Chapter 13

"Hindi!!!"

Kasabay ng masalimuot na sigaw ng Kapitan ang pagbagsak ng natutupok na bahay-aliwan. Ang dating magarbong lugar na naging tahanan ng masasamang nilalang at nagdulot ng pait at pagdurusa sa mga taong nabiktima ay naging abo na.

Naging masaya ang lahat sa kinahinatnan ng laban maliban sa isa— si kapitan. Kabaligtaran ng kasiyahan ang nararamdaman nito, tila dinaig pa ni kapitan ang natalo sa sabong.

"Kap, siguro naman oras na para bigyan mo ng kaukulang sagot ang lahat ng katanungan ng mga tao, marami ang naperuwesiyo dahil sa pagdating ng mga nilalang na iyon, at wala kang ginawa para protektahan ang nasasakupan mo, bagkus, kinosente mo pa ang talamak na pangbibiktima ng mga dayong aswang dito sa lugar niyo." wika ni Mateo sa nakayukong kapitan. Dahil sa sinabing iyon ng binata, nakuha nito ang atensiyon ng mga tao. Dito nagsimulang kuyugin ng mga tao ang kapitan at wala na itong nagawa kun'di tanggapin ang lahat ng dagok at pananakit ng mga tao sa kaniya. Tila ba sa isang iglap na iyon, kasabay na natupok ng apoy ang lahat ng inhibisyon ng kapitan at naging isang manika na lamang ito na walang kaluluwa.

Natapos ang gabing iyon na punong-puno ng samo't saring emosyon ang namayani sa kanila. Panay naman ang buntong-hininga ni Esmeralda habang nakatingin sa mga nabihag ng mga aswang. May iilan na sa kanila ang may simptomas ng yanggaw at kailangan maagapan bago pa man sila atakihin ng kani-kanilang mga gutom. Isa na rin sa nayanggaw ang kapatid ni Chona, isa ito sa mga nakasama ni Mateo na tumakas mula sa kulungan sa loob ng bahay-aliwan.

Hindi naman magkamayaw ang iyak ni Chona nang makitang buhay ang kaniyang nakatatandang kapatid. Sobrang payat na ito, at nangangalumata na rin dahil sa sobrang pagpipigil ng gutom. Ayon pa rito, nitong huling mga araw na lang nagtagumpay ang mga iyon na salinan siya ng pagka-aswang dahil na rin, hindi siya kumakain o umiinom ng kahit ano na ibinibigay ng mga ito. 

"Paano mo magagawang kumain o uminom kung alam mong napakaraming tao ang dumadaan sa harapan nila na nagiging pagkain lamang ng mga halimaw na iyon? Kahit siguro bata ay mawawalan ng gana, walang gabi o araw na hindi kami nakakakita ng dugo. Halos kahit ang amoy ng hangin ay napakalansa na." Dagdag pa nito habang nilalapatan ng paunang lunas ang kaniyang mga natamong sugat.

Kasalukuyan silang nasa loob ng baranggay hall, dahil nagawa na rin nilang patalsikin ang kapitan, malaya nilang nagamit ang lugar bilang pansamantalang pagamutan ng mga nabiktima. pasikat na ang araw nang dumating si Ismael sa lugar bitbit ang kaniyang mga gamit. Sa pagkakataong iyon, nagpapahinga naman si Mateo at Esmeralda sa bahay nila Chona, si Chona, kasama ang iba pang mga kababaihan ang siyang naging katuwang ni Ismael sa pagbibigay ng mga gamot sa nayanggaw.

Halos hapon na din nang matapos ni Ismael ang lahat ng naging pasyente niya at doon pa lamang sila bumalik sa kanilang bahay. Baon ang isang basket na punong-puno ng gulay at mga alagang hayop tulad ng manok at kambing, na inialay ng mga tao bilang pasasalamat sa kanila. Magaan na ang loob ni Esmeralda na nilisan ang lugar na iyon. Pagdating sa bahay ay agad namang nagpaalam ang dalaga para umakyat ng bundok para sa panata nito tuwing nagtatagumpay siya sa kaniyang misyon.

