, isang napaka gandang tinig sa aking mga taenga. Nahulog siya sa aking bisig, kung saan ko siya agad niyakap.

"Mangako ka sa akin na hindi mo aalisin ang iyong maskara hangga't hindi natatapos ang iyong kaarawan," sabi ko sa kaniya.

Lalong natawa si Marius. "Ito ba ay isang utos, o isang hiling?" nakangiti niyang tanong.

Lalo pang kumunot ang aking noo sa kaniyang panunukso. Patuloy pa siyang tumawa. Niyakap niya ako at humalik sa aking pisngi, at dama ko ang init na iniwan ng pagdampi ng kaniyang mga labi. Bagamat naiinis pa rin, dinaganan ko siya at hinalikan sa bibig.

Napatingin sa akin si Marius.

Natigil na ang kaniyang pagtawa.

Tatayo na sana ako, nang hawakan niya ang aking batok at ibalik ang aking halik.

Ngunit kakaiba ang halik niya.

Matagal niyang idiniin ang kaniyang mga labi sa akin. Nakapikit ang kaniyang mga mata, at kasabay nang halik na iyon, ay hinimas niya ang aking balikat at leeg.

Nakadama ako nang kakaibang kuryente sa pagkayakap niya sa akin.

Napapikit na rin ako. Naramdaman kong bumuka ang bibig ni Marius na humalik sa gilid ng aking bibig. Mamasa-masa ito na gumapang sa aking panga, tapos ay bumalik sa aking labi.

Nanginig ang aking katawan sa kakaibang kilig.

Sa pagdilat ko, nakita ko ang mga mata niyang lilak na nakatingin sa aking gintong mga mata. Mapungay sila at nangungusap.

Nakadama ako noon nang kakaibang paninikip sa aking dibdib.

Alam ko na ang kaniyang halik ay hindi lang halik ng isang matalik na kaibigan.

"Theo..." binulong niya ang pangalan ko at muling nanginig ang aking katawan. "Mahal kita."

"Marius..." hinimas ko ang kaniyang magandang mukha, hinawi ang pilak na buhok sa likod ng kaniyang tainga. "Mahal na mahal din kita, kabigkis ko."

Muli kaming naghalikan.

Bumukas ang kaniyang bibig na tinakpan ng aking mga labi. Nagtagpo ang mga dila naming nakipag laro sa isa't-isa. Inikot niya ang mga braso niya sa aking balikat, habang ipinasok ko naman ang aking kamay sa kaniyang tunika at marahang hinihimas ang makinis niyang katawan.

Kinilabutan ako nang marinig siyang umungol.

Tila `di namin mapigilan ang sarili, ngunit `di rin malaman ang gagawin.

Nang maghiwalay kami, pareho kaming naghahabol ng hininga. Napatingin kami sa isa't-isa at natawa, at nagyakapan muli.

Wala na sana kaming balak bumaba pa sa kuwadro na aming pinagtataguan. Gusto ko na lang makayakap at makahalikan si Marius hanggang gabi, ngunit nagpadala ng mensahe sa akin ang aking ama.

'Theo! Nasaan na kayo?' sabi ng isang mahiwagang papel na lumipad at nahulog sa aking harapan. 'Kanina pa kayo hinahanap ni Haring Domingo! May nangyari ba sa inyo, anak?'

'Nagpapahinga lang po kami, Ama,' nahihiya kong isinulat sa likod ng papel. 'Pabalik na po kami sa kasiyahan!'

Hinipan ko ang papel at pinabalik iyon sa kinaroroonan ng aking ama.

Nagmamadali kaming naghiwalay at nag-ayos ni Marius. Itinaas ko ang aking hintuturo at inikot ito. May dumating na hangin na umikot sa aming dalawa, nang mawala ito, ay wala na rin ni-isang dayaming nakadikit sa amin.

"Halika na, Marius, hinihintay na nila tayo sa iyong handaan," sabi ko sa kaniya matapos ayusin ang kaniyang buhok.

Kinuha niya ang maskara sa kaniyang tabi at tumalikod sa akin.

"Matapos ng kaarawan kong ito, matapos kong maging ganap na lalaki, maari na tayong lumuwas sa kaharian at pumunta sa kahit saan nating ibigin," sabi niya habang tinatali ko ang maskara. "Hindi na natin kailangan ang gabay ng mga nakatatanda... ng aking ama... ng iyong ama..." patuloy niya.

