Chapter 12

Iyak at pagmamakaawa ang unang narinig ni Mateo nang muli siyang magkamalay, sumidhi agad ang sakit sa likod ng kaniyang leeg nang maalala niya ang nangyari. May humampas sa kaniya, kaya siya nawalan ng malay. Pinakiramdaman niyang mabuti ang kaniyang sarili at doon niya napagtantong nakaupo siya at nakatali sa bangko.

Nang tuluyan naman niyang maimulat ang kaniyang mga mata, doon niya nakita napapalibutan siya ng mga rehas na bakal, bata, matanda, may buntis rin at mga kalalakihan ang nakakulong doon. Pawang umiiyak at namamayat na rin dahil sa gutom. Hindi niya makilala ang mga ito pero sa tantiya niya, ito ang mga taong nawawala sa bayan at sa mga karatig bayan.

Lihim siyang napamura at hindi na nag-aksaya pa ng panahon at gumawa ng paraan para makaalis sa kaniyang pagkakatali.

"Bago ka, kahuhuli lang ba sa'yo? Huwag ka nang mag-aksaya ng panahon, hindi ka rin naman makakatakas. Hindi sila papayag na makatakas pa tayo rito." wika ng isang lalaki. Nilingon ito ni Mateo at ngumiti.

"Bakit ako mawawalan ng pag-asa kung alam kong may isang nakikipaglaban para mawakasan na ang lahat ng ito. Hindi ako nagsanay para lang sa wala." wika ni Mateo, kahit mahigpit ang pagkakatali sa kaniya, ginamit niya ang buong lakas niya upang mapaluwag iyon. Hindi nagtagal, kusang lumuwag naman ang tali at nahulog iyon sa likuran niya. Malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya at mabilis siyang kumilos upang kunin ang bag niya na hindi man lang pinag-aksayahan ng panahon ng mga aswang na itapon sa labas. Kinuha niya ang itak mula roon at isa-isang tinagpas ang mga bakal na kadena sa mga kulungan.

"Magmadali kayo, kumuha kayo ng mga pangontra sa bag na ito, mga lalaki, protektahan niyo ang mga bata at matatanda, sama-sama tayong lalabas sa lugar na ito. Naghihintay ang mga pamilya niyo sa inyong pagbabalik." saad pa ni Mateo. Tila nabuhayan naman ng loob ang mga tao at dali-dali sinunod ang binata. Nang makapaghanda na sila at akmang lalabas na ng lugar na iyon, isang babae ang muling pumasok sa naturang silid. Nanlalaki ang mga mata nitong napatingin sa kanila.

Ang gulat na rumihestro sa mukha nito ay dagli rin namang napalitan ng galit nang makitang papatakas na sila.

"Kung akala niyo ay naisahan niyo na ako dahil nahuli niyo ako, diyang kayo nagkakamali. Tingnan natin kung magagawa niyo pa akong mahuli ngayon." Wika ni Mateo, akmang iitakin niya ang babae, bigla naman itong sinabuytan ng asin ng isang babae. Humiyaw ang babae habang hawak ang nalalapnos nitong mukha, hindi pa man ito nakakabawi, mabilis naman siyang tinaga ni Mateo. sumirit ang maitim niutong dugo at bumagsak ito sa harapan nila. Dahil sa sigaw na ginawa ng babae, nabulabog naman ang iba pang nilalang na naroroon na sa loob. 

Umugong ang labanan sa pagitan ni Mateo at nang mga aswang. Sa una ay nahirapan si Mateo ngunit sa pagdaan ng mga minutong patuloy lang siya sa pakikipaglaban, nakabisado na niya ang mga galaw ng kalaban at naging mas komportable na siya sa paghawak ng itak. Hindi niya alintana ang mga dugong tumatalsik sa katawan niya sa bawat tagang iniaalay niya sa mga aswang na lumalapit sa kanila. Tulad ng ipinangako niya kay Esmeralda, tinulungan niyang makalabas ng bahay-aliwan ang mga bihag nito.

