Chapter theme: Bended Knees - Boyz II Men
Gabriel
"S-She's sick?" Nag-aalangan kong tanong kay Brix at nang tumango siya, parang gusto kong hilingin na bawiin na lang niya ang mga sinabi niya. Na sana isang malaking biro lang ang lahat.
"Kelly was diagnosed with leukemia noong third year college tayo."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko inaasahan ang katotohanang tuluyan na nilang nilahad.
Napatingin ako sa E.R kung saan kasalukuyang tinitignan pa ng doctor si Kelly. Parang tinatambol ang puso ko dahil sa labis na kaba at takot lalo na ng dumako ang tingin ko kay Danika. Nakaupo ito sa pahabang upuan sa tapat lang ng E.R. Nakayakap si Jules sa kanya habang sinusubukan itong patahanin. Kanina pa ito hindi tumitigil sa pag-iyak. Maging si Jules ay labis na rin ang pagkabalisa.
Wala namang mangyayaring masama kay Kelly di ba?
Malalim na napabuntong-hininga si Brix bago siya nagsalita muli, dahilan para makuha niya ulit ang atensyon ko.
"That's the reason kaya lagi kaming magkasama ni Kelly noon. Nalaman ko ang tungkol sa sakit niya. Si papa kasi ang doctor niya kaya sinasamahan ko siya sa mga check up niya. Walang balak si Kelly na hiwalayan ka. Naghahanap lang siya ng tamang tyempo para sabihin sa'yo ang totoong kalagayan niya. But your mom finds out about her condition," tumigil si Brix upang saglit akong pagmasdan. Tila sinusuri niya ang magiging reaksyon ko.
Mataman ko siyang tinignan. Kumunot ang noo ko nang banggitin na naman niya si mommy.
"A-Anong ginawa ni mommy?" naguguluhang tanong ko. At the back of my head, natatakot rin ako sa sagot na maaaring makuha ko.
"Your mom forced her to break up with you. Gulong-gulo ang isip ni Kelly noon. Hindi na niya alam kung anong gagawin. Itinatak pa ng mommy mo sa isipan niya na magiging pabigat lang siya sa'yo, kaya sa huli pumayag siya sa kagustuhan ng mommy mo. Maayos sana siyang makikipaghiwalay sa'yo but your mom had another plan. It was her and Stella who made it look like that Kelly's cheating on you. Si Stella ang nagpakalat ng mga pictures namin sa campus. Leaving her with no choice, nagsinungaling si Kelly sa'yo nang sa gayon magkaroon ka na talaga ng dahilan para hiwalayan na siya, para palayain ka na."
Tila bumaligtad ang mundo ko dahil sa nalaman ko. Nanikip bigla ang dibdib ko. Para na akong kinakapos ng hangin sa baga. Hindi matanggap ng sistema ko ang lahat ng mga sinasabi niya.
Napailing-iling na lamang ako. Pakiramdam ko sinaksak ng napakatalim na kutsilyo ang puso ko.
Apat na taon. Apat na taon ang nawala sa amin ni Kelly dahil sa kagagawan nila mommy.
Nanghihina akong napahawak sa pader. Pakiramdam ko, nahigop ang lahat ng lakas ko sa katawan.
"Bumalik ang sakit ni Kelly, Gab. Ayokong sabihin 'to sa'yo pero ngayon ka niya mas kailangan. Mahal ka niya. Hindi nagbago ang nararamdaman niya sa'yo kahit lumipas pa ang apat na taon. Kaya pakiusap, manatili ka lang sana sa tabi niya ngayon."
Nag-angat ako ng tingin kay Brix. Basa ko ang sinseridad sa mga mata niya, pero agad din akong nagyuko. Nakatitig lamang ako sa sapatos ko. Hiyang-hiya ako sa kanilang lahat.
Paano ko haharapin si Kelly ngayon, kung puro sakit at pagdurusa pala ang naranasan niya ng dahil sa akin?
"T-Tito!"
Napalingon ako kay Danika. Nakita kong sinalubong niya ang papa ni Brix na kakalabas lang sa E.R. Maging si Brix ay lumapit na rin dito. Wala akong lakas na humakbang kaya nanatili lang ako sa pwesto ko at tahimik lang silang pinagmasdan.
"Where's her mom?" baling nito kay Brix.
"Paparating na sila, dad."
Pagkasabi nun ni Brix, saktong dumating naman ang mommy at kuya ni Kelly. Kapwa hinihingal.
"Harold! Ang anak ko? Nasaan ang anak ko?! Gusto kong makita ang anak ko. Okay naman siya di ba?" halos mag-hysterical na ang mommy ni Kelly. Hinawakan ng papa ni Brix ang balikat nito upang pakalmahin.
"She's okay, for now. Pero kailangan niyang mag-undergo ng instensive treatment as soon as possible." seryosong saad nito. "Ipapalipat ko na siya sa kwarto niya. Kapag nagkamalay na siya, gawin niyo ang lahat para makumbinsi siyang magpagamot ulit."
Tango na lamang ang tanging naitugon ng mama ni Kelly. Hindi na ito makapagsalita pa dahil panay ang paghikbi nito. Lumapit si Danika dito para bigyan ito ng isang yakap. Tanging ang pag-iyak lamang nila ang naririnig sa hallway.
"Anong ginagawa mo dito?!" tiim bagang na tanong sa akin ng kapatid ni Kelly. Akmang lalapitan ako nito para undayan ng suntok pero agad namagitan si Brix sa amin.
"Alam na niya," ani ni Brix.
Nagpakawala ng malalim na buntong hininga ang kuya ni Kelly. Halos sabunutan na niya ang sarili niya. Muli niya akong tinignan gamit ang matatalim niyang mata.
"Ano ngayon? May mababago ba?" matabang na wika nito.
"B-Babawi ako," nauutal na sambit ko.
"Hindi ka kailangan ng kapatid ko! Umalis ka na! Huwag ka na ulit lalapit sa kanya. Kapag nandiyan ka, masasaktan na naman siya kaya lumayo ka na lang sa kanya!" pagtataboy nito.
Halos ipagtulukan na niya ako palabas ng ospital, pero nagmatigas ako. Ayoko. Ayokong umalis sa tabi niya. Hindi na ako papayag na masaktan pa siya ulit ng kahit na sinuman. Handa akong kalabanin ang lahat.
Siguro ganun na nga ata ako kadesparado. Natagpuan ko na lang ang sarili ko na nakaluhod na sa harapan ng kuya ni Kelly. Mukhang hindi rin nito inaasahan ang ginawa ko.
"B-Babawi ako...Lahat gagawin ko, bumalik lang siya ulit sa akin...G-Gusto kong ayusin ang lahat sa amin. Gusto kong itama ang. Mahal na mahal ko siya...H-Hindi ko kaya ng wala siya," nahihirapang saad ko.
Sinubukan akong patayuin ni Brix pero nanatili lang akong nakaluhod at nakayuko habang mahigpit na nakakapit sa binti ng kapatid ni Kelly. Nababasa na ng luha ko ang sahig. Hindi ko na napigilan ang pagtangis ko. Umiyak lang ako sa harapan nilang lahat. Walang tigil akong nagmakaawa. Buong pusong nakikiusap na hayaan nila akong pumasok ulit sa buhay ni Kelly.
*****
"Gab? Man! What happened to you? You looked like a mess!"
Gulat na gulat si Thao nang pagbuksan niya ako ng pinto sa condo unit niya. Aligaga siyang pinapasok ako sa loob at inalalayan na makaupo sa sala. Hating-gabi na, mukhang naistorbo ko ang pagtulog niya.
Hindi ko na rin alam kung paano ako nakarating dito. Tulirong-tuliro ang utak ko. Ang alam ko lang, gusto ko munang lumayo. Ayoko munang umuwi sa amin dahil baka may magawa akong isang bagay na pagsisisihan ko.
Galit na galit ako kay mommy sa mga sandaling ito. At ayokong lamunin ako ng galit na 'yon. Alam kong walang perpektong magulang, pero hindi ko kayang palampasin ang ginawa niya. Napakabuting tao ni Kelly. Paano niya nagawa sa kanya ang bagay na 'yon? Paano niya nagawa sa amin 'to? Paano niya nagawang saktan ang babaeng pinakamamahal ko?
Muling bumuhos ang luha sa mga mata ko. Maisip ko pa lang ang mga paghihirap ni Kelly na wala ako sa tabi niya, parang pinapatay na ako.
Nandoon dapat ako. Ako dapat ang kasama niya sa lahat ng hirap at sakit. Hindi ko dapat siya iniwan. Sana binigyan ko pa siya ng isa pang pagkakataon para ipaliwanag niya sa akin ang lahat. Pero kahit anong pagsisisi ko, wala rin namang magbabago. Nasayang na ang apat na taon.
"Ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Thao.
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Pilit na ngumiti. "I've messed up...I've messed up, big time."
Wala na akong pakealam kung pagtawanan man ako ni Thao ngayon. Umiyak lang ako sa kanya habang nilalabas ko sa kanya ang lahat ng sakit, galit, disappointment at regret na nararamdaman ko. Tahimik lang siyang nakinig sa akin.
Nang matapos akong makapagkwento sa kanya, doon lang siya nagsalita.
"I guess kailangan mo ring makita 'to," seryosong saad niya. Napalunok ako dahil sa reaksyon niya. Ngayon ko lang siya nakitang ganito kaseryoso.
Kinuha niya ang cellphone niya. Inilapag niya ito sa harap ko bago i-play ang isang video.
Para akong sinuntok sa sikmura ng paulit-ulit. Napapikit na lamang ako dahil hindi ko na maatim na makita pa ang tunay na kulay ni mommy.
Mahal ko siya, pero hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niya. Totoo ang sinabi ni Mike. Naging impyerno ang buhay ni Kelly dahil sa akin.
*****
Kinabukasan walang buhay akong umuwi sa amin. Nadatnan ko si Stella sa sala umagang-umaga. Umiiyak siyang nagsusumbong kay mommy. Parang nagpapaawa. Natawa na lang ako sa kanya.
Mula pagkabata palang kilala ko na si Stella. Kaya hindi ko akalain na kaya niyang gumawa ng ganito. Mali ako, akala ko lang pala lubusan ko na siyang kilala. Naging bulag ako sa mga pagpapanggap niya.
Galit na galit si mommy dahil sa ginawa kong pag-iwan kay Stella kagabi pero kahit anong galit niya, wala itong naging epekto sa akin.
"How could you do that mom? Tao ka pa ba? May puso ka pa ba?" nanlulumo kong sumbat sa kanya.
Gulat na gulat si mommy nang marinig niya ang mga salitang lumabas sa bibig ko, lalo pa at kasing lamig ito ng yelo. Sinubukan niyang lumapit sa akin pero umatras lang ako palayo sa kanya.
"Kayong dalawa? Paano niyo ako nagawang lokohin?!"
Dumagundong ang malakas na sigaw ko sa loob ng bahay. Napatingin na rin sa amin ang mga kasambahay. Napaawang ang bibig nila mommy. Basa ko ang labis na pagkabigla sa mga mata nila.
"S-Son?! Calm down! Ano ba yang sinasabi mo?" masuyong tanong ni mommy pero matalim ko lang silang tinignan.
"Alam ko na lahat ng ginawa niyo kay Kelly, mommy. Paano niyo nagawa sa amin 'to? Apat na taon. Apat na taon akong naniwala na niloko niya ko, pero hindi naman pala. Kagagawan niyo pala ang lahat! Ang sama niyo. Ang selfish selfish niyo!"
Tuloy tuloy ang pagbulusok ng galit ko. Idinaan ko sa malalakas na sigaw ang lahat ng hinanakit ko sa kanila.
Napatulala na lamang si mommy, kasabay ang paglandas ng luha sa pisngi niya.
"A-Anak, ginawa ko lang ang tingin kong makakabuti sa'yo." Sinubukan pang magpaliwanag ni mommy pero sarado ang tainga ko. Ayoko siyang pakinggan.
Kahit ano pa man ang dahilan niya, hindi pa rin tama ang ginawa niya.
"Ang alam ko naging mabuti naman akong anak. Lahat ng inutos mo, sinunod ko naman. Wala akong sinuway. Pero bakit naman ganito, mommy? Ito ba yung kapalit ng pagiging mabuting anak ko sa'yo? Ang unfair niyo naman, mom."
"G-Gab! Makinig ka naman muna!" Stella cried but I just looked at her with disgust.
"Tama na. Hindi na ko magpapaloko pa sa inyo," matigas na sambit ko. Muli kong tinapunan ng tingin si mommy. "Kung hindi niyo kayang tanggapin si Kelly sa buhay ko. I'm sorry, mommy. Mas mabuti sigurong kalimutan niyo na lang na naging anak niyo."
"No! Son, please. Don't do this!" mahigpit na hinawakan ni mommy ang braso ko pero unti-unti akong kumalas dito. Tinalikuran ko sila at walang lingon na umakyat ako sa kwarto. Ni hindi ko rin sila inimikan kahit nang sundan nila ako ni Stella hanggang kwarto.
Nilabas ko ang maleta ko, isa-isang nilagay ang mga damit ko sa loob.
"Gabriel, please. Pag-usapan natin 'to, anak," pigil ni mommy pero nagpatuloy lang ako sa pag-iimpake.
*****
Pagod na pagod ako, mentally at emotionally. Nang makabalik ako sa condo ni Thao, tuluyan na akong nilamon ng pagod ko at hindi ko na namalayan na nakatulog ako sa sofa.
Nang magmulat ako, agad akong napatingin sa wall clock. Mag-aalas-singko na pala ng hapon. Hindi pa rin ako nakakapagbihis ng damit. Suot ko pa rin yung suot kong damit kagabi.
I decided to take a quick shower. Plano kong puntahan sa ospital si Kelly para malaman kung ano na ang kalagayan niya. Nang matapos akong maligo at makapagbihis, kinuha ko ang cellphone ko na nakapatong sa center table.
"Aalis ka?" tanong ni Thao na kadarating lang. Naggrocery ata siya dahil may bitbit siyang dalawang plastic bag.
"Pupuntahan ko muna si Kelly," tipid na sagot ko. He just gave me a nod.
Nang tignan ko ang cellphone ko, kinabahan ako nang makita kong maraming text at miss call galing kay Brix. Agad kong binuksan ang message niya. Halos malalag ang puso ko sa sahig nang mabasa ko ang nilalaman ng text niya.
'Gab, Kelly's missing. Tumakas siya sa ospital. Hindi namin siya mahanap. May alam ka bang lugar na pwede niyang puntahan?'
Dali-dali kong kinuha ang susi ng kotse ko. Nagtatatakbo ako palabas. Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ni ni Thao pero lumabas lang sa magkabilang tainga ko ang pagtawag niya.
Agad akong sumakay sa kotse ko at mabilis na pinaharurot 'yon. Piping umuusal ng dasal na sana walang mangyaring masama kay Kelly.
*****
Aligaga silang lahat nang madatnan ko sila sa kwarto ni Kelly. Her mom was sitting on her empty bed, endlessly crying. Danika pacing all around while biting her nails. Hindi na rin ito mapakali.
Kelly's brother on the other hand was talking to someone on his phone. Isa-isa na ata niyang tinatawagan ang mga kaibigan ni Kelly, nagbabaka sakali na kasama nila ito.
"Na-check ko na ang CCTV, lumabas nga si Kelly sa ospital."
Napalingon kaming lahat kay Brix nang pumasok siya sa kwarto. Habol hininga na ito at tagaktak na ang pawis.
"Uuwi muna ko. Titignan ko, baka nasa bahay si Kelly." Mike stormed out in a hurry. Maging si Jules ay umalis na rin para magsimulang maghanap sa paligid ng ospital, baka hindi pa ito nakakalayo.
Mariin kong ipinikit ang mga mata ko. Tahimik na nag-isip ng mga lugar na maaari niyang puntahan. Maya-maya pa, sumagi sa isipan ko ang paborito niyang lugar.
"I think I know where to find her," bulalas ko dahilan para mapukaw ko ang atensyon nilang lahat.
Hindi ko na hinintay pa ang reaksyon nila. Wala na akong sinayang na oras. Nagmamadali akong tumakbo papalabas ng ospital at muling sumakay sa kotse ko. Umaasa na sana matagpuan ko nga siya doon.
*****
Tila nabunutan ako ng tinik sa dibdib nang matagpuan ko si Kelly na nakaupo sa ilalim ng slide sa lumang playground. Ito yung playground sa tapat ng Sunken Garden.
Madalas siya ditong nagpapalipas ng oras kapag gusto niyang mapag-isa o kaya kapag nalulungkot siya. Hindi nga ako nagkamali.
Tandang tanda ko pa, dito rin niya ako unang nakilala. Umiiyak siya ng mga sandaling 'yon. May kung anong kirot akong naramdaman sa puso ko nang masilayan ko ang luha sa mga magagandang mata niya.
Schoolmate ko siya noong highschool. First year palang crush ko na siya. Lagi ko siyang nakikita sa flag ceremony pero ako, hindi niya ako kilala. Noong araw na makita ko siyang umiiyak sa ilalim ng slide, kahit pa isa lamang akong estranghero noon sa paningin niya, lakas loob kong tinanong kung ano bang nagpapabigat sa kalooban niya noon. Hindi ako nabigo dahil kinausap naman niya ko. Doon ko nalaman na kamamatay lang pala ng daddy niya.
Pagkatapos ng pag-uusap namin ng araw na 'yon, lagi na kaming nagbabatian sa tuwing nagkikita kami sa school. Hindi nagtagal, naging magkaibigan rin kami hanggang sa tuluyan na akong nahulog sa kanya.
Fourth year highschool, bago ang graduation nagpasya akong ligawan siya. At dahil ayaw kong malayo pa sa kanya, doon na rin ako nag-enroll sa university na papasukan niya. Hindi kalaunan, nagbunga rin ang panliligaw ko sa kanya. Sinagot niya ako after intrams. Naging masaya ang takbo ng relasyon namin, pero hindi ko akalain na darating ang panahon na masisira kaming dalawa.
Marahas akong napailing-iling. Tapos na 'yon. Ang mahalaga ay ang kasalukuyan. Gagawin ko ang lahat para makabawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa kanya. Gagawin ko ang lahat para mapawi ang lahat ng sakit na naidulot ko sa kanya.
"Alam mo? Hindi ka mananalo sa akin sa tagu-taguan kasi alam na alam ko na kung saan ka hahanapin," pabiro kong sambit.
Agad siyang nag-angat ng tingin sa akin nang marinig niya ang boses ko. Napansin ko ang bahagyang pag-atras niya nang subukan kong lumapit sa kanya kaya nahinto ako sa paghakbang ko. Napako din ako sa kinatatayuan ko nang mapagmasdan ko siya.
Suot suot niya ang ternong pajama kung saan nakaburda sa kaliwang dibdib nito ang seal ng ospital. Ang putla putla niya. Namumugto na rin ang mata niya kakaiyak. Ang payat payat niya.
Parang dinurog ang puso ko. Gustong gusto ko siyang ikulong sa mga bisig ko at huwag nang pakalawan pa.
"B-Bakit nandito ka?" Napakatamlay ng boses niya.
Sinalubong ko ng tingin ang luhaang mata niya. "Ayaw mo na ba talaga akong makita?" May himig ng pagtatampo kong sambit.
Hindi ba talaga pwedeng manatili ako sa tabi niya?
Napatitig siya sa akin nang matagal habang pinapahid ang mga luhang patuloy na tumatakas sa mga mata niya.
"B-baliw ka talaga...G-ustong gusto mo talagang...nasasaktan," wika niya sa pagitan ng mga hikbi niya.
Tinawid ko ang distansiyang naglalayo sa amin at niyakap ko siya nang mahigpit pero panay ang pagpupumiglas niya.
"U-Umalis ka na, Gab. P-Please...A-Ayokong makita mo kong ganito...U-Umalis ka na," she whimpered as she cries in my arms.
Kahit ilang beses man niya akong itulak palayo, hinding hindi na ko aalis sa tabi. Kahit ilang beses niya mang sabihin sa akin na hindi na niya ako mahal, hinding-hindi na ako maniniwala. Kahit magmukha pa akong tanga sa kahahabol sa kanya, hinding hindi ko na siya iiwan.
"Handa akong harapin ang lahat ng sakit para sa'yo. So please don't push me away. Hayaan mo lang akong manatili sa tabi mo. I'm sorry for everything. I'm sorry kung hinayaan kong masaktan ka nila. Pangako, babawi ako. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon," malamyos kong bulong.
Mas lalo lamang lumakas ang paghikbi niya hanggang sa naramdaman ko na din ang pagyakap niya pabalik sa akin, tanda ng pagsuko niya. Isang yakap na puno ng pananabik at pagtanggap.
"Natatakot ako, Gab. At k-kailangan kita. Huwag mo na akong iiwan," pagsusumamo niya habang nakasubsob ang mukha niya sa dibdib ko. Ang higpit ng pagkakahawak niya sa damit ko.
Napatingala ako sa madilim na langit, pilit na nilalabanan ang pagtulo ng luha ko.
"Dito lang ako. Sasamahan na kita. Kasama mo na akong lalaban. Hinding hindi na kita iiwan, pangako." I whispered, planting a soft kiss on her forehead.
Sa loob ng mahabang panahon, ngayon ko na lang ulit naramdaman ito. Halos walang pagsidlan ang kaligayahan ko ngayong yakap ko siyang muli sa mga bisig ko. At walang ibang may kakayahang magbigay nito sa akin ng ganitong klaseng kaligayahan kundi si Kelly lang.
Magsisimula kami ulit. At wala ng sinuman ang makakapaghiwalay pa sa amin.
*****
A/N: White Poppies is a symbol of peace. Yeah! Peace be with you!