"Hindi iyon ganoong kadali, Marius," sabi ko sa kaniya. "Alam mo naman na may mga responsibilidad pa tayo sa ating mga bansa..."

"Pero mas may kalayaan na tayo ngayon, hindi ba?" tanong niyang muli na biglang humarap sa akin.

"Oo, sa ilang mga bagay," sagot ko.

"Gusto kong maglakbay!" sabi nila. "Gusto kong malibot ang buong imperyo, at lumampas sa ating mga hangganan!"

Napangiti ako sa mga pangarap niya. "Oo, ako rin," sagot ko na lang. "Pero sa ngayon, dito muna tayo sa iyong kaarawan. Halika, may handaan pa tayong dadaluhan."

Magkahawak kamay kaming pumasok sa malawak na bulwagan. Nakaharap sa amin ang lahat ng mga bisitang pangrangal.

Nagpalakpakan sila sa pagbaba namin sa hagdanan, hanggang sa umabot kami ni Marius sa mahabang lamesa sa entablado kung saan nakapuwesto ang mga pinuno ng iba't-ibang bansa at kaharian.

Lumapit sa amin si Haring Domingo na isinama si Marius sa gitna ng entablado.

"Sa Kataas-taasang Emperador Leonsio Apolinario Fernando Heilig, ang Namumuno sa Mundo ng mga tao, ang Panginoon ng Lahat ng Nasa Ilalim ng Bughaw na Kalangitan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ng Lupaing Luntian, sa aming mga katulad na hari, mga maharlika, at sa lahat ng mga panauhin sa araw na ito, kinagagalak ko at pinasasalamatan ang inyong pagdating at pakikipagdiwang sa napaka sayang araw na ito," wika ni Haring Domingo. "Salamat at pinaunlakan ninyo ang aking imbitasyos, sa kaarawan ng aking anak at tagapag-mana na si Prinsipe Claudius Marius Angelo Ravante."

Muling nagpalakpakan ang mga tao. Kumaway naman si Marius at humarap sa magkabilang dako, suot ang maskarang pilak.

"Ngayon ay ang ika-labing-walong taong kaarawan ng aking anak. Nakahanda na siya'ng mamuno sa aming kaharian, sumapit man ang araw o pagkakataon na ako ay bumaba sa aking pusisyon bilang hari," patuloy niya sa kaniyang talampati. "Handa na rin siyang humarap sa mundo bilang aking katambal. Kaya't ang ano mang gawin o sabihin niya, ay mula na rin sa hari ng Hermosa, at ang ano mang paglapastangan sa kaniya ay siyang lapastangan din sa hari ng Hermosa at sa buong angkan ng mga Ravante."

Humarap siya sa kaniyang anak at inalis ang malaking singsing sa kaniyang hinlalato na may marka ng hari ng Hermosa; ang bilog na buwan na nasa loob ng cresento. Isinuot niya ito sa daliri ng kaniyang anak.

"Mabuhay ka, Claudius Marius Angelo Ravante, ang ika-188 hari ng kaharian ng Hermosa!" wika ni Haring Domingo.

"Mabuhay!" sigaw ng lahat. "Mabuhay ka, Claudius Marius Angelo Ravante! Hari ng Hermosa!"

Nagsimula ang kasiyahan matapos ang pagpasa ng singsing.

Sunud-sunod ang dating ng masasarap na putahe, walang tigil din ang buhos ng matamis na alak sa aming mga kopita. Sa harap namin ay nagpagalingan ang iba't-ibang mga aktor, mga mananayaw, mga mang-aawit at mga makata. May kasama pang mga mababangis na hayop ang ilan na gumulong sa aming harapan na tila maaamong mga tupa, at mga kakaibang makina na kumikilos mag-isa, kahit walang mahika na nagpapaandar sa kanila!

Napaka saya ng kaarawan ni Marius, at `di ko mapigil sa sarili na sumama ang loob nang bahagya, dahil hindi ako pinarangalan ng aking amang Emperador na tulad nito, noong ako'y nagbinata na.

Sa bagay, iba ang kaugalian sa aming bansa.

