Chapter 17- The Invitation

MEDC SITE...

Suot ang head gear, mask at iba pang body protection ay mabagal na naglalakad sina Ellah at Gian sa loob ng tunnel.

Kapwa naka jeans, rubber shoes at t-shirt ang dalawa kaya komportable habang nasa ilalim ng tunnel.

Sumalubong ang halo-halong amoy ng chemical at mineral, ganoon pa man ay hindi iyon ininda ng tagapagmana.

Bilang General Manager ay tungkulin niya ang alamin ang nangyayari sa operation site.

Pinagmasdan naman ni Gian ang malawak na tunnel, ang mga makinarya sa loob maging ang mga tauhang nagtatrabaho roon sa may kalayuan.

Habang nag rereport naman ang opisyal sa dalaga.

"Kaya na ho nating makapag load hanggang fifty tons daily," tugon ng Operation Manager.

"Good," agad niyang binasa papeles na hawak.

Napansin niyang tumingin sa likuran.

"Ah, Mr. Malvar, Gian Villareal, my bodyguard, Gian si Mr. Malvar ang operation manager dito sa tunnel."

Tanguan lang ang ginawa ng dalawang lalaki.

Inungkat niya ang tungkol sa baha at napag-alaman nilang nasira ang dike ng dam dahil nabitak ito kaya biglang nagka flash flood.

"Kapag bumabaha naapektuhan ba lagi ang operation?"

"Ah, hindi naman lagi, kapag matindi lang. Minsan natitigil ang operasyon kapag hindi kaya."

"May naisip ka bang solusyon diyan Mr. Malvar?"

"Nasa plano na ho namin Ms."

"I want to see your plan," saad ng dalaga na dahilan ng paglunok ng Operation Manager.

Kabado ito habang tila nag-iisip ng idadahilan.

"Actually, wala pa kaming fix plan, suggestion pa lang po Ms. Iniisip din namin ang tungkol diyan pero may plano na kami..."

"Kung madalas matigil ang operasyon, nasasayang ang bawat oras na walang nakukuhang produkto, na di-delay ang ating supply, kaya nagkukulang tayo ng produktong sinusuplay sa planta," paliwanag na niya.

"Ginagawaan na ho namin ng paraan Ms. para hindi matigil ang operasyon."

"Kagaya kahapon, walang operasyon," giit niya. "It was the company's loss."

Tumahimik ang opisyal.

"Anong klaseng plano ho ba ang pinaplano ninyo sir?"

Lumapit si Gian na muling nagpakaba na naman sa manager.

Halata na sa anyo nito ang pagkabahala.

"May plano na kayo hindi ho ba iyon ang sinabi niyo?" dagdag pa ng gwardya.

Tumikhim ang opisyal.

"Lalagyan namin ng mga drainage at ipapasemento lahat ng nakapalibot sa tunnel. Lalagyan din namin ng mahabang pader ang buong area para sa seguridad."

"Good, gawin niyo agad," aniya at tumayo.

Matapos maglibot ay nagpasya na silang lumabas kasama ang opisyal.

Napailing naman siya, nang dahil sa iisang tanong ng gwardya ay nalaman niya ang pinaplano ng manager.

Hinarap niya ito. "Mr. Malvar, kapag buo na ang plano, ipaalam niyo agad sa akin. I want that fixed plan next week okay?"

"Yes Ms. Pasensiya na po kahapon Ms. Hindi na ako nakapagpaalam."

"It's okay. Hindi na kami magtatagal Mr. Malvar. "

Inilibot niya ang tingin. "Wala namang malaking problema dito hindi ba? "

"Wala naman ho, thank you Ms. Ellah."

"Pagbutihan niyo dito, inaasahan kita Mr. Malvar alam mo 'yan."

"Sige po, ingat sa byahe."

Ilang sandali pa, nakalabas na sila at nagbyahe pabalik.

Hindi naman naging masama ang pagpunta nila kahit pa na delay ng isang araw.

Huminga ng malalim ang dalaga.

