Chapter 22- The Dream

AMELIA HOMES...

Naglalakad si Gian palabas sa isang lumang gusali.

Naka puti siya lahat mula sa t-shirt, pantalong maong, sumbrero at sapatos. Sa kanyang likuran ay may kwarenta 'y singko na baril.

Pagdating sa labas, tumambad ang isang lalaking nakapiring, may takip sa bibig at kamay, puno ng sugat ang katawan habang nakatihaya sa malamig na semento.

Itim ang lahat ng kasuotan mula sa jacket, damit, pantalon at sapatos.

Habang papalapit, kumakabog ang dibdib niya sa tindi ng kaba dahil parang kilala niya ang naturang lalaki kahit nakayuko.

Tinanggalan ito ng piring sa mga mata.

"Kill him!"

Nanlamig siya sa narinig.

May tumutok ng baril dito kaya inangat ng lalaki ang ulo.

Malinaw niya itong nakilala!

Nagtama ang mga mata nila at hindi man lang kababakasan ng takot ang anyo nito, sa halip ay unti-unting ngumiti kasabay ng pagputok ng baril.

"HUWAG!" Tumakbo siya at isinangga ang katawan upang maprotektahan ang kaibigan.

Lahat ng bala sa kanya tumatama!

"SIR GIAAAAANNNN!"

Tanging narinig niya bago tuluyang natumba at ipinikit ang mga mata!

"HAH!"

Napabalikwas siya ng bangon.

Hingal na hingal at pawisan ang binata habang nakaupo sa kama.

Sinuri ang buong katawan na tila may balang naramdaman, ngunit wala.

"Panaginip lang pala!"

Tila totoo talaga ang nangyari.

Nang mahimas-masan, nagtungo siya ng kusina at uminom ng isang basong tubig mula sa ref.

Ang panaginip na iyon ay totoong nangyari, ngunit hindi siya namatay. Sa panaginip ay namatay siya.

Nangyari naman talaga ito noon sa isang misyon niya na pinasok ni Vince, mag-isa.

Naalala niya ang eksaktong nangyari.

Noong tatapusin na niya ang misyon nila, nahuli si Vince.

"Boss! May intruder!" Isa sa mga kasamahan nila sa grupo ang nagsumbong.

Agad kumabog ang dibdib niya sa takot kahit hindi pa alam kung sino sa mga kasamahan sa pulisya ang nahuli.

Bawat hakbang niya papalabas ay papabigat ang kanyang nararamdaman.

Isa siya sa humarap dito. Abot-abot ang tahip ng dibdib nang makilala ang nahuli.

Puno ng sugat ang mukha at katawan, nakatakip ang bibig habang nakaluhod kaharap ang lider ng grupo.

Humigpit ang kapit niya sa mahabang armas na nakasukbit sa kanyang balikat.

Nagtagpo ang mga tingin nila ngunit wala man lang itong reaksyon na akala mo hindi sila magkakilala gayong halos sumabog ang dibdib niya sa kaba.

"Shoot him!"

Hinintay niya kung sino ang pupuntirya rito ngunit walang nag-angat ng baril kaya tumingin siya sa amo at gano'n na lang ang pagpigil niya ng hininga dahil sa kanya ito nakatingin.

Nagtagis ang mga bagang niya at hinugot mula sa likuran ang kwarenta 'y singkong baril at itinutok sa kaibigan.

"Kalagan niyo siya," matigas niyang utos na agad sinunod ng mga tauhan.

"Kill him, now!" muling utos ng amo.

Lumapit siya sa kaibigan at itinutok ang baril sa ulo nito, kasabay ng pagpikit nito ay ang pag asinta niya sa amo sa ulo.

Natulala ang lahat hanggang sa matumba itong dilat ang mata.

Doon na nagkagulo!

Pinagbabaril niya ang mga kagrupo gamit ang mahabang armas.

Nakakuha si Vince sa katabi ng mahabang armas at ilang sandali pa inuubos na nila ang mga kalaban ngunit, sadyang napakarami ng mga ito.