Kung dito sa Hermosa, ay kinakatawan na ni Marius ang hari, ako naman ngayon, kahit pa dalawampung taong gulang na, ay isa pa ring prinsipe na walang kapangyarihan laban sa kataas-taasang Emperador na aking ama. Kahit pa ako ang napili niyang humalili sa kaniya balang araw.

"Ilabas niyo pa ang alak! Mahaba pa ang gabi!" masayang utos ng aking amang Emperador. May dalawang magagandang dalagang Ravante sa magkabila niyang tabi na tuwang-tuwa sa paglingkod sa kaniya.

"Mahaba pa kaya ito?" tanong ni Marius sa tabi ko.

"Hindi ka ba natutuwa? Ang lahat ng ito ay para sa iyo!" tumatawa kong sagot sa kaniya.

"Mas gugustuhin ko pang bumalik sa kuwadro at mahiga sa dayami habang kayakap ka."

Naramdaman kong mag-init ang aking mukha.

"Malapit nang matapos ang mga palabas, kasunod daw nito ang sayawan... ayaw mo bang makipagsayaw sa akin?" sabi ko, upang mapilit siyang manatili pa sa bulwagan.

"Haay..." buntong hininga ni Marius. "kung maari lang sana, ikaw lang ang aking makasayaw..."

Natapos na nga ang mga palabas.

Nagsimula nang tumugtog ang mga musikero ng kaharian.

Tumayo ako sa aking upuan at inabot ang kamay ni Marius na tumayo at sumunod sa akin sa gitna ng bulwagan. Tumango kami sa isa't-isa at naghawak ng kamay. Tumayo na rin at lumapit ang iba pang mga panauhin upang sumunod sa aming pagsayaw.

"Huwag mo akong iiwan?" bulong sa akin ni Marius.

"Alam mong hindi iyon maaari," nakangiti kong tugon. "Kailangan mo ring makipag-sayaw sa mga prinsesa at prinsipe na nais kang makaparehas..."

"Ayoko sa kanila," sambit niya. "Hindi ba tayo maaring tumakas?"

"Lahat sila ay nakatingin sa iyo, Marius..."

May lumapit na nga sa aming isang prinsesa. Mula siya sa kaharian ng Hiraya, isa sa aking mga pinsan, kung `di ako nagkakamali...

"Maari po ba akong makahiling ng sayaw sa prinsipe ng Hermosa?" magalang niyang tanong sa amin habang nakayuko.

Nakasuot man ng maskara, alam kong napasimangot ang aking kabigkis, ngunit inabot niya ang kamay ng aking pinsan at nagsimula na silang sumayaw.

Pinanood ko sila sa isang tabi, iniisip na sana, kami nga lang dalawa ang nagsasayaw sa silid.

"Napaka sayang okasyon, hindi ba?" tanong ng isang tinig sa aking likuran. Napalingon ako at nakita ang prinsipe ng Ignus.

"Siya nga," maiksi kong sagot.

"Maari ba akong makahiling ng sayaw sa iyo?" tanong niya sa akin.

Tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. "Ipag-paumanhin mo sana, ako ay wala nang ganang sumayaw pa," sagot ko sa kaniya.

"Ganoon ba?" natawa siya. "Naisip ko pa naman na nais ko ring makapareho ang susunod na Emperador. Napaka galing mo pa namang sumayaw kasama ni Marius."

Napatingin ako sa kaniya nang masama. "Magaling din si 'Prinsipe' Marius, 'Prinsipe' Lucius," pagtatama ko, "at sa tingin ko ay mas gugustuhin ng mga panauhing prinsesa na makaparehas ka."

Patalikod na sana ako nang muli siyang magsalita.

"Tama ka, ngunit mas gugustuhin nilang makapareha si Marius," wika niya.

Napatingin ako sa aking kabigkis na may bago nang kasayaw.

May mahabang pila ng mga prinsesang naghihintay sa kanilang pagkakataon na makaparehas siya.

"Mukhang matatagalan pa ang iyong paghintay sa iyong kabigkis," wika ni Prinsipe Lucius sa akin. Napatingin ako sa kaniya nang masama. "Bakit hindi ka muna makipag sayaw sa akin?" muli niyang alok.

Muli akong napatingin kay Marius.

Napaka galing niyang sumayaw, na para bang isa siyang dahon na dahan-dahang pinaiikot ng hangin sa himpapawid. Napaka ganda niya talaga... napaka perpekto.

