Ika-labing-lima na Bahagi

Patago kaming lumabas ng palasyo ng Emperador.

Marami akong alam na mga lagusan, mula pa sa pagkabata, noong madalas kaming tumakas ng aking mga nakatatandang mga kapatid upang maglaro sa hardin.

Nagsuot si Marius ng tunikang itim na may mataas na kuwelyo upang itago ang mga halik ko sa kaniyang leeg, ako man ay itim din ang suot, isang simpleng tunika na maiksi ang mga manggas. Parehas kaming nagsuot ng balabal at nagpataw ng mahika sa aming sarili upang makahalubilo kami sa mga tao sa kabisera nang hindi nakikilala ninuman.

"Nakikita mo ba ang lugar na iyon?" turo ko kay Marius na nakatakip ang balabal sa ulo upang maitago ang kaniyang maskara. "Napaka sarap ng tinda nilang kakanin sa lugar na iyon."

Isang simpleng maskarang kahoy lang ang suot niya upang hindi makaagaw-pansin. Inakay ko siya papunta sa tindahan para bumili ng ilang pagkain.

"Taga saan po kayo?" tanong sa akin ng binatang nagtitinda roon. "Kadadating lang ba ninyo sa bayan namin?"

Hinimas ko ang pekeng balbas na pinatubo ko sa aking mukha. "Tama, galing pa kami sa kaharian ng Hermosa, kung saan kami dati naninirahan."

Nagpigil si Marius ng tawa.

"Ah, ganoon po ba? Balita ko, nasa kabisera ngayon ang prinsipe na susunod na hari ng Hermosa," kuwento ng tindero sa amin. "Ang sabi nila ay napakalakas daw ng prinsipe na iyon, na nakaya niyang dalhin ang barko ng Emperador, pati na ang lahat ng mga barkong mandirigma niya mula Hermosa pabalik dito sa kabisera nang isang kisap mata!"

"Talaga?" tanong ko sa kaniya, "Sayang nga at hindi namin naabutan ang kaniyang pagdating kahapon! Kahit sa aming bansa ay walang ordinaryong mamamayan na nakakakita sa kaniyang mukha. Pero, bakit naman kaya niya naisipang pumunta rito sa kabisera?"

"Ang usap-usapan ay ikakasal daw sila ng Prinsipe Theodorin na ngayon din lang umuwi mula sa Hermosa," bulong ng binata.

Nabigla kaming pareho ni Marius sa balita.

"Totoo ba ito? Ngunit hindi ba't pareho silang lalaki?" muli kong tanong.

"Naku, at kailan pa `yun naging sagabal sa pagmamahalan?!" natawa ang tindero. "Isa pa, hindi papayag ang Emperador na mapunta pa sa iba ang makapangyarihang enkantado na may Dilang Pilak!" dagdag ng binata. "Siguradong ngayon pa lang, pinaplano na nila ang kasalan!"

Nagpasalamat ako sa lalaki at magkaakay kaming umalis ni Marius, parehong tahimik, hanggang sa makapunta kami sa isang parke at naghanap ng lugar kung saan kami maaring kumain nang tahimik.

Inalis ni Marius ang kaniyang maskara, ngunit iniwan ang kaniyang balabal. Sinubukan niya ang isang kakanin, tapos ay isa pa, hanggang sa halos maubos na niya ang lahat!

Mukhang nasarapan nga siya sa mga iyon.

Tuluyan siyang kumain, habang pinanonood ko siya nang may ngiti sa mga labi.

"Ikakasal daw tayo," sabi ko nang nakangisi.

Nasamid si Marius!

Tinapik ko ang kaniyang likod, natatawa, nang kumuha siya ng pluma at papel at magsulat dito.

'Napakasaya KUNG totoo,' ayon sa kaniya.

"Maari nating gawing totoo."

Napatingin sa akin si Marius. Nanlalaki ang kaniyang lilak na mga matang kumikislap, nangungusap sa akin, habang mapula ang kaniyang mga pisngi. Napatingin siya sa magkabilang gilid, sa baba, napahiya.

