Ika-labing-dalawa na Bahagi

Nagliwanag ang gabi sa mga paputok na pinasindihan ng Emperador. Galing ito sa kaharian ng Ignus, ilan sa mga kalakal nilang hinahangaan ng buong imperyo.

Pinailawan naman niya sa mga magus ng Heilig ang buong palasyo gamit ang mga bolang plasma. Pinalutang nila ito sa mataas na simboryo ng silid kung saan kami magdiriwang. Nakabukas ang gitnang parte niyon, sa tuktok ng nakaangat na dais kung saan nakahanda ang mga mesa na aming uupuan.

Magkakasunod kaming pumasok habang patuloy na gumuguhit ang makukulay na bulaklak sa langit.

Umupo ang Emperador sa gitna ng dias, sa isang malaking trono na yari sa inukit na ginto na ginayakan ng mamahaling mga bato. Nakaangat ito sa lahat ng mga tauhan sa handaan.

Sa may baba naman niya kami nakapuwesto, sa isang mahabang mesa na nakaharap din sa mga panauhin at mga artistang nagtatanghal.

Katabi ko sa kanan si Marius na katabi naman ang bunso naming prinsesa, si Princesa Camilla. Tahimik siya, hindi nagsasalita at nakatungo lang buong okasyon.

Sa aking kaliwa naman ay ang aking mga nakatatandang mga kapatid.

Ang panganay naming si Heneral Manuel na siyang namumuno sa mga espesyal na kawal ng hari, si Maestro Aurelio na namumuno sa mga mananaliksik ng buong imperyo, at si Duke Ricardo na namamahala naman sa kalakalan.

Hindi ko masyado pinansin ang mga palabas at kaganapan nang gabing iyon.

Masyado kasi akong nag-aalala sa mga nalaman ko sa aking ama, pa na rin sa aming balak tanghalin bago matapos ang gabi.

'Kailangan ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan,' utos ng ama kong Emperador sa akin. 'Kailangan nating sindakin ang sino mang nagbabalak kumalaban sa atin.'

At kahit pa tutol dito si Marius, at pati na rin ako, ay wala akong nagawa kung hindi ang sumunod sa iniutos sa akin ng Emperador.

Para na rin ito kay Marius.

Dahil kung ang sindak ay maaring magamit upang maudlot ang kanilang mga plano, ay siya ko itong gagamitin, mabigyan lang kami ng panahon upang gumaling ang kaniyang lalamunan ang manumbalik ang kaniyang kakayahan.

"Maligayang pagdating, kapatid!" masayang bati sa akin ni Heneral Manuel na lumapit sa aking tabi.

"Salamat, Heneral Manuel," tugon ko sa kaniya.

Napatawa siya sa akin. "Hindi ba at kuya ang dati mong tawag sa akin?" sabi niya. "Ibalik mo na lang ako sa kuya, mas sanay ako sa ganoon, at talagang nasabik ako sa aming munting prinsipe."

Inakbayan niya ako at ginulo ang aking buhok, tulad nang kaniyang ginagawa mula noong kami ay mga bata pa.

"Mabuti at naisipan mo nang mamalagi ngayon sa ating kaharian, nang huli kitang nakita ay nang ikaw ay nagbinata sa kaharian ng Hermosa, dalawang taon na ang nakalilipas, at ngayon, mukhang malapit mo na akong malampasan!" muli siyang natawa.

"Kahit ako ay matagal nang lumampas na sa iyo, kuya Manuel," sabi naman ni Maestro Aurelio.

Kung gaano kaingay at kakulit ang kuya Manuel, ay ganon naman ka-seryoso ang aking kuya Aurelio na mas hilig magkulong sa silid aklatan kesa lumabas sa hardin at makipag habulan sa amin.

Nakatayo siya ngayon sa tabi ni kuya Manuel, at napansin ko nga na malaki ang ikinatangkad niya rito, bagamat siya ay medyo patpatin.

"Maligayang pagbabalik," bati rin ni Kuya Aurelio sa akin. "Paumanhin at hindi kita nabisita ni minsan sa Hermosa," dagdag niya, "masyado akong nawili sa pagiging pantas sa unibersidad dito sa kabisera."

"Huwag mo nang isipin iyon, kuya Aurelio, balita ko nga ay nagtuturo ka ngayon sa unibersidad tungkol sa makabagong mahika?"

"Oo, isang pag-aaral ito tungkol sa pinaka maliliit na bahagi ng mga bagay," pagmamalaki niya sa amin. "Balak kong alamin ang pinagmumulan ng enerhiya ng mga bagay na may buhay."

"Kamusta ka naman, kuya Ricardo?" bati ko sa pangalawa kong kapatid na abala sa pagkain.

"Maayos, maayos!" sagot ni kuya Ricardo, sabay tungga sa isang kopitang puno ng alak.