"Isang sayaw," sagot ko kay Prinsipe Lucius. "Tapos ay babalik na ako sa aking upuan."

Napatingin si Prinsepe Lucius sa linya ng mga prinsesa na nabubuo na rin sa aking likuran bago hinawakan ang aking kamay.

Balak ko sanang manguna, ngunit bigla niya akong hinatak at hinawakan sa bewang.

Nanigas ang aking katawan!

"Ako ang humiling sa iyo ng isang sayaw," wika niya, "Hayaan mong ipakita ko sa iyo ang sayaw ng mga taga-Ignus."

Idinikit niya ang aking katawan sa kaniyang katawan, tapos ay umikot sa aking likod ang kaniyang kaliwang kamay. Isinunod niya ako sa kaniyang paggewang. Inikot niya ako, at muntik na akong mahulog, pero hawak niya ako sa likod, at dahan-dahan akong inangat habang nakatitig sa aking mga mata.

Tinulak ko siya ng marahan nang kami ay makatayo nang maayos. "Hindi ako babae!" galit kong sinabi sa kaniya. "Huwag mo akong tratuhin na parang babae!"

"Tulad nang pagtrato mo kay Marius?" sabi niya, nakangiti nang pang-asar sa akin.

Napatingin ako kay Marius.

Nakatayo lang siya sa gitna ng bulwagan, nakakapit pa rin sa kaniyang kaparehas na nagtataka. Nakatitig siya sa akin, at mukhang galit ang kaniyang mga mata.

Bumitaw ako kay Prinsipe Lucius at naglakad pabalik sa aking upuan.

"Paumanhin," habol niya sa akin, "hindi ko sinasadyang insultohin ka."

"Lubayan mo ako," sagot ko sa kaniya.

"Nais ko lang makausap ka..." patuloy niya. "Nais kong mapalapit sa iyo."

"Hindi ako interesado sa iyo," sagot ko matapos umikot upang harapin siya.

Bigla siyang natawa, "Ibang interes ang nais ko..."

Muli ko siyang tinitigan nang masama.

"Tanggap man ang pagmamahalan ng kapwa lalaki sa ating lipunan, alam naman natin na hindi sila maaring maging-isa. Kailangan pa rin ninyo kumuha ng makakaparehas na Reyna upang maipag-patuloy ang inyong mga linya." Nakangiti nanaman siya nang pang-asar a akin. "Ngunit may ibang paraan upang tayo ay maging higit pa sa magkaparehas, tulad ng iyong relasyon kay Marius."

"Ano ang ibig mong sabihin?" naiinis kong tinanong.

"Nais ko lang makipag-kaibigan sa iyo. Sa inyong dalawa ni Marius."

"Ni 'Prinsipe' Marius!" ulit ko sa kaniya.

"Tama... sa susunod na hari ng Hermosa at sa susunod na Emperador ng kaharian ng Heilig. Nais kong makipag bigkis sa inyong dalawa."

"Nananaginip ka ba nang gising?" naiinis kong sagot kay Prinsipe Lucius. "At paano mo naman balak makipag-bigkis sa amin ni Marius?" Hindi ko napigil na matawa. "Ang proseso nang pagbibigkis ng isang enkantong Dilang Pilak ay nangyayari lamang, isang beses sa kaniyang tanang buhay, at isang tao lang ang kaniyang nakakaparehas. Paano mo nasabing nais mong makipag-bigkis sa amin?!"

"Sa pamamagitan ng isang kapatiran," sagot niya sa akin. "Sa isang samahan na hindi kayang pigtasin nino mang babae o lalaki."

"Isang samahan?" ulit ko.

"Oo, isang kasunduan na maging kasangga ninyo at kapatid, habang dumadaloy ang dugo sa aking mga ugat."

Napatitig ako sa prinsipe ng Ignus, ang kaharian na matagal nang may hidwaan sa aming mga taga-Heilig.

Nakatitig siya sa akin, diretso at maliwanag ang tingin ng kaniyang mga mata.

"Isang kapatiran?" tanong kong muli sa kaniya.

Ngunit bago pa man makasagot si Prinsipe Lucius, ay may kaguluhan kaming narinig mula sa gitna ng bulwagan.

May babaeng sumigaw.

"Ano ang nangyayari?!" pareho kaming napatakbo ni Lucius pabalik.