"Matapos nating magpahinga, sa mercado naman tayo magtungo, maraming mga tindahan doon ng mga alahas, mga palamuti, at iba't-ibang mga kakaibang kontrapsyon na siguradong magugustuhan mo." Inubos ko na ang aking kakanin at nagpagpag sa pagtayo. "Sa tingin ko rin ay mas maayos ang balitang masasagap natin doon."

Sa pagdating sa merkado ay inuna naming puntahan ang tindahan ng isang kilalang artisan at mag-aalahas. Gumagawa rin siya ng mga relo at mga kakaibang kontrapsiyon at laruan.

Ang madalas niyang kliyente ay mga mayayaman at maharlika, sapagkat sila lang ang may kakayahang bumili ng kaniyang mga paninda.

Tuwang-tuwa si Marius nang makita ang mga mekanikal na manikang nagsisigalawan sa estante sa harapan ng kanyang tindahan.

"Ginoo, huwag kang masyadong sumandal sa estante, at baka kulang pa ang katawan mo pambayad sa aking mga paninda!" sabi ng matandang lalaking may kaedaran na lumabas sa kaniyang tindahan.

"Napaka ganda naman ng iyong mga paninda, ginoong Flavier!" bati ko sa kaniya bago pa makapagreklamo si Marius na mukhang nainsulto.

Kilala ko siya dahil siya ang laging gumagawa ng aming mga laruan sa palasyo. Siya rin ang alahero ng aming pamilya.

Tinignan ako ni ginoong Flavier mula ulo hanggang paa at napa-ismid. "Talagang maganda, at `di nababagay sa itsura ng mga ka-uri ninyo!" sabi niya sa mapagmata niyang tinig.

Hindi ko alakain na masama pala ang ugali nang taong ito!

"Umalis na kayo sa harap ng aking tindahan, kung hindi ay ipadadakip ko kayo sa mga kawal! Nakakabulahaw ang inyong itsura!"

Lumapit sa kaniya si Marius!

Tinaas nito ang kaniyang kamay, naiinis sa inambaan ang mag-aalahas. Agad ko siyang hinatak pabalik at inikot sa aking likuran, ngunit hindi bago nakita ni ginoong Flavier ang pilak na simbulo na naka burda sa tunika niya nang dumulas ang manggas ng suot niyang balabal. Ang buwan na may cresento sa looban.

Napatitig dito ang mag-aalahas, kilala niya iyon.

Kilala ito nang lahat nang tanyag na mga artisan bilang isa sa mga simbulo ng mga pangunahing pamilya sa imperyo.

Ito ang simbulo ng punong pamilya sa kaharian ng Hermosa!

"AH!" napasinghap ang artisan, "I-Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kalapastanganan!" Agad siyang nagpatihulog sa aming harapan!

"Tumayo ka ngayon din!" tumingin ako sa paligid. Buti na lang at walang ibang tao sa daan.

Hinatak ko siya patayo at isinama papasok sa kaniyang tindahan. Kasunod namin si Marius na galit na nagdadabog, binalibag pa niya ang pinto sa aming likuran.

"I-ipagpaumanhin po ninyong muli!" at nagpatihulog nanaman ang matanda sa sahig habang nakaharap kay Marius. "H-hindi ko po alam na may maharlika pala sa aking harapan... a-ano po ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?"

"Nais lang naming tumingin sa paligid," sabi ko sa kaniya. "At ipasasalamat namin ang iyong pagsikreto sa aming pagdalaw ngayong araw na ito," dagdag ko.

"M-makakaasa po kayo..." muli siyang napatingin kay Marius at napansin ang maskarang suot nito. "K-kung hindi ako nagkakamali, kayo po ay mula sa pamilya ng hari ng Hermosa?" tanong niya.

"Ganoon na nga," sagot ko, samantalang si Marius ay nakahalukipkip at naiinis pa rin sa kaniya.

