Chapter 719

Sa Isang iglap ay nakita ni Wong Ming ang sariling nasa isang kakaibang lugar.

Aakalain ni Wong Ming na dapit-hapon na dahil sa makulimlim na lugar na ito.

Kitang-kita niya ang isang malaking bagay na lumilipad sa parteng gitna ng lugar na ito.

Alam ni Wong Ming na isang pagsubok itong muli.

Kailangan niyang puntahan ang lugar na iyon.

Mabilis na paglakad ang ginawa ni Wong Ming ngunit tila napakalayo pa rin ng bagay na iyon sa kaniya.

Alam ni Wong Ming na nakakapangilabot ang lugar na ito.

Gamit ang Demon Eyes na meron siya ay agad niyang pinakiramdaman ang buong kapaligiran habang nakikita na lamang niya ang kaniyang sariling tumatakbo ng mabilis.

Ramdam ni Wong Ming na walang tigil ang pagkakaluskos ng mga tila tuyong dahon at mga sanga sa buong kapaligiran nito sa hindi kalayuan mula sa kaniya.

Dahil rito ay mas binilisan pa ni Wong Ming ang kaniyang pagtakbo.

Whoosh! Whoosh! Whoosh!

Ramdam ni Wong Ming na may nakasunod sa kaniyang mga nilalang.

Sa wari ni Wong Ming ay mga kakaibang nilalang ang mga ito.

Gumagapang ang mga ito na tila nakabaliktad ang nakakatakot na mga ulo ng mga ito.

Ngayon lamang siya nakakita ng mga nilalang na ito.

Alam ni Wong Ming na hindi nabibilang ang mga nilalang na ito sa mundo nila.

Maya-maya pa ay tila may mga halimaw na naglalakihan ang nakasunod sa kaniya.

Yun nga lang ay puro mga buto lamang at mga kalansay ang nakikita niya sa mga ito.

Mula sa tinatapakan ni Wong Ming ay ramdam niyang tila bumibitak ang kalupaan.

Imbes na matakot ay tinapangan ni Wong Ming ang loob niya. Alam niyang sinusubok lamang ang lakas ng loob at liksi niya sa pagtakas.

Isa ito sa pangunahing katangian ng isang mandirigma sa pagsuong sa pagsubok.

Biglang umilaw ang demon eyes ni Wong Ming at sa isang iglap ay nagpaulan siya ng mga tipak ng yelo.

Ang mga naglalakihang tipak ng yelo ay siyang nagsisilbing daanan niya patungo sa direksyon na patutunguhan niya.

Ramdam niya na nakasunod ang mga nilalang sa kaniya ngunit ang tipak ng yelo na ito ay nagsisilbing safe area niya. Tanging siya lamang ang makakadaan dito na hindi bumabagal.

Isang pambihirang abilidad ito ng mga Ice Demon Race. Kagaya ng lahi ng mga Ice Demon ay meron ding ibang kakaibang kakayahan ang iba pang Elemental Demons upang maging personal nilang kalakasan sa pagtakas man o pakikipaglaban.

Ngunit hindi inaasahan ni Wong Ming nang may kumapit sa mismong likuran niya na isang malaking bagay mula sa itaas niya.

Doon niya napansin ang kaanyuan ng isang dambuhalang halimaw na palaka.

Hindi lamang siya bagkus ay maging ang sumusunod sa kaniya na mga kakaibang mga nilalang.

Agad na pinutol ni Wong Ming ang mismong kumakapit na bagay sa kaniya dahilan upang humiyaw ng napakalakas ang dambuhalang halimaw na palaka.

Hindi niya nakikita ito ng malinaw ngunit sobrang laki nito. Sa tingin niya ay sampong palapag ang taas ng dambuhalang halimaw na ito.

Upang siguraduhin na magtatagumpay siyang makatakas rito ay mabilis na pinaulanan ni Wong Ming ang mga nilalang na sumusunod sa kaniya ng nagtatalimang tipak ng yelo.

Dito ay kitang-kita kung paanong unti-unting naparalisa at umuusok ang buong katawan ng mga kakaibang nilalang na ito.

Nagawa niyang paslangin ang mga ito bago pa itong tuluyang dumiretso mismo sa dambuhalang bibig ng nasabing halimaw.

Ramdam ni Wong Ming na tila gutom pa ang nilalang na ito at nakatuon ang pansin nito sa kaniya.

Kitang-kita niya pa na sinusundan siya nito. Tila yumayanig pa ang lupa habang gumagalaw ang nilalang na ito.

Malayo ang lokasyon ng nasabing halimaw na palaka ngunit sa laki ba naman nito ay siguradong abot-kamay lamang siya nito.

GRROOACCKKK! GRROOACCKKK! GRROOACCKKK!

Napakalakas na huni ng palaka ang naririnig ni Wong Ming. Nagmumula lamang ito sa malayo ngunit sa laki nito ay tila katabi lamang niya ito.

Walang duda na hindi siya nito titigilan.

Kitang-kita niya pa na bumukas ang mga mata nito. Anim na naglalakihang mga mata ang nakita niya at sa tingin niya ay abot tingin na siya ng halimaw na palakang ito.

Mas binilisan niya pa ang kaniyang pagtakbo hanggang sa tuluyan na niyang nalampasan ang tila teritoryo nito.

Mabuti naman at hindi na ko sinundan ng nilalang na yun. Hoh!" Iyon na lamang ang naisambit ni Wong Ming habang mabilis niyang tinatahak ang nasabing direksyon na patutunguhan niya.

May paralysis effect ang mga yelong nasa katawan ng mga nilalang na iyon. Sigurado siyang umepekto din iyon kahit papaano sa dambuhalang palakang iyon.

Nagising nga niya iyon kung tutuusin. Akala nga niya ay masusundan ng nilalang na iyon at aatakehin ng walang tigil.

Sigurado siyang isang uri ng Demon Frog iyon. Kakaiba din kung tutuusin ang Demon World na halos kasing lawak din iyon ng Martial World na itinuring rin na Human World.

At sigurado siyang ang mga nilalang rito ay mas mabagsik at napakalakas kung ihahambing sa normal na mga halimaw sa mundo nila.

Isang kakaibang lugar na naman ang napuntahan niya. Dito ay hindi magkakadikit-dikit ang mga puno rito. Bagkus ay ilang metro ang layo ng nagtataasang mga puno.

Ang masasabi niyang pareho ay tila kakaunting liwanag lamang ang mayroon sa lugar na ito.

Kahit ganon man ay sinimulan na ni Wong Ming ang paglalakbay niyang muli upang tunguhin ang direksyon ng nakalutang na bagay na iyon.

...

Lumipas ang mga araw at nasa ika-siyam na ng araw na ito.

Masusing nagaganap pa rin ang mga kompetisyon. Tila ba marami ang matagumpay na nakakuha ng mga totem marks ngunit ang iba ay hindi pinalad.

Sa loob kasi ng malaking portal patungo sa kakaibang lugar na iyon ay maraming kakaiba at kahindik-hindik na mga lugar na maaaring makasagupa ng mga kakaibang mga nilalang na maaaring kumitil ng buhay ng sinumang lalahok.

Kahit maituturing na pagsubok iyon ngunit maaari kang mamatay sa loob ng lugar na iyon at magiging pataba na lamang ng lupa.

Ganon kapanganib ang maaaring sapitin ng sinuman. Marami din ang magiging masuwerte lalo pa't maraming mga lucky chances ang maaaring makuha ng sinuman.

Mula sa mga pambihirang treasure remnants katulad ng mga espada, kalasag, sibat at maging ang mga pambihirang mga cultivation herbs.

Kahit nga ang mga halimaw roon na mapapaslang mo ay maaari mo ding iuwi ang mga buto, pangil at kahit anumang klaseng mahahalagang parte ng katawan nito.

Masusing nag-uusap ang mga may matataas na katungkulan ng Dark Oath Guild.

Ramdam na nila ang muling pagtatapos ng okasyong ito at muling pagsasara ng portal.

Inaasahan na nilang ang iilan sa mga malalakas at may potensyal na mga disipulo nila ay makakaligtas sa lugar na kinaroroonan ng mga ito.

...