[2] The Assignment

Manila Police District Headquarters.

Pinarada ni Alex ang motorsiklo sa tapat ng isang gusaling may limang palapag. Nakakunot ang noong pumasok siya sa loob ng building.

"Inspector Valdemor, bakit nakabusangot na naman yang mukha mo?" puna ng isang kasamahang nakaupo sa bukana ng opisina.

 "Wala may mga batang sumira lang ng araw ko! Nasaan si Chief? " aniya.

 "Nasa second floor kanina ka pa nga hinahanap eh."

Miyembro siya ng intelligence unit ng Special Action Force, isa sa mga sangay ng Philippine National Police. Tatlong taon na siya sa pulisya at kasalukuyang isang Inspector. Nakapagtapos siya sa Philippine National Police Academy. Hindi siya gaanong katalinuhan subalit nagpursigi siya para makapasok sa nasabing pinakamataas na antas ng kolehiyo para sa mga magpupulis.

Ang maging isang pulis ang kaisa-isang naging pangarap niya simula pagkabata. Idolo niya ang kanyang lolo at inspirasyon niya lahat ng mga kabayanihang nagawa nito. Bata pa lamang siya'y alam niya nang nagmana siya sa kanyang lolo. Galit siya sa mga gumagawa ng krimen at malambot ang kanyang puso sa mga naagrabyado.

Sa tulong ng pera at koneksiyon ang kanyang pamilya, nasunod ang mga luho niya na makapagtraining sa iba't ibang bansa. Subalit isa lamang ito sa mga nakakapagpaganda ng records niya. Hindi rin naman maikakailang isa siyang magaling at matapang na pulis. Walang sinusukuang aksyon at walang inaatrasang laban. Ang kanyang determinasyon sa trabaho ang madalas na dahilan kung bakit pinagkakatiwalaan siya ng mga nakatataas na opisyal sa mga mahahalagang misyon. Kahit anong hirap at sakripisyo ay kaya niyang gawin alang-alang sa pinakamamahal na trabaho.

Umakyat siya sa ikalawang palapag.

"Inspector Valdemor!"

Nilingon niya ang pinagmulan ng boses. Nakita niya itong nakasilip sa pinto ng meeting room at magkasalubong ang kilay na nakatingin sa kanya.

 "Chief Martinez! Good morning!" nakangiting bati niya dito sabay saludo.

Sinenyasan siya nitong pumasok sa loob ng silid. Nagmadali naman siyang sumunod. Pagkarating sa silid ay nagpalinga-linga muna siya sa paligid bago maupo. Silang dalawa lamang ang naroroon kkung kaya't kutob niya nang confidential ang kanilang pag-uusapan.

"Bakit ngayon ka lang Alexandra?! Kanina pa ako naghihintay sayo. Ang usapan nati'y dapat alas-nuwebe'y nandidito ka na. Isang oras mo akong pinaghintay!" singil agad ng hepe sa kanya.

 "Pasensiya na ninong napa-trouble ako," napapakamot sa batok na sagot niya.

 "Heh! Wag mo akong matawag-tawag na ninong nasa trabaho tayo!"

 "Huwag niyo rin akong tawaging Alexandra…" pabulong na sambit niya.

 "Anong sabi mo?"

"Wala. Sabi ko mukhang masyadong importante ata ang pag-uusapan natin," may lambing at nakangiting ika niya.

"Importante talaga ito! Kaya nga umiinit ang ulo ko dahil pinaghintay mo ako! Patayin mo ang ilaw nang makapag-umpisa na tayo!"

Sinunod niya ang utos at binuksan naman ng hepe ang projector. Nagseryoso ng mukha ang opisyal upang umpisahan ang kanilang meeting. Kinabig niya ang isang kalapit na silya at ipinatong ang mga paa dito para sa komportableng pakikinig.

"Merong ibinabang utos sa akin. Tungkol ito sa isang lumalaking sindikatong nagngangalang VENOMUS. Sangkot ang grupong ito sa mga drug trafficking at karumal-dumal na kidnapping."