"Gian, gusto ko munang magpahangin."

"May alam akong magandang lugar," nakangiti nitong tugon.

Pumikit siya.

Lalo na nang ngumisi ito na ikinainis niya at naalala ang nangyari kagabi.

Patulog na siya nang biglang nagsalita ang gwardya.

"May bakanteng kwarto sa tabi nito, pwede na ako roon," gagad nito habang nakaupo sa gilid ng kama.

"Hindi pwede! I said no!" singhal niya.

"Kapag hindi ka pumayag tatabihan kita o ano?" panghahamon na nito.

Talaga namang nagpakabog ng kanyang dibdib ang sinabi nito.

Sa inis ay sinipa niya ang gwardya na ikinatawa lang naman.

"Layas!"

Kaya ngayon antok na antok siya dahil mag-isa sa kwarto kagabi halos hindi siya nakatulog.

Habang si Gian ay mabagal na nagmamaneho upang mas masarap ang tulog ng kasama.

Napansin niya ang isang kotseng asul sa kanyang likuran na tila gustong mag over take, kaya pinagbigyan niya.

---

MT. GAMPO...

Dinala siya ni Gian sa bundok.

Sunod-sunuran lang naman siya rito.

"Gian anong gagawin dito?"

"Relax lang I'm sure magugustuhan mo."

Inilibot niya ang tingin sa malawak na kabundukang nasa ilalim, maging ang dagat ay tanaw din.

Tantiya niya ay nasa limampung talampakan ang lalim.

Napakaganda ng view at na relax siya kaya napangiti. Paglingon niya sa kasama, nakangiti rin ito habang nakatingin sa itaas.

Hanggang sa nakarating sila sa medyo maraming taong lugar.

Nilingon niya ang bodyguard.

"Anong meron?"

"Basta," hinila nito ang pulso niya habang papalapit sa mga tao.

Ilang sandali pa, nanlaki ang mga mata niya na nakatitig sa paparating na isang bagay na nakasabit sa mga kable na tila kahon na gawa sa bakal.

Doon pa lang niya napansin na may kable sa itaas ng bundok.

"Let's go?" aya ni Gian.

"Gian ano 'yan?"

"Parang cable car? O ano? Tara na? Exciting 'yan."

Umatras ang dalaga, nangatog ang mga tuhod.

Alam niya ang tungkol doon, ngunit kahit minsan ay hindi pa niya naranasan!

Kinausap nito ang operator saglit lang bumalik na.

"May meeting pa pala ako," aniyang papatalikod na.

Natawa ang gwardya.

"Come on, huwag kang matakot, kasama mo naman ako."

"At paano kung mahulog tayo?"

Napapailing siya."Tara na, uunahin ko na lang ang meetings ko, tama para-"

"Ms. Ellah ano ka ba? Minsan lang 'to. Halika na."

Hinawakan ni Gian ang isang kamay niya at hinila siya papasok.

Silang dalawa lang ang naroon bagay na kahit paano ikinatuwa niya dahil kung dadami pa baka maputol ang tali.

"H-hindi ko kaya, natatakot ako."

"Wala 'yan."

Ilang sandali pa, nagsimulang gumalaw ang naturang sasakyan.

"Holy shit!"

Kapit na kapit siya sa braso ni Gian habang mariing ipinikit ang mga mata.

Kabadong-kabado siya sa isiping wala man lang silang tali o ano pa man sa loob ng sasakyan.

'Paano kung masira? Magiba? Mahulog? Sino ba nakaimbento ng kalokohang ito!'

Pawis na pawis sa takot ang dalaga sa mga naiisip.

Habang si Gian ay masayang-masaya sa nakikita hanggang sa mapansin nitong nakapikit ang amo at tila takot na takot.

"Open your eyes, sayang ang view, " gagad ng bodyguard sa kanya.

"Ayoko!"

"Magtiwala ka, nagawa mo ngang lagpasan ang mga bala ito pa kaya?"

'Sabagay, tama. Pero kasi hindi ako mahuhulog doon eh.'