Sa harap ng isang puno ng balete sa tuktok ng bundok, kung saan sila unang naninirahan, tahimik na inilapag ni Esmeralda ang basket ng mga alay sa kanila. Naglalaman iyon ng labindalawang itlog na puti, tatlong magkakaibang klase ng gulay na gumagapang, isang itim na buhay na manok at isang inakay na kambing. Nagsiga rin siya ng uling sa maliit na lata at naglagay ng kamangyan upang magpausok. Kasabay nito ang tahimik niyang pag-aalay ng dasal at pagpapasalamat sa mga gabay na ibinigay sa kaniya ng kaniyang mga kaibigan habang nasa labanan siya. Isang uwak ang dumapo sa kaniyang balikat at lumikha iyon ng kaaya-ayang tunog na tila ba sinasaliwan ang kaniyang pagdarasal.

Matapos ang kaniyang pagdarasal, naupo siya at sumandal sa puno ng balete at tiningala ang papadilim nang kalangitan.

"Salamat, maraming salamat sa tulong niyo. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ko mapagtatagumpayan ang laban na iyon." wika ni Esmeralda. Marahang hinimas ng dalaga ang maitim na balahibo ng uwak na tila nagustuhan naman nito. Napangiti ang dalaga at bahagya pang natawa dahil tila pusa itong nagugustuhan ang paghimas niya sa leeg nito. 

"Pasensiya na kayo kung ngayon lang ulit ako nakaakyat rito, hindi na tulad nang dati na tuwing hapon ay naaalayan ko kayo ng dasal at mga pagkain. Alam ko namang naiintindihan niyo ako, hayaan niyo, sa susunod, hahanap ako ng puno doon na malapit sa bahay para maging bahay niyo, nang sa gayon, hindi ko na kailangan pang umakyat nang pagkalayo-layo at hindi niyo na rin kailangan maghintay ng matagal sa akin." Saad pa ng dalaga.

Bagaman nasasanay na siya sa buhay nila doon sa patag, hindi pa rin niya mawala sa sarili niya ang hanap-hanapin ang buhay nila dito sa bundok. Sariwa ang hangin at tahimik ang lugar, panatag ang kalooban ni Esmeralda sa tuwing nakakasama niya ang kabundukan, ang mga puno at halaman, maging ang mga ligaw na hayop na minsan ay sumasama sa kaniyang pamamahinga.

Ilang oras din siyang namalagi roon upang magnilay bago siya tuluyang magdesisyong umuwi. Malalim na ang gabi nang dumating si Esmeralda sa bahay, dretso siyang pumunta sa kusina at nakita niyang may pagkaing iniwan doon si Ismael. Kumain lang siya at saka nagpahinga.

Lumipas pa ang isang linggo at tuluyan na ngang nanumbalik ang kapayapaan sa kabilang bayan. Nagluklok sila ng bagong kapitan at lahat ng naging biktima ay gumaling na at nanumbalik na rin ang sigla.

Balik trabahong bukid na rin si Mateo at kasalukuyang nagbubungkal ng lupa nang dumating si Esmeralda, isang araw.

"Mat, natingnan mo ba ang mga tanim nating luya?" Tawag ni Esmeralda.

Huminto naman sa pagbubungkal ang binata at nilingon ang dalaga.

"Esme, ikaw pala. Oo, maganda ang tubo ng mga luya at may iilan na rin ang may laman. Bakit, kailangan ba ni Manong Ismael ang luya?" Tanong ni Mateo at napangiti naman si Esmeralda. Mabilis pa sa alas kuwatro na lumapit siya sa taniman at personal na sinuri ang mga tanim nila. Ganoon na lamang ang tuwa niya nang mapatunayang tama ang sinabi ni Mateo sa kaniya.

"Naku, ang galing niyo naman, may laman na agad kayo. Ang ganda talaga ng lupa rito. Mabuti na lang talaga at naisipan kung itanim kayo rito. Dahil diyan, araw-araw ko kayong bibisitahin rito at bibinyagan hanggang sa lumaki na kayo." Tuwang-tuwa na wika ni Esmeralda. Natawa naman si Mateo dahil sa pagkausap ng dalaga sa mga luya nito.

"O, bakit, may problema ka ba sa pagkausap ko sa mga tanim ko? Makatawa ka naman diyan." Nakasimangot na sita ni Esmeralda. .