"Ganda ng pangalan ah parang pampelikula, sosyal! Ve-no-mus!" kaswal na komento niya.

Pinandilatan siya ng opisyal at agad naman siyang tumahimik. Muli siyang nagseryoso sa pakikinig habang hinahaplos-haplos ang labi.

"Lumalaki at lumalakas na ang sindikatong ito. Napakahirap kumuha ng mga impormasyon tungkol sa kanilang mga illegal na operasyon. Magagaling ang kanilang mga leaders. Pulidong-pulido at planadong maigi ang bawat kilos ng grupong ito...."

Tumingin si Chief Martinez sa projector.

"Sa ngayon ay ito pa lamang ang lead natin tungkol sa grupo," pahayag nito sabay pindot sa remote.

Isa-isang ipinakita ng hepe ang mga litrato ng mga di kilalang lalaki. "Sila ang mga pinaghihinalaang miyembro ng sindikato subalit wala pa itong lubos na kompirmasyon-"

Ngumisi si Alex habang pinagmamasdan ang mga larawan. Unti-unting nabubuhay ang kanyang dugo sa naamoy na misyon. "Mukhang bibigyan niyo ako ng magandang assignment Chief ah! Siguraduhin niyong ikakapromote ko na yan!"

"Tumahimik ka muna Alexandra!"

"Sabi ko nga…"

Muling nagpatuloy ang opisyal sa pagpapaliwanag.

"…ngunit meron tayong isang napakahalagang impormasyon na natanggap tungkol sa binabalak na operasyon ng sindikatong ito. At sa ngayon, ito lamang ang makakapagbigay daan sa atin upang magkaroon ng koneksiyon sa venomus."

Nagpalit ng litrato sa projector si Chief Martinez. Tumambad dito ang mukha ng isang binatilyo.

Tinitigang mabuti ni Alex ang larawan.

"Huh! Kilala ko yan! Yan ang antipatikong batang tinulungan ko kanina!"

Muli na naman siyang pinandilatan ng opisyal kaya't agad ulit siyang nanahimik.

"Siya si Blake Marlon Monteverde. Disi-otso anyos. Ulilang lubos subalit kaisa-isang tagapagmana at apo ni Don Henry Monteverde, ang may-ari ng pinakamalaking oil company sa Pilipinas. Nakatira sa Forbes Park…."

"Disi-otso na pala yan akala ko mga fifteen years old pa lang yan… in fairness baby face ang mukha niya ha!" hirit niya.

"…kasalukuyang nag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Nasa ikalawang taon sa kursong BS Economics…."

"Aba matalino!"

 "…Siya ang kasalukuyang target ng Venomus. At siya ang iyong bagong mission Alex."

Bigla siyang natigilan sa narinig. Inabot sa kanya ni Chief Martinez ang isang file. Napapatangang tinanggap niya ito't kunot-noong binuklat.

"Yan ang mga personal na impormasyon ni Blake Monteverde na nakalap ng ating research team," wika ng hepe.

Inumpisahan niya itong basahin.

"Height....5'9"...Weight...71kls....Hobby…car racing. Favorite color…blue. Social life…active. Fraternity..none. Lovelife…taken. Girlfriend…Sophia Vasquez. Huh! Sophia Vasquez? Eto ba yung sikat na modelo. Wow! Kunsabagay bigatin at gwapo din naman ang batang ito…."

Muling naglabas ng isang file ang opisyal at ibinigay ulit ito sa kanya. Tiningnan niya itong maiigi. Naglalaman ito ng mga school records at personal files ng nagngangalang Maya Del Castro ngunit litrato niya ang nakakabit sa gilid ng isang transcript.

"Ano to chief?"takang tanong niya.

"Papasok ka ng UP. Magpapanggap kang kaklase ni Blake Monteverde at yan ang gagamitin mong mga records at pangalan. Naayos na ang lahat. Lahat ng schedules ay magkaperahas kayo. Ang kailangan mo na lang gawin ay pumasok ng klase para bantayan at manmanan ang bawat kilos ng batang ito."

