Ika-labing-tatlo na Bahagi

Nagpatuloy ang mga kaganapan.

Ilang aktor at mang-aawit pa ang nagtanghal sa aming harapan. Mayroon ding mga dalubhasang mga magus na pinakitaan kami ng kakaiba nilang kapangyarihan. Nang sa wakas, at natapos din ang mga palabas, ay tinawag na kami ng Emperador.

"Prinsipe Marius... aking anak, humarap na kayo sa ating mga mamamayan..." wika niya. "Ang Gintong Anak ng Heilig, at ang Dilang Pilak mula sa linya ng mga Enkantadong Ravante!" pagmamalaki niya. "Sa isang iglap lang ay dinala nila ang aking hugbo mula sa kabilang dako ng mundo pabalik dito sa kabisera!"

Naghiyawan at nagpalak-pakan ang mga panauhin namin. Mukhang lalo namang ginanahan ang aking ama.

"Ngayon ay may inihanda rin silang palabas para sa ating lahat!" sabi niya bago humarap sa amin. "Ipakita ninyo sa ating mga mamamayan ang kapangyarihan ng Ginto at Pilak!"

Tumayo kami ni Marius sa aming pagkaka-upo.

Hinawakan ko ang kaniyang kamay, at tumingin sa aming likuran kung saan ay may malawak na parang sa tabi ng gusali.

Nagkunwari si Marius na nagsalita sa tabi ko, at kasabay nito, ay tinaas namin ang aming mga kamay.

Inuna ko ang Tubig, ang elemento ng buhay.

Pinabukal ko ito mula sa gitna ng lupa.

Sinunod ko ang hangin, na pinatigas ang tubig sa anyo ng isang babaeng nakataas ang kamay sa langit.

Tapos noon at pinaglaruan ko ang apoy na siyang tumutupok sa lahat. Biglang naging usok ang nalusaw na yelo.

Ito ang tatlong pangunahing elemento.

Sumunod naman ay pinalago ko ang mga halaman sa paligid.

Ito ang pangalawang antas ng kapangyarihan ng tubig – ang pagmamanipula sa buhay na maaring gamitin sa pagtanim ng halaman at pati rin sa paggamot ng mga nilalang.

Tumaas sa langit ang sanga ng mga puno, ngunit sa pag angat nila ay tinamaan sila ng kidlat – ang pangalawang antas ng kapangyarihan ng hangin.

Nagliyab ang tuktok ng malalaking puno at nahulog ito pabalik sa lupa, ngunit bago pa man ito lumagapak, ay bumuka ang malaking bahagi ng lupa at nilamon ito.

Ang pangalawang antas ng kapangyarihan ng apoy ay ang pagmamanipula sa lupa – ang mga buto ng mundo.

Ngayon naman ay ang ika-tatlong antas ang aming ipinakita.

Ang antas ng mga malalakas na magus at maestro sa imperyo.

Muling umangat ang lupa. Lumabas mula rito ang nagniningningang mga dyamante at mamahaling bato na nagmula sa kailaliman nito. Bumuo ito ng gintong tore na pumaikot sa sarili at nagkorteng dalawang kidlat na nagtagpo sa tuktok.

Ito ang simbulo ng pamilya Heilig na ginawa ko sa pamamagitan ng pagmanipula ng mga bakal at mineral mula sa ilalim ng lupa.

Sunod ay gumawa ako ng plasma – ang kasunod na antas ng hangin at kidlat. Nag-ilaw ang langit at ipinakita ang mga simbulo ng mga pangunahing pamilya sa imperyo – ang dalawang buwan ng mga Ravante, pati na rin ang araw ng Ignasius, gayun din ang simbulo ng iba pang mga pamilyang maharlika ng Imperio.

Hangang-hanga ang lahat sa ipinakita kong palabas na pagmamanipula sa siyam na mga elemento. Pero may karugtong pa ang mga ito.

Ang ika-apat na antas ng mga elemento.

Iilang mga dalubhasa lamang ang nakakagamit at manipula nito, dahil sa lubha itong mahirap at mapanganib gamitin.

Mula sa lupa ay may lumabas na nilalang. Isang bagay na nilikha ng aking mahika.

Ito ang ika-apat na antas ng elemento ng tubig – ang paglikha ng buhay.

Isa itong mahika na ipinagbawal mula pa noong huling magkagera sa aming mundo, ilang libong taon na ang nakalilipas. Ngunit kinailangan ko itong gamitin ngayon, upang ipakita ang aking kapangyarihan.

Tinaas ko ang aking kanang kamay.

Lumabas ang nilalang mula sa gitna ng nagniningning na mga bato. Gawa ito sa laman, ngunit walang ganap na korte. Ilang galamay ang nakalibot sa katawan nito, at ang bawat galamay at may mata sa dulo na nalilibutan ng matatalim na sungay. Kasing taas ito ng tore ng palasyo, at ramdam ko ang takot ng mga tao sa paligid, nang isang nakatitindig balahibong sigaw ang magmula sa nilalang.

Agad magtago ang ilang panauhin, at hinimatay pa ang iba.

Tinaas ko naman ang aking kaliwang kamay. Isinara ko ang aking kamao paikot, piniga ito, at parang lantang gulay na nahulog ang mga galamay ng nilalang.

Kung kaya kong magbigay ng buhay, ay kaya ko rin itong kitilin.

Parang lata na unti-unting nayupi ang ginawa kong nilalang.

Ito ang kapangyarihan ng 'grabitasyon' na maaring gumawa ng malakas na 'vacuum' o 'kawalan'.

Ito ang napakalakas na hatak na nagmumula sa apoy sa kalagitnaan ng lupa. Ang lakas na kayang higupin ang lahat, pati na rin ang liwanag.

Kinakailangan ko itong bantayan, bago pa nito higupin ang lahat ng bagay sa paligid. Bumukas ito sa kalagitnaan ng dambuhalang halimaw na naunti-unting lumiit at nasiksik sa kanyang sarili hanggang sa maging kasing laki na lang ito ng isang baul.

Ngayon ay inilabas ko naman ang huling kapangyarihan – ang natatanging kapangyarihan ng pamilyang Heilig.

Nagbukas ako ng 'lagusan'.

Isang pintuan ito na nalilibutan ng matatalim na kidlat at nagbubukas ng daan papuntang kalawakan.

Hinigop nito ang natira sa dambuhalang halimaw, na ngayon ay kasing laki na lang ng isang karwahe. Agad ko rin itong isinara.

Naghari ang katahimikan.

Matagal bago may nangahas na pumalakpak, na unti-unting sinundan ng iba pang mga panauhin.

At bago pa tuluyang magbunyi ang mga bisita, bago pa muling magsalita ang aking ama na mukhang nawalan na ng kalasingan, ay hinatak ko palayo si Marius, at magkasama kaming bumalik sa aming silid.

Tapos na ang palabas sa araw na ito.