"Takbo!" Hinatak niya si Vince sa likuran at habang tumatakbo ay kinukublihan niya ito kaya siya ang tinamaan ng bala sa likod.

Eksaktong nakakubli si Vince ay sinalubong siya ng isa sa kagrupo at pinagbabaril.

"SIR GIAN!"

Kasabay ng sigaw ni Vince ay ang kanyang pagkatumba.

Ipinilig niya ang ulo at inangat ang damit, hanggang ngayon bakas pa rin ang mga tama ng bala sa kanyang tagiliran, sa tiyan, dibdib at likod.

Saka biglang natigilan.

Bumalik siya ng silid at agad dinampot ang cellphone sa ibabaw ng mesa at mabilis tinawagan ang kaibigan.

Ngunit ring lang ng ring ang cellphone nito.

Bigla siyang kinabahan.

"Vince pare, sagutin mo!"

Naka apat na tawag na siya subalit hindi pa rin nito sinasagot.

Lumakas ang kaba niya.

Madalas pa naman itong nasa misyon mula noong umalis siya.

Paano kung nasa panganib ito?

Paano kung napahamak na?

Paano kung patay na nga ito?

"Hell No!"

Pang limang tawag niya nang may sumagot.

" Vince pare! Nasaan ka!"

"Hello Gian?"

Boses ng babae ang sumagot.

"Anne?"

"Yes, napatawag ka?"

Huminga siya ng malalim. Nobya nito ang nakasagot.

"Pwede ko bang makausap si Vince?"

"Ahm, nasa banyo siya eh, naliligo."

Nakahinga siya ng maluwag.

"Gano'n ba?"

"Pagkatapos niya, sasabihin kong tumawag ka. "

"Sige, salamat. "

Ibinaba niya ang cellphone at humugot ng malalim na paghinga bago sumandal sa head board.

Kahit paano kumalma na siya nang malamang hindi napahamak ang kaibigan.

Napakislot siya nang tumunog ang kanyang cellphone.

Agad niyang sinagot nang makitang si Vince ang tumatawag.

"Gian pare, kumusta?"

"Pare, napanaginipan kita!"

"Malaswa ba?"

"Gago! Pinatay daw kita!"

"Tarantado! Sa lahat ng pwede mong mapanaginipan ako pa talaga?"

"Hindi ko alam kung bakit. "

"Baka totohanin mo 'yan ah?"

"Baliw ka talaga! Pare, masama ang kutob ko. "

"Tang ina pare! Kadalasan daw sa panaginip kabaligtaran. Hindi kaya ako ang papatay sa'yo?"

"Magagawa mo ba?" seryoso niyang tanong.

"Mas baliw ka pala eh! Sa palagay mo ba gagawin ko 'yon? Iyan na ang napapala mo sa pag ha-hallucinate!"

"Wala ka talagang kwentang kausap!"

Maya-maya ay sumeryoso ang kausap.

"Pare, mag-iingat ka palagi. "

"Ikaw rin!"

"Pare, hindi kaya premonition 'yan para hindi ka muna babalik sa trabaho?"

Hindi siya nakasagot. Posible ba 'yon?

"Pare, 'wag ka na muna kayang babalik? Sa totoo lang ako ang kinakabahan para sa'yo eh. "

Nahimas niya ang buhok.

"Sa totoo lang pare, ako man ay kinakabahan din."

"Umamin ka nga, apektado ka ba sa pag-alis mo sa mga Lopez?"

Napabuga siya ng hangin.

"Alam ko na ang sagot. Ang mabuti pa pare, 'wag ka munang tumanggap ng trabaho, sa opisina ka na lang muna."

"Pare, parang hindi ko pa talaga kayang bumalik sa dati sa ganoon ka ikling panahon lang."

"Kailangan mo yata pare, sampung taon bago ka maka move-on!"

"Gago!"

"O sige na, ibababa ko na 'to at medyo busy pa ako ngayon. "

"O sige na nga, pagbutihan mo ang trabaho, " pangangantyaw niya.

"Yes sir!"

Kahit papaano gumaan ang kanyang pakiramdam dahil wala sa panganib ang kaibigan!