 Bigla siyang napatayo sa narinig.

"Chief nagpapatawa ba kayo?! Ibabalik niyo ako sa pag-aaral. Chief naman…" may lambing na pakiusap niya. " Alam niyo namang hate na hate ko ang pag-aaral. At saka ano to, UP? Economics? Mabubuko tayo niyan! Hindi kaya ng utak ko mag-aral dito…Chief huwag na to!"

"At sino ang gusto mong gumawa nito? Ako? Sila? Eh. Ikaw ang pinakabatang intelligence dito at ikaw mismo ang pinili ng mga nasa itaas kaya hindi ka pwedeng tumanggi!"

"Hindi naman ako tumatanggi sa assignment Chief eh. Ang sa akin lang ay ayoko nitong mga aral-aral na ito. Pwede ko naman siyang manmanan sa ibang paraan…ninong naman."

"Yan lang ang pinakamabilis na paraan upang mapalapit ka sa lalaking iyan. At saka naayos na ang lahat kaya hindi na ito pwedeng baguhin pa. Urgent ang mission na to. Kailangang kumilos tayo kaagad bago pa man tayo maunahan ng sindikato!"

"Ninong naman…."

"Alexandra!"

......

Sa labas ng isang disco, nagkakasayahang nakatambay ang buong barkadahan nina Blake. Nakansandal at ang iba nama'y nakaupo sa bawat hood ng magkakatabi nilang nakaparadang mga kotse habang may tig-iisang hawak na bote ng beer.

"Bro sayang muntik na kitang matalo kanina ah!" ani Hayden.

Si Hayden ay kaedad at matalik na kaibigan ni Blake. Pareho silang mahilig sa car racing ngunit ni minsan ay hindi pa nito natatalo ang malapit na kaibigan. Galing din ito sa mayamang pamilya ngunit sa ibang unibersidad ito nag-aaral kung kaya't sa gimik at karera na lamang sila madalas na nagkakasama.

Ngumisi si Blake. "Pasalamat ka Bro mainit ang ulo ko kanina dahil kung hindi baka kumain ka na naman ng alikabok!" sabay inom niya sa hawak na bote ng alak.

Lumapit sa kanya ang isa pang barkada at itinuro ang isang paparating na babae.

"Pare, si Christine o!"

Agad siyang napalingon sa isang papalapit na maganda at seksing babae. Nakasuot ito ng hapit na hapit at maiksing itim na tube dress. Kumikinang ang suot na stilletos. Umbok na umbok ang mga cleavage habang agaw-pansin ang makikinis, mapuputi at mahahabang mga hita.

Dire-diretso itong naglakad patungo sa kanya at nang magkaharap sila, agad nitong ipinulupot ang mga kamay sa kanyang leeg.

"Hi Baby," malambing na bati nito.

 "Hi Babe!" ganti niya nang may nang-aakit na mga ngiti.

Walang pag-aalinlangang hinalikan siya nito ng malalim sa mga labi. Bukal sa kaloobang sinuklian niya ang halik nito sabay kindat sa mga kabarkadang noon ay tatawa-tawa lamang sa kanilang napapanood.

Matapos ang ilang sandaling halikan ay isinakay niya sa kanyang kotse ang babae.

 "O paano mga Bros, alam niyo na. Una na ako," paalam niya nang may pilyong mga ngiti sa labi.

Napatango lamang ang mga ngingisi-ngising kasama ni Blake. Natatawa at napapailing na tiningnan ng mga ito ang papaalis na sasakyan ng kanilang kaibigan.

 "Woah! Ibang klase talaga ang gayuma ng Blake na iyan!"

"Pare, ikaw ba naman ang magkamukha ng ganyan eh siguradong pag-aagawan ka rin ng mga babae."

"O, alam niyo na. Siguradong tatawagan na naman tayo isa-isa ni Sophia mamaya para hanapin si Blake. Ngayon pa lang ay simulan na nating mag-isip ng palusot," napapalatak na sabi ni Hayden.