"Tulungan ninyo ang mahal na Prinsipe!" sigaw ng mga kawal.

Nakita ko si Marius na nakaluhod sa lapag at hawak-hawak ang kaniyang maskara!

May isang babae na nakatayo sa likuran niya. May hawak itong patalim! Nagliliyab ang punyal niya na may bughaw na ningas, at nakatutok ang patalim na iyon sa leeg ng aking kabigkis!

"Marius!" sigaw ko.

Itinaas ko ang aking kamay at tumawag ng kidlat. Inasinta ko ang punyal, maingat na siniguradong hindi nito matatamaan ang aking mahal!

"Kyaaah!" napasigaw ang babae at nabitawan ang kaniyang armas.

Agad naman akong kumilos at parang kidlat na lumitaw sa tabi ni Marius. "Maayos ba ang iyong kalagayan, Marius?!" tanong ko sa kaniya. "Anong ginawa niya sa iyo?"

"Theo... ang aking maskara..."

Hindi natapos ni Marius ang sasabihin.

Nagulat kami nang palibutan ng pader na apoy ang aming paligid!

"Dakipin ninyo silang parehas!" sabi ng isang tinig.

Napatingin ako at nakita ang limang kalalakihan na palapit sa amin. Nakasuot sila ng uniporme ng mga delegante mula sa Ignus.

"Mga hangal! Sa tingin ba ninyo ay ganoon lang kami kadaling dakipin?" galit kong ungol. "Hangin! Gapiin mo ang iyong hininga at patayin ang apoy!"

Mula sa aking palad ay may umikot na ipu-ipo, ngunit sa halip na lumakas ang hangin, ay hinigop nito ang apoy sa paligid hanggang sa mawala ang pader na nakapalibot sa amin.

"Marius!" tawag ko sa aking katabi.

Tumayo si Marius nang diretso at nagsalita. "Maupo ang lahat," utos niya.

Natigilan ang lahat.

Napayuko ang mga tao at nagsipag-upuan. Ang iba ay naupo sa mga banko, ang iba naman ay sa lapag, at walang natira ni-isang tao na nakatayo sa loob ng balwarte maliban sa aming dalawa.

"Walang sino man ang makagagamit ng mahika sa lugar na ito, maliban sa amin ni Theo," sabing muli ni Marius sa tabi ko. "At ang mga mapangahas na nagbalak ng aking kapahamakan ay malalagutan nang hininga sa sandali ring ito."

Bumagsak ang babae sa aming tabi mula sa kaniyang pagkakaupo sa sahig, gayon din ang limang mga kawal na naka uniporme ng Ignus, at sa aming pagkagulat, ay nahulog din ang isa sa mga mahistrado ng aking ama, si Duke Malonzo – ang aming ambasador sa Ignus na siyang tiyuhin ni Haring Domingo.

Natahimik ang buong bulwarte.

Mukhang nawala rin ang kalasingan ng mga panauhin, lalo na ng aking ama na nanlalaki ang mga mata.

"Marius, pakawalan mo na sila," sabi ko sa aking kabigkis.

"Bumalik nawa ang lahat sa dati," sabi ni Marius, at muling nakagalaw ang mga panauhin.

"Marius, anak, maayos ba ang iyong kalagayan?!" tanong ni Haring Domingo na nagmamadaling lumapit sa amin.

"Mga kawal! Alisin ang mga mapangahas na ito sa aming harapan!" utos ng ama kong Emperador.

"Prinsipe Theo!" Napatingin ako kay Prinsipe Lucius na nasa tabi ko. "Buti at maayos na ang lahat. Kamusta si Prinsipe Marius?"

"Maayos naman siya..."

"Ikaw!" sigaw ng aking ama. "Kasama ka ng mga Ignus na nagbalak saktan ang Prinsipe Marius!"

Napatingin ako sa Emperador.

"Nagkakamali po kayo, mahal na Emperador!" sagot ni Prinsipe Lucius. "Hindi po kasapi sa aming deligado ang mga taong ito," paliwanag niya. "Sila po ay mula sa isa sa aming mga probinsiya, at hindi sa aming kabisera."

"Gayun pa man, sila'y galing pa rin sa inyong kaharian!" pilit ng isa sa mga sundalo. "Sumama ka na sa amin upang kayo ay matanong tungkol sa kaganapan na ito!"