Samantalang siya ni hindi pa alam kung sino ang nagpamanman kaya nalagay sila sa panganib, hindi rin niya mapatunayang konektado ang nangyaring engkwentro sa bundok sa pagiging bodyguard niya.

Hanggang ngayon ay hindi rin nila alam kung sino ang nagpadala ng mensahe dahil wala ng contact tracing.

Tanging sila lang naman ng hepe ang nakaalam at si don Jaime tungkol doon sa text message, inilihim niya 'yon maging sa kaibigang si Vince.

Isa talaga ito sa dahilan kaya natakot ang don sa kanya bilang gwardya ng apo nito maging siya ay natatakot na rin para sa apo nito.

Humugot siya ng malalim na paghinga.

Ngayong nagising na siya at nag-iisa, bumabalik na naman ang ala-ala ng dalaga.

Napagtagumpayan niyang hindi magparamdam ng ilang araw upang paalalahanang oras na ng kain, ngunit araw-araw binabasa niya ang mga usapan nila sa text kagaya ngayon.

Madalas din niyang maisip ang mga pinagagagawa nitong kapalpakan kaya bigla na lang siyang matatawa.

Mapait na ngumiti ang binata.

Paano ba niya ito makalimutan ng tuluyan?

"Kailangan ko na talagang umuwi."

Tumihaya siya at pumikit.

---

PHOENIX HEAD QUARTERS...

Kinabukasan ng hapon ay tinungo niya ang hepe sa opisina nito upang ipaalam ang plano.

Bagong ligo siya at suot ang leather jacket, white shirt, black jeans at black shoes.

"Pero Gian, ang sabi mo tatanggap ka ng bagong misyon?"

"Pasensiya na ho chief, pero importante talaga na makauwi ako."

"Alam kong tapos na ang misyon mo. Kung desidido ka talagang umuwi, hindi na kita pipigilan."

"Salamat, chief."

"Kailan ka aalis?"

"Sunod na linggo. Pero babalik ako rito bago umalis."

Huminga ito ng malalim. "O sige, sa pagbalik mo, mag pa despidida tayo."

Tipid siyang ngumiti.

"Magpapaalam ka na ba sa mga kasamahan mo?"

"Saka na lang sa pagbalik ko."

"Sige, mag-iingat ka."

Tumayo siya. "Salamat ho."

"Sandali Gian, wala na bang nagtatangka sa'yo?"

Umiling siya. "Wala na chief."

"Ibig sabihin, nanganib ka lang dahil naging protektor ka ng mga Lopez, ngayong wala na, ligtas ka na."

"Iyon nga ang problema chief, nanganganib talaga ang apo ni don Jaime."

"Wala ka na rin namang magagawa. Inalis ka niya hindi ba? Sila na ang bahala roon.

Ang mahalaga, ligtas ka at makakauwi na."

Tumango siya. "Sige ho, salamat chief." Tuluyan na siyang lumabas.

Pagdating sa kotse, tumunog ang kanyang cellphone, dinukot niya mula sa itim na leather jacket na suot at tiningnan kung sino ang tumatawag.

Natigilan siya nang makitang ang sekretarya ni Ellah.

Noong una ay tiningnan niya lang hanggang sa may napagtanto.

Paano kung napahamak ito?

"Shit!" Sinagot niya ang tawag.

"Jen, bakit?"

"Sir Gian? Si Ms. Ellah na ospital!"

"Ano?! Saang ospital?"

"Sa Ciudad Medical-"

"Anong nangyari?!"

Ngunit nawala ito sa linya.

Sinalakay siya ng matinding kaba.

"Tangina!" Deretso pasok siya ng kotse at pinaharurot patungong ospital.

Sari-sari ang mga naiisip niya kung bakit na ospital ito, panay rin ang tawag niya sa dalaga ngunit hindi ito makontak, gano'n din ang sekretarya nito.

'Paano kung may masamang mangyari? Paano kung...'

"Shit!" Halos paliparin niya ang sasakyan makarating lang agad.

---

CIUDAD MEDICAL...

"Miss anong room si Ellah Lopez?" Nilapitan niya ang front desk at sinagot naman ng babae.

Tinakbo niya ang naturang silid ngunit nakasarado ito.

Pinihit niya ang seradura at bumukas.

Marahan siyang pumasok. Walang tao, maging sa rest room ay wala.

Paglabas niya ay nakarinig ng mga yabag lilingon sana siya nang may kumasang baril mula sa likuran.

"Sino ka! Huwag kang kikilos ng masama!"

Gusto niyang matawa.

'Lumang linya amputa!'

"Sino ka?! Itaas ang mga kamay!"

'Pero sino nga ba ito?'

Itinaas niya ang mga kamay.

"Harap!" matigas nitong utos na sinunod niya.

Nagkaharap sila ng lalaking may malaking pangangatawan, may hawak na kwarenta 'y singkong baril nakatutok sa kanya.

Kumiling ang ulo niya. 'Isa ba 'to sa manliligaw ni Ellah? O syota niya?'

"Labas!"

Marahan siyang humakbang palabas, at dahil nasa pintuan ito, papalapit siya sa naturang lalaki.

"Bilis!"

Isang hakbang pa ng iglap niyang inagaw ang baril nito.

Ngayon siya na ang nakatutok sa kaharap.

"Nasaan si Ellah?"

"S-sino ka?" Itinaas nito ang mga kamay.

"Ikaw ang sino!" Idiniin niya sa sentido nito ang dulo ng baril habang hawak ng dalawang kamay.

"Bodyguard niya ako, ikaw sino ka?"

Lihim siyang natuwa ng malamang hindi pala ito karelasyon ng dalaga.

"Nasa'n siya? Saan!"

"S-sino k-"

Hindi na nito natuloy ang sinabi nang paluin niya ng baril sa batok.

Tulog.

Saka may naulinigang nag-uusap habang papalapit sa silid.

Kumubli siya sa gilid.

"May tao?"

"Nakabalik na yata si Ms. Ellah?"

Eksaktong pagpasok ng mga ito, sinalubong niya ng baril.

"HAH! S-SINO KA?!" Awtomatikong tumaas ang mga kamay ng dalawa.

"Nasa'n ang amo niyo?"

"S-sino ka!"

"SAGOT!" Singhal niya.

"Nasa labas!"

"Si Dante!" Sabay tingin ng dalawa sa nakalugmok na lalaki.

Magsasalita pa sana siya nang mahagip ng tingin ang hinihintay.

Naka pang opisina pa ito ng hanggang tuhod na hapit na paldang itim at blouse na puting de kwelyo, nakasandalyas ng may takong habang nakayuko.

Sumikdo ang kanyang dibdib sa pananabik sa loob ng ilang araw na hindi ito nakita.

Ibinaba niya ang baril sabay singhal niya sa dalawang gwardya.

"Layas!"

Tumalikod ang mga ito saka naman magkapanabayang sumigaw.

"Ms. Ellah!"

"Shit!" Huli na para kumubli, nakita na siya nito.

"Gian?!" Nanlalaki ang mga mata nitong napasugod sa kanya.

"Ms. Ellah huwag!" sigaw ng dalawang gwardya.

Ngunit huli na, nahatak niya ito sa pulso sabay hila papasok at sinara ang pinto, ini lock.

Saka lang ito nakahuma.

"Anong ginagawa mo!" sabay tingin sa sahig kung saan nakahiga ang isa pang gwardya.

"Hindi pa 'yan patay." Malamig niyang tugon.

"Anong ginawa mo kay Dan?"

"Bakit ka na ospital?" asik niya.

"Anong pakialam mo? Ni hindi ka nga nagpaalam na aalis ka tapos ngayon aasta kang may paki?!"

Humakbang ito palabas kaya hinablot niya pabalik, tumama sa kanyang dibdib ang mukha ng babae.

Hindi na siya nakapagpigil at niyakap ito sabay pikit.

"Mag-iingat ka." Hinalikan niya ito sa buhok.

"Mag-iingat ka, Ellah..."