Matagal, bago dahan-dahan niyang ibinuka ang isang mata, pero dinalawa na niya nang makita ang dinadaanan nila.

"Wow!" manghang-mangha na bulalas niya.

"I told you."

"Ang ganda naman! Mag picture ka dali!"

Natatawang sinunod nito ang sinabi niya.

Dumungaw si Ellah sa ilalim at nalula siya, muli siyang napakapit sa braso ni Gian.

"Shit! Nakakatakot pala ang ibaba."

"Huwag kang tumingin doon."

Huminga siya ng malalim at sinulit ng mga mata niya ang magandang tanawing magkahalong dagat at kagubatan!

Napansin niyang malapit na silang makabalik.

"Isa pa please."

"What?"

"Sige na, hindi ko masyadong na enjoy ang view kasi half na lang ang nakita ko," ungot niya.

Natatawa ito habang bumababa sila.

Pero pagtingin sa kabila napakahaba ng linya.

"Next time na lang."

"No! hindi na ako muling makakabalik pa dito, alam mo ang trabaho ko, minsan lang 'to eh."

Napabuga ng hangin ang gwardya niya.

"Paano 'yan pipila tayo?"

"No"

Kinabahan si Gian sa sinabi ng amo.

Alam niya ang kalibre ng babaeng ito.

"Ms. Ellah, hindi ka pwedeng makisingit diyan, bawal 'yan magagalit sila. "

"Who told you makikisingit ako?"

Tinungo ni Ellah ang operator at nilingon sasakyan.

"Magkano ba 'yan?"

Napanganga siya. "Sinasabi ko na nga ba!"

Napatingin ang lahat kay Ellah.

"Madam, hindi po namin 'yan ibinebenta."

"I want to ride again, so name your price."

Napatanga ang lalaki.

Hinila niya ang tagapagmana at mahinang kinausap.

"Ms. hindi pwede 'yan."

"Why? I'll double or triple that price until we can ride again."

"No, hindi mo naiintindihan."

"Ikaw ang hindi nakakaintindi!"

"Look, sa ginagawa mo magkakaroon ka ng kaaway niyan."

"I don't care!"

Binalikan nito ang operator at nilingon ang mga nakapila, kinakabahan siya.

"Kayong lahat diyan! Ililibre ko kayo basta paunahin niyo ako!"

Nagbulungan ang lahat at tumango-tango.

Unti-unting napapangiti ang sutil na amo dahil tila magtatagumpay na!

Nang biglang may sumigaw. "No!"

Napalingon sila sa nagsalita. Ang babae ang pinakahuli at kung pipila sila, sila ang pinakahuli.

Natahimik ang lahat habang nakatingin sa kanila.

Tumikwas ang kilay ni Ellah at tinungo ang pinakaunahan ngunit humarang ang babae.

"Get out of my way, " kalmante saad niya.

Napansin niyang nilapitan ng lalaking mukhang amerikano ang babae. Lumapit din si Gian sa kanya.

Lumapit din ang operator at pumagitna sa kanila.

"Mga sir, ma'am, 'wag po kayong ganyan, pag-usapan na lang ninyo ito ng maayos. Huwag niyong idamay ang trabaho ko."

Tikom ang bibig nila habang lumalayo sa bawat isa.

"Let's go." Mabilis siyang hinatak sa pulso ng bodyguard.

"I won't! papaliguan ko ng pera ang babaeng 'yon!" Hiniklas niya ang kamay nito at bumalik.

"Ms. naman!" sumunod si Gian.

"Hoy ikaw! Magkano ka ba?"

Napalingon ang babae.

"What?!"

"Sabihin mo at ililibre na lang kita, kahit dalawang rides ka pa ikaw na lang ang hindi sumang-ayon eh."

"Great! Sa tingin mo kaya mo akong bayaran?"

Iniwan niya ito at dumeretso na sa pila, ngunit sumugod ang babae.

"Ang kapal mo para talikuran ako!" sabay hila sa kanyang buhok.