"Ah... minsan na po akong nabigyan ng karangalan upang gumawa ng laruan para sa inyong pamilya... at pinalagay po rito ang simbulo ng mga Ravante – ang bilog na buwan na sa loob ay may kresento... At alam ko po na tanging ang hari at ang pamilya lamang niya ang pinapayagang magsuot ng simbulo na ito... kung gayon ay, ikaw si prin-"

"Masyado kang madaldal, ginoong Flavier," bara ko sa kaniya. "Kami ay karaniwang mamimili lamang."

"Ah... t-tama... tama... ano po ba ang inyong hinahanap, ginoo?" muli siyang humarap sa akin. Buti na lang at hindi niya ako namumukhaan.

Sa bagay, Pitong taon lang ako nang huli kaming nagkita.

Hinatak ni Marius ang aking manggas. Umiling siya sa akin at itinuro ang pintuan.

"Mukhang walang nagustuhan ang aking kasama," sabi ko sa mag-aalahas.

"G-ganoon po ba..."

Susunod pa sana siya sa amin palabas, ngunit hinarap ko siyang muli, tinitigan sa mata, at inutusan; "Kalimutan mo na ang pangyayaring ito," wika ko. "Ordinaryong mamimili lang ang pumasok sa iyong tindahan, at pinalabas mo sila dahil hindi sila mukhang mayaman. Iyan ang iyong matatandaan."

Napakurap ang matanda, napailing, at tumingin sa akin nang may inis. "Ano ang ginagawa ninyo sa aking tindahan?" galit niyang sigaw sa amin. "Lumabas kayo! Labas! Madudumihan lang ang mga paninda ko sa inyo!"

Lumabas na nga kami ni Marius ng tindahan.

Wala nang maaalala ang isang iyon ngayon. Minanipula ko ang kaniyang alaala, isang kapangyarihan ng buhay na kaya ko rin gawin, bagamat paisa-isa lamang.

Muli kaming naglakad.

Malalaki ang lahat ng mga gusali sa kalsada ng mga sikat na mercado, ngunit karamihan sa kanila ay nakasara, ang ilan namang nakabukas, sa may pintuan pa lang ay may mga bantay nang masasama ang tingin sa amin.

Nang malapit na kami sa dulo ng kalsada ng mga artisan, ay may nakita kaming lalaking naglalako sa may kanto.

Itinuro siya ni Marius sa akin.

May tinda rin siyang mga laruang gumagalaw sa pamamagitan ng maliit na susi, at napapalibutan siya ng ilang mga batang gusgusin.

"Nakakatuwa naman iyan," sabi ko sa paglapit namin. "Maari po ba namin siyang masubukan?"

"Sige lang, mura lang `yan kung gusto n'yo, limang pirasong pilak lang bawat isa!" nakangising sagot ng lalaki. "Ito, o, nababagay sa kasama mo!"

Inabutan niya si Marius ng isang manyikang nakasoot ng magarang bestida at sinusian ang likod nito.

Gumalaw ang mga kamay ng manyika, lumingon lingon ang ulo, at bigla na lang bumuka ang mukha at nag-anyong diablo!

Muntik na itong mahulog nang mabitawan ito ni Marius sa gulat! Buti na lang at nasalo ko ito agad bago pa siya mahulog sa lapag!

"Dahan-dahan po, `pag nasira mo, babayaran mo `yan!" nakangising sabi ng lalaki habang nagtatawanan ang mga bata sa paligid.

"Nakakatuwa naman ang isang ito, kaibigan!" tumatawa kong sinabi, samantalang si Marius ay napapadyak sa inis.

Alam niyang sinadya ng lalaking ibigay sa kaniya ang laruang iyon para magulat siya, at `pag nabitawan at nasira, ay mapilitan kaming bayaran ito!

"`Yan ang isa sa `king mga obra maestra!" pagmamalaki niya sa amin. "Ang nakatagong diablo sa likod ng maskarang nakangiti!"

Napansin kong natigilan si Marius na napatitig sa kaniya.

May kinuha siya sa bulsa ng kaniyang tunika at naglabas ng pera.