Napatingin sa akin si Prinsipe Lucius. Napansin kong nagkukumpol sa kaniyang likuran ang mga kawal na kaniyang kasama.

"Prinsipe Lucius," wika ng isang sundalo na nakasuot ng palamuti ng mga heneral. "Ano ang iyong payo?"

"Wala akong balak na masama sa aming pagbisita rito," wika ng prinsipe ng Ignus. "Malinis ang aking hangarin at kunsensiya, kaya ako ay kusang loob na sasama at sasagot sa inyong mga katanungan."

"Mahal na Prinsipe Lucius..." ani ng isa pang heneral ng Ignus.

"Huwag kayong mag-alala," sagot ni Prinsipe Lucius na nakangiting humarap sa kaniyang mga heneral. "Umaasa akong maayos akong itatrato ng mga Ravante. Bilang prinsipe ng Ignus, at katulad nilang maharlika."

"Kung gayon, ay sasama kami sa aming prinsipe," sagot ng mga heneral ng Ignus.

"Sumunod kayo sa amin," sabi naman ng heneral ng aking ama na si Heneral Asistio.

"Huwag kayong mag-alala, ita-trato namin kayo bilang bisitang pangrangal sa kabila ng mga pangyayaring ito," pahayag ni Haring Domingo. "Heneral Romulo," tawag niya sa pinaka mataas niyang heneral, "Samahan mo sila sa tore sa Silangan, at siguraduhing maayos ang kanilang kalagayan doon."

"Masusunod, mahal kong hari," sagot ni Heneral Romulo.

"Maayos ba ang iyong kalagaya, Marius?" tanong kong muli sa aking kabigkis. "Ano ba ang ginawa sa iyo ng babae na iyon?"

"Hiniwa niya ang tali sa aking maskara," sagot niya na sumandal sa aking dibdib. "May hawak siyang pangsapal sa bibig, ngunit nahawakan ko agad ang aking maskara bago pa ito mahulog, at natabig ko ang kaniyang kamay, kaya't nabitawan niya ang pangsapal..."

"Balak nilang takpan ang iyong bibig?!" singhal ko.

"Oo, at mukhang balak nila akong dakipin..."

"Nais nilang isama tayong dalawa..." sabi ko, naalala ang utos ng isa sa mga kawal kanina.

"Ngunit bakit? At napaka lakas ng loob nilang tayo ay atakihin sa sarili nating balwarte!"

"Marius, Theo," tawag sa amin ni Haring Domingo matapos utusan ang mga kawal na alalayang umuwi ang mga panauhan. "Kamusta ang inyong kalagayan?"

Lumapit na rin sa amin ang aking amang Emperador. "Aking anak, nasaktan ka ba?"

"Maayos po ang kalagayan namin, ama..." tugon ko, at sa aking pagbitaw kay Marius na nakasandal sa akin ay nabitawan naman niya ang kaniyang maskara.

'Klang!'

Nahulog ito sa lapag, at sa pagbungad ng kaniyang mukha ay napatitig ang ama kong Emperador sa aking kabigkis.

Nagsiluhod sa lapag ang ilang taong napatingin sa kaniyang mukha. Lahat sila ay namangha sa kaniyang kagandahan. Ang ilan naman ay nagkandarapa at parang nawala sa sarili at nagpumilit na kapitan ang kaniyang paa.

"Ang iyong maskara!" Napasimangot ako at hinatak si Marius sa aking dibdib. Agad kong tinakpan ang kaniyang mukha.

Agad pinulot ni Haring Domingo ang maskara sa lapag at iniabot iyon sa akin.

"Pumanik na rin kayo sa inyong silid," ani niya.

Itinakip ko ang maskara sa mukha ni Marius. Hinawakan niya iyon.

"Paraanin ninyo kami," ani niya, at nagmamadaling nagbigay daan ang mga tao sa aming harapan.

Habang papuntang tore sa Timog kung saan naroon ang aming silid, napadaan pa kami kina Prinsipe Lucius.

Kakaiba ang tingin niya kay Marius... mukhang nakita rin niya ang kaniyang mukha. Napatingin siya sa akin at bahagyang tumango. Tumango rin ako pabalik sa kaniya.

"Halika na, Theo." sabi ni Marius sa tabi ko, at madali na kaming umalis.