"Hay, ang kuya mong iyan ang laging kabuntot ng ating amang Emperador," buntong hininga ni kuya Manuel. "Nakuha na niya pati ang bisyo at ugali ng ating ama, mula nang mawala ang ina nating emperatres! Kung saan man magpunta ang Emperador ay laging kasama ang kuya Ricardo mo at ang kaniyang paboritong mga heneral!" nagtawanan ang aking mga kapatid.

Napatingin naman ako sa aking kanan, sa bunso naming katabi ni Marius. "At ikaw, Prinsesa Camilla?"

Ngumiti siya nang bahagya at pinaglaruan ang pagkain sa kaniyang pinggan.

"Maayos naman ako, Kuya Theodirin," mahinang sagot ng aking kapatid.

"Siya nga pala, hindi ko pa nabibisita ang puntod ng ating ina!" sabi ko sa aking mga kapatid. "Hindi ako pinayagan noon makauwi ni ama, kahit anong pilit pa ang ginawa ko, kaya ngayon ay nais ko itong bisitahin."

Naalala ko nga ang panahon na iyon.

Ang pamimilit ni ama na may magtatangkang kumitil sa aking buhay kung sakaling ako ay umuwi.

Hinarang noon ng mga tulisang Ignus ang karwahe ng aming ina, kasama ang kapatid naming si Camilla. Nakaligtas si Camilla, ngunit hindi pinalad si Inay, at mula noon ay lagi nang tulala ang kapatid naming prinsesa.

Matapos noon ay lagi nang iniisip ni Ama na may mga taga-Ignus na nagtatangka sa aming buhay, lalo na sa akin na kaniyang tagapagmana.

"Huwag mo nang isipin pa ang pangyayaring iyon," sabi ni kuya Manuel. "Sa araw na ito, kailangan nating magsaya at magdiwang!"

"Tama! Uminom ka pa ng alak, Theodorin! Ikaw ang bida sa gabing ito!" sabi ni kuya Ricardo, sabay abot sa amin ni Marius ng kopita ng alak. "Magpaka-busog tayo at magpakalasing!"

"Mukha atang hindi ka kumakain?" tanong ni kuya Manuel nang mapansin si Marius na tahimik lang na nakatabi sa akin. "Sa pagka-alala ko ay hindi ka naman ganitong katahimik noon?"

"Nakakain na kami, bago pa kami lumabas dito," paliwanag ko sa kaniya. "Alam naman ninyo na hindi maaring alisin ni Marius ang kaniyang maskara sa harap ng mga ordinaryong mamamayan."

"Tama, hindi lahat ng nilalang ay kayang matagalan ang glamoroso nilang anyo," sabat ni kuya Aurelio. "Minsan nga ay nais kitang makausap at magtanong nang ilang mga bagay tungkol sa mga kakayahan mong ito," ani niya kay Marius.

"Minsan ay dapat ka ring bumisita sa amin sa Hermosa, Maestro Aurelio, alam mo naman na naroon ang pinaka malaking unibersidad sa buong imperyo!" sabi ko sa kaniya.

"Ah... alam mo namang mahina ako pagdating sa pagbiyahe..." tumatawa niyang sinabi.

"Teka, bakit nga ba tila masyadong tahimik si Marius ngayon?" tanong naman ni kuya Manuel.

"Napagod lang siya sa ginawa naming pag 'talon' ng mga barko kahapon," sagot ko para kay Marius.

Wala'ng may alam nang tunay na kalagayan ng aking kabigkis.

Ang alam lang ng mga tao sa aming paligid ay may nagtangkang maglason sa kaniya. Walang ibang may alam ng katotohanan na may pumuntirya sa kaniyang kapangyarihan.

Na hindi pa niya kayang magsalita sa ngayon.

Tanging ako, si Maestro Flores, at ang ama kong emperador lang ang siyang may alam nito.

"Kung gayon ay kailangan mong kumain nang mas marami upang mabawi mo agad ang iyong lakas!" dagdag ni kuya Manuel.

Lumapit si Marius sa akin, at kunwari ay may ibinulong. Isa itong paglilinlang na aming naisipan.

"Salamat, kuya Manuel, sa inyong pag-aalala" sabi ko. "Iyan ang sabi ni Marius."

"Walang anu man," nakangising sagot ni kuya. "Basta't alagaan mo ang iyong sarili."

Napatingin siya sa palabas na komedya sa aming harapan, at sa ama namin sa mataas na upuan na walang humpay ang pag-tawa. Mukhang lasing nanaman siya.

"Ano nga pala ang balak ninyong gawin bago matapos ang gabi?" tanong niya sa amin.

"Sikreto!" nakangiti kong sagot. "Hintayin na lang ninyo mamaya ang aming palabas. Tiyak, magugustuhan ninyo ito."