Isang pirasong gintong barya.

"Gusto mo itong bilhin?" tanong ko sa kaniya.

Tumango siya sa akin.

"Wala ka bang barya? `Langya naman... `la pa `kong benta!" sabi ng lalaki. Pinagmasdan ko siya, iniisip kung saang lugar siya galing dahil sa kakaiba niyang punto at paraan ng pagsasalita. O baka naman ganito lang talaga magsalita ang karaniwang mga tao na hindi edukado?

Nakasuot siya ng turban sa kaniyang ulo, may itim na chaleko sa ibabaw ng kulay kahel na tunikang mahaba ang manggas, at itim na pantalon na nakapasok sa hanggang tuhod niyang bota na kulay tsokolate. Malalim ang mata niyang kulay uling na nagbabaga at kayumanggi ang balat na tila babad sa araw.

Nakatitig pa ako sa kaniya nang umabot si Marius nang isa pang laruan mula sa banig sa harap ng lalaki.

Isa itong karwahe, gaya ng mga hatak-hatak ng mga kabayo, ngunit tulis ang isang dulo nito at walang kabayong humihila dito.

Yari ito sa bakal at may dalawang dangkal ang laki. Mukhang mabigat ito dahil bitbit ito ni Marius ng dalawang kamay.

"Ah, gusto mo `yan? Tinatawag ko `yang 'Singaw-Tubig'!" pagmamalaki ng lalaki. "`Lika rito, papakita ko sen'yo kung pano `yan gamitin!"

May kinuha siyang takure mula sa kaniyang likuran, at inabot ang 'Singaw-Tubig' kay Marius nang isang kamay.

May inangat siyang takip sa isang dulo ng laruan, at nilagyan ito ng kumukulong tubig habang pinanonood namin siya, kasama ang mga batang kalye sa paligid.

Matapos mapuno ang butas ng tubig ay may pinindot siya sa ilalim na siyang nagsindi ng maliit na apoy sa loob ng patulis nitong bahagi.

Pagkatapos ay inilagay niya ang 'Singaw-Tubig' sa lapag, at namangha kaming lahat nang makitang umusok ang isang tubo sa tuktok nito, lalo na nang magsimulang umikot ang mga gulong nito at tumakbo sa kalsada!

"Ang galing! At wala itong ginagamit na mahika, tanging mainit na singaw lang mula sa kaniyang tsimenea!" wika ko sa aking pagmamasid, habang hinahabol ni Marius at ng mga bata ang 'Singaw-Tubig'.

"Ha-ha, ang galing mo, ha, napansin mo agad `yon!?" tugon ng lalaki. "Pinag-aralan ko kasi ang nagsasayaw na takip ng takure tuwing nagpapakulo ako ng tubig, naisip ko, 'pano kaya kung ikulong ko `yung singaw ng tubig at gamitin `yun bilang 'panulak' ng isang bagay?' at ayan nga, may laruan na `ko!"

"Nakakamangha at naisipan mo iyon, sa panahon natin na halos lahat ng bagay ay pinagagalaw at ginagamitan ng mahika, walang mag-iisip na gamitin ang singaw ng pinainit na tubig para makapagpagalaw ng mga bagay!"

"Ha-ha, `di naman kasi lahat ng lugar, maraming mahika," sagot niya. "Sa pinanggalingan ko, halos wala nang mahika sa paligid, mahina rin ang mahika ng mga tao, ang iba pa nga, pinapanganak na walang mahika sa katawan..."

Napatitig akong muli sa kaniya. "Saang pook ka nga ba nagmula, ginoo?" tanong ko, nang maalala ko ang aking asal. "Ah, bago ang lahat, ako nga pala si Tanis, at ang kasama ko naman ay si Angelo," sabi ko, gamit ang huwad naming pangalan. "Kadarating lang namin dito sa kabisera, galing sa mga isla ng Hermosa."

"Ako naman si Nico," sagot niya, sabay abot ng kamay sa akin. "Galing ako sa Kanluran, sa kaharian ng Ignus."