"Bilis lumabas na kayo, huwag niyong iiwan ang mga kasama niyo, siguruhin niyong walang maiiwan sa loob." Sigaw ni Mateo habang pinapatakbo ang mga tao. Sinigurado niyang walang natira sa loo ng mga kulungan bago niya kinuha mula sa bag niya ang isang galong gasolina at binuhos doon. Walang pagdadalawang-isip naman niyang sinindihan iyon na kaagad namang nilamon ng apoy ang lugar. Isinara niya ang pinto at mabilis na tumakbo palabas. Ngunit hindi pa man nakakaapak sa labas ng bahay-aliwan ang kaniyang mga paa, isang malakas na atungal ang nagpahinto kay Mateo. Tila umikot naman ang paningin niya dahil sa sobrang lakas ng atungal na iyon, ramdam ang galit at poot sa tunog na iyon na nagbigay ng matinding kilabot kay Mateo.

"Ano pa ba ang hinihintay mo riyan, " tawag ni Esmeralda at mabilis na hinaklit ang braso ng binata at hinatak na ito palabas. 

"Ano'ng nangyari, ano 'yon?" tanong ni Mateo at napatingin sa bahay-aliwan na noo'y dahan-dahan nang kinakain ng apoy. Muli silang nakarinig ng malakas na pag-angil na nagpayanig naman sa lupa. Nagsigawan ang mga tao nang makakita sila ng silweta ng mga nilala mula sa bubungan.

"Nasa bubong!" sigaw ng isang lalaki habang tinuturo ang bubungan.

"Sinasabi na nga ba at ikaw ang pangahas na sumugod sa teritoryong itinatag namin ng matagal na panahon." isang pamilyar na boses ang agad na nagsalita. Napangisi naman si Esmeralda at napatingala.

"Bakit hindi ka bumaba, para naman mabati kita ng maayos." Tawag ni Esmeralda at napalatak namana ng nilalang. "Ikaw ang bababa o ako ang aakyat diyan?" dagdag na tanong ni Esmeralda at humalakhak namana ng katabi nitong malaking lalaki.

"Sige tawa lang, lahat ng ipinunla niyo, tinapos ko na. Hangga't naririto ako sa mundong ito, hindi niyo magagawang magpaparami."

"Matapang ka bata! Hayaan mo at ako na mismo ang siyang tatapos sa'yo!" Sigaw naman ng malaking nilalang at tumalon ito sa baba para atakihin ang dalaga. Masayang sinalubong ni Esmeralda ang matutulis nitong kuko gamit ang kaniyang itak. Lumikha ng nakakapangilabot na atungal ang nilalang nang magsalubong ang itak niya at ang kuko nito. Mula sa isang kamay, hinagupit naman ng hawak niyang buntot-pagi ang mukha ng nilala at napaatras ito.

Napahawak ang nilalang sa duguang mukha nito habang patuloy na umaatungal sa sakit. "Hindi mo ako matatalo, babae!" bulyaw nito, ngunit halata ang panginginig sa boses nito. Hindi naman nagpatinag si Esmeralda, sa halip, hinigpitan niya ang kapit sa hawak na buntot-pagi, upang maging handa sa susunod niyang pag-atake.

"Hindi mo ako madadaan sa sindak!" matapang na tugon ni Esmeralda. Pinakawalan niya ang isang mabilis na hagupit gamit ang buntot-pagi, tumama ito sa tagiliran ng nilalang, dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Nagdilim ang paligid sa bilis ng galaw ni Esmeralda, tila isa siyang anino na hindi mahuli-huli ng mata.

Sumubok pa ring bumangon ang nilalang, ngunit bago pa ito makaporma ay muli nang bumagsak ang talim ng itak ni Esmeralda sa balikat nito. Nagpakawala ito ng nakabibinging hiyaw, kasabay ng pagbagsak ng malagkit na dugo sa lupa.

"Ngayon mo ako sindakin, halimaw. Masyado na kayong nagkalat sa lugar na ito, oras na para linisin ang lugar na ito at sisimulan ko sa'yo at sa mga alipores mo!" Sigaw ni Esmeralda habang unti-unting lumalapit sa nilalang, ang kaniyang itak ay kumikinang sa ilalim ng malamlam na liwanag ng buwan. Sa huling lakas ng nilalang, sinubukan nitong umatras, ngunit tila binalot na ito ng matinding takot sa kamat*yang papalapit na sa kaniya.

"Suko na ako!" sigaw nito, nanginginig ang boses. Ngunit, hindi tinatanggap ni Esmeralda ang pagsuko ng mga halimaw na walang awa. Lumapit pa siya, ang kaniyang mga mata'y nag-aalab ng determinasyon, kasabikan at tapang, at iniangat ang hawak na buntot-pagi para sa huling hagupit.

Tila kidlat na bumaba ang buntot-pagi sa katawan ng halimaw, ilang beses pa itong malupit na humagupit sa nilalang habang hindi naman magkamayaw itong nagsisisigaw sa sakit. Walang nagawa ang mga kasama nito dahil kapag sinusubukan nilang lumapit ay sila naman ang nakakatikim sa walang habas na hagupit ni Esmeralda.

Literal na walang nagawa si Mateo sa pagkakataong iyon dahil tila ba naging isang hayok na halimaw na rin si Esmeralda sa pakikipaglaban. Hindi rin niya masundan ang bilis ng mga kilos ng dalaga. Animo'y hindi ito normal para sa isang babaeng tulad ni Esme.

Makaraan pa ang ilang minuto, ang limang aswang ay namimilipit na sa sakit sa lupa, habang ang lider ng mga ito ay wala nang buhay at halos magkandalasog-lasog ang katawan nito dahil sa ginawa ni Esmeralda.

"Sunugin niyo na ang mga ito. Wala na silang silbi sa akin." Wika ni Esmeralda.

Nagningning ang mga mata ni Esmeralda habang sinasammbit ang mga salitang iyon. Tumango si Mateo, tanda ng paggalang sa hatol ng dalaga. Gamit ang gasolina, mabilis niyang binuhos ang natitira sa galon na dala niya at sinindihan ang mga ito nang walang tanong-tanong. Ang mga nilalang na kanina'y nagmamakaawa ay agad nilamon ng nanggagalit na apoy. Tila ba ang apoy ang siyang naging huling parusa para sa mga ito, dahil buhay silang tinutupok nito, paunti-unti, dahan-dahan at lahat ng sakit na dinulot nila sa kanilang mga biktima at bihag ay tila pinalalasap din sa kanila sa pamamagitan ng apoy na iyon.

Kitang-kita nang mga bihag ang pagkatupok ng mga nilalang na nagpahirap sa kanila. Nakaluhod pa ang mga ito habang umiiyak na nagpapasalamat na sa wakas ay nagawa na ring mawakasan ang kalupitan ng mga ito sa kanila. Dahil sa pagkasunog ng lugar, nagsilabasan na rin ang mga taong nakatira sa malapit upang makiusyuso. Ang iba ay mga pamilya ng mga nawala na nagulat pa sa kanilang nasaksihan.

Makahalo ang tuwa at iyak nang muli nilang makita ang kani-kanilang mga kamag-anak na nawawala. Umugong ang iyakan at pagpapasalamat sa paligid hanggang sa isang sigaw ang umalingawngaw sa gitna ng kasiyahan.

"Hindi, bakit niyo sinunog, paano na ang mga ginto ko!" Sigaw ni Kapitan. Halos manikluhod siya sa harap ng nasusunog na bahay-aliwan, hindi alam kung ano ba ang unang gagawin.

"Ginto? Simula't sapol, walang ginto kapitan. Bakit hindi mo tingnan ang mga gintong ibinigay sa iyon noon, kung ginto pa rin ba hanggang ngayon." Natatawang wika ni Esmeralda.

Nanlalaki ang mga matang napatingin si Kap sa dalaga. Mabilis niyang dinukot ang kaniyang bulsa at ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo nang matagpuang naging dahon ang mga inaakalang ginto sa kaniyang bulsa.