Sa kabila ng bigat ng sitwasyon, hindi mapigilan ni Lucas ang excitement na gumapang sa kanyang katawan. Ito ang unang pagkakataon na makakalabas siya sa kwartong iyon, ang unang hakbang sa pagtuklas ng mundong ginagalawan ngayon ng kanyang bagong katawan.
Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto, sinisilip ang paligid. Wala siyang nakitang kahit sinong naglalakad sa malawak na pasilyo ng mansion. Ang sahig ay gawa sa pinakakumikinang na marmol, at sa bawat gilid ng pasilyo, may mga nakasabit na malalaking pinta ng kung sino-sinong taong mukhang maharlika.
Napabuntong-hininga siya. "Ganito pala kayaman ang pamilyang 'to…"
Sa dulo ng pasilyo, may nakita siyang malalaking bintana. Sa likod ng manipis na kurtina, tanaw niya ang hardin sa labas na napakalawak, puno ng magagarang halaman at estatwa.
Bago pa siya makababa para tingnan ang paligid, may narinig siyang mga yapak sa di kalayuan.
Mabilis siyang umurong pabalik sa gilid ng pinto, siniguradong hindi siya mapapansin. Isang grupo ng mga kasambahay ang nag-uusap habang naglalakad sa pasilyo.
"Narinig mo ba ang tungkol kay Lady Ellie?"
"Oo naman! Parang nabaliw na siya. Sinira niya ang buhok niya, nagsalita nang may kayabangan, at bigla na lang nag-iba ang ugali niya! Ano kaya ang sumapi sa kanya?"
"Dati nga, kahit apihin natin, hindi siya lumalaban. Ngayon? Para siyang ibang tao!"
Napakuyom ng kamao si Lucas. "So totoo nga, inaapi nila si Ellie noon…"
Isa sa mga kasambahay ang humagikhik. "Tsk, sayang. Mas masaya siyang alipustahin noon. Ngayon, parang may ibang nilalang na sumanib sa kanya. Kung hindi lang siya anak ng Duke, matagal na natin siyang natanggal sa mansion na 'to."
Isa pang kasambahay ang sumabat. "Ano kaya ang gagawin ni Duke Elias kapag nakita niyang ganyan ang anak niya? Siguradong magagalit siya."
Napasinghap si Lucas. "Duke Elias…? So siya ang ama ng katawan na 'to."
Napalingon ang isa sa paligid. "Naku, 'wag kayong maingay. Baka may makarinig sa atin."
Tumawa ang isa. "Eh, totoo naman. Kung si Duke Elias ang makakita kay Lady Ellie na ganyan ang itsura, baka lalo lang niyang kamuhian ang anak niya. Alam niyo namang wala naman siyang pakialam kay Ellie. Isa lang siyang kahihiyan sa pamilya nila."
Nang marinig ito, hindi napigilan ni Lucas ang pagkulo ng dugo niya. Ngayon, sigurado na siya na hindi mabuti ang trato ng pamilya at kasambahay kay Ellie noon. At kung tama ang kutob niya, baka hindi lang ito simpleng pangmamaliit… baka mas malala pa.
Huminga siya nang malalim, pilit pinipigil ang sarili. Hindi niya kailangang magpakita ng galit sa ngayon. Mas mahalaga na mag-obserba muna siya at alamin ang lahat ng dapat niyang malaman.
Dahan-dahan siyang umatras palayo sa pasilyo, binabalak kung paano niya haharapin ang mundong ito. Isa lang ang tiyak, hindi na siya ang dating "Ellie" na kaya nilang apihin.
Oras nang ipakita sa kanila kung sino siya ngayon.
Sa halip na bumalik sa kanyang kwarto, nagdesisyon si Lucas na ipagpatuloy ang kanyang paggalugad sa mansion. Gusto niyang makita ang bawat sulok ng bahay na ito, ang lugar kung saan lumaki si Ellie, at ang lugar na tila naging kulungan sa kanya noon.
Sa huli, narating niya ang isang malaking pinto na tila patungo sa labas ng mansion. Dahan-dahan niya itong binuksan, at doon niya nasilayan ang malawak na bakuran.
Napakaganda ng tanawin. Ang hardin ay puno ng magagandang bulaklak, malalaking puno, at maayos na mga landas na tila dinisenyo para sa mga mararangyang lakad sa hapon. May isang malaking fountain sa gitna, kung saan maririnig ang banayad na pag-agos ng tubig.
Naglakad siya papalapit sa fountain, pinagmamasdan ang malinaw na tubig. Napansin niyang may ilang hardinero na nagtatrabaho sa paligid, pero hindi siya pinansin ng mga ito. Isa pang indikasyon na kahit nasa mataas siyang posisyon, wala siyang tunay na respeto mula sa mga tauhan ng bahay na ito.
Patuloy siyang naglibot sa bakuran. Nakita niya ang isang malaking gazebo na tila perpektong lugar para sa afternoon tea, at hindi kalayuan doon, may isang malawak na training ground na ginagamit ng mga mandirigma ng mansion.
Ngayon, natuklasan na niya ang ilang bahagi ng mansion, at mas lalo niyang naunawaan kung gaano kalaki ang mundong ginagalawan niya ngayon. Ngunit alam niyang marami pa siyang dapat alamin… at marami pang dapat baguhin.
""Ito ang bagong mundo ko," aniya habang pinagmasdan ang malawak na estate. "Gagawin ko ang lahat ng gusto ko at ieenjoy ko ang buhay na ito. At sisiguraduhin kong hindi na nila ako tatapakan muli."
Tumigil siya sa harapan training ground at pinagmasdan ang mga nagsasanay. Ang ingay ng salpukan ng mga espada at sigaw ng mga sundalo ay nagpapaalala sa kanya ng kanyang nakaraang buhay. Napangiti siya. Gusto niyang subukan ang kakayahan ng katawan na ito.
Pumasok siya sa training ground at tahimik na kumuha ng isang espada. Subalit, walang pumansin sa kanya. Isinantabi siya na parang wala lang.
"Ganito ba nila ako balewalain?" bulong niya sa sarili.
Maya-maya, isang lalaki ang lumapit sa kanya. Matangkad ito, may matipunong pangangatawan, at kita sa tindig at mga mata nito ang pagiging isang bihasang mandirigma.
"Baguhan ka ba rito? Hindi kita nakikita sa training ground dati," tanong nito habang pinag-aaralan ang itsura ni Lucas.
Bahagyang nagulat si Lucas. Hindi niya inaasahang may lalapit sa kanya. Ngumiti siya nang bahagya. "Oo… parang ganoon na nga."
Tiningnan siya ng lalaki mula ulo hanggang paa bago tumango. "Ako si Captain Alric, ang namumuno sa sandatahang lakas ng mansion na ito. Kung gusto mong sumubok, maraming espadang ekstrang magagamit diyan. Pero kung wala kang alam, huwag mo nang subukan. Ayaw namin ng istorbo. At isa pa may itsura ka baka masugatan kalang dito."
Naningkit ang mata ni Lucas. Magsasalita pa sana siya nang maramdaman niya ang panghihina ng kanyang katawan. Napagtanto niyang kanina pa siya naglalakad at ngayon ay nagsisimula nang maramdaman ang gutom.
Napabuntong-hininga siya. "Mukhang kailangan ko munang kumain."
Dahan-dahan siyang bumalik sa loob ng mansion at tinunton ang silid-kainan. Pagpasok niya, agad niyang napansin ang isang pigura sa gitna ng mahabang hapag-kainan.
Si Duke Elias.
Nakaupo ito sa gitna ng lamesa, tahimik na kumakain. Nang maramdaman ang presensya niya, dahan-dahan itong napatingin sa kanya.