"Ha, masama ba ang tumawa? Nakakatuwa ka lang kasi, ngayon lang ako nakakita ng isang babae na kumakausap ng halaman." Tatawa-tawang sagot naman ng binata. Napaismid naman si Esmeralda at pinagpatuloy lang ang pagkausap niya sa mga tanim niya.

Hindi na lamang niya pinansin ang panunukso ng binata. Hanggang sa isang babae ang napadaan sa taniman nila at tinawag si Mateo.

"Mateo, aba mukhang magaganda na naman ang tubo ng pananim mo ah, siguradong marami na naman ang aanihin mo sa anihan." Puna ng babae.

"Aling Ester, kayo ho pala. Magandang umaga ho, oo nga po, siguradong matutuwa na naman si Lolo Armando," sang-ayon naman ng binata.

"Aba'y sinabi mo pa. Eh, maiba ako Mateo, sino ba iyang kasama mo?" Tanong ng babae nang mapansin si Esmeralda.

"Siya po si Esmeralda, apo ni Lolo Armando. Anak po ni Manong Ismael." Simpleng sagot naman ng binata. Halata ang pagkagulat sa mukha ng babae at muli nitong pinasadahan ng tingin si Esmeralda.

Ngumiti naman si Esmeralda at magalang na binati ang ginang.

"Magandang umaga rin hija, sige maunan na pala ako. Ikamusta mo nalang ako sa lolo at tatay Ismael mo ." Wika ng ginang at umalis na rin. Nagkibit-balikat na lamang si Esmeralda at muli nang binalikan ang pakikipag-usap niya sa mga tanim.

Pagsapit ng tanghali, sabay nang tinungo ni Mateo at Esmeralda ang bahay upang doon magtanghalian. Ngunit hindi pa man din sila nakakapasok, rinig na rinig na nila ang pagtatalo sa loob. Boses ng babae ang nangingibabaw habang panaka-naka nilang naririnig ang pagsagot naman ni Lolo Armando.

"Hala,mukhang si Tiya Silma iyon ah. Bakit parang galit siya?" Nagtatakang tanong ni Mateo.

Napangiti nang mapait si Esmeralda at tinago ang inis na nararamdaman. Panigurado kasing kung ano-ano na naman ang binabato nitong masasakit na salita sa kaniyang amang.

Tuloy-tuloy na silang pumasok at doon nga nila nakita ang isang matabang babae na walang tigil sa pagsasalita. Habang si Ismael naman ay tila binging nakaupo lamg habang ngumingiti pa.

"Ayos lang naman sana kung bumalik ka, kung hindi mo kasama ang babaeng nagdadala ng kamalasan sa pamilyang ito. Hindi ka pa ba nadala kuya?"

Agad na napatingala si Ismael sa narinig. Kaninang halos tungkol lahat sa kaniya ang tinatalak nito ay wala siyang pakialam, ngunit iba na ang usapan kapag nasasali na si Esmeralda. .

"Huwag mong idadamay ang anak ko rito Silma!" Galit na wika ni Ismael.

"O bakit, totoo naman 'di ba? Dahil sa babaeng iyon, namat*yan ka ng asawa at dahil rin sa kaniya, nawalan din ako ng asawa!" Histerikal na wika ni Silma.

"Silma, tumigil ka na. Bahay ko ito at wala kang karapatang pagsalitaan ng ganiyan ang kapatid mo o si Esmeralda. Walang kasalanan ang bata dahil wala pa siyang kamuwang-muwang noon. Hindi niya kasalanan kung naparusahan ang asawa mo, kasalanan niya iyon, bakit ba hindi mo maintindihan?" Galit na sigaw ni Armando sa anak, marahas na inihampas nito ang kamay sa mesa na naglikha ng malakas na tunog.

Napaatras naman si Esmeralda nang makitang nagiging mainit na ang diskusyon sa loob ng bahay. Natuon amg pansin niya sa sinabi ni Silma na siya ang dahilan ng pagkawala ng asawa ni Ismael. Ang buong akala niya kasi ay walang asawa ang amang niya, hindi niya alam na namatay pala ito at siya ang dahilan nang pagkamatay nito.