"Bitch!" hinarap niya ito.

Ilang sandali pa nagsabunutan na sila!

Nang makapabor ay sinampal niya ito.

"Back off lady!" malakas siyang itinulak ng lalaki kaya natumba siya.

At kitang-kita 'yon ni Gian!

Sinuntok niya sa panga ang lalaki kaya napaatras.

"Fuck!" malakas na mura ng lalaki.

Gumanti ito at saglit lang nagpambuno na sila!

Walang kayang umawat sa kanila.

At ang dalawang babae ay nagrambulan din!

Nagpagulong-gulong ang mga 'yon sa semento habang nagsasabunutan at nagsasapakan!

Sabay silang tumayo ng lalaki at sabay ding nagbunutan ng baril!

Nagkagulo ang mga tao!

"I'm gonna kill you fuck!" wika ng lalaki habang tinutukan siya ng baril sa ulo.

Limang metro ang layo nila sa isa't-isa.

"Do it, now. " nakatutok ang baril niya sa ari nito kaya unti-unti niyang inangat deretso sa noo ng kaharap.

Ngayon parehas na silang nagtutukan.

Napahinto ang dalawang babae.

"Kill him Nick!" sigaw ng babae.

"Shut-up!" sigaw din ni Ellah!

Tumalim ang titig ng binata sa kamay ng lalaki, nakikita niya ang susunod nitong gagawin.

Pumutok ang baril at nakailag siya saka ito pinaputukan ngunit nakatakbo.

Nagsigawan ang dalawang babae habang tumatakbo palayo.

Hinabol niya ng baril pababa, dumausdos ito upang hindi matamaan.

Kitang-kita niya ang pagsakay nito sa kotseng asul at pinaharurot palayo.

Sinundan niya ito pababa ngunit ng tuluyang mawala ay tumigil na siya. Saka may napansin sa hindi kalayuan na tila nahulog nito.

Tinungo niya at pinulot ang pitaka. Binuksan at tumambad ang laman. Isang ID ang nakakuha ng atensiyon niya.

"Nicholas Cordova."

Isang sundalo, posibleng awol o nagbabakasyon.

Kung gano'n, parehas lang silang may tungkulin sa bayan.

Saka niya naisip na may binabantayan nga pala siya.

"Tangina!"

Hinanap niya ang amo at natagpuan ang babaeng kasama ng kalaban na sinisipa ang pinto ng tila isang palikuran.

Nang mahagip siya ng tingin ay kumaripas ito ng takbo.

Kinatok niya ang pinto. "Ms. Ayos ka lang diyan?"

"Gian?"

Lumabas ang amo na tila namumutla.

"Let's go," hinatak niya ito sa kamay at saka sila tumakbo pababa at deretso sa kotse.

Pagkapasok, agad niyang pinaharurot ang sasakyan palayo.

"A-akala ko mamamatay na tayo..." Pumiyok ang tinig ng amo kaya napatingin siya.

Nanginginig ang katabi.

"I'm sorry," anas niya.

Nang hindi ito umimik ay hindi na siya nakapagtimpi at kinabig ito payakap saka niya inihinto ang sasakyan.

Kumapit ito sa kanyang damit at tuluyang umiyak.

"I'm sorry," Hinalik-halikan niya ito sa ulo habang tuloy pa rin sa pag-iyak ang dalaga.

Nang kumalma ay kusa itong lumayo at walang imik na sumandal sa upuan bago pumikit.

Huminga siya ng malalim at muling pinaandar ang kotse.

Malayo na sila nang tumunog ang kanyang cellphone.

CHIEF ROMERO:

GIAN NASAAN KA MAY NAGMAMANMAN SAYO!

Kumabog ang dibdib niya at palingon-lingon.

Saka niya naalalang ang kotseng asul na sinakyan ng Cordova na iyon ay ang kotseng nag overtake sa kanya kanina.

Ibig sabihin siya talaga ang puntirya ng nakalaban kanina!

Sinadya!

"Shit!"