Chapter 11

Ang kaninang magandang ngiti ni Kap ay biglang napalitan ng malalim na simangot dahil sa walang tigil na sigaw at reklamo ng mga tao. Nariyan pang nagbabalyahan na ang mga ito para lang makalapit sa kaniya at mapaulanan siya ng mas marami pang salita. Dahil sa inis, malakas na inihampas ng kapitan ang kaniyang kamay sa mesa. Naglikha iyon ng malakas na tunog na siyang nagpatigil sa mga tao. Ngunit saglit lamang iyon, dahil muling sumigaw ang isang babae na nawalan din umano ng anak na lalaki.

"Kap, simula nang dumating sa bayan natin ang bahay-aliwan na 'yon, ilang beses ka na bang nakatanggap ng reklamo laban sa kanila. Ni isa sa amin hindi mo pinakinggan. Lahat ng nawawala, doon nagpupunta at halos lahat ng namamat*y, doon nanggagaling o di kaya naman ay pamilya o malapit ng nagpupunta roon. Pero bakit parang bulag at bingi kayo sa aming reklamo."

"Oo nga Kap, ilang beses na kaming nagmakaawa sa inyo na pasukin ang lugar na iyon, pero ang sabi niyo lang, magiimbestiga muna kayo. Pero hanggang ngayon hindi naman kayo gumagalaw."

Lumalim pa ng husto ang pagkakakunot ng noo ng kapitan, bakas sa mukha nito ang pagkairita at kawalan ng pasensiya. Napangisi naman si Esmeralda, dahil ano mang sandali ay paniguradong bibigay na ang kapitan. Tama siya ng hinala, kasabwat ang kapitan sa lahat ng anomalya sa lugar na iyon. 

"Maaari ba kayong huminahon muna, hindi niyo naiintindihan. Hindi natin sila maaaring galawin dahil malaki ang naitutulong ng lugar na iyon sa ating komunidad. Naipagawa ang mga eskuwelahan, at nagkaroon ng libreng check up para sa mga bata at matatanda. Dahil iyon sa tulong ng may-ari ng bahay-aliwan na sinasabi ninyo. Wala silang ginagawang masama kun'di puro kabutihan lamang." Wika ng kapitan.

"Tulong? At ano ang kapalit, ang buhay ng mga tao rito, Kap hindi kami t*nga para tanggapin na lang iyang rason mo." sigaw ni Chona. Dahil sa sigaw na iyon, nagkaroon din ng lakas ng loob ang iba para sumagot. Hanggnag sa , wala nang nagawa ang kapitan kun'di ang utusan ang mga tanod niya na palabasin ang mga tao nang sapilitan.

"L*ntik na 'yan, sino ba ang pasimuno ng pag-aaklas na iyon. Hindi ba nila alam kung gaano nila inilalagay ang mga sarili nila sa kapahamakan. Bakit hindi na lang sila manahimik sa mga bahay nila at ipagpatuloy ang mga buhay nila nang walang alam at walang pakialam?" Galit na galit na wika ni Kapitan. Hindi naman makaimik ang mga tanod na kasama nito sa loob ng baranggay hall, tahimik lang na nagkatinginan ang mga ito.

Samantala, nagpatuloy ang kaguluhan sa labas ng hall hababg nagbibingi-bingihan naman ang mga nasa loob. Napapailing na lamang si Esmeralda sa iginawi ng kapitan. Maging si Mateo ay dismiyado na rin. Nagkatinginan ang dalawa at nagkatanguan. Sa pagkakataong iyon, kailangan na talaga nilang kumilos. Bukas na ang kabilugan ng buwan kaya siguradong kikilos na ang mga ito para makuha si Hanna.

Saktong pasapit na ang hapon nang makabalik sila sa bahay nila Chona. Hindi naman mapakali si Mateo habang naghahanda sila. Nakasuot na ng itim si Esmeralda at panay na rin ang bulong nito sa hangin. Dinurog na asin at bawang naman ang ipinapahid niya sa bawat talim ng kaniyang mga armas, maging ang buntot-pagi ay pinahiran na rin niya nito.

"Kinakabahan ka ba sa unang magiging laban mo?" Tanong ni Esmeralda nang mapansin ang pagiging malikot ng binata.

"Medyo, normal lang naman siguro ito, ano?" Tugon naman ni Mateo at napangisi ang dalaga. Matapos maghanda ay siya namang pagbabalik nila Chona sa bahay. Napangiti lang si Esmeralda nang makitang hindi maipinta ang mukha nito. Alam niyang wala silang napala sa pagtatanong sa kapitan, pero isa ang sigurado, malinaw sa lahat na may mali sa sinusunod nilang kapitan at iyon ang mahalaga.

Alas sais ng hapon nang makarinig sila ng pagtawag ng mga uwak, nagsimula na rin umalulong ang mga aso sa paligid na animo'y nagbibigay ng babala sa kanila. Bahagyang binuksan ni Esmeralda ang binata at mula sa maliit na siwang ay pumasok ang isang uwak na kakaiba. Ginto ang mga mata nito at hindi karaniwang kulay ng mga mata ng isang normal na uwak.

Dumapo iyon sa balikat ng dalaga at umikot ang paningin sa mga taong nasisilayan niya.

"Iyan ba ang sinasabi ni Manong Ismael na alaga mo Esme, paano mo napapasunod ang uwak na iyan?"

"Bata pa lamang ako magkasama na kami, at kahit saang laban, kasama ko rin siya. Siya ang magiging mata natin mamaya sa paligid habang abala tayo sa ibang bagay. Huwag kang mag-alala, hanggang nasa paligid siya, walang aswang na makaka-isa sa atin mamaya. Maghanda ka na, hindi na natin sila hahayaang makalabas sa lugar na iyon."

"Mag-iingat kayo sa loob, hindi natin alam kung gaano na sila kadami. Magkaroon man kami ng sagot o wala, hindi na mahalaga iyon. Ang importante makalabas kayo bago ang itinakda nating oras." Sabad ng matanda, nawala na ang lungkot sa mga mata nito bagkus ay napalitan na ng determinasyon. Ngumiti si Esmeralda at tinapik ang balikat ng matanda.

"Matatapos din ang lahat ng ito Manong at magkakaroon na rin ng kalinawan nagbnga bagay na gumugulo sa inyo. Ang anak niyo naman, susuwbukan namin siynag hanapin sa loob. Sana lang ay buhay pa siya." Turan ni Esmeralda at napatango naman ang matanda.

Saktong papadilim na nang lumabas ng bahay sina Esmeralda at Mateo, tuloy-tuloy sila na naglakad patungo sa bahay-aliwan, bitbit ang kanilang mga sandata. Napatingala naman si Esmeralda at nakita niya ang hukbo ng mga uwak sa bubong nito. Dinig na dinig nila ang malakas na tugtug na nagmumula sa looban at ang mga tawanan ng mga kalalakihan at kababaihan.

Marahas na sinipa ni Esmeralda ang pinto, dahilan para pabalabag itong bumukas. Gulat ang agad na rumehistro sa mga mukha ng mga bantay. Tila hindi pa nag mga ito nakahuma kung ano ang nangyayari ngunit nang makita nila ang mga dala nilang pangontra at panlaban sa aswang ay walang pagdadalawang-isip na nagpalit ang mga ito ng anyo.

Lumitaw ang kanilang mahahabang pangil at matatalim na kuko. Naging itim rin ang mga katawan nilang tila nababalutan ng naglalangis na balahibo. Humihiyaw ang kanilang galit habang sabay-sabay silang sumugod kay Esmeralda. Ngunit handa si Esmeralda sa laban.

Nakangising hinugot niya mula sa kanyang bag ang isang itak na balot na balot ng dasal ni Ismael. Kumislap sa dilim ang talim nito, animo'y nag-aapoy. Sa isang mabilis na galaw, sinalubong niya ang unang aswang na sumalakay. Mabilis niya itong dinamba at ginilitan ng leeg. Ang parteng nahiwa ng talim at umuusok at animo'y natutunaw dahil sa asin at bawang na ipinahid niya rito.

"Sige, lapit! Tingnan natin kung hindi kayo matupok ng kinakatakutan niyong asin at bawang!" Sigaw ni Esmeralda, sabay tagilid upang iwasan ang pagsunggab ng isa. Agad niyang isinaksak ang itak sa gilid nito.Napahiyaw ang nilalang at sumirit ang kulay itim na likido bago bumagsak ang nilalang sa sahig.

"Mateo, magmadali ka na, gawin mo na ang misyon mo." Utos ni Esmeralda at agad namang tumango ang binata. Bagaman nag-aalala, mas minabuti niyang sundin ang kanilang naunang plano. Dali-dali siyang pumasok at hinayaan na lamang kay Esmeralda ang mga bantay.

Patay-sindi ang mga ilaw sa loob at nakakahilo na rin ang amoy doon. Inilibot ni Mateo ang kaniyang mata, pilit na inaaninag kung saan ba ang daan patungo sa mga bihag.

Sa kaniyang pagmamasid isang lagusan ang kaniyang nakita kung saan isang matangkad na babae ang nakita niyang pumasok. Pasimple niya itong sinundan, dahan-dahan ang ginagawa niyang hakbang upang hindi siya agad matunugan.

Pakiramdam ni Mateo ay napakahaba ng lagusang iyon, madilim ang pasilyo at tanging maliliit na ilaw lang nagbibigay ng tanglaw sa nilalakaran nila.

"Saan ba papunta ang pasilyong ito, bakit parang pababa at pakitid naman ng pakitid ang daanan rito?" Tanong ni Mateo sa sarili. Agad namang kumunot ang noo niya nang makitang may binuksan ang babae, isang maliit na pinto at pumasok ito roon. Nagmamadali namang pinihit ni Mateo ang seradura at marahang binuksan ng pinto. Doon ay narinig niya ang mga ungol ng mga taong tila nahihirapan at magmamakaawa. May naririnig rin siyang mga iyak ng bata at pagmumura sa loob.

"Ito na nga, tama nga si Esme, may kulungan sa loob ng bahay-aliwan." Bulalas ni Mateo at dali-daling pumasok. Ngunit sa kaniyang pagpasok, isang matigas na bagay ang biglang humampas sa kaniyang likod dahilan para bumagsak siya sa sahig.

Nanlalabo ang mga matang pilit niyang inaninag kung sino ang humampas sa kaniya. Sa kaniyang nanlalabong mga mata, nakita niya ang matangkad na babae na nakangising nakatunghay sa kaniya.

"Napakatapang mo naman bata para pumasok nang mag-isa sa teritoryo namin. Dahil diyan, ihaharap kita sa aming pinuno."

Iyon ang huling narinig ni Mateo bago siya tuluyang nawalan ng malay.

Samantala, patuloy namang nakikipaglaban si Esmeralda sa labas, napakaraming karaniwang aswang pa ang sumusugod sa kaniya ngunit hindi umubra ang kahit isa sa mga ito dahil sa angking bilis at lakas ng dalaga. Lahat ng nagtatangka ay bumabagsak sa lupa nang wala nang buhay.