[1] MAY POGI SA KALSADA

Sa isang inuupahang townhouse sa Loyola Heights, Quezon City.

"Three hundred thirty one…."

 "Three hundred thirty two…"

 "Three hundred thirty three…"

Walang nagbibilang ng barya. Tinatapos lang ng isang dalaga ang pang-umagang ritwal na two hundred push-ups at four hundred sit-ups.

Tumatagaktak ang pawis sa mukha nito. Tinitiis ang hirap at hapdi sa mga kalamnan mapanatili lang ang malakas na pangangatawan.

Tumayo ito nang makumpleto ang pagbibilang. Pumasok sa kuwarto at kumuha ng tuwalya. Sinisipa ang bawat kalat at pinaghubarang damit na nasasagi ng mga paa. Pagkuwa'y pumasok sa banyo at masiglang naligo.

Siya si Alexandra Michaela Preciousa Valdemor, kilala sa tawag na Alex, dalawampu't tatlong taong gulang. May taas na 5'5" at may timbang na 48 kls. At ito ang mga katangiang sana'y taglay niya.

Napakataas ng IQ…... ng nag-iisa at nakatatandang kapatid na lalaki.

Napakalinis sa bahay….. ng kanyang kapitbahay.

 Napakalambing…. ng kanyang lolo.

 Napakagarbong manamit…. ng kanyang nanay.

 Eh paano naman kamo ang mga katangian niya? Heto ang totoo.

Ang utak niya ay tumatakbo lamang sa trabaho. Bago matulog ay iniisip ang gagawin kinabukasan at pagkagising naman ay pinaghahandaan ang maaring mangyayari sa kanyang buong araw.

Hindi palaayos ng sarili. Kung pwede lang na hindi manalamin at magsuklay sa loob ng isang araw ay gagawin niya. Wala ni isa mang hibla ng kaartehan sa katawan dahil itinuturing na kalbaryo ang pagpapaganda. Minsan ay pwede mong pagtakhan kung isa nga ba siyang babae.

Pagkalabas ng banyo, nagsuot siya ng sikip na pantalong maong, puting hapit na T-shirt, leather jacket at itim na boots. Itinali ng mataas ang lagpas balikat na buhok.

Nang makumpleto ang pagbibihis, kinuha niya ang baril na itinago sa kabinet. Isiniksik ito sa panloob na bulsa ng kanyang jacket. Lumabas at isinarado ang bahay. Nagsuot ng helmet at pinaandar ang kanyang motorsiklo.

 Wala pang dalawang kanto ang layo mula sa townhouse, huminto siya sa tapat ng isang mansyon. Ipinasok ang motorsiklo at ipinarada sa garahe. Naglakad siya nang dire-diretso sa loob ng magarang bahay. May kasigaang itinapon ang helmet sa mamahaling sopa.

"Handa na ba ang almusal? Nagugutom na ako," sabi niya habang diretso lamang ang mga tingin.

 "Yes Ma'am Alex!" sagot ng katulong na sumalubong sa pagdating niya.

Lumapit siya sa mahabang hapag kainang may nakahaing mga masasarap na pagkain. Walang sabi-sabing naupo at inumpisahan ang mabilisang pagsubo.

 "Itigil mo na nga yang pagpapanggap mong magsarili!" pasigaw na sabi ni Sylvia.

Napatingin siya sa inang bumababa sa magarang hagdan ng bahay. Nagkibit balikat lamang siya nang makita ang magkasalubong na naman nitong mga kilay. Inaasahan niya na ang simula ng walang kapagurang panenermon nito sa tuwing mabubungaran siya sa umaga.

"Parang wala namang pinagkaiba ang mga pangyayari! Hindi mo pa rin naman magawang asikasuhin ang sarili mong buhay. Bumukod ka nga eh dadalawang kanto lang ang layo. Anong independent-independent ang pinagsasabi mo! Eh tinutulugan mo lang naman ang bahay na yun. Dito ka pa rin naman kumakain, mga katulong pa rin naman dito ang naglilinis ng apartment mo! Ilang beses ko bang sasabihin sayong bumalik ka na lamang sa bahay na to!"

Patuloy lamang siya sa pagsubo ng pagkain. Manhid na ang kanyang mga tenga sa pagbubunganga ng ina.

"O Alex buhay ka pa pala! Akala ko kasama ka na doon sa mga nabaril sa engkuwentro sa isang bangko sa Maynila!" bungad sa kanya ng nakatatandang kapatid na si Dennis. Kabababa lang nito mula sa kuwarto at nakahanda na rin itong pumasok sa trabaho. Isa itong doktor na higit na ipinagmamalaki ng ina niya kumpara sa kanyang propesyon.

 Inismiran lang niya ang nanunuksong kuya. 

"Itigil mo nga yang mga ganyang biro Dennis!" utos ng ina.

"Mom, dapat sinasanay mo na ang sarili mo. Para namang hindi mo kilala yang anak mo! Kung pwede nga lang salubungin ang bala ay gagawin niyan. Kasalanan niyo yan. Pinapaniwala niyo siyang pwede siyang maging si Lara Croft…. Yaya Maring pahinging coffee!"

 "Anong kasalanan ko? Isisi mo yan sa lolo mo!"

Lumabas ang kanyang Lolo mula sa kuwarto nito na matatagpuan lamang sa unang palapag ng bahay malapit sa dining hall. Nagliwanag agad ang mukha nito pagkakita sa kanya.

"My favorite apo! You're here already!"

"Hi Lolo!" bati niya nang may malambing na ngiti.

Pinunasan niya ng tissue ang bibig at malugod na humalik sa pisngi ng matanda. Lolo niya ang sisenta y otso anyos na retired general na si Norberto Valdemor, isang kilala, nirerespeto at maimpluwensiyang dating opisyal ng pulisya.

"Ano hija kumusta ang trabaho mo? Malapit ka na bang ma-promote?" tanong nito habang umuupo sa hapag kainan.

"Huwag kayong mag-alala lolo, malapit ng mangyari ang bagay na iyan. Isang successfull assignment na lang tiyak kong tataas na rin ang ranggo ko!" naka thumbs-up na sabi niya habang puno ng pagkain ang bibig.

Nagkatinginan si Sylvia at Dennis.

"Yan ang hirap sa inyo Papa! Kinukunsinti mo yang si Alex dyan sa pagpupulis niya. Hindi porke't dating heneral kayo ay kinakailangang may magmana sa propesyon niyo!"

"Sylvia, anong magagawa ko kung ito rin ang hilig ni Alex. Eh anong gusto mo, umasa ako diyan sa lalampa-lampa mong anak na lalaki?"

Biglang naubo si Dennis. Binilisan nito ang pag-inom ng kape at kaagad na tinapos ang pagkain bago pa man mapunta sa kanya ang usapan.

 "Oh saan ka na pupunta?" tanong ng ina nang tumayo na ang doktor sa mesa.

 "I need to leave now. May naghihintay sa aking pasyente sa hospital," katwiran nito.

Tinapos na rin ni Alex ang kanyang kinakain. Humalik siya sa kanyang lolo at ina bago umalis.

"Teka nasaan pala si Dad?" pansin niya.

"Nasa Singapore may business meeting," nakasimangot na sagot ng magulang.

 "Ah ganun ba, sige alis na ho ako."

Inirapan lamang siya ng ina samantalang nakangiting kinawayan naman siya ng kanyang lolo habang papalabas siya ng bahay.

Humugot siya ng malalim na buntong-hininga pagkalabas ng hardin. Ganito lagi ang eksena sa umaga. Binubungangaan siya ng ina, tinutukso siya ng kapatid at nilalambing siya ng kanyang lolo. Samantalang ang ama naming si Lauro Valdemor ay madalas na wala sa bahay dahil abala ito sa pag-aasikaso sa kanilang shipping company. Isang bagay na ikinatutuwa niya dahil kahit papaano ay wala ng dumadagdag sa nanenermon sa kanya. Hindi rin kasi ito boto sa pagpupulis niya. Pinagbigyan lang talaga siya nito sa kanyang hilig dahil sa pagbaback-up sa kanya ng lolo.

Muli siyang sumakay sa motorsiklo. Maingat siyang nagmaneho patungong headquarters. Sa kalagitnaan ng pagmomotor niya sa kahabaan ng isang malawak na kalsada ng Katipunan Avenue, may namataan siyang grupo ng mga kabataang kalalakihan na tila nag-aaway sa may sidewalk.

Itinabi niya ang motorsiklo at bumaba dito.

Nagtanggal siya ng helmet at lumapit sa apat na kalalakihan. Mga teenagers pa lamang ang mga ito at mukhang mga college students. Kinukwelyuhan ng isang lalaki ang isang nakasandal sa punong kahoy samantalang nakangisi lamang na nanonood ang dalawa ngunit parehong nakakuyom ang mga kamay.

"Oist! Oist! Anu yan?" sita niya.

Tumingin sa kanya ng masama ang lalaking nangunguwelyo.

"Huwag kang makialam dito Miss! Tuturuan lang namin ng leksyon ang taong ito!"

Napatingin siya sa binatilyong pinagtutulungan ng tatlo. Tahimik at halatang kalmado lamang ito. Walang bakas ng takot ang mukha.

 "Bawal ang mag-away dito. Gusto niyo bang dalhin ko kayo sa mga pulis?"

Walang pagdadalawang-isip na lumapit siya upang tanggalin sana ang kamay ng lalaki sa pagkakahawak sa kuwelyo ng isa. Subalit bago pa man niya ito mahawakan ay sinugod siya ng dalawa nitong kasamahan. Sinubukan siyang suntukin ng mga ito subalit mabilis siyang nakailag.

Sumama na rin ang nangunguwelyong lalaki sa pag-atake sa kanya. Walang tigil sa pagtapon ng mga suntok ang tatlong samantalang patuloy naman siya sa kanyang pag-ilag. Panay hangin lamang ang natatamaan ng mga ito. Hangga't maari ay ayaw niyang patulan ang mga lalaki. Bilang isang pulis, prinsipyo niya ang habaan ang pasensiya sa mga delikwente at menor de edad. Ngunit nang mapagod na siya at tuluyang mapikon, wala siyang nagawa kundi bigyan ang mga ito ng tig-iisang mabibilis ngunit malalakas na suntok sa mukha.

Natumba ang tatlo at nanlalaki ang mga matang tumingin sa kanya. Halatang hindi inasahan ng mga ito ang lakas niya.

"Ano gusto niyo akong labanan! Gusto niyong bitbitin ko kayo sa istasyon ng pulis, ngayon na!" nananakot na sabi ni Alex habang pinandidilatan ang nakahandusay na mga binatilyo.

Natakot ang mga lalaki at sabay-sabay na umiling. Natataranta ang mga itong nagsipagtayuan at mabilis na tumakbo papalayo.

Ngingisi-ngising hinabol ni Alex ng tingin ang mga lalaki. Pinagpagan niya ang mga kamay at itinuwid ang suot na jacket. Noon niya lamang napansin ang naiwang binatilyo. Sa ayos at pananamit nito, halatang isa itong anak-mayaman. Gwapo, maputi, mapupula ang mga labi't pisngi at parang babae sa kinis ang mukha. Tahimik pa rin ito at kalmadong nakatayo. Nakangiting nilapitan niya ito, hinawakan sa ulo at ginusot ang buhok.

"Ayan ligtas ka na. Kinikikilan ka ba ng mga yun? Sa susunod mag-ingat ka. Sayang guwapo ka pa naman!" masiglang sabi niya.

Kaagad na tinanggal ng kausap ang kamay niya sa buhok nito at inilayo ang ulo. Mabilis nitong inayos ang nagusot na buhok. Mukhang hindi ito natuwa sa ginawa niya.

Napanguso siya at sabay taas ng isang kilay. Naamoy niya agad ang pagiging suplado ng kaharap. Pero ganun pa ma'y hindi siya gumalaw sa kanyang kinatatayuan. Hinihintay niya ang dapat sabihin sa kanya ng lalaki. Subalit nanatiling tahimik ito at abala lamang sa pagpapagpag ng nagusot na damit.

"Ano? Hindi ka man lang ba magpapasalamat sa ginawa ko?" hindi nakatiis na sabi niya.

Kalmadong hinarap siya ng binatilyo at diretsong tiningnan sa mga mata.

"Bakit ako magpapasalamat sinabi ko bang makialam ka? Hiningi ko ba ang tulong mo?"

Napanganga siya sa natanggap na sagot at bago pa man siya muling makapagsalita ay tinalikuran na siya ng kausap.

"Aba't antipatikong bata ito ah!"

Samantala, dire-diretsong naglakad ang lalaki nang hindi na nilingon pa ang estranghera't pakialamerang babae. Lumapit ito sa isang nakaparadang sports car. Sumakay ito sa driver's seat at pabalibag na isinarado ang pinto. Nag-ring ang cellphone nito.

"Hello!"

 "You sound pissed off," puna agad ng tumatawag.

"Yeah bad trip bro! Muntik na sanang maging exciting ang araw ko! Akala ko mapapalaban na ako ngayon sa mga hambog na grupo ng mga fake racers na yun!"

"Anong nangyari?"

 "May pakialamerang babaeng nagmagaling! Tumakbo tuloy ang mga kalaban!"

"Palampasin mo na yan, we still have a lot of chance to beat those garbages. By the way, nasaan ka na ba malapit nang magsimula ang karera?"

"Papunta na ako dyan. Wait for me guys."

Ibinaba ng lalaki ang telepono. Sinusian ang kotse at iritableng